“Kabanata 11: Batas ng Diyos at Lubos na Katotohanan,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2023)
“Kabanata 11,” Mga Turo: Russell M. Nelson
Kabanata 11
Batas ng Diyos at Lubos na Katotohanan
Ang mga batas ng Diyos ay ginawa dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal sa atin at sa Kanyang hangarin para sa atin na maging mabuti sa abot ng makakaya natin.
Mula sa Buhay ni Russell M. Nelson
Alam ng mga tao sa buong mundo na si Pangulong Russell M. Nelson ay dating heart surgeon. Kakaunti lang ang nakaaalam na nagsimula ang kanyang pag-opera sa puso dahil sa inspirasyong natanggap niya habang pinag-aaralan niya ang mga banal na kasulatan.
“Nang makatapos ako ng medisina,” sabi niya, “nag-aral ako ng advanced education sa surgery. Noong panahong iyon ay wala pang ginagawang bagay na tulad ng pag-opera sa puso. Pagkatapos ay nakipagtulungan ako sa iba pang mga mananaliksik sa napakaselan at napakahirap na gawaing gumawa ng artipisyal na puso at makina sa baga. Alam namin na ang gayong aparato ay posibleng makapagpanatili ng sirkulasyon ng katawan habang isinasagawa ang pag-opera sa puso. Ngunit noong panahong iyon, marami kaming hindi alam.
“Pagkatapos isang araw, dalawang katotohanan na naipaliwanag sa Doktrina at mga Tipan ang nangusap sa nagtatanong kong isipan. Ang mga katotohanang ito ay, una, na lahat ng pagpapala ay nakasalalay sa pagsunod sa batas [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:21] at, pangalawa, na sa bawat kaharian ay may batas na ibinigay [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:38].
“Naisip ko na kung ang bawat kaharian ay may batas, malamang na mayroon ding mga batas na namamahala sa tumitibok na puso. Determinado akong tuklasin ang mga batas na iyon at sundin ang mga ito. Sa paggawa nito, darating ang mga pagpapala at maliligtas ang mga buhay.
“Sa pag-aaral ko ng medisina, itinuro sa akin na kung hahawakan ng isang tao ang tumitibok na puso, titigil ito sa pagtibok. Gayunman, isa sa mga unang batas na natuklasan namin sa laboratoryo ay maaari naming hawakan ang puso ng hayop nang hindi nawawala ang tibok nito. Ang pagkakatuklas na ito ay naging daan para mahayag ang isa pang batas na dahilan para maging posible ang mas kumplikadong open-heart operation.
“Nalaman namin na kung magdaragdag ng potassium chloride sa dugo na dumadaloy sa mga coronary artery, na magpapabago sa normal na sodium/potassium ratio, ang puso ay titigil kaagad sa pagtibok. Pagkatapos, kapag pinadaluyan namin ang puso ng dugong may normal na sodium/potassium ratio, muling titibok nang normal ang puso. Literal na mapapahinto namin ang pagtibok ng puso nang may sapat na oras para maayos ito at pagkatapos ay patibukin itong muli.
“Makalipas ang ilang dekada, nang ipaliwanag ko ito sa isang grupo ng mga estudyante ng medisina, itinanong ng isang kilalang propesor, ‘Pero paano kung hindi ito umubra?’ Ang sagot ko? Lagi itong umuubra, dahil ito ay batay sa batas ng Diyos.”
Ang sagot na iyan ay katangian ng mga turo ni Pangulong Nelson tungkol sa batas ng Diyos at lubos na katotohanan—tuwiran, matibay, walang pag-aalangan, at puno ng pagmamahal. Sabi niya:
“Kung minsan, kami bilang mga lider ng Simbahan ay pinupulaan dahil mahigpit naming sinusunod ang mga batas ng Diyos, ipinagtatangol ang doktrina ng Tagapagligtas, at [nilalabanan] ang pamimilit ng lipunan sa ating panahon. Ngunit ang aming tungkulin bilang mga inordenang apostol ay ‘humayo sa buong daigdig upang ipangaral ang [Kanyang] ebanghelyo sa bawat nilikha’ [Doktrina at mga Tipan 18:28]. Ibig sabihin niyan ay iniuutos sa amin na ituro ang katotohanan.
