Teachings of Presidents
Kabanata 15: Panalangin


“Kabanata 15: Panalangin,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2023)

“Kabanata 15,” Mga Turo: Russell M. Nelson

pamilyang nagdarasal

Kabanata 15

Panalangin

Manalangin sa ating Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kapag ginawa ninyo ito, gagabayan Niya kayo sa mga gawa ng kabutihan, habag, at kagandahang-loob.

Mula sa Buhay ni Russell M. Nelson

Noong Nobyembre 1985, inatasan ni Pangulong Ezra Taft Benson, ang bagong orden na Pangulo ng Simbahan, si Elder Russell M. Nelson na “buksan ang mga bansa sa Silangang Europa na nagdurusa sa ilalim ng Komunismo para sa pangangaral ng ebanghelyo.”

Kabilang sa napakalaking atas na ito ang dating Unyong Sobyet, kung saan napakahirap makahingi ng tulong sa mga taong kumokontrol sa desisyong ito. Matapos ang isang nakapanlulumong pulong noong tag-init ng 1987, sina Elder Nelson at Elder Hans B. Ringger ng Pitumpu, na sumama sa kanya sa tungkuling ito, ay nagpunta sa isang upuan sa parke malapit sa Kremlin at nirepaso ang suliranin ng Simbahan. Matapos pag-isipan kung anong mga hakbang ang maaari nilang gawin, nanalangin sila na patnubayan sila.

Isa iyan sa napakaraming panalangin ni Elder Nelson para sa mga tao at lupain ng Russia. Nanalangin siya na malaman kung ano ang gagawin, saan pupunta, at kung sino ang dapat niyang kausapin. Ipinagdasal niya ang paglambot ng mga puso. Ipinagdasal niya na sana ay maging handa ang mga opisyal ng gobyerno na makipagkita sa kanya.

Noong 1990, nang mag-alay si Elder Nelson ng pormal na panalangin sa muling paglalaan ng lupain ng Russia para sa pangangaral ng ebanghelyo, hiniling niya sa Ama sa Langit na ipaabot ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa mga Ruso. Mabagal at nangangailangan ng matinding sigasig ang trabaho. Ngunit unti unti, sa maraming pagpunta sa Russia at maraming pakikipagpulong, nagkaroon ng progreso.

Pagkatapos noong Hunyo 1991, dumalo siya sa isang hapunan matapos ang pagtatanghal ng The Tabernacle Choir sa Bolshoi Theater sa Moscow. Sa hapunan, inihayag ni Alexander Rutskoy, bise presidente ng Republika ng Russia, na ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ganap nang kinikilala sa Russia.

“Napakaganda at kagila-gilalas ang sandaling iyon,” paggunita ni Elder Nelson. “Umasa kami na darating ito, pero hindi namin inaasahan iyon nang gabing iyon. … Marami sa amin ang gumawa ng lahat ng aming makakaya upang maisakatuparan ito, ngunit ito ang tinitiyak ko, ang Panginoon ang gumawa ng himala.”

Mga Turo ni Russell M. Nelson

Nais marinig ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang Kanyang mga anak

16:47

Nais marinig ng [ating] mapagmahal na Ama sa Langit ang Kanyang mga anak. Sa panalangin natin maipapakita ang pagmamahal natin sa Diyos. At pinadali Niya ito. Kahit anong oras ay maaari tayong magdasal sa Kanya. Hindi kailangan ng espesyal na kagamitan. Ni hindi kailangan ng mga baterya o ng buwanang bayad para sa serbisyo.

May mga taong nananalangin lamang kapag nahaharap sa mga personal na problema. Ang iba naman ay hindi na nagdarasal. Sabi sa isang talata sa banal na kasulatan: “Hindi ninyo naaalala ang Panginoon ninyong Diyos sa mga bagay na pinagpala niya sa inyo, ngunit lagi ninyong naaalala ang inyong mga yaman, hindi upang magpasalamat sa Panginoon … para sa mga yaon” [Helaman 13:22].

