“Kabanata 21: Mga Propeta,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2023)
“Kabanata 21,” Mga Turo: Russell M. Nelson
Kabanata 21
Mga Propeta
Pinamumunuan ng buhay na Panginoon ang Kanyang buhay na Simbahan! Inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban para sa Simbahan sa Kanyang propeta.
Mula sa Buhay ni Russell M. Nelson
Bago pa man naglingkod bilang ika-17 Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, malaki ang paggalang ni Russell M. Nelson sa mga propeta ng Diyos. Isa siyang halimbawa ng mapagpakumbaba at mabilis sa pagsunod sa mga turo ng isang propeta.
Noong 1979, habang naglilingkod bilang General President ng Sunday School, inanyayahan si Russell M. Nelson sa isang miting kung saan “Inatasan kami [ni Pangulong Spencer W. Kimball] na ipagdasal na mabuksan ang pinto ng lahat ng mga bansa upang madala ang ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng tao. Binanggit niya ang China at hiniling na ipagdasal namin ang mga tao sa China. … ‘Paglingkuran ang mga Intsik. … Matuto ng kanilang wika. … Ipagdasal sila at tulungan.’”
Umuwi si Brother Nelson sa kanyang asawang si Dantzel at sinabi: “Hiniling ni Pangulong Kimball sa miting na iyon na mag-aral kami ng Chinese! At hindi ko narinig na sinabi niyang, ‘Lahat maliban kay Brother Nelson!’ Gusto mo bang mag-aral ng Mandarin Chinese kasama ko?” Pumayag ito at nagpaturo sila ng Mandarin.
Pagkalipas ng anim na linggo, si Dr. Nelson ay dumalo sa taunang miting ng American Association for Thoracic Surgery. Paliwanag niya, “nakita ko na ang katabi ko ay isang Intsik na doktor. Nagpakilala siya bilang si Professor Wu Ying-Kai mula sa Beijing, China!” Ito ay humantong sa mabuting pagkakaibigan at panyaya kay Dr. Nelson na magtrabaho bilang visiting professor ng surgery sa Shandong Medical University sa Jinan, China.
Si Dr. Nelson ay bumisita sa China nang ilang beses noong dekada ng 1980, nakikipagmiting sa mga tao na naging mga mapagkakatiwalaang katrabaho at mahal na mga kaibigan. Isa sa mga kaibigang ito, si Dr. Zhang Zhenxiang, ay nagsabi:
“Si Dr. Nelson ay napakasipag at napakahusay magtrabaho. Tuwang-tuwa ang lahat sa resulta ng mga operasyon, at maayos ang lagay ng bawat pasyente matapos ang operasyon. Lubos na natuwa ang mga siruhano at nars ng China dahil marami silang natutuhan mula sa mapagmalasakit at matiyagang Amerikanong siruhano na ito.”
Si Dr. Nelson ay nagsagawa ng kanyang huling open-heart surgery noong 1985, sa pinakasikat na opera star sa China na si Mr. Fang Rongxiang. Ang kanyang matagumpay na gawain ay naging dahilan para mapamahal siya sa mga mamamayang Tsino at nagbigay-daan para makausap kalaunan ang mga lider ng akademiko at pamahalaan sa kanyang tungkulin bilang Apostol.
Isa sa mga pagpapala ng kahandaan ni Elder Nelson na mabilis na sundin ang paanyaya ni Pangulong Kimball ay nangyari sa Toronto, Canada, noong ika-15 ng Abril 1990, nang binyagan ni Elder Nelson ang kanyang kaibigang si Dr. Zhang Zhenxiang. Pagkaraan ng isang taon, isinagawa ni Elder Nelson ang pagbubuklod kay Dr. Zhang sa asawa nito sa katatapos lang na Toronto Ontario Temple.
Sinabi ni Pangulong Nelson, “May patotoo ako na kung gagawin natin ang anumang hilingin sa atin ng propeta ng Diyos, mabubuksan ang daan at mababago ang mga buhay”
Mga Turo ni Russell M. Nelson
Ang propeta ay tinawag ng Diyos na mangusap para sa Kanya
Ang propeta ay tinawag ng Diyos na mangusap para sa Kanya. Sa buong kasaysayan, nagpatotoo ang mga propeta tungkol kay Jesucristo at itinuro ang Kanyang ebanghelyo. Sa pamamagitan ng mga propeta, ang paghahayag ay ipinahahatid mula sa Diyos sa Kanyang mga anak.