“Sa paggawa nito, kung minsa’y inaakusahan kami na walang pagmamalasakit kapag itinuturo namin ang mga ipinagagawa ng Ama para matamo ang kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ngunit hindi ba’t mas kawalang-malasakit ang hindi namin sabihin ang katotohanan—hindi ituro ang inihayag ng Diyos?
“Kaya namin inihahayag ang katotohanan ay dahil lubos naming pinagmamalasakitan ang lahat ng anak ng Diyos.”
Mga Turo ni Russell M. Nelson
Nasasalamin sa mga batas ng Diyos ang Kanyang sakdal na pagmamahal at ang Kanyang hangarin na makabalik tayo sa Kanya
Mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin nang may sakdal na pagmamahal.
Higit sa anupaman, nais ng ating Ama na piliin ng Kanyang mga anak na bumalik sa Kanya. Lahat ng ginagawa Niya ay bunsod ng Kanyang matinding hangarin. Ang buong dahilan kung bakit tayo narito sa mundong ito ay ang maging karapat-dapat na makapiling Siya magpakailanman. Ginagawa natin iyan sa paggamit ng ating kalayaang hanapin at manatili sa landas ng tipan pabalik sa ating tahanan sa langit.
Alam ng Diyos na dahil sa mapanlinlang na mga taktika at patibong ng kaaway, ang landas ng tipan ay hindi magiging madaling hanapin o patuloy na tahakin. Kaya, isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang magbayad-sala para sa atin at ipakita sa atin ang daan. Ang makalangit na kapangyarihan na matatanggap ng lahat ng nagmamahal at sumusunod kay Jesucristo ay ang kapangyarihang pagalingin tayo, palakasin tayo, linisin mula sa kasalanan, at dagdagan ang ating kakayahang magawa ang mga bagay na hindi natin kailanman magagawa nang mag-isa. Ang ating Tagapagligtas ang Banal na Huwaran na nagpakita sa landas na dapat nating tahakin.
Dahil walang katapusan at sakdal ang pagmamahal sa atin ng Ama at ng Anak at dahil alam Nila na hindi natin nakikita ang lahat ng nakikita Nila, binigyan Nila tayo ng mga batas na gagabay at poprotekta sa atin.
Matibay ang kaugnayan ng pagmamahal ng Diyos at ng Kanyang mga batas. Nakita ko ang kahalagahan ng kaugnayang iyon at ang kapangyarihan ng batas ng Diyos. … Nasasalamin sa mga batas ng Diyos ang Kanyang sakdal na pagmamahal sa bawat isa sa atin. Pinananatili tayong espirituwal na ligtas ng Kanyang mga batas at tinutulungan tayong umunlad magpasawalang-hanggan. …
Mahal kong mga kapatid, ang mga batas ng Diyos ay mga kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak. … Hayaan ninyong sabihin ko ito nang malinaw sa abot-kaya ko: Kapag sumusunod kayo sa mga batas ng Diyos, kayo ay sumusulong tungo sa kadakilaan.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang Diyos ay “[n]agtatag ng mga batas na nagbibigay sa [atin] ng pribilehiyong umunlad na katulad niya.” Ang mga pinakadakilang pagpapala ng Diyos ay nakalaan para sa mga sumusunod sa Kanyang mga batas, tulad ng ipinaliwanag Niya: “Sapagkat lahat ng magkakaroon ng pagpapala sa aking mga kamay ay susunod sa batas na itinakda para sa pagpapalang iyon” [Doktrina at mga Tipan 132:5]. Ang mga batas ng Diyos ay ginawa dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal sa atin at sa Kanyang hangarin para sa atin na maging mabuti sa abot ng makakaya natin. …
Nakikita at nadarama ng bawat isa sa mga apostol ng Panginoon ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak, lalo na para sa mga nahihirapan. Nagmamalasakit Siya nang husto sa mga taong lumihis sa landas ng tipan, lalo na kapag natatakot sila na walang daan pabalik. …
Laging may daan pabalik. Si Jesucristo (at ang Kanyang ebanghelyo) ang daan. Hindi pa kayo nakagawa ng anumang napakabigat na kasalanan para hindi ninyo madama ang pagmamahal at nagbabayad-salang biyaya ng Tagapagligtas. Kapag gumagawa kayo ng mga hakbang para magsisi at sundin ang mga batas ng Diyos, madarama ninyo kung gaano kagusto ng Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na makauwi kayo sa Kanila! Nais Nilang lumigaya kayo. Gagawin Nila ang lahat sa abot ng Kanilang makakaya nang hindi nilalabag ang inyong kalayaan o ang Kanilang mga batas para tulungan kayong makabalik.