Matagal nang sinasabi sa atin ng mga propeta na manalangin nang mapagpakumbaba at madalas.

Ang dapat na una nating marangal na gawin sa umaga ay mapagkumbabang manalangin para magpasalamat. Ipinapayo ito ng banal na kasulatan: [Manalangin] sa Diyos, at [kayo’y] kanyang tinatanggap, [at kayo’y] lumalapit sa kanyang harapan na mayroong galak” (Job 33:26; tingnan din sa Alma 34:21; 37:37).

Hindi ko lubos na napahalagahan ang kahalagahan ng mapagpasalamat na panalangin hanggang sa ako ay naging isang ama na rin. Napakalaki ng aking pasasalamat na kahit kailan ay hindi inisip ng aming mga anak na huwag kausapin ang kanilang nanay o tatay. Ngayon nadarama ko kung paano pinahahalagahan ng ating Ama sa Langit ang ating mga panalangin, umaga at gabi. Ngunit nawawari ko ang kanyang kalungkutan dahil hindi nakikipag-usap sa kanya ang sinuman sa kanyang mga anak.

Tanong sa Pag-aaral

Ano ang ilang paraan para mas makapag-ugnayan kayo sa Ama sa Langit?

Tinuruan tayo ni Jesus kung paano manalangin

16:47

Tinuruan tayo ni Jesus kung [paano manalangin]. Nananalangin tayo sa ating Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ito ang “tunay na kaayusan ng panalangin,” taliwas sa “walang kabuluhang paulit-ulit,” [Mateo 6:7] o mga pagbigkas na ibinigay “upang makita ng mga tao” [Mateo 6:5].

Inihayag ni Jesus na nagdarasal tayo sa matalinong Ama na alam ang lahat ng kailangan natin, bago pa tayo humingi sa Kanya.

Itinuro ni Mormon sa kanyang anak na si Moroni na dapat tayong manalangin “nang buong lakas ng puso” [Moroni 7:48]. Ipinahayag ni Nephi, “Ako ay patuloy na dumadalangin para sa [aking mga tao] sa araw, at nababasa ng luha ng aking mga mata ang aking unan sa gabi, … at ako ay sumasamo sa aking Diyos nang may pananampalataya, at alam kong diringgin niya ang aking pagsusumamo” [2 Nephi 33:3].

Ang matamis na kapangyarihan ng panalangin ay mapapalakas sa pamamagitan ng pag-aayuno, kung minsan, kapag angkop sa isang partikular na pangangailangan.

Ang mga panalangin ay maaaring ialay nang tahimik. Maaaring makapag-isip ang isang tao ng isang panalangin, lalo na kapag ang mga salita ay pumapagitan. Madalas na lumuluhod tayo para manalangin; maaari tayong tumayo o maupo. Ang pisikal na posisyon ay hindi gaanong mahalaga kaysa sa espirituwal na pagpapasakop sa Diyos.

Tinatapos natin ang panalangin sa pagsasabi ng, “sa pangalan ni Jesucristo, amen.” Kapag naririnig natin ang panalangin ng iba, sinasambit natin nang naririnig ang ating “amen,” ibig sabihin, “Iyan din ang aking panalangin.”

Itinuro ng [Tagapagligtas] sa Kanyang mga disipulo, “kinakailangan na lagi kayong manalangin sa Ama sa aking pangalan” [3 Nephi 18:19]. Binigyang-diin pa ng Tagapagligtas, “Manalangin kayo sa inyong mag-anak sa Ama, lagi sa aking pangalan” [3 Nephi 18:21]. Masunurin nating ipinamumuhay ang aral na iyan kapag nananalangin tayo sa ating Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo.

16:47

Kailan tayo dapat manalangin? Sinabi ng Panginoon, “Masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti” [Doktrina at mga Tipan 90:24; idinagdag ang pagbibigay-diin].