Lahat ng pinuno sa Simbahan ng Panginoon ay tinawag sa pamamagitan ng wastong awtoridad. Walang propeta o sinumang pinuno sa Simbahang ito, patungkol sa bagay na iyan, ang tumawag sa kanyang sarili. Walang propetang inihalal kailanman. Nilinaw iyan ng Panginoon nang sabihin Niyang, “Ako’y hindi ninyo hinirang, nguni’t kayo’y hinirang ko, at akin kayong [inorden]” [Juan 15:16]. Tayo ay hindi “naghahalal” ng mga pinuno ng Simbahan sa anumang tungkulin. Gayunman, ay may pribilehiyo tayong sang-ayunan sila.
Ang mga pamamaraan ng Panginoon ay iba sa mga pamamaraan ng tao. … Ang pagsang-ayon natin sa mga propeta ay isang personal na pangako na gagawin natin ang lahat upang sundin ang kanilang ipinag-uutos. …
Pinamumunuan ng buhay na Panginoon ang Kanyang buhay na Simbahan! Inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban para sa Simbahan sa Kanyang propeta.
Pinatototohanan ko na ang mga sinasang-ayunan ninyo bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ay tumatanggap ng kanilang mga tagubilin mula sa Panginoon na si Jesucristo. Kami ang Kanyang mga tagapaglingkod.
Tanong sa Pag-aaral
Paano nangungusap sa iyo ang Diyos sa pamamagitan ng mga salita ng Kanyang mga buhay na propeta?
Laging tinuturuan ng Diyos ang Kanyang mga anak sa lupa sa pamamagitan ng mga propeta
Kung may isa mang bagay na nagawa ang Pagpapanumbalik, iyon ay ang pabulaanan ang matagal nang paniniwala na tumigil nang mangusap ang Diyos sa Kanyang mga anak. Napakalayo nito sa katotohanan. Isang propeta ang namumuno sa Simbahan ng Diyos sa lahat ng dispensasyon, simula kay Adan hanggang sa kasalukuyang panahon. Pinatototohanan ng mga propeta si Jesucristo—ang Kanyang kabanalan at ang Kanyang misyon at ministeryo sa lupa. Iginagalang natin si Propetang Joseph Smith bilang propeta ng huling dispensasyong ito. At iginagalang natin ang bawat taong humalili sa kanya bilang Pangulo ng Simbahan.
Si Joseph Smith ang propeta ng dispensasyong ito. Ngayon, nagkaroon ng maraming nakaraang dispensasyon ng panahon, ngunit ang atin ay natatangi dahil ang lahat ng mga nakaraang dispensasyon … ay nagwakas sa apostasiya, at nasa maliit na bahagi lamang ng Mundo. Ngunit ang dispensasyong ito ay magiging iba. Hindi ito magwawakas sa apostasiya, at pupunuin nito ang mundo.
Tanong sa Pag-aaral
Anong mga katotohanan tungkol sa Diyos ang natutuhan mo mula sa mga propeta noon at sa mga huling araw?
Ang mga propeta ay mga ordinaryong tao na binigyan ng pambihirang tungkulin
Ako ay isang ordinaryong tao. Nagsusuot ako ng sapatos nang hindi magkasabay ang dalawang paa, nagugutom ako, at inaantok ako, at lahat ng propeta ay naranasan iyan. Sila ay mga ordinaryong tao na binigyan ng pambihirang tungkulin.
Noon pa man ay nagdarasal na ako, ngunit ang mga sagot sa aking mga panalangin ay dumarating ngayon sa kalagitnaan ng gabi—karaniwan kapag natutulog ako nang mahimbing. Noong ako ay isang doktor, madalas akong makatanggap ng mga tawag sa telepono sa gabi. Ngayon hindi na nagri-ring ang telepono ko sa gabi, pero nakatatanggap pa rin ako ng mga tawag, mga tagubilin mula sa Panginoon para akin at para sa Kanyang mga anak.
Nakikita ng mga propeta ang mangyayari. Nakikita nila ang nakakatakot na mga panganib na inilagay o ilalagay pa ng kaaway sa ating daan. Nakikinita rin ng mga propeta ang magagandang posibilidad at pribilehiyong naghihintay sa mga nakikinig na may layuning sumunod. Alam ko na ito ay totoo! Naranasan ko na ito mismo nang paulit-ulit.
