Teachings of Presidents
Kabanata 18: Kagalakan at Pag-asa sa Pamamagitan ni Jesucristo


“Kabanata 18: Kagalakan at Pag-asa sa Pamamagitan ni Jesucristo,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2023)

“Kabanata 18,” Mga Turo: Russell M. Nelson

Hinahawakan ni Jesus ang pisngi ng isang babaeng nakaupo sa lupa

Kabanata 18

Kagalakan at Pag-asa sa Pamamagitan ni Jesucristo

Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.

Mula sa Buhay ni Russell M. Nelson

Noong Enero 11, 2019, namatay ang anak ni Pangulong Russell M. Nelson na si Wendy dahil sa kanser. Pagkaraan ng dalawang araw, naglakbay sina Pangulong Nelson at Sister Nelson sa bayan ng Paradise, California, USA, na halos buong lugar ay natupok ng isang napakalaking sunog. Daan-daang mga miyembro ng Simbahan ang nawalan ng tahanan dahil sa sunog, at gusto silang bisitahin at aluin ni Pangulong Nelson at gayundin ang iba pa. Madamdaming ipinaliwanag niya sa reporter ng isang pahayagan kung bakit sila naglakbay at pumaroon. “Nagluluksa kami sa pagkawala ng aming pangalawang anak na babae,” sabi niya. “At gayunpaman, wala talaga kaming mas gustong gawin kundi sikaping makatulong sa iba.”

Sa lugar na pinangyarihan ng sunog, nalungkot sina Pangulo at Sister Nelson sa pagkawasak na nakita nila. Naantig din sila sa paraan ng pagtutulungan ng mga tao sa area. Sa isang espesyal na stake conference sa kalapit na Chico, sinabi ni Pangulong Nelson:

“Ang mga salaysay ng inyong pagdurusa ay nahihigitan lamang ng mga salaysay ng inyong paglilingkod. Nagbigay kayo ng halimbawa sa mundo tungkol sa paglilingkod sa mas dakila at banal na paraan. Sa bagay na ito, nagpapasalamat ako sa inyo.”

Sa panahon ng kanilang pagdadalamhati, lumapit sina Pangulo at Sister Nelson sa iba pang nagdadalamhati. Sinabi ni Pangulong Nelson sa mga Banal, “Kami ay naparito upang maglingkod sa inyo. Gusto naming maghatid sa inyo ng pag asa.”

Binanggit niya ang isang propesiya ni Isaias na ayon sa kanya ay tila naaangkop para sa okasyon:

Kami ay naparito ‘Upang pagkalooban sila na tumatangis sa Sion, upang bigyan sila ng putong na bulaklak sa halip na mga abo, sa halip na pagtangis ay langis ng kagalakan, sa halip na lupaypay na diwa ay damit ng kapurihan, upang sila’y matawag na mga punungkahoy ng katuwiran, ang pananim ng Panginoon, upang siya’y bigyan ng kaluwalhatian’ [Isaias 61:3]. …

“Ngayon, medyo may kalaliman ang pagpapahayag na iyan. Inihalintulad ni Isaias ang matwid na nagdadalamhati—kabilang kayong mga kapatid naming bayani—sa mga punungkahoy ng katuwiran, na itinanim ng Diyos, at na Siya, bunga nito, ay luwalhatiin ng inyong mga gawaing tulad ng kay Cristo.

“Ang inyong pag asa, ang inyong kagalakan, at ang inyong kinabukasan ay mahuhubog na lahat sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa Diyos at sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.”

Mga Turo ni Russell M. Nelson

Anuman ang ating katayuan, magkakaroon tayo ng kagalakan sa pamamagitan ni Jesucristo

Ito na ang mga huling araw, kaya hindi dapat magulat ang sinuman sa atin kapag nakikita nating natutupad ang propesiya. Nakita ng maraming propeta, kabilang na sina Isaias, Pablo, Nephi, at Mormon, na darating ang mga panahong mapanganib, na sa ating panahon ang buong mundo ay magkakagulo. … Ano ang makatutulong sa bawat personal nating pakikibaka at sa matinding hamon ng pamumuhay sa mga huling araw na ito?