Sinabi ni Alma, “Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan; oo, kapag ikaw ay nahiga sa gabi, mahiga sa Panginoon, upang mabantayan ka niya sa iyong pagtulog; at kapag ikaw ay bumangon sa umaga, hayaang ang iyong puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos” [Alma 37:37; idinagdag ang pagbibigay-diin].

Nagdarasal tayo nang pribado, kasama ang ating mga pamilya nang regular, sa oras ng pagkain, at sa mga aktibidad sa araw-araw. Sa madaling sabi, tayo ay mga taong madasalin.

Tanong sa Pag-aaral

Ano ang ibig sabihin sa inyo ng manalangin palagi?

Itinuro sa atin ng Panginoon ang mga paraan para mapagbuti ang ating mga panalangin

16:47

Itinuro sa atin ng Panginoon ang mga paraan para mapagbuti ang ating mga panalangin. Halimbawa, sinabi Niya na “ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo” [Doktrina at mga Tipan 25:12].

Ang panalangin ay maaari ding mapagbuti sa pamamagitan ng pag aayuno. Sabi ng Panginoon, “Binibigyan ko kayo ng isang kautusan na kayo ay magpatuloy sa panalangin at pag-aayuno mula sa panahong ito” [Doktrina at mga Tipan 88:76]. …

… [Ang pagpapakumbaba] ay maaari ding magpabuti ng ating mga panalangin. Iyan ang ipinahayag ng banal na kasulatan, “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” [Doktrina at mga Tipan 112:10].

Ang panalangin ay nagsisimula sa indibiduwal na pagkukusa. “Makinig ka,” wika ng Panginoon, “Ako’y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok; kung diringgin ng sinuman ang aking tinig at buksan ang pinto, ako’y papasok sa kanya, at kakaing kasalo niya, at siya’y kasalo ko” [Apocalipsis 3:20]. Ang pintuang iyon ay bukas kapag nagdarasal tayo sa ating Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo.

Ipinakikita natin ang ating pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. At ang pakikinig ay mahalagang bahagi ng panalangin. Ang mga sagot mula sa Panginoon ay napakatahimik kung dumating. Kaya pinayuhan Niya tayo na “mapanatag at malaman na ako ang Diyos” [Doktrina at mga Tipan 101:16].

Kailangan nating manalangin mula sa ating puso. Ang magalang na pagsambit ng mga aktibidad na ginawa at gagawin natin, na may ilang paghiling ng mga pagpapala, ay hindi makabubuo ng uri ng pakikipag-ugnayan sa Diyos na nagdudulot ng walang-hanggang kapangyarihan. Handa ba kayong manalangin para malaman kung paano manalangin para sa higit pang kapangyarihan? Tuturuan kayo ng Panginoon.

15:25

Sa pag-iisip ninyo nang selestiyal, unti-unting nagbabago ang inyong puso. Nanaisin ninyong manalangin nang mas madalas at mas taos-puso. Nakikiusap ako na huwag puro paghiling ang laman ng inyong panalangin. Ang pananaw ng Panginoon ay nakahihigit sa inyong mortal na karunungan. Ang sagot Niya sa inyong mga panalangin ay maaaring makagulat sa inyo at tutulungan kayong mag-isip nang selestiyal. … Ang ating mga panalangin ay maaaring maging—at dapat maging—masiglang pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit.

Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadama at isagawa ang mga bagay na ipinahiwatig sa inyong gawin.

Tanong sa Pag-aaral

Ano ang ginagawa ninyo sa kasalukuyan para mapagbuti ang inyong mga panalangin?

Ang inyong taos-pusong pagsamo ay mahalaga sa Diyos

15:25

Ang walang humpay na pananampalataya ay pinatitibay sa pamamagitan ng panalangin. Ang inyong taos-pusong pagsamo ay mahalaga sa [Diyos]. Isipin ang marubdob at nakapupukaw na panalangin ni Propetang Joseph Smith sa kanyang kakila-kilabot na mga araw ng pagkakakulong sa Liberty Jail. Tumugon ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbago sa pananaw ng Propeta. Sabi Niya, “Alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” [Doktrina at mga Tipan 122:7].