Nangako sa atin ang Panginoon na hindi Niya tutulutan ang propeta kailanman na iligaw tayo ng landas. … Maaaring hindi ninyo laging mauunawaan ang lahat ng pahayag ng isang buhay na propeta. Ngunit kapag alam ninyo na ang isang propeta ay isang propeta, maaari kayong manalangin sa Panginoon nang may pagpapakumbaba at pananampalataya at humingi ng sarili ninyong patotoo tungkol sa anumang naipahayag ng Kanyang propeta.
Mga Tanong sa Pag-aaral
Ano ang nakita mo na pambihira tungkol sa tungkulin ng propeta? Paano mo nalaman na ang isang buhay na propeta, bagama’t hindi perpekto, ay tinawag ng Diyos?
Iginagalang natin si Joseph Smith bilang dakilang Propeta ng Pagpapanumbalik
Iginagalang natin si Joseph Smith bilang dakilang Propeta ng Pagpapanumbalik. … Ano ang nagpadakila sa kanya? Siya ay inorden na noon pa man mula pa sa pagkakatatag ng mundo upang ihayag si Jesucristo sa henerasyong ito!
Sa dakila at banal na tungkulin kung saan ako tinawag, tulad ng paniniwala ko bilang natatanging saksi na ipahayag ang kabanalan ni Jesucristo bilang ating Panginoon at Tagapagligtas, gayon din ang taimtim kong pribilehiyo na ipahayag ang tungkulin ni Joseph Smith bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag sa makabagong panahong ito, ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon. …
Taimtim at taos-puso kong ipinahahayag sa inyo na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, na inorden bago pa man itatag ang mundo sa misyon na itinalaga sa kanya, na tinumbasan niya ng kanyang buhay. Ipinapangako ko sa aking sarili na ipagpapatuloy ko ang gawain, magtatayo sa pundasyon na kanyang inilatag.
Dahil sa ministeryo ni Joseph Smith, alam natin ang tunay na katangian ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang pinakamamahal na Anak. Alam natin ang pagkakaugnay ng Paglikha, ng Pagkahulog ni Adan, at ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nauunawaan natin ang walang-hanggang katangian ng ating buhay—bago isilang at pagkatapos ng kamatayan, ang kalagayan ng kaluluwa sa pagitan ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, at marami pang iba tungkol sa paglalarawan ni Pablo sa tatlong antas ng kaluwalhatian.
Sa pamamagitan ng ministeryo ni Propetang Joseph Smith, alam natin na si Jesus ang Panginoon at Lumikha ng mundong ito at ng marami pang iba, na ang layunin ng buhay ay magtamo ng kagalakan—bilang mga indibiduwal at bilang pamilya, na ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan, at na ang priesthood ay walang hanggang alituntunin …
Parang hindi kapani-paniwala! Para sa akin tila halos hindi ko maiisip na ang sinuman na tapat at interesadong matuto ay maaaring mag-alinlangan sa pagiging propeta ni Joseph Smith. Ngunit siya mismo ang naghanda sa atin para sa mga pag-atake sa hinaharap na ipapataw laban sa kanya. Ito ang kanyang mga salita, “Kahit kailan hindi ko sinabi sa inyong perpekto ako; ngunit walang mali sa paghahayag na itinuturo ko” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 609–10]. …
Ang buhay at mga ginawa ni Joseph Smith ay malinaw na katibayan ng kanyang banal na tungkulin bilang Propeta ng Pagpapanumbalik.
Mga Tanong sa Pag-aaral
Ano ang ilang katotohanan na ipinanumbalik ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith? Paano napagpala ng mga katotohanang ito ang iyong buhay?
Isipin ang maringal na paraan ng pamamahala ng Panginoon sa Kanyang Simbahan
Nang magtipon kami bilang Kapulungan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa, ang mga silid na aming pinagpupulungan ay naging mga silid ng paghahayag. Damang-dama na naroon ang Espiritu. Kapag nahihirapan kaming lutasin ang mga kumplikadong bagay, isang kasiya-siyang proseso ang nagaganap habang malayang ipinapahayag ng bawat Apostol ang kanyang nasasaisip at mga pananaw. Bagama’t sa una ay magkakaiba ang aming mga pananaw, ang pagmamahal namin sa isa’t isa ay nananatili. Ang aming pagkakaisa ay tumutulong sa amin na mahiwatigan ang kalooban ng Panginoon para sa Kanyang Simbahan.