Itinuro ni propetang Lehi ang isang alituntunin para sa espirituwal na kaligtasan. … Dumanas si Lehi ng oposisyon, kaligaligan, sama-ng-loob, pasakit, kabiguan, at kalungkutan. Gayunman buong tapang at walang pag-aatubili niyang ipinahayag ang isang alituntuning inihayag ng Panginoon: “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” [2 Nephi 2:25]. Isipin ninyo iyan! Sa lahat ng salitang magagamit niya para ilarawan ang likas na layunin ng ating buhay dito sa lupa, pinili niya ang salitang kagalakan!

Maraming beses sa ating buhay ay hindi nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa plano natin. Bawat isa sa atin ay malamang na nakaranas nang mabalisa, magdalamhati, at masiphayo na halos hindi natin makayanan. Subalit narito tayo para magkaroon ng kagalakan?

Oo! Ang sagot ay isang matunog na oo! … Kayang magsaya ng mga banal sa lahat ng sitwasyon. Maaari tayong magalak kahit hindi maganda ang araw natin, o ang linggo natin, o ang buong taon!

17:1

Mahal kong mga kapatid, ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.

Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan. Nadarama natin ito tuwing Kapaskuhan kapag inaawit natin ang, “O magsaya, sinilang na” [“O Magsaya,” Mga Himno, blg. 121]. At buong taon natin itong nadarama. Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, si Jesucristo ay kagalakan! …

17:1

Kung paanong nag-aalok ng kapayapaan ang Tagapagligtas na “di masayod ng pag-iisip” [Filipos 4:7], gayundin naman na nag-aalok Siya ng matindi, malalim, at malawak na kagalakan na hindi masayod ng isipan ng tao. Halimbawa, tila imposibleng magalak kapag may malubhang karamdaman ang anak mo o nawalan ka ng trabaho o nagtaksil sa iyo ang asawa mo. Ngunit iyon mismo ang kagalakang iniaalok ng Tagapagligtas. Ang Kanyang kagalakan ay hindi nagbabago, na tinitiyak sa atin na ang ating “mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang” [Doktrina at mga Tipan 121:7] at ilalaan sa ating kapakinabangan [tingnan sa 2 Nephi 2:2].

Kung gayon, paano natin matatamasa ang kagalakang iyon? Masisimulan nating masdan “si Jesus na siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya” [Hebreo 12:2] “sa bawat pag-iisip” [Doktrina at mga Tipan 6:36]. Makapagpapasalamat tayo para sa Kanya sa ating mga panalangin at sa pagtupad ng mga tipan na ginawa natin sa Kanya at sa ating Ama sa Langit. Habang nagiging tunay sa atin ang Tagapagligtas at habang isinasamo nating ibigay sa atin ang Kanyang kagalakan, mag-iibayo ang ating kagalakan.

Ang kagalakan ay makapangyarihan, at ang pagtutuon sa kagalakan ay maghahatid ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay. Tulad sa lahat ng bagay, si Jesucristo ang ating dakilang huwaran, “na dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus” [Hebreo 12:2]. Isipin ninyo iyan! Para mapagtiisan Niya ang pinakamatinding karanasang tiniis sa lupa, nagtuon ang ating Tagapagligtas sa kagalakan!

At ano ang kagalakang inilagay sa harapan Niya? Tiyak na kabilang dito ang kagalakang linisin, pagalingin, at palakasin tayo; ang kagalakang pagbayaran ang mga kasalanan ng lahat ng magsisisi; ang kagalakang gawing posible na [makauwi] tayo—nang malinis at karapat-dapat—sa piling ng ating mga Magulang sa Langit at ng ating pamilya.

