Ang makasaysayang Clay County Jail sa Liberty, Missouri, na kilala ngayon bilang Liberty Jail, ay ang lugar kung saan nangusap ang Panginoon ng kapayapaan at nagbigay ng banal na patnubay kay Propetang Joseph Smith noong Marso 1839.
Noong Nobyembre 1, 1838, inaresto ng mga miyembro ng Missouri state militia si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan noon sa Far West, Missouri, at dinala sila sa Richmond sa kasong pagtataksil. Makaraan ang isang buwan ng mga paglilitis sa hukuman, sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, Hyrum Smith, Lyman Wight, Caleb Baldwin, at Alexander McRae ay ikinulong sa Clay County Jail sa Liberty para hintayin ang paglilitis sa kanila sa kasunod na tagsibol. Pinakawalan ng isang hukom si Sidney Rigdon sa unang bahagi ng Pebrero 1839 dahil nagkasakit siya. Ang iba ay nanatiling nakabilanggo nang walang piyansa mula Disyembre 1, 1838, hanggang Abril 6, 1839.
Itinayo ng mga mamamayan ng Liberty, Missouri, ang Clay County Jail sa pagitan ng 1830 at 1833. Mayroon itong dalawang kuwadradong silid, na magkapatong. Ang tanging labasan ng kulungan ay sa isang bukasan sa itaas na silid na may dalawang pinto—isang bukasan sa loob at isang bukasan sa labas—na may apat-na-talampakang kapal ng pader na bato sa pagitan. May dalawang maliliit na bintana sa basement na pinapasukan ng liwanag at dito inilulusot ng mga bisita ang mga liham o sulat sa mga bilanggo.
Si Joseph Smith at ang kanyang mga kasama ay nagkasakit, sinipon, at dumanas ng maraming hirap ng katawan sa loob ng bilangguan. Marahil ang pinakamahirap na pagsubok ay ang malaman na ang kanilang mga kapamilya at kaibigan ay dumaranas ng pang-uusig at wala silang magawa para pigilan ito. Sa pagtatapos ng kanilang pagkabilanggo, nagdasal si Joseph sa Diyos para sa pang-unawa at kaligtasan. Bilang sagot, inalo ng Panginoon si Joseph at naghayag ng banal na patnubay at walang hanggang katotohanan. Isinulat ni Joseph ang mga salita ng Tagapagligtas sa dalawang liham sa buong Simbahan. Ang mga bahagi ng mga liham na iyon ay nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 121
Wala na ang orihinal na Liberty Jail. Isang bagong hukuman na itinayo noong 1856 ang pumalit sa Liberty Jail, na naging dahilan para magiba at hindi na makumpuni pa ang lumang gusali. Binili ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang lupa noong 1939, at inilaan ni Pangulong Joseph F. Smith ang bagong visitors’ center noong Setyembre 15, 1963. Ang mga pagbisita sa ngayon ay nagtatampok ng full-scale model ng piitan, na nagpapakita ng dimensiyon at pagkakagawa nito. Sa iba pang bahagi ng visitors’ center, ipinakikita ng mga exhibit ang kuwento ni Joseph Smith at ng iba pang mga bilanggo, kanilang mga pamilya, at ang malalim na mga paghahayag na nagmula sa lugar na ito.
Mayroong paradahan at mga palikuran.
Accessibility
Paradahan
May magagamit na paradahan para sa may mga kapansanan sa hilagang bahagi ng gusali, sa pagitan ng Main Street at Gallatin Street.
Mobility Accessibility
Labas
Walang hagdan na pasukan sa gusali mula sa gawing hilagang-silangan papunta sa gawing timog-silangan
Hagdan na papunta sa pasukan sa gawing timog-silangan
Loob
Maaaring mag-tour sa first floor, na may opsiyon na bumaba sa hagdan na nasa rotunda para makita nang mas malapitan ang piitan