Sa aming mga pulong, hindi batayan sa pagpapasiya ang pananaw ng nakakarami! Pinakikingan namin ang isa’t isa nang may panalangin hanggang sa magkaisa kami. At kapag ganap nang sumang-ayon ang lahat, nadarama naming pinag-iisa kami ng Espiritu Santo na lubos na nagpapasaya sa amin! Nararanasan namin ang nalaman ni Propetang Joseph Smith nang ituro niya, “Sa pagkakaisa ng damdamin nagtatamo tayo ng kapangyarihan sa Diyos” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 462]. Walang miyembro ng Unang Panguluhan o Korum ng Labindalawang Apostol ang magdedesisyon para sa Simbahan ng Panginoon nang ayon sa sarili niyang palagay!
Isipin ang maringal na paraan ng pamamahala ng Panginoon sa Kanyang Simbahan. Sa pagpanaw ng isang Pangulo ng Simbahan, walang anumang hiwaga sa susunod na tinawag na maglingkod sa tungkuling iyon. Walang eleksiyon, walang pangangampanya, kundi tahimik na patnubay lamang ng isang banal na plano ng paghalili, na itinakda mismo ng Panginoon.
Ang bawat araw na paglilingkod ng isang Apostol ay araw ng pagkatuto at paghahanda para sa karagdagang mga responsibilidad sa hinaharap. Tumatagal [na]ng ilang dekada ang paglilingkod ng isang Apostol bago siya lumipat mula sa upuan ng junior na Apostol papunta sa upuan ng senior na Apostol. Sa panahong iyon, nakakakuha siya ng pangunahing karanasan sa bawat gawain ng Simbahan. Nakikilala rin niya ang mga tao sa mundo, kabilang ang kanilang mga kasaysayan, kultura, at wika sapagkat ang kanyang mga gawain ay paulit-ulit na nagdadala sa kanya sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang proseso ng paghalili sa pamunuan ng Simbahan ay kakaiba. Wala akong alam na katulad nito. Hindi na ito dapat [makagulat] sa atin, sapagkat ito ang Simbahan ng Panginoon. Ang Kanyang gawain ay hindi alinsunod sa pamamaraan ng tao.
Ako ay naglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol sa ilalim ng pamumuno ng limang dating Pangulo ng Simbahan. Nakita ko ang bawat Pangulo na nakatanggap ng paghahayag at tumugon sa paghahayag na iyon. Ang Diyos ay nagturo at nagbigay ng inspirasyon at patuloy na magtuturo at magbibigay inspirasyon sa Kanyang mga propeta. Ang Panginoon ang namumuno. Kaming mga inorden na sumaksi sa Kanyang banal na pangalan sa buong mundo ay patuloy na hahangarin na malaman ang Kanyang kalooban at sundin ito.
Mga Tanong sa Pag-aaral
Paano naiiba ang paraan ng pamamahala ng Panginoon sa Kanyang Simbahan sa pamamahala ng mundo? Ano ang natutuhan mo tungkol sa Panginoon mula sa paraan ng pamamahala Niya sa Kanyang Simbahan?
Dahil lubos na nagmamalasakit ang mga propeta sa lahat ng anak ng Diyos, ipinapahayag nila ang Kanyang katotohanan
Inihayag ng Panginoon kung bakit “Pinagkalooban niya ang iba, na maging mga apostol; at ang iba, mga propeta.” Ito ay para sa “ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo:
“Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios” [Efeso 4:11–13].
Sa gayon ang ministeryo ng mga Apostol—ang Unang Panguluhan at ang Labindalawa—ay isakatuparan ang pagkakaisang iyon ng pananampalataya at ipahayag ang ating kaalaman tungkol sa Panginoon. Ang ating ministeryo ay pagpapalain ang buhay ng lahat ng makaaalam at makasusunod sa “higit na mabuting paraan” ng Panginoon [1 Corinto 12:31]. At tungkulin nating tulungan ang mga tao na maghanda para sa kanilang potensyal na kaligtasan at kadakilaan.
Ang Panginoong Jesucristo, na nagmamay-ari ng Simbahang ito, ay humihirang ng mga propeta at apostol para iparating ang Kanyang pagmamahal at ituro ang Kanyang mga batas.
Ang ebanghelyo ni Jesucrsito ay “itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok” [Efeso 2:20].