Anuman ang kalagayan ng mundo at ng inyong personal na kalagayan, maaari ninyong harapin ang bukas nang may positibong pananaw at kagalakan kung mananampalataya kayo sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Ang pag-asa ng mundo ay ang [Prinsipe] ng Kapayapaan—ang ating Lumikha, Tagapagligtas, Jehova, at Hukom. Alay Niya sa atin ang mabuting buhay, ang masaganang buhay, at buhay na walang hanggan. Ang buhay na payapa—o masagana—ay darating sa mga sumusunod sa Kanyang mga [tuntunin] at landas tungo sa kapayapaan.

Si Jesucristo ang tanging nagtatagal na pinagmumulan ng pag-asa, kapayapaan, at kagalakan para sa inyo. Hinding-hindi magagaya ni Satanas ang anuman dito. At hinding-hindi kayo tutulungan ni Satanas.

Tanong sa Pag-aaral

Paano ka natulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na mahanap ang kagalakan at pag-asa?

Ang tunay na kagalakan ay nagmumula sa pamumuhay nang naaayon sa mga turo ni Jesucristo

Ang tunay na kagalakan ay nasusumpungan sa pamamagitan ng pamumuhay nang naaayon sa mga turo ni Jesucristo. Kahit kailan ay wala pa akong nakilalang sinuman na naging mas masaya dahil sumira sila sa kanilang mga tipan sa Diyos. Ang kasamaan ay hindi at hindi maaaring humantong sa kaligayahan [tingnan sa Alma 41:10]. …

Pinatototohanan ko sa inyo ngayon na ang kagalakan ay nagmumula sa pagsunod kay Jesucristo. Siya lamang ang makaaakay sa atin pabalik sa kinaroroonan ng Ama, kung saan mararanasan natin ang kaganapan ng walang katapusang kagalakan.

Ang kagalakan ay nagmumula sa pagsunod sa mga kautusan. Magsimula sa dalawang dakilang utos na iyon. … Ibigin ang Diyos at ibigin ang inyong kapwa na gaya ng pagmamahal ninyo sa sarili [tingnan sa Mateo 22:36–40].

Ang pinakamagandang katangian na humahantong sa kagalakan ay pag-ibig sa Diyos. … Ang Diyos, na nagbigay sa atin ng buhay, ay nagbigay rin sa atin ng mga kautusang isasabuhay, upang tayo ay magkaroon ng kagalakan.

17:1

Sa masigasig na pagtutuon natin sa Tagapagligtas at pagsunod sa Kanyang huwaran ng pagtutuon sa kagalakan, kailangan nating iwasan ang mga bagay na maaaring pumigil sa ating kagalakan [tingnan sa Alma 30:22]. … Anumang salungat kay Cristo o sa Kanyang doktrina ay pipigil sa ating kagalakan. Kabilang na riyan ang mga pilosopiya ng tao, na napakarami online at sa mundo ng pagba-blog. …

Kung titingnan natin ang mundo at susundin ang mga pormula nito sa kaligayahan, hindi tayo kailanman daranas ng kagalakan. Maaaring maranasan ng masasama ang maraming uri ng damdamin, pero hindi sila kailanman daranas ng kagalakan! Ang kagalakan ay isang kaloob sa matatapat. Ito ang kaloob na nagmumula sa sadyang pagsisikap na mamuhay nang matwid, tulad ng itinuro ni Jesucristo.

Itinuro Niya sa atin kung paano tayo [magkakaroon ng kagalakan]. Kapag pinili natin ang Ama sa Langit na maging ating Diyos at kapag nadarama natin na may epekto ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa ating buhay, mapupuspos tayo ng kagalakan. Tuwing pinangangalagaan natin ang ating kabiyak at ginagabayan ang ating mga anak, tuwing pinatatawad natin ang isang tao o humihingi tayo ng kapatawaran, makadarama tayo ng kagalakan.

Bawat araw na pinipili nating ipamuhay ang selestiyal na mga batas, bawat araw na tinutupad natin ang ating mga tipan at tinutulungan ang iba na gayon din ang gawin, mapapasaatin ang kagalakan.