Tanong sa Pag-aaral
Paano ninyo nakita na nasasalamin sa mga batas ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa inyo?
Ang mga batas ng Diyos ay ang mga lubos na katotohanang nananaig sa sansinukob
Natutuhan kong mahalin ang batas ng Diyos. Ano ang ibig kong sabihin sa batas ng Diyos? Ang ibig kong sabihin ay ang mga batas ng Diyos—ang mga lubos na katotohanang nananaig sa sansinukob. Sa Aklat ni Mormon, ipinaliwanag ni Jacob na ang mga ito ay: “Mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging ito” [Jacob 4:13].
Ang batas ng Diyos ay hindi maaaring pagdudahan at pabulaanan. Ang batas ng Diyos ay hindi maaaring itatwa o pagtalunan. At kapag sinusunod ang mga batas ng Diyos, mga kaukulang pagpapala palagi ang resulta! Ang mga pagpapala ay laging nakasalalay sa pagsunod sa angkop na batas [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21].
Ang mga existentialist ay maaaring magpaliwanag; ang mga relativist ay maaaring mangatwiran gamit ang makikitid nilang pananaw sa katotohanan—na ang katotohanan ay pansariling karanasan—ngunit ang batas ay batas! Ang katotohanan ng Diyos ay talagang totoo! Ang sinasabi ng Diyos na tama ay tama! At ang sinasabi Niyang mali ay mali!
Kaya nga mahalaga na alam ninyo ang mga batas ng Diyos. Kinokontrol ng mga ito ang sansinukob na ito at marami pang iba. Kapag nilalabag ang mga batas ng Diyos, may mga ibinubunga ito. Kahit nalulungkot tayo sa mga lumalabag sa mga batas ng Diyos, kailangan silang parusahan. Kailangang sundin ang mga batas ng Diyos.
Bawat araw ay umaasa tayo sa batas ng Diyos. Isipin ang batas ng gravity, halimbawa. … Iniisip ang batas ng gravity, maaaring itanong ninyo, “Paano nakakaangat at nakakalipad ang malaki at mabigat na jumbo jet na eroplano at inihahatid tayo sa ating destinasyon?” Dahil sa isa pang batas ng Diyos na “ang pressure sa stream ng likido ay nababawasan kapag nadagdagan ang bilis ng daloy nito.” Ang prinsipyong ito ay ipinahayag ni [Daniel] Bernoulli noong ikalabingwalong siglo. Ipinaliliwanag nito ang mga interaksyon ng pag-andar, foil o hugis ng mga pakpak, at pag-angat. Sa paggamit nito sa mga praktikal na paraan, ang penomenang ito ay nagtutulot sa eroplano na makalipad. Ang prinsipyo ay ipinahayag ni Bernoulli, ngunit ang batas ay nagmumula sa Diyos.
Ngayon, pag-usapan natin ang mga tao. Nakasaad sa batas ng Diyos na bawat tao ay anak ng Diyos. Ang lalaki at babae ay nilikha sa Kanyang larawan [tingnan sa Genesis 1:27]. Ang mga prinsipyong nauukol sa batas na iyon ay isinulat ng mga propeta at apostol. Ang kanilang dokumento ay kilala bilang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Isinulat nila ang pagpapahayag, ngunit ang batas ay sa Diyos. Pag-isipan ang mga karagdagang katotohanang ito mula sa pagpapahayag na iyan:
-
“Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos.”
-
“Ang mag-anak ay [mahalaga sa] plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.”
