“Kabanata 24: Ang Pangalan ng Simbahan ng Tagapaligtas,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2023)
“Kabanata 24,” Mga Turo: Russell M. Nelson
Kabanata 24
Ang Pangalan ng Simbahan ng Tagapaligtas
Ipinapangako ko sa inyo na ang maingat na pagtutuon natin sa tamang paggamit sa pangalan ng Simbahan ng Tagapagligtas at sa mga miyembro nito ay magdudulot ng ibayong pananampalataya at pagtatamo ng mas malaking espirituwal na kapangyarihan sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan.
Mula sa Buhay ni Russell M. Nelson
Sa buong panahon ni Pangulong Russell M. Nelson bilang General Authority, ang tanong tungkol sa paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan ay paulit-ulit na isyu. Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson:
“Sa tuwing nais ng isang departamento o organisasyon ng Simbahan na gamitin ang salitang Mormon o ang mga inisyal na LDS sa ilang paraan, muling napag-uusapan ang isyung ito. Ang patuloy na debate tungkol sa mga ‘palayaw’ na ito ay palaging nakatuon sa paniniwala ng marami na ang Mormon at LDS ay masyadong nakaugat lamang sa leksikon ng Simbahan para itapon. Ang pangunahing website ng Simbahan ay lds.org; ang mga email ng mga lider at empleyado ng Simbahan ay nagtapos sa @lds.org. Mahaba ang listahan ng iba pang mga paggamit—Ang Mormon Tabernacle Choir, LDS Social Services, ang ‘I’m a Mormon’ campaign, Mormon.org, at ang Mormon Channel ay ilan lamang sa mga halimbawa.
“Ipinahayag ng karaniwang paniniwala na ang pagbibigay-diin sa tamang pangalan ng Simbahan ay hindi magagawa—na hindi ito tatanggapin ng media, na sa panahong digital na ito ay huli na para gawin ang gayong malaking pagbabago sa online, at na tayo bilang mga miyembro ng Simbahan ay kabilang sa mga mahihirapang gawin ang pagbabagong ito. … Gayunpaman, wala ni isa rito ang makakapagbago ng katotohanan na marami sa amin sa Headquarters ang nakakaalam na ito ay isang problema na kailangan naming tugunan.”
Noong Mayo 2018, naglakbay sandali si Pangulong Nelson kasama si Pangulong M. Russell Ballard, ang Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawa. Pinag-usapan nila nang mahaba ang isyung ito. Nang makauwi, muling binanggit ni Pangulong Nelson ang isyung ito sa kanyang mga tagapayo, at nadama nila na panahon na para ayusin ito. Pagkatapos ay nagpadala si Pangulong Nelson ng liham kay Pangulong Ballard na nag-aatas sa Korum ng Labindalawa na lutasin ang problemang ito.
Noong Agosto 16, 2018, naglabas ng pahayag si Pangulong Nelson tungkol sa kahalagahan ng pangalan ng Simbahan. Pagkaraan ng anim na linggo, sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2018, nagsalita siya tungkol sa kahalagahan ng paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan. Sa pamumuno ni Pangulong Ballard, sa loob ng isang taon ay binago ang mga pangalan ng mga website, email address, social media page, at marami pang ibang entidad.
“Kung ito ay naging talakayan tungkol sa pagpapangalan ng isang organisasyong gawa ng tao, [ang mga argumento ng ating mga kritiko] ay maaaring nanaig,” sabi ni Pangulong Nelson. “Ngunit ang mga paraan ng Panginoon ay hindi mga paraan ng tao. Nakaramdam kami ng tiwala na kung magtitiyaga kami at gagawin namin nang maayos ang aming bahagi, papatnubayan kami ng Panginoon sa mahalagang gawaing ito.”
Mga Turo ni Russell M. Nelson
Malinaw na sinabi ng Tagapagligtas ang dapat ipangalan sa Kanyang Simbahan
Itinimo ng Panginoon sa aking isipan ang kahalagahan ng pangalang ibinigay Niya para sa Kanyang Simbahan, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. …
Hindi si Joseph Smith ang nagbigay ng pangalan sa Simbahang ipinanumbalik sa pamamagitan niya; hindi rin si Mormon. Ang Tagapagligtas mismo ang nagsabing, “Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” [Doktrina at mga Tipan 115:4].