Kung magdarasal tayo taglay ang walang-hanggang pananaw, hindi natin kailangang isipin kung naririnig ba ang ating taimtim at taos-pusong mga pagsamo. Ang pangakong ito mula sa Panginoon ay nakatala sa bahagi 98 ng Doktrina at mga Tipan:

“Ang inyong mga panalangin ay nakarating sa tainga ng Panginoon … at natatala sa tatak na ito at testamento—ang Panginoon ay sumumpa at nag-utos na ang mga ito ay ipagkakaloob.

“Samakatwid, ibinigay niya ang pangakong ito sa inyo, nang may hindi mababagong tipan na ang mga yaon ay matutupad; at lahat ng bagay na kung saan kayo pinahirapan ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti, at para sa kaluwalhatian ng aking pangalan, wika ng Panginoon” [Doktrina at mga Tipan 98:2–3].

Pinili ng Panginoon ang matitinding salita upang panatagin tayo! Tatak! Testamento! Sumumpa! Nag-utos! Hindi mababagong tipan! Mga kapatid, maniwala sa Kanya! Pakikinggan ng Diyos ang inyong taimtim at taos-pusong mga dalangin, at titibay ang inyong pananampalataya.

Tanong sa Pag-aaral

Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo na maunawaan na dinidinig ng Diyos ang inyong mga panalangin?

Sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin ayon sa Kanyang walang-hanggang pananaw

16:47

Kapag nananalangin tayo, hindi tayo ang dapat na nagmumungkahi kundi dapat magtanong sa Panginoon at makinig sa Kanyang payo. … Hindi lahat ng panalangin natin ay sasagutin ayon sa gusto natin. Paminsan-minsan ang sagot ay hindi. Hindi tayo dapat magulat. Ang mapagmahal na mortal na mga magulang ay hindi pumapayag sa bawat kahilingan ng kanilang mga anak. …

Dapat tayong manalangin ayon sa kalooban ng ating Ama sa Langit. Nais Niya tayong subukan, patatagin, at tulungang maabot ang ating potensyal.

Alam ko na paminsan-minsan, parang hindi sinasagot ang ilan sa pinakataimtim nating mga dalangin. Nagtataka tayo, “Bakit?” Naramdaman ko iyan! Naramdaman ko ang takot at lungkot sa gayong mga sandali. Pero alam ko rin na hinding-hindi binabalewala ang ating mga dalangin. Laging pinahahalagahan ang ating pananampalataya. Alam ko na ang pag-unawa ng isang napakarunong na Ama sa Langit ay mas malawak kaysa sa ating pang-unawa. Bagama’t alam natin ang ating mga problema at pasakit sa buhay, alam naman Niya ang imortal nating pag-unlad at potensyal. Kung ipagdarasal nating malaman ang Kanyang kalooban at magpapasakop dito [na] taglay ang tiyaga at tapang, magaganap ang pagpapagaling ng langit sa sarili Niyang paraan at panahon.

16:47

Si Jesucristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan—Siya na tumubos sa atin ng Kanyang dugo—ay ating Manunubos at ating Huwaran. Sa pagtatapos ng Kanyang misyon sa mundo, nanalangin Siya na ang Kanyang kalooban—bilang Pinakamamahal na Anak—ay mapasakop sa kalooban ng Ama. Sa napakahalagang oras na iyon sumigaw ang Tagapagligtas, “Ama ko, … hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” [Mateo 26:39]. Kaya dapat tayong manalangin sa Diyos, “Mangyari nawa ang iyong kalooban.”

Tanong sa Pag-aaral

Ano ang kahulugan sa inyo ng manalangin ayon sa kalooban ng Ama sa Langit?