Pakinggan ang mga salitang ito ng Mang-aawit: “Lagi kong pinananatili ang Panginoon sa aking harapan; hindi ako matitinag sapagkat siya ay nasa aking kanan. … Sa [Kanyang] harapan ay may kapuspusan ng kagalakan” [Mga Awit 16:8, 11]. Kapag nakatanim sa ating puso ang alituntuning ito, bawat araw ay maaaring maging araw ng kagalakan at kasayahan.

Kapag gumagawa kayo ng pagpapasiya, hinihikayat ko kayong tanawin ang hinaharap—isang walang-hanggang pananaw. Unahin si Jesucristo, dahil ang inyong buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa inyong pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Nakasalalay rin ito sa inyong pagsunod sa Kanyang mga batas. Ang pagsunod ay naglalaan ng daan para sa masayang buhay para sa inyo ngayon at sa isang maringal at walang-hanggang gantimpala bukas.

Tanong sa Pag-aaral

Anong kagalakan ang naranasan mo nang sundin mo si Jesucristo at ang Kanyang mga turo?

Maaaring puspusin ng Diyos ng pag-asa ang inyong puso na higit pa sa anumang maihahandog ng mundo

Ang pag-asa ay nagmumula sa Panginoon, at nag-uumapaw sa mga hangganan ng mortal na mundong ito. … Sa walang-hanggang pananaw lamang ng dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos, makatatagpo tayo ng mas magandang pag-asa. “Ano ito na inyong aasahan?” tanong ni Moroni. Pagkatapos ay sinagot niya ang sarili niyang tanong: “Masdan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo” (Moroni 7:41; tingnan din sa Alma 27:28). Nagpahayag din si Pablo ng gayong kaisipan. Tahasan niyang tinawag ang Panginoong Jesucristo na “ating pag asa” (1 Timoteo 1:1).

Kapag sinusunod natin ang Kanyang mga utos at nananatili sa landas ng tipan, nangangako ang Panginoon na mananatili sa ating tabi at pagpapalain tayo ng “ganap na kaliwanagan ng pag-asa” [2 Nephi 31:20]—kahit sa mahihirap na sitwasyon.

Ang ating pinakamaningning na araw ay paparating pa lamang. Gagawin ng Panginoon ang ilan sa Kanyang pinakadakilang himala. At ang ilan sa mga himalang iyon ay sa inyong buhay. Kung nag-aalala kayo kung babalik pa kaya ang masasayang araw, tinitiyak ko sa inyo na babalik ang mga ito. Ang inyong mga anak ay magkakaroon pa ng maraming pagkakataong umunlad at magprogreso, at maaaring matamasa ng inyong mga pamilya ang isang magandang kinabukasan.

Ang Panginoon sa Kanyang awa ay laging pinagpapala at pinasasagana ang mga taong nagtitiwala sa Kanya. Asamin ang hinaharap nang may pananampalataya. Tanggapin ito nang may katiyakan na palalakasin at gagabayan ka ng Espiritu Santo. Tulungang maunawaan ng inyong mga anak na ngayon ang panahon para ipakita ang kanilang lubos na pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Anuman ang inyong nakaugalian o sariling katayuan, bilang lingkod ng Panginoon, inaanyayahan ko kayo na lumapit sa Kanya at gawin Siyang sentro ng inyong buhay. Ibuhos ang nadarama ng inyong puso sa Diyos at hingin ang Kanyang tulong. Bibigyan Niya ng kahulugan ang inyong buhay at pupuspusin ng pag-asa ang inyong puso nang higit pa sa anumang maihahandog ng mundo.

Mamuhay na gaya ng isang disipulo ng Panginoong Jesucristo. Manahin ang Kanyang mga katangian ng pagiging magalang at mapagmalasakit sa kapwa. Matutong tumulong, iangat at hikayatin ang mga tao. Kapag pinagyayaman ninyo ang mga katangian na tulad ng kabaitan, kagandahang-loob, at paggalang sa iba, mas magiging makabuluhan ang inyong mga ginagawa sa buhay kaysa anumang mithiin na pilit ninyong hinahabol nang nakatuon ang mga mata sa ikararangal ng sarili.