Kahit bago pa iyon, noong AD 34, iyon din ang bilin ng ating nabuhay na mag-uling Panginoon sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan nang dalawin Niya sila sa mga lupain ng Amerika. Noo’y sinabi Niya:
“Tatawagin ninyo ang simbahan sa aking pangalan. …
“At paano ito magiging simbahan ko maliban kung ito ay tinatawag sa aking pangalan? Sapagkat kung ang isang simbahan ay tinatawag sa pangalan ni Moises, kung gayon iyon ay simbahan ni Moises; o kung iyon ay tatawagin sa pangalan ng isang tao kung gayon iyon ay simbahan ng isang tao; ngunit kung ito ay tinatawag sa aking pangalan kung gayon ito ay aking simbahan” [3 Nephi 27:7–8].
Samakatwid, ang pangalan ng Simbahan ay hindi pinag-uusapan. Kapag malinaw na ipinapahayag ng Tagapagligtas ang dapat ipangalan sa Kanyang Simbahan, at inuunahan pa Niya ng pahayag na, “Sa ganito tatawagin ang aking simbahan,” seryoso Siya. At kung ginagamit at hinihiram o kinukunsinti pa natin ang mga palayaw na iyon, nasasaktan Siya.
Tanong sa Pag-aaral
Ano ang naging kaibhan nito sa buhay ninyo dahil ginamit ninyo ang buong pangalan ng Simbahan sa inyong mga pag-uusap?
Ang paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan ay mahalagang paraan ng pagtataglay natin ng pangalan ng Tagapagligtas
Ano ang nakapaloob sa isang pangalan, o sa kasong ito, sa isang palayaw? Pagdating sa mga palayaw ng Simbahan, tulad ng “Simbahan ng LDS,” ang “Simbahan ni Mormon,” o ang “Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw,” ang pinakamalinaw na nawawala ay ang pangalan ng Tagapagligtas. Malaking tagumpay para kay Satanas ang maalis ang pangalan ng Panginoon sa Simbahan ng Panginoon. Kapag inaalis natin ang pangalan ng Tagapagligtas, unti-unti nating binabalewala ang lahat ng ginawa ni Jesucristo para sa atin—maging ang Kanyang Pagbabayad-sala.
Isipin ito ayon sa Kanyang pananaw: Bago Siya isinilang, Siya si Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan. Sa utos ng Kanyang Ama, Siya ang Lumikha ng daigdig na ito at ng iba pang mga daigdig [tingnan sa Moises 1:33]. Pinili Niyang sundin ang kalooban ng Kanyang Ama at gawin ang isang bagay para sa lahat ng anak ng Diyos na wala nang ibang makagagawa! Nagpakababang pumarito sa lupa bilang Bugtong na Anak ng Ama sa laman, Siya ay buong lupit na nilait, kinutya, dinuraan, at hinagupit. Sa Halamanan ng Getsemani, inako ng ating Tagapagligtas ang bawat pasakit, bawat kasalanan, at lahat ng sakit at pagdurusang naranasan natin at ng lahat ng nabuhay o mabubuhay pa kailanman. Sa bigat ng napakasakit na pasaning iyan, nilabasan Siya ng dugo sa bawat butas ng balat [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:18]. Lahat ng pagdurusang ito ay tumindi nang Siya ay malupit na ipinako sa krus ng Kalbaryo.
Sa napakasakit na mga karanasang ito at sa Kanyang sumunod na Pagkabuhay na Mag-uli—ang Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala—pinagkalooban Niya ng imortalidad ang lahat, at tinubos ang bawat isa sa atin mula sa mga epekto ng kasalanan basta’t nagsisi tayo.
Kasunod ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas at ng pagkamatay ng Kanyang mga Apostol, dumanas ng daan-daang taon ng kadiliman ang daigdig. Pagkatapos noong 1820, nagpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo kay Propetang Joseph Smith para pasimulan ang Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Panginoon.
Pagkatapos ng lahat ng tiniis Niya—pagkatapos ng lahat ng ginawa Niya para sa sangkatauhan—sising-sisi ako nang matanto ko na pumayag tayo nang hindi namamalayan na tawagin ang ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon sa ibang mga pangalan, na bawat isa’y nag-aalis sa sagradong pangalan ni Jesucristo!
Tuwing Linggo habang marapat tayong tumatanggap ng sakramento, nagpapanibago tayo ng sagradong pangako sa ating Ama sa Langit na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ng Kanyang Anak na si Jesucristo [tingnan sa Moroni 4:3]. Nangangako tayong susundin Siya, magsisisi, susundin ang Kanyang mga kautusan, at lagiSiyang aalalahanin.
