Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 7: Kalayaang Pumili at Pananagutan


“Kabanata 7: Kalayaang Pumili at Pananagutan,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2023)

“Kabanata 7,” Mga Turo: Russell M. Nelson

pamilyang nakangiti at nagtatawanan

Kabanata 7

Kalayaang Pumili at Pananagutan

Ang kalayaang pumili, o ang kapangyarihang pumili, ay taglay natin bilang mga espiritung anak ng ating Lumikha bago pa man nilikha ang mundo. Ito ay kaloob ng Diyos, halos kasinghalaga ng buhay mismo.

Mula sa Buhay ni Russell M. Nelson

Hindi nagtagal matapos maorden si