Nakikita at nadarama ng bawat isa sa mga apostol ng Panginoon ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. …
Kung minsan, kami bilang mga lider ng Simbahan ay pinupulaan dahil mahigpit naming sinusunod ang mga batas ng Diyos, ipinagtatanggol ang doktrina ng Tagapagligtas, at pinaglalabanan ang pamimilit ng lipunan sa ating panahon. Ngunit ang aming tungkulin bilang mga inordenang apostol ay “humayo sa buong daigdig upang ipangaral ang [Kanyang] ebanghelyo sa bawat nilikha” [Doktrina at mga Tipan 18:28]. Ibig sabihin niyan ay iniuutos sa amin na ituro ang katotohanan.
Sa paggawa nito, kung minsa’y inaakusahan kami na walang pagmamalasakit kapag itinuturo namin ang mga ipinagagawa ng Ama para matamo ang kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ngunit hindi ba’t mas kawalang-malasakit ang hindi namin sabihin ang katotohanan—ang hindi ituro ang inihayag ng Diyos?
Kaya namin inihahayag ang katotohanan ay dahil lubos naming pinagmamalasakitan ang lahat ng anak ng Diyos. Maaaring hindi namin palaging sinasabi sa mga tao kung ano ang gusto nilang marinig. Ang mga propeta ay bihirang maging popular. Ngunit palagi naming ituturo ang katotohanan!
… Hindi madaling makamtan ang kadakilaan. Kabilang sa mga kinakailangan ang nakatuon at masigasig na pagsisikap na sundin ang mga batas ng Diyos, nang nagsisisi nang husto kapag hindi natin ito nasusunod. Ngunit ang gantimpala sa paggawa nito ay higit pa sa anumang bagay na maiisip natin, dahil nagdudulot ito sa atin ng kagalakan sa buhay na ito at “walang katapusang kaligayahan” sa kabilang buhay [Mosias 2:41].
Samakatwid, ang atas sa amin bilang mga apostol ay huwag magturo ng anuman maliban sa katotohanan. Ang atas na iyan ay hindi nagbibigay sa amin ng awtoridad na baguhin ang batas ng Diyos
Tanong sa Pag-aaral
Ano ang itinuro sa iyo ng mga propeta tungkol sa pagmamahal at mga batas ng Tagapagligtas?
Pananampalataya ang kailangan para masunod ang mga propeta
Pananampalataya ang kailangan para masunod ang mga propeta sa halip na ang mga eksperto at popular na opinyon.
Ang huwarang matagal nang itinakda ng Diyos sa pagtuturo sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga propeta ay tinitiyak sa atin na pagpapalain Niya ang bawat propeta at pagpapalain Niya ang mga nakikinig sa mga payo ng propeta.
Ang hangaring sundin ang propeta ay nangangailangan ng malaking pagsisikap dahil kakaunti ang nalalaman ng likas na tao tungkol sa Diyos at lalo na sa Kanyang propeta. … Ang pagbabago mula sa pagiging likas na tao tungo sa pagiging tapat na disipulo ay malaking pagbabago [tingnan sa Mosias 5:2; Alma 5:12–14].
Nagpapasalamat tayo sa Diyos dahil sa propetang gumagabay sa atin sa mga huling araw na ito. Ngunit marami ang hindi nakikinig sa kanyang mga turo, hindi pinapansin ang kanyang pagiging propeta. Ginagawa nila ito nang may malaking panganib, dahil ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng babalang ito:
“Ang Panginoong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propeta … ; Pakinggan ninyo siya sa lahat ng bagay na sabihin niya sa inyo. …
“Ang bawat tao na hindi makinig sa propetang iyon ay lubos na pupuksain mula sa bayan” (Mga Gawa 3:22–23).
… Ang mga salita ng Panginoon ay itinuturo ng Kanyang mga disipulo. Ang matatalinong miyembro ay nakikinig para matuto mula sa mga lider ng Simbahan.
Kaakibat ng katapatan sa Panginoon ay ang obligasyon na maging tapat sa mga tinawag ng Panginoon na pamunuan ang Kanyang Simbahan. Nagkaloob Siya ng kapangyarihan na ang mga kalalakihan ay ordenan na mangusap sa Kanyang banal na pangalan. Habang ligtas nilang ginagabayan ang Kanyang bangka upang hindi lumubog patungo sa dalampasigan ng kaligtasan, makabubuting manatili tayong nakalulan kasama nila.
Ano ang mangyayari kapag mas hahangarin ninyong pakinggan, marinig, at pansinin ang sinabi ng Tagapagligtas at ang sinasabi Niya ngayon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta? Ipinapangako ko na pagpapalain kayong magkaroon ng ibayong kapangyarihan na harapin ang mga tukso, paghihirap, at kahinaan. Ipinapangako ko na magkakaroon ng himala sa relasyon ninyo bilang mag-asawa, bilang pamilya, at sa gawain sa araw-araw. At ipinapangako ko na ang inyong kakayahang magalak ay madaragdagan kahit tumitindi ang mga ligalig sa inyong buhay.