Kapag inaalis natin ang Kanyang pangalan sa Kanyang Simbahan, sadyang inaalis natin Siya bilang pinakamahalagang pinagtutuunan ng ating buhay.
Kasama sa pagtataglay natin ng pangalan ng Tagapagligtas ang pagpapahayag at pagsaksi sa iba—sa ating mga salita at gawa—na si Jesus ang Cristo. Sobra na ba ang takot nating magalit ang isang tao na ang tawag sa atin ay “mga Mormon” kaya hindi natin maipagtanggol ang Tagapagligtas mismo, para manindigan para sa Kanya maging sa pangalang itinatawag sa Kanyang Simbahan?
Kung gusto natin bilang isang grupo at bilang mga indibiduwal na magkaroon ng bisa sa atin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo—para linisin at pagalingin tayo, palakasin at luwalhatiin tayo, at sa huli ay dakilain tayo—malinaw nating kilalanin na Siya ang pinagmumulan ng kapangyarihang iyon. Makapagsisimula tayo sa pamamagitan ng pagtawag sa Kanyang Simbahan sa pangalang ibinigay Niya.
Tinataglay natin ang pangalan ng Panginoon sa ating mga sarili bilang mga indibiduwal. Tinataglay din natin ang Kanyang pangalan bilang isang grupo ng mga tao. Ang pagiging masigasig sa paggamit ng tamang pangalan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang mahalagang paraan na tinataglay natin bilang isang grupo ng mga tao ang Kanyang pangalan.
Tanong sa Pag-aaral
Ano ang ilang sitwasyon kung saan maaari kayong magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng paggamit ng buong pangalan ng Simbahan?
Sa pamamagitan ng Simbahan, naisasagawa ng Panginoon ang Kanyang gawain
Tunay na ang bawat salita na nagmumula sa bibig ng Panginoon ay mahalaga. Kaya ang bawat salita sa [pangalan ng Simbahan] ay dapat mahalaga—itinalaga ng Diyos sa isang dahilan. Kung pag-aaralan natin ang mahahalagang salita sa pangalang iyon, mas mauunawaan natin ang buong kahalagahan ng pangalan. …
Ang unang dalawang salita ng pangalang pinili ng Panginoon para sa Kanyang organisasyon sa lupa ay Ang Simbahan.
Pansinin na ang pantukoy na Ang ay nagsisimula sa malaking titik. Mahalagang bahagi ito ng titulo, dahil ang Simbahan ang opisyal na organisasyon ng mga nabinyagang mananampalataya na nagtataglay ng pangalan ni Cristo [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:21–25].
Ang pundasyon ng Simbahan ay ang katotohanan na ang Diyos ang ating Ama at ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Pinatutunayan ng patotoo at inspirasyon ng Espiritu Santo ang mga katotohanang iyon.
Sa pamamagitan ng Simbahan, naisasagawa ng Panginoon ang Kanyang gawain at naipagkakaloob ang Kanyang kaluwalhatian. Ang mga ordenansa at kaugnay na tipan nito ang pinakamahalagang gantimpala ng ating pagiging miyembro. Bagama’t maraming organisasyon ang maaaring makapagbigay ng pakikipagkapatiran at mabuting tagubilin, tanging ang Kanyang simbahan lamang ang makapagbibigay ng binyag, kumpirmasyon, ordenasyon, sakramento, mga patriarchal blessing, at mga ordenansa ng templo—lahat ay ipinagkaloob ng awtorisadong kapangyarihan ng priesthood. Ang kapangyarihang iyan ay nakatakdang pagpalain ang lahat ng anak ng ating Ama sa Langit, anuman ang kanilang nasyonalidad:
“Ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay ipinagkatiwala sa tao sa mundo, at mula rito ang ebanghelyo ay lalaganap hanggang sa mga dulo ng mundo” [Doktrina at mga Tipan 65:2]. …
Ang simbahan na ito, na itinatag sa ilalim ng pamamahala ng Makapangyarihang Diyos, ang nagsasakatuparan sa mga pangakong ginawa noong panahon ng Biblia. Ito ay bahagi ng “pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos noong una sa pamamagitan ng bibig ng kanyang mga banal na propeta.” (Mga Gawa 3:21.) Ito ay ipinanumbalik at binigyan ng pangalan ng Panginoon.