Magplano ng pribadong oras araw-araw para maghanda, magmuni-muni, at manalangin

“Kung kayo ay mananalangin, pumasok kayo sa inyong silid, at kung maisara na ninyo ang inyong pintuan, manalangin kayo sa inyong Ama na nasa lihim; at ang inyong Ama, na nakakikita nang lihim, ay gagantimpalaan kayo nang hayagan” [Mateo 6:6].

Saanman naroon ang inyong personal na “silid”—literal man itong silid o iba pang lugar kung saan maaari kayong mapag-isa, magplano na magkaroon ng pribadong oras sa lugar na iyon para maghanda, magmuni-muni, at manalangin. …

Maaaring maghanda kayo ng notepad at lapis na madali ninyong magagamit upang maitala ninyo ang anumang mga pahiwatig na dumating sa inyong puso at isipan. Kapag naglaan kayo ng mahalagang oras na ito ng paghahanda sa araw-araw, matutulungan at matuturuan kayo ng Espiritu Santo.

Kapag natapos na ninyo ang inyong personal na pagdarasal, at kapag sinundan ninyo ito ng panalangin kasama ang inyong pamilya at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, handa na kayo para sa isang magandang araw na darating. Makatitiyak kayo na ang Panginoon, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ay makakasama ninyo, magiging tagapagtanggol ninyo, at tagagabay ninyo. …

Sa buong araw-araw, manalangin na gabayan kayong gawin ang inyong tungkulin para makatuwang ninyo ang Panginoon. Madaling dalhin ang Kanyang pamatok, at magaan ang Kanyang pasan [tingnan sa Mateo 11:30]. Kakailanganin ninyo ang tulong na iyon. Walang magiging labis na mahirap kapag kayo ay nakikipagtuwang sa Panginoon sa Kanyang banal na gawain.

Nagpunta na ba kayo sa isang tahimik at liblib na lugar para mapag-isa? Natagpuan na ba ninyo ang inyong sariling “Sagradong Kakahuyan,” kung saan maaari ninyong ibuhos ang lihim na inaasam ng inyong kaluluwa sa panalangin sa inyong Ama sa Langit? Nakipag-usap na ba kayo sa Diyos na tulad ng pakikipag-usap ng isang tao sa kanyang kapwa? Talaga bang ipinahayag ninyo ang inyong katapatan sa kanya at ang inyong kahandaang maglaan ng oras sa kanya, nang walang anumang pag-aalinlangan? Nasabi ba ninyo ang, “Narito ako, Panginoon! Kasangkapanin ako!”? Nagsumamo ba kayo sa kanya, at nang gawin ninyo ito, inalis ba ninyo ang mga paulit-ulit at hindi taimtim na mga salita na maaaring bahagi ng inyong mga panalangin noon? … Magpasiya ngayon na gawing lugar ng panalangin ang inyong tahanan. Gawin itong santuwaryo ng pananampalataya.

Mga Tanong sa Pag-aaral

Ano ang mga tanong na maitatanong ninyo sa panalangin habang naghahanda kayo para sa bawat bagong araw? Sa palagay ninyo, bakit mahalagang magsulat ng mga kabatiran mula sa inyong mga panalangin?

Ang pagdarasal ay nagpapalakas sa atin at tumutulong sa atin na pagpalain ang iba

Tulad ng pisikal na lakas na nangangailangan ng ehersisyo, ang espirituwal na lakas ay nangangailangan ng pagsisikap. Kabilang sa pinakamahalaga sa mga espirituwal na ehersisyo ay ang panalangin. Ito ay nagbubunga ng magandang kaugnayan sa Diyos at pagnanais na sundin ang Kanyang mga kautusan. Ang panalangin ay susi sa karunungan, kabanalan, at pagpapakumbaba.