Ang walang-hanggang kagalakan ay hindi nagmumula sa pagkakaroon ng materyal na kayamanan o sa paggawa ng mga bagay na ikatatanyag. Ang tunay na kagalakan ay nagmumula sa narating na uri ng inyong pagkatao na dapat ninyong marating. Ang inyong potensyal na maging dakila ay lalakas kapag lumalapit kayo kay Cristo at naging kaisa Niya.

Sa mundong ito na puno ng kalungkutan, talagang ipinagpapasalamat natin ang “dakilang plano ng kaligayahan” ng Diyos [Alma 42:8]. Nakasaad sa Kanyang plano na ang mga lalaki at babae “ay gayon upang sila ay magkaroon ng kagalakan” [2 Nephi 2:25]. Dumarating ang kagalakang iyan kapag pinili nating mamuhay nang naaayon sa walang hanggang plano ng Diyos.

Tanong sa Pag-aaral

Kailan mo naranasan na magkaroon ng pag-asa na higit pa sa anumang maihahandog ng mundo?

Kapag minamahal at pinaglilingkuran natin ang ating kapwa, nagkakaroon tayo ng kagalakan sa buhay

17:1

Isa sa nagpapatamis sa mga karanasan sa buhay ang pribilehiyong maglingkod nang may katuturan sa iba. Ang gumawa ng isang bagay para sa kapwa na hindi nila kayang gawin para sa kanilang sarili ay nagdudulot ng walang kapantay na kasiyahan. …

At ang kagalakan ay nakukuha sa paglilingkod sa Simbahan. Ibinahagi ni Alma ang kaisipang ito: “Baka sakaling ako’y maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang madala ang ilang kaluluwa sa pagsisisi, at ito ang aking kagalakan” (Alma 29:9).

Sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga templo, ang konsepto ng paggalang sa mga kasama ay marangal na maipararating sa mga taong tumawid na sa kabila ng tabing. Ang ebanghelyo ay naghahatid ng masasayang balita para sa mga patay at ng tinig ng kagalakan para sa mga buhay at patay—para sa lahat, masasayang balita ng malaking kagalakan.

Itinuturo natin ang mensahe ni Jesucristo. Tinuturuan natin ang ating mga tao na mahalin ang Diyos, mahalin at paglingkuran ang ating kapwa. Kung gagawin nila iyan, matatagpuan nila ang kagalakan sa buhay. Magkakaroon ng kapayapaan sa mundo kapag nauunawaan natin ang Pagiging Ama ng Diyos at ang kapatiran ng tao.

Tanong sa Pag-aaral

Paano ka natulungan ng paglilingkod sa iba na magkaroon ng kagalakan?

Magsaya sa kabutihan ng ebanghelyo

Magsaya sa kabutihan ng ebanghelyo. … Magsingiti at magningning sa kagalakang hatid ng ebanghelyo. Kahit sa gitna ng inyong mga hamon, sa inyong pinakamalalim at pinakamadilim na araw, maaari kayong magkaroon ng kagalakan.

Turuan ang isa’t isa tungkol sa kabutihan ng Diyos. … Ang mabuti ninyong pamumuhay ay mapapansin ng mga kaibigan at kapitbahay ninyo. Maging handang sagutin ang sinumang magtatanong kung bakit ganyan kayong mamuhay. Maghandang magbigay ng dahilan sa pag-asa at galak na nakikita nila sa inyo [tingnan sa 1 Pedro 3:15].

Pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay! Si Jesus ang Cristo. Ang Kanyang Simbahan at ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo ay ipinanumbalik na para pagpalain ang ating buhay ng kagalakan, dito at sa kabilang-buhay.

Tanong sa Pag-aaral

Paano mo mapapaningning ang kagalakan ng ebanghelyo ni Jesucristo?