Ibinigay niya ang matinding babala na ito: “Lahat ng tao ay mag-ingat kung paano nila sinasambit ang aking pangalan sa kanilang mga labi.” “Tandaan,” idinagdag Niya, “yaong nagmumula sa kaitaasan ay banal, at kailangang sambitin nang may pag-iingat” [Doktrina at mga Tipan 63:61, 64]. Samakatuwid, tulad ng paggalang natin sa Kanyang banal na pangalan, iginagalang din natin ang pangalan na Kanyang iniutos na itawag sa Kanyang simbahan.
Bilang mga miyembro ng Kanyang simbahan, pribilehiyo nating makibahagi sa banal na tadhana nito. Nawa’y parangalan natin Siya na nagpahayag, “Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan … Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” [Doktrina at mga Tipan 115:4].
Tanong sa Pag-aaral
Sa anong mga paraan isinasagawa ng Tagapagligtas ang Kanyang gawain at ipinagkakaloob ang Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng Kanyang Simbahan?
Ang pangalan ng Simbahan ay nagtataglay ng sagradong pangalan ni Jesucristo
Sa banal na tagubilin, ang pangalan ng Simbahan ay nagtataglay ng sagradong pangalan ni Jesucristo, na ang simbahan ay ito. Hindi lang minsan Niya itong iniutos. …
Sinasamba natin ang Diyos Amang Walang Hanggan sa pangalan ng Kanyang Anak sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kilala natin ang premortal na si Jesus na si Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan. Alam natin na Siya ang “[pangunahing] batong panulok” na pinagbabatayan ng organisasyon ng Kanyang Simbahan [Efeso 2:20]. Kilala natin na Siya ang Bato na pinagmumulan ng paghahayag sa Kanyang mga awtorisadong kinatawan at sa lahat ng karapat-dapat na naghahanap sa Kanya [tingnan sa Helaman 5:12; Doktrina at mga Tipan 88:63].
Alam natin na Siya ay naparito sa mundo upang gawin ang kalooban ng Kanyang Ama, na nagsugo sa Kanya [tingnan sa 3 Nephi 27:13]. Ang Kanyang banal na misyon ay isagawa ang Pagbabayad-sala, na siyang magkakalas ng mga gapos ng kamatayan at magbibigay sa atin ng kakayahang tumanggap ng imortalidad at buhay na walang hanggan.
Patuloy pa rin ang banal na misyon ng buhay na Panginoon. Balang araw ay tatayo tayo sa harap Niya para hatulan. Ibinadya Niya ang pangyayaring iyon:
“Sinuman ang magsisisi at mabibinyagan sa aking pangalan ay mapupuspos; at kung siya ay magtitiis hanggang wakas, masdan, siya ay pawawalan ko ng sala sa harapan ng aking Ama sa araw na yaon kung kailan ako tatayo upang hatulan ang sanlibutan” [3 Nephi 27:16].
Pinagpipitaganan natin ang pangalan ni Jesucristo. Siya ang ating nabuhay na mag-uling Manunubos.
Tanong sa Pag-aaral
Ano ang ilang paraan kung saan si Jesus ang “[pangunahing] batong panulok” ng Simbahan?
Sa mga huling araw, ang Espiritu ng Panginoon ay ibubuhos sa lupa
Ang katagang huling araw ay lubhang mahirap para sa mga tagasalin sa mga wika na walang magandang katumbas na kataga para dito. Ang ilang mga tagapagsalin ay maaaring magmungkahi ng huling araw.
Totoo na ang mga banal na kasulatan ay nagbabadya ng mga huling araw ng temporal na pag-iral ng mundo bilang telestiyal na kalagayan. Ang mundo ay paninibaguhin at tatanggap ng malaparaiso, o terestriyal na kaluwalhatian. Sa huli, ang mundo ay magiging selestiyal.
Nabubuhay tayo sa mga huling araw na iyon, at talagang kahanga-hanga ang mga ito. Ang Espiritu ng Panginoon ay ibinubuhos sa lahat ng naninirahan sa mundo, tulad ng ipinropesiya ni Propetang Joel. Ang kanyang propesiya ay napakahalaga kaya muling pinagtibay ito ng anghel na si Moroni kay Propetang Joseph Smith [tingnan sa Joel 2:28–32; Joseph Smith—Kasaysayan 1:41].