-
“Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”
-
“Ang kasarian ay mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan.” …
Sinabi ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” [Juan 14:6]. Siya ang katotohanan—ang Tagapaglikha ng lahat ng bagay [tingnan sa Juan 1:3; Doktrina at mga Tipan 93:10]. Lahat ng katotohanan, espirituwal at temporal, ay bahagi ng Kanyang ebanghelyo. Bilang ating Tagapagligtas at Manunubos, saklaw ng Kanyang mahalagang papel sa plano ng Ama ang mga walang-hanggang katotohanang ito:
-
Tayo’y mga anak ng Diyos.
-
Nabubuhay tayo sa isang makasalanang mundo.
-
Lahat tayo ay hindi perpekto at kailangan natin ng pagtubos.
Nagbayad-sala ang Panginoong Jesucristo para sa atin. Kapag nagsisisi tayo, may kapangyarihan Siyang magpatawad, tubusin tayo mula sa kasalanan, baguhin ang ating puso, palakasin tayo, at panatilihin tayo sa landas patungo sa ating Ama sa Langit. Ito ay batas ng Diyos at lubos na katotohanan.
Tanong sa Pag-aaral
Bakit mahalaga para sa inyo na malaman at sundin ang mga batas ng Diyos?
Talagang mayroong lubos na katotohanan—walang-hanggang katotohanan—puno ng banal na liwanag at kapangyarihan
Ang ilang bagay ay sadyang totoo. Ang Diyos ang nagpapasiya kung ano ang katotohanan—hindi ang paborito mong social media news feed, hindi ang Google, at tiyak na hindi yaong mga hindi nasisiyahan sa Simbahan. …
Marami ngayon ang nagsasabi na ang katotohanan ay relatibo at wala naman talagang batas ng Diyos o plano ng Diyos. Ang gayong pahayag ay sadyang hindi totoo. May pagkakaiba ang tama at mali. Ang katotohanan ay batay sa mga batas na itinatag ng Diyos para sa seguridad, proteksyon, at pangangalaga sa Kanyang mga anak. Ang mga walang-hanggang batas ay ipinatutupad at nakakaapekto sa buhay ng bawat isa sa atin, naniniwala man tayo sa mga ito o hindi.
Ang katotohanan ay hindi relatibo. Ang pag-unawa ng tao sa katotohanan ang totoong relatibo. … Ang katotohanang ipinahayag ng Diyos ay lubos na totoo na tulad ng Diyos.
Salungat sa pagdududa ng ilang tao, talagang mayroong tama at mayroong mali. Talagang mayroong hindi nagbabagong katotohanan—ang walang hanggang katotohanan. Ang isa sa mga salot ng ating panahon ay na kakaunti lamang ang may alam kung saan matatagpuan ang katotohanan.
Nagagalak akong malaman pa ang tungkol sa mga walang-hanggang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Tulad ng pamamahala ng mga batas ng Diyos sa ating pisikal na katawan, pinamamahalaan din nito ang ating espirituwal na pag-unlad—ang ating kaligayahan at kagalakan.
Natutuhan kong magtiwala sa mga katotohanang ito, at mahal ko ang mga ito. Iniutos sa atin ng Panginoon na humingi, maghanap, at kumatok upang madagdagan ang ating pang-unawa sa katotohanan. Gustung-gusto ko ang paghahanap ng bagong kaalaman at mga bagong ideya tungkol sa walang-hanggang ebanghelyo.
Ang mga pagpapala ng katotohanan—ng lubos na katotohanan—ay nasa buong paligid natin. Subalit, at nakalulungkot, nabubuhay tayo sa panahon na maraming tao ang naniniwala na ang katotohanan ay hindi lubos—na ito ay relatibo lamang. Isang kamalian ang ipagpalagay nila na malaya silang pumili ng sarili nilang katotohanan at magtakda ng sarili nilang mga batas. Sa kabalintunaan, ang mga taong naniniwala na ang katotohanan ay relatibo lamang ay namumuhay sa sansinukob ng Diyos, kung saan nananaig at nagpoprotekta sa kanila ang Kanyang mga batas. Ang mga batas na iyon ay gumagana araw-araw—sa mga kotseng minamaneho nila at sa mga teleponong ginagamit nila. At kapag naglalakbay sila sakay ng eroplano, lubos silang nakaasa sa mga batas ng aerodynamic sa pag-andar, foil o hugis ng mga pakpak, at pag-angat sa eroplano. … Subalit patuloy pa rin nilang ipinapalagay na maaari silang pumili ng sarili nilang katotohanan. Ang pagtitiwala sa relatibong katotohanan ay laganap lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa kasal, mga anak, kasarian, at personal na identidad at layunin. …
Dahil halos tanggap na ng lahat ang relatibismo sa ating lipunan, maging ang ilan sa ating mga kapatid sa Simbahan ay nawawalan ng pananalig sa katotohanan ng Diyos at sa Kanyang mga batas. Sa halip, nangungunyapit sila sa mga gawi ng mundo, na may mga pilosopiya ng tao na pinangangatwiranan ang kasalanan at apostasiya. Binabalewala nila ang mga salita ng mga propeta, sila ay nagiging kampante at nawawalan ng interes. Nawawala sa kanila ang liwanag, kadalisayan, at kapangyarihan ng katotohanan.