Mga Paanyaya at Pangako

Lumapit sa Panginoon, at pupuspusin Niya ng pag-asa ang inyong puso

Anuman ang inyong nakaugalian o sariling katayuan, bilang lingkod ng Panginoon, inaanyayahan ko kayo na lumapit sa Kanya at gawin Siyang sentro ng inyong buhay. Ibuhos ang nadarama ng inyong puso sa Diyos at hingin ang Kanyang tulong. Bibigyan Niya ng kahulugan ang inyong buhay at pupuspusin ng pag-asa ang inyong puso nang higit pa sa anumang maihahandog ng mundo.

Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan. … Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, si Jesucristo ay kagalakan!

Mamuhay na gaya ng isang disipulo ni Jesucristo, at matatagpuan ninyo ang tunay na kagalakan

Ang kagalakan ay nagmumula sa pagsunod sa mga kautusan. Magsimula sa dalawang dakilang utos na iyon. … Ibigin ang Diyos at ibigin ang inyong kapwa na gaya ng pagmamahal ninyo sa sarili [tingnan sa Mateo 22:36–40].

Mamuhay na gaya ng isang disipulo ng Panginoong Jesucristo. Manahin ang Kanyang mga katangian ng pagiging magalang at mapagmalasakit sa kapwa. Matutong tumulong, iangat at hikayatin ang mga tao. Kapag pinagyayaman ninyo ang mga katangian na tulad ng kabaitan, kagandahang-loob, at paggalang sa iba, mas magiging makabuluhan ang inyong mga ginagawa sa buhay kaysa anumang mithiin na pilit ninyong hinahabol nang nakatuon ang mga mata sa ikararangal ng sarili.

Ang walang-hanggang kagalakan ay hindi nagmumula sa pagkakaroon ng materyal na kayamanan o sa paggawa ng mga bagay na ikatatanyag. Ang tunay na kagalakan ay nagmumula sa narating na uri ng inyong pagkatao na dapat ninyong marating. Ang inyong potensyal na maging dakila ay lalakas kapag lumapit kayo kay Cristo at naging kaisa Niya.

Kapag sinusunod natin ang Kanyang mga utos at nananatili sa landas ng tipan, nangangako ang Panginoon na mananatili sa ating tabi at pagpapalain tayo ng “ganap na kaliwanagan ng pag-asa” [2 Nephi 31:20]—kahit sa mahihirap na sitwasyon.

Kapag minamahal at pinaglilingkuran natin ang ating kapwa, magkakaroon tayo ng kagalakan sa buhay

Itinuturo natin ang mensahe ni Jesucristo. Tinuturuan natin ang ating mga tao na mahalin ang Diyos, mahalin at paglingkuran ang ating kapwa. Kung gagawin nila iyan, matatagpuan nila ang kagalakan sa buhay. Magkakaroon ng kapayapaan sa mundo kapag nauunawaan natin ang Pagiging Ama ng Diyos at ang kapatiran ng tao.

Turuan ang iba tungkol sa kabutihan ng Diyos

Magsaya sa kabutihan ng ebanghelyo. … Magsingiti at magningning sa kagalakang hatid ng ebanghelyo. Kahit sa gitna ng inyong mga hamon, sa inyong pinakamalalim at pinakamadilim na araw, maaari kayong magkaroon ng kagalakan.

Turuan ang isa’t isa tungkol sa kabutihan ng Diyos. … Ang mabuti ninyong pamumuhay ay mapapansin ng mga kaibigan at kapitbahay ninyo. Maging handang sagutin ang sinumang magtatanong kung bakit ganyan kayong mamuhay. Maghandang magbigay ng dahilan sa pag-asa at galak na nakikita nila sa inyo [tingnan sa 1 Pedro 3:15].

Mga Video

President Nelson Brings Hope to Californians Caught in 2018 Wildfires

3:24

To Be Happy, Keep the Commandments, Said President Nelson

1:7

President Russell M. Nelson on the Healing Power of Gratitude

11:38

Mga Kaugnay na Mensahe

Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2016)

17:1

Ang Apat na Regalong Inihahandog ni Jesucristo sa Inyo” (Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 2, 2018)

15:3

A More Excellent Hope” (Brigham Young University fireside, Jan. 8, 1995)

Joy Cometh in the Morning” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1986)

17:1