Sa loob ng mga libong taon, ang mga pamamaraan ng pagsasaka, paglalakbay, at komunikasyon ay halos hindi nagbago mula sa mga sinaunang pamamaraan. Gayunman, ang mga pagbabago mula nang isilang si Joseph Smith ay napakalaki ng ipinagkaiba.
Matagal nang inorden si Joseph Smith bilang propeta ng Diyos para sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa kaganapan ng panahon [tingnan sa 2 Nephi 3:7–15]. Dalawampu’t limang taon matapos siyang isilang, opisyal na itinatag ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. …
Natutupad ang banal na pangako na ang ipinanumbalik na “ebanghelyong ito ay ipangangaral sa lahat ng bansa, at lahi, at wika, at tao” [Doktrina at mga Tipan 133:37]. … Walang alinlangan na malinaw na nakikita [sa gawaing ito] ang kamay ng Panginoon. Sabi niya, “Aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito” [Doktrina at mga Tipan 88:73], at ang panahong iyon ng pagmamadali ay ngayon.
Lahat ng propeta sa Lumang Tipan at sa Bagong Tipan at sa Aklat ni Mormon—lahat sila ay nakita ang ating panahon. Kayo at ako—kailangan nating makibahagi. Nakakasabik, ‘di ba? Halos hindi ko na mahintay na bumangon mula sa aking higaan araw-araw at makita kung ano ang mangyayari ngayon.
Tanong sa Pag-aaral
Paano ninyo nakitang ibinubuhos ang Espiritu ng Panginoon sa lupa sa mga huling araw na ito?
Ang isang banal ay nananampalataya kay Jesucristo at nalalaman ang Kanyang sakdal na pagmamahal
Ang salita sa pangalan ay mga Banal. …
Kahit ginamit na ito sa siyamnapu’t walong talata ng Biblia, ang katagang banal ay hindi pa rin gaanong nauunawaan. May mga nag-aakalang ito ay nagpapahiwatig ng pagpapabanal o pagpapaperpekto. Hindi iyan totoo! Ang isang banal ay nananampalataya kay Jesucristo at nalalaman ang Kanyang sakdal na pagmamahal. Ang nagbibigay na banal ay nakikibahagi sa tunay na diwa ng pag-ibig na iyon, at ang tumatanggap na banal ay tinatanggap ito sa tunay na diwa ng pasasalamat. Ang isang banal ay naglilingkod sa iba, batid na sa higit na paglilingkod, mas malaki ang pagkakataon ng Espiritu na magpabanal at magdalisay.
Ang isang banal ay mapagparaya, at nakikinig sa mga pagsusumamo ng ibang tao, hindi lamang sa mga mensaheng nasasambit kundi pati na rin sa mga mensaheng hindi nasasambit. Ang isang banal ay naiiba sa isang indibiduwal na ang tugon sa isang alalahanin o problema ay maaaring “Ano ang pakialam ko” na isang makasariling pag-uugali. Ang tunay na banal ay tumutugon ng, “Ano? Talagang nagmamalasakit ako!” Ang salitang talaga ang nagiging motibasyon sa pagtugon ng isang taong magmamalasakit sa isa pang nangangailangan.
Ang isang banal ay “[umiiwas] sa katamaran” (Alma 38:12) at naghahangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral, at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang edukasyon ay hindi lamang tumutulong sa pakikipag-ugnayan sa iba, kundi nakatutulong ito sa isang tao na makilala ang katotohanan mula sa kamalian, lalo na sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Ang isang banal ay tapat at mabait, nagbabayad agad at nang lubos ng mga obligasyong pinansyal, tinatrato ang iba ayon sa gusto niyang tratuhin siya.
Ang isang banal ay isang marangal na mamamayan, nalalaman na ang mismong bansa na nagbibigay ng pagkakataon at proteksyon ay karapat-dapat na suportahan, kabilang ang agarang pagbabayad ng buwis at personal na pakikilahok sa legal na proseso nito.
Ang isang banal ay nagreresolba ng anumang hindi pagkakaunawaan sa iba nang marangal at mapayapa at palaging gumagalang—kahit sa gitna ng mabagal na daloy ng trapiko.
Ang isang banal ay lumalayo sa marumi o nakapagpapababa at umiiwas na lumabis kahit na mabuti pa ito.