Lubos akong nananampalataya sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta. Natutuhan kong huwag maglagay ng mga question mark kundi gumamit ng mga exclamation point kapag may mga tawag na ibinibigay sa pamamagitan ng mga inspiradong daluyan ng pamamahala ng priesthood.
Tanong sa Pag-aaral
Paano ka napagpala sa pamamagitan ng pagsunod sa mga propeta ng Panginoon kahit na ang kanilang payo ay naiiba sa iyong sariling katwiran?
Mga Paanyaya at Pangako
Humiling ng sariling patotoo tungkol sa ipinahayag ng propeta
Nangako sa atin ang Panginoon na hindi Niya tutulutan ang propeta kailanman na iligaw tayo ng landas. … Maaaring hindi ninyo laging mauunawaan ang lahat ng pahayag ng isang buhay na propeta. Ngunit kapag alam ninyo na ang isang propeta ay isang propeta, maaari kayong manalangin sa Panginoon nang may pagpapakumbaba at pananampalataya at humingi ng sarili ninyong patotoo tungkol sa anumang naipahayag ng Kanyang propeta.
Makinig sa mga salita ng mga propeta
Ano ang mangyayari kapag mas hahangarin ninyong pakinggan, marinig, at pansinin ang sinabi ng Tagapagligtas at ang sinasabi Niya ngayon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta? Ipinapangako ko na pagpapalain kayong magkaroon ng ibayong kapangyarihan na harapin ang mga tukso, paghihirap, at kahinaan. Ipinapangako ko na magkakaroon ng himala sa relasyon ninyo bilang mag-asawa, bilang pamilya, at sa gawain sa araw-araw. At ipinapangako ko na ang inyong kakayahang magalak ay madaragdagan kahit tumitindi ang mga ligalig sa inyong buhay.
Nagpapasalamat tayo sa Diyos dahil sa propetang gumagabay sa atin sa mga huling araw na ito. Ngunit marami ang hindi nakikinig sa kanyang mga turo, hindi pinapansin ang kanyang pagiging propeta. Ginagawa nila ito nang may malaking panganib, dahil ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng babalang ito:
“Ang Panginoong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propeta … ; Pakinggan ninyo siya sa lahat ng bagay na sabihin niya sa inyo. …
“Ang bawat tao na hindi makinig sa propetang iyon ay lubos na pupuksain mula sa bayan” (Mga Gawa 3:22–23).
… Ang mga salita ng Panginoon ay itinuturo ng Kanyang mga disipulo. Ang matatalinong miyembro ay nakikinig para matuto mula sa mga lider ng Simbahan.
Kaakibat ng katapatan sa Panginoon ay ang obligasyon na maging tapat sa mga tinawag ng Panginoon na pamunuan ang Kanyang Simbahan. Nagkaloob Siya ng kapangyarihan na ang mga kalalakihan ay ordenan na magsalita sa Kanyang banal na pangalan. Habang ligtas nilang ginagabayan ang Kanyang bangka upang hindi lumubog patungo sa dalampasigan ng kaligtasan, makabubuting manatili tayong nakalulan kasama nila.
Pagpapalain ng Diyos ang bawat propeta at ang mga nakikinig sa payo ng propeta
Ang huwarang matagal nang itinakda ng Diyos sa pagtuturo sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga propeta ay tinitiyak sa atin na pagpapalain Niya ang bawat propeta at pagpapalain Niya ang mga nakikinig sa mga payo ng propeta.
Ang hangaring sundin ang propeta ay nangangailangan ng malaking pagsisikap dahil kakaunti ang nalalaman ng likas na tao tungkol sa Diyos at lalo na sa Kanyang propeta. … Ang pagbabago mula sa pagiging likas na tao tungo sa pagiging tapat na disipulo ay malaking pagbabago [tingnan sa Mosias 5:2; Alma 5:12–14].
Mga Video
Mga Kaugnay na Mensahe
“Pagsang-ayon sa mga Propeta” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2014)
“Pagiging mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Enero 10, 2016)
“Mga Propeta, Pamumuno, at Batas ng Diyos” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Enero 8, 2017)
“The Love and Laws of God” (Brigham Young University devotional, Setyembre 17, 2019)