Bagama’t dapat nating tularan ang kabaitan at pagkamahabagin ng ating Tagapagligtas, bagama’t kailangan nating pahalagahan ang mga karapatan at damdamin ng lahat ng anak ng Diyos, hindi natin mababago ang Kanyang doktrina. Hindi tayo ang dapat magbago niyan. Ang tungkulin natin ay pag-aralan, unawain, at sundin ang Kanyang doktrina.
Itinuro ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na “ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa” [Doktrina at mga Tipan 93:24]. Sa plano ng Ama sa Langit, ang katotohanan ay hindi lamang tinipon na mga katunayan. Ang katotohanan ay higit pa riyan. Tunay ngang ang Panginoong Jesucristo ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay upang maunawaan Niya ang lahat ng bagay at maging liwanag ng katotohanan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:6–7].
Bukod pa riyan, “ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan, o, sa ibang salita, liwanag at katotohanan” [Doktrina at mga Tipan 93:36]. “Ang salita ng Panginoon ay katotohanan” [Doktrina at mga Tipan 84:45], at ang katotohanang iyan ay kaalaman, liwanag, katalinuhan, at kaluwalhatian.
May banal na liwanag at kapangyarihan sa katotohanan. Ang malinaw at simpleng mga salita ng katotohanan ay pumupukaw sa ating kaluluwa. Kung talagang pinakikinggan natin ang mga ito, kung lumalakad tayo sa mga landas ng katotohanan ayon sa mga batas ng Diyos, ang mga salita ng katotohanan ay maglalapit sa atin sa Panginoong Jesucristo [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:45–47]. Maaari tayong lumapit sa Kanya at gumawa ng mga sagradong tipan sa Kanya. Kung tapat tayo sa mga tipang iyon, pababanalin tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang katotohanan [tingnan sa Juan 17:17]. Malalaman natin ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa atin [tingnan sa Juan 8:31–32].
Tanong sa Pag-aaral
Ano ang ilang lubos na katotohanan na naghahatid ng liwanag at kapangyarihan sa inyong buhay?
Ipinararating ng mga propeta at apostol ang pagmamahal ng Tagapagligtas at itinuturo ang Kanyang mga batas at katotohanan
Ang Panginoong Jesucristo, na nagmamay-ari ng Simbahang ito, ay humihirang ng mga propeta at apostol upang iparating ang Kanyang pagmamahal at ituro ang Kanyang mga batas.
Ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga tagapaglingkod ay hindi nagbibigay ng mga mensaheng magpapakampante kundi nagtuturo ng kailangang malaman ng mga tao. Sa paglipas ng mga panahon, pinapatunayan ng kasaysayan na ang mga makabagong kritiko ay pwersahang iginigiit sa mga lider ng Simbahan na baguhin ang isang utos ng Panginoon [para sa mga halimbawa, tingnan sa 1 Samuel 8:4–7; Mateo 7:21; Lucas 6:46; 3 Nephi 14:21]. Ngunit ang walang hanggang batas ay sadyang gayon, at hindi ito mababago. Kahit para sa Kanyang Pinakamamahal na Anak ay hindi maaaring baguhin ng Diyos ang batas na nangangailangan ng Pagbabayad-sala. Ang mga doktrina ng Diyos ay hindi maaaring itulad sa isang bagay na pilit na pagkakasyahin sa maliit na hulmahan para lamang makasunod sa kalakaran ng panahon.
Ang mga propeta ay bihirang tanggapin ng lahat. Ngunit palagi naming ituturo ang katotohanan! …
… Hindi madaling makamtan ang kadakilaan. Kabilang sa mga kinakailangan ang nakatuon at masigasig na pagsisikap na sundin ang mga batas ng Diyos, nang nagsisisi nang husto kapag hindi natin ito nasusunod. Ngunit ang gantimpala sa paggawa nito ay higit pa sa anumang bagay na maiisip natin, dahil naghahatid ito sa atin ng kagalakan sa buhay na ito at “walang katapusang kaligayahan” sa kabilang buhay [Mosias 2:41].
Samakatwid, ang atas sa amin bilang mga apostol ay huwag magturo ng anuman maliban sa katotohanan. Ang atas na iyan ay hindi nagbibigay sa amin ng awtoridad na baguhin ang batas ng Diyos. …
Bagama’t kami sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay hindi maaaring baguhin ang mga batas ng Diyos, talagang nasa amin ang tungkuling “itayo ang simbahan, at pamahalaan ang mga gawain ng nabanggit sa lahat ng bansa” [Doktrina at mga Tipan 107:33]. Sa gayon ay maaari naming maiakma ang patakaran kapag iniutos sa amin ng Panginoon na gawin ito. … Dahil patuloy ang Pagpapanumbalik, tiyak na magpapatuloy ang mga pagbabago sa patakaran [tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9].
Tanong sa Pag-aaral
Bakit mahalagang malaman ninyo na mababago ng mga propeta ang patakaran ngunit wala silang awtoridad na baguhin ang batas ng Diyos?
Kapag ipinamumuhay ninyo ang mga batas ng Diyos, lalo kayong magiging malaya
Ang mga bitag na ipinlano ni Satanas ay maghahatid lamang sa inyo ng kalungkutan, espirituwal na pagkabihag, at kamatayan [tingnan sa 2 Nephi 2:27]. Totoo ito sa lahat ng oras. Ang malulungkot na bunga ng pagpapatangay sa mga patibong ni Lucifer ay maaaring mahulaan, maasahan, maulit, at pagsisihan.
Sa kabilang dako, ipinapangako ko na kapag sinusunod ninyo ang mga utos ng Diyos, kapag ipinamumuhay ninyo ang Kanyang mga batas, lalo kayong magiging malaya. Ang kalayaang ito ay maghahayag sa inyo ng inyong likas na kabanalan at tutulutan kayong [personal na] umunlad. Magiging malaya kayo mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Magiging malaya kayong maging kayo—isang epektibo at matwid na pinuno. Magiging handa kayong mamuno sa pamamagitan ng tuntunin at halimbawa saanman kayo kailangan. Ang masaya, ang mga pagpapala ng pagsunod sa mga utos ng Diyos ay maaari ding mahulaan, maasahan, at maulit.
Tanong sa Pag-aaral
Paano ninyo nakita na ang pagsunod sa mga kautusan ay humahantong sa higit na kalayaan?
Upang maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo, puspusin ang inyong buhay ng katotohanan
Nasa atin ang maluwalhating pribilehiyong saliksikin ang katotohanan, ituro ang katotohanan, at ipamuhay ito nang matwid sa paglilingkod sa iba.
Upang maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo, puspusin ang inyong buhay ng katotohanan. … Maghanap ng katotohanan sa pamamagitan ng pag-alam sa mga batas ng Diyos. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Ang pag-aaral ninyo ng ebanghelyo ay tutulong sa inyo na malaman ang katotohanan mula sa kamalian.
Kung patuloy tayong lumalakad sa katotohanan, ang Espiritu Santo—“ang Espiritu ng katotohanan” [Juan 15:26]—ay makakasama natin. Ang katotohanan ay mapapasaatin, sa ating puso’t isipan, sa ating katangian at pagkatao, at ito ay mananagana sa atin [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:66], na patuloy na “lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” [Doktrina at mga Tipan 50:24].
Tanong sa Pag-aaral
Ano ang ibig sabihin para sa inyo ng lumakad sa katotohanan?