Marahil higit sa lahat, ang isang banal ay mapitagan. Ang pagpipitagan sa Panginoon, sa mundong Kanyang nilikha, sa mga pinuno, sa dignidad ng iba, sa batas, sa kabanalan ng buhay, sa mga kapilya at iba pang gusali, ay pawang nagpapatunay ng mabuting pag-uugali.
Ang isang mapitagang banal ay nagmamahal sa Panginoon at inuuna higit sa lahat ang pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Ang pagdarasal sa araw-araw, pana-panahong pag-aayuno, pagbabayad ng ikapu at mga handog ay mga pribilehiyong mahalaga sa isang tapat na banal.
Sa huli, ang isang banal ay isang taong tumatanggap ng mga kaloob ng Espiritu na ipinangako ng Diyos sa lahat ng Kanyang matatapat na anak na lalaki at babae.
Tanong sa Pag-aaral
Paano kayo hinihikayat ng paglalarawan ni Pangulong Nelson tungkol sa isang banal na pagbutihin ang inyong buhay?
Siya na pinuno ng Simbahang ito ay ibubuhos ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala
Kung may magtanong ng, “Mormon ka ba?” maaari kang sumagot ng, “Kung itinatanong mo kung miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, oo, miyembro ako!”
Kung may magtanong ng, “Latter-day Saint ka ba?”maaari kayong sumagot ng, “Oo, Latter-day Saint ako. Naniniwala ako kay Jesucristo at miyembro ako ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.”
Mahal kong mga kapatid, ipinapangako ko na kung gagawin natin ang lahat ng ating makakaya para ipanumbalik ang tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon, ibubuhos Niya na nagmamay-ari ng Simbahang ito ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:33.], sa mga paraang hindi pa natin nakita kailanman. Magkakaroon tayo ng kaalaman at kapangyarihan ng Diyos para tulungan tayong dalhin ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.
Kaya, ano ang nakapaloob sa isang pangalan? Pagdating sa pangalan ng Simbahan ng Panginoon, ang sagot ay “Lahat!” Iniutos sa atin ni Jesucristo na tawagin ang Simbahan sa Kanyang pangalan dahil Kanya ang Simbahang ito, puspos ng Kanyang kapangyarihan.
Ipinapangako ko sa inyo na ang maingat na pagtutuon natin sa tamang paggamit sa pangalan ng Simbahan ng Tagapagligtas at sa mga miyembro nito ay magdudulot ng ibayong pananampalataya at pagtatamo ng mas malaking espirituwal na kapangyarihan sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan.
Tanong sa Pag-aaral
Paano maaaring humantong sa mas malaking espirituwal na kapangyarihan sa buhay ninyo ang paggamit ng buong pangalan ng Simbahan?
Mga Paanyaya at mga Pangako
Kapag ipinanumbalik natin ang pangalan ng Simbahan, ibubuhos ng Tagapagligtas ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala
Mahal kong mga kapatid, ipinapangako ko na kung gagawin natin ang lahat ng ating makakaya para ipanumbalik ang tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon, ibubuhos Niya na nagmamay-ari ng Simbahang ito ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:33.], sa mga paraang hindi pa natin nakita kailanman. Magkakaroon tayo ng kaalaman at kapangyarihan ng Diyos para tulungan tayong dalhin ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.
Kaya, ano ang nakapaloob sa isang pangalan? Pagdating sa pangalan ng Simbahan ng Panginoon, ang sagot ay “Lahat!” Iniutos sa atin ni Jesucristo na tawagin ang Simbahan sa Kanyang pangalan dahil Kanya ang Simbahang ito, puspos ng Kanyang kapangyarihan.
Ang pagbibigay-pansin sa pangalan ng Tagapagligtas ay hahantong sa dagdag na pananampalataya at espirituwal na kapangyarihan
Ipinapangako ko sa inyo na ang maingat na pagtutuon natin sa tamang paggamit sa pangalan ng Simbahan ng Tagapagligtas at sa mga miyembro nito ay magdudulot ng ibayong pananampalataya at pagtatamo ng mas malaking espirituwal na kapangyarihan sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan.
Mga Video
President Nelson Stresses Importance of Jesus Christ in Church Name: “It Is His Church”
Mga Kaugnay na Mensahe
Russell M. Nelson, “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” (pangkalahatang kumperensiya ng Okt. 2018)
“Thus Shall My Church Be Called” (April 1990 general conference)