15:58

Ang pagdarasal ay tumutulong sa atin na harapin ang mga pagsubok sa buhay. Naitutuon nang wasto ng ating mga panalangin ang ating mga saloobin. Sa pokus na iyan, hindi tayo lumiliko sa kanan o sa kaliwa sa pagdaan sa lupang tinaniman ng mga bitag ng tukso. Ang mga disipulo ay hindi nakikipaglaro sa panganib sa bingit ng kapahamakan. Ang mga bihasang mountain climber ay hindi nagtutungo sa mapanganib na bahagi ng inaakyat nila kundi sa ligtas na bahagi, na may mga lubid at iba pang mga pananggalang upang masigurong nakakonekta sila sa kanilang mga pinagkakatiwalaan. Ganoon din tayo. Kapag umaakyat tayo sa gabundok na mga hamon ng buhay, dapat tayong lumapit sa ating Panginoon at maging kaisa niya, mahigpit na kumakapit sa gabay na bakal ng ebanghelyo, sa pamilya, at sa mga pinagkakatiwalaang kaibigan. …

Sinabi ng Panginoon, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” [Doktrina at mga Tipan 6:36]. Nalaman ko na ang gayong pananampalataya ay nagbibigay ng nakapagpapalayang kapangyarihan. Ang pag-una sa Diyos ay nagtutulot sa atin na matibay na maipasiya kung ano ang hindi natin gagawin; matapos iyon ay malaya na nating isagawa ang nararapat nating gawin.

16:30

Ang pananampalataya ay mapapalakas sa pamamagitan ng panalangin. Ang panalangin ang mabisang susi sa paggawa ng desisyon … [hinggil sa lahat] ng mahahalagang aspeto ng inyong buhay. Mapagpakumbabang hanapin ang Panginoon sa panalangin nang may tapat na puso at tunay na layunin, at tutulungan Niya kayo.

Tandaan na ang pananampalataya at panalangin lamang ay bibihirang sumapat. Ang personal na pagsisikap ay karaniwang kinakailangan upang matupad ang hangarin ng inyong puso. “Ang pananampalataya na nag-iisa, kung ito ay walang mga gawa ay patay” [Santiago 2:17].

Matibay ang paniniwala ko na ang pagdarasal para sa mga nangangailangan ay kasiya-siya sa Diyos; sa katunayan, inuutusan Niya tayong bumaling sa Kanya at ipagdasal ang iba! Gayunman, naranasan ko mismo na kapag nanalangin ako para humingi sa Diyos ng patnubay kung ano ang magagawa ko para makatulong na paglingkuran, pasiglahin, mahalin, at suportahan ang mga nangangailangan, sinasagot Niya ang mga panalanging ito sa mga partikular at simpleng bagay na talagang magagawa ko para mapagpala ang isa sa Kanyang mga anak.

Inaanyayahan ko kayong isipin kung paano maaaring maging dahilan ang inyong mga iniisip at dalangin para bigyang-inspirasyon at gabayan kayo ng Diyos sa pagpapakita ng kabaitan, habag, at pagiging bukas-palad. Isipin kung [gaano karaming] kabutihan ang magagawa ninyo sa mundo—at sa sarili ninyong pamilya, paaralan, at pinagtatrabahuhan. Kapag hinangad nating maging Kanyang mga kamay na nagpapagaling at tumutulong, tiyak na dadakilain natin ang Panginoon.

Mga Tanong sa Pag-aaral

Paano nakatulong sa inyo ang panalangin na harapin ang mga pagsubok sa buhay? Paano nakatulong sa inyo ang panalangin na makahanap ng mga paraan na makapaglingkod sa iba?

Mga Paanyaya at mga Pangako

Kapag tayo ay nananalangin, pinagbubuksan tayo ng Panginoon ng pintuan

Ang panalangin ay nagsisimula sa indibiduwal na pagkukusa. “Makinig ka,” wika ng Panginoon, “Ako’y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok; kung diringgin ng sinuman ang aking tinig at buksan ang pinto, ako’y papasok sa kanya, at kakaing kasalo niya, at siya’y kasalo ko” [Apocalipsis 3:20]. Ang pintuang iyon ay bukas kapag nagdarasal tayo sa ating Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo.