Mga Paanyaya at Pangako
Kung patuloy kayong lumalakad sa katotohanan, makakasama ninyo ang Espiritu Santo
Upang maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo, puspusin ang inyong buhay ng katotohanan. … Maghanap ng katotohanan sa pamamagitan ng pag-alam sa mga batas ng Diyos. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Ang pag-aaral ninyo ng ebanghelyo ay tutulong sa inyo na malaman ang katotohanan mula sa kamalian.
May banal na liwanag at kapangyarihan sa katotohanan. Ang malinaw at simpleng mga salita ng katotohanan ay pumupukaw sa ating kaluluwa. Kung talagang pinakikinggan natin ang mga ito, kung lumalakad tayo sa mga landas ng katotohanan ayon sa mga batas ng Diyos, ang mga salita ng katotohanan ay maglalapit sa atin sa Panginoong Jesucristo [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:45–47]. Maaari tayong lumapit sa Kanya at gumawa ng mga sagradong tipan sa Kanya. Kung tapat tayo sa mga tipang iyon, pababanalin tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang katotohanan [tingnan sa Juan 17:17]. Malalaman natin ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa atin [tingnan sa Juan 8:31–32].
Kung patuloy tayong lumalakad sa katotohanan, ang Espiritu Santo—“ang Espiritu ng katotohanan” [Juan 15:26]—ay makakasama natin. Ang katotohanan ay mapapasaatin, sa ating puso’t isipan, sa ating katangian at pagkatao, at mananagana ito sa atin [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:66], na patuloy na “lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” [Doktrina at mga Tipan 50:24].
Laging may daan pabalik
Laging may daan pabalik. Si Jesucristo (at ang Kanyang ebanghelyo) ang daan. Hindi pa kayo nakagawa ng anumang napakabigat na kasalanan para hindi ninyo madama ang pagmamahal at nagbabayad-salang biyaya ng Tagapagligtas. Kapag gumagawa kayo ng mga hakbang para magsisi at sundin ang mga batas ng Diyos, madarama ninyo kung gaano kagusto ng Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na makauwi kayo sa Kanila! Nais Nilang lumigaya kayo. Gagawin Nila ang lahat sa abot ng Kanilang makakaya nang hindi nilalabag ang inyong kalayaan o ang Kanilang mga batas para tulungan kayong makabalik.
Ipinapangako ko sa inyo na kapag ipinamumuhay ninyo ang mga batas ng Diyos, lalo kayong magiging malaya
Kapag sinusunod ang mga batas ng Diyos, kaukulang pagpapala palagi ang resulta! Ang mga pagpapala ay laging nakasalalay sa pagsunod sa angkop na batas [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21]. …
Ang mga bitag na ipinlano ni Satanas ay maghahatid lamang sa inyo ng kalungkutan, espirituwal na pagkabihag, at kamatayan [tingnan sa 2 Nephi 2:27]. Totoo ito sa lahat ng oras. Ang malulungkot na bunga ng pagpapatangay sa mga patibong ni Lucifer ay maaaring mahulaan, maasahan, maulit, at pagsisihan.
Sa kabilang dako, ipinapangako ko na kapag sinusunod ninyo ang mga utos ng Diyos, kapag ipinamumuhay ninyo ang Kanyang mga batas, lalo kayong magiging malaya. Ang kalayaang ito ay maghahayag sa inyo ng inyong likas na kabanalan at tutulutan kayong [personal na] umunlad. Magiging malaya kayo mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Magiging malaya kayong maging kayo—isang epektibo at matwid na pinuno. Magiging handa kayong mamuno sa pamamagitan ng tuntunin at halimbawa saanman kayo kailangan. Ang masaya, ang mga pagpapala ng pagsunod sa mga utos ng Diyos ay maaari ding mahulaan, maasahan, at maulit
Mga Video
Heart Surgeons Honor President Russell M. Nelson’s Pioneering Efforts in Their Field
Mga Kaugnay na Mensahe
Ano ang Totoo? (Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022)
The Love and Laws of God (Brigham Young University devotional, Setyembre 17, 2019)
Mga Propeta, Pamumuno, at Batas ng Diyos (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Enero 8, 2017)
Truth … and More (Brigham Young University devotional, Agosto 1, 1985; audio lamang)