Pakikinggan ng Diyos ang inyong taimtim at taos-pusong mga panalangin

Kung magdarasal tayo taglay ang walang-hanggang pananaw, hindi natin kailangang isipin kung naririnig ba ang ating taimtim at taos-pusong mga pagsamo. Ang pangakong ito mula sa Panginoon ay nakatala sa bahagi 98 ng Doktrina at mga Tipan:

“Ang inyong mga panalangin ay nakarating sa tainga ng Panginoon … at natatala sa tatak na ito at testamento—ang Panginoon ay sumumpa at nag-utos na ang mga ito ay ipagkakaloob.

“Samakatwid, ibinigay niya ang pangakong ito sa inyo, nang may hindi mababagong tipan na ang mga yaon ay matutupad; at lahat ng bagay na kung saan kayo pinahirapan ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti, at para sa kaluwalhatian ng aking pangalan, wika ng Panginoon” [Doktrina at mga Tipan 98:2–3].

Pinili ng Panginoon ang matitinding salita upang panatagin tayo! Tatak! Testamento! Sumumpa! Nag-utos! Hindi mababagong tipan! Mga kapatid, maniwala sa Kanya! Pakikinggan ng Diyos ang inyong taimtim at taos-pusong mga dalangin, at titibay ang inyong pananampalataya.

Ang pagpapagaling ng langit ay magaganap sa sariling paraan at panahon ng Diyos

16:44

Alam ko na ang pag-unawa ng isang napakarunong na Ama sa Langit ay mas malawak kaysa sa ating pang-unawa. Bagama’t alam natin ang ating mga problema at pasakit sa buhay, alam naman Niya ang imortal nating pag-unlad at potensyal. Kung ipagdarasal nating malaman ang Kanyang kalooban at magpapasakop dito [na] taglay ang tiyaga at tapang, magaganap ang pagpapagaling ng langit sa sarili Niyang paraan at panahon.

Ang Espiritu Santo ay mapapasainyo at magtuturo sa inyo

Saanman naroon ang iyong personal na “silid”—literal man itong silid o iba pang lugar kung saan maaari kayong mapag-isa, magplano na magkaroon ng pribadong oras sa lugar na iyon para maghanda, magmuni-muni, at manalangin. …

Maaaring maghanda kayo ng notepad at lapis na madali ninyong magagamit upang maitala ninyo ang anumang mga pahiwatig na dumating sa inyong puso at isipan. Kapag naglaan kayo ng mahalagang oras na ito ng paghahanda sa araw-araw, matutulungan at matuturuan kayo ng Espiritu Santo.

Kapag natapos na ninyo ang inyong personal na pagdarasal, at kapag sinundan ninyo ito ng panalangin kasama ang inyong pamilya at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, handa na kayo para sa isang magandang araw na darating. Makatitiyak kayo na ang Panginoon, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ay makakasama ninyo, magiging tagapagtanggol ninyo, at tagagabay.

Gagabayan kayo ng Diyos sa mga gawa ng kabaitan, habag, at kagandahang-loob

Inaanyayahan ko kayong isipin kung paano maaaring maging dahilan ang inyong mga iniisip at dalangin para bigyang-inspirasyon at gabayan kayo ng Diyos sa pagpapakita ng kabaitan, habag, at pagiging bukas-palad. Isipin kung [gaano karaming] kabutihan ang magagawa ninyo sa mundo—at sa sarili ninyong pamilya, paaralan, at pinagtatrabahuhan. Kapag hinangad nating maging Kanyang mga kamay na nagpapagaling at tumutulong, tiyak na dadakilain natin ang Panginoon.

Video

An Answer to Prayer

4:21

Mga Kaugnay na Mensahe

Sweet Power of Prayer” (pangkalahatang kumperensya ng Abril 2003)

16:47

Mga Aral mula sa mga Panalangin ng Panginoon” (pangkalahatang kumperensya ng Abril 2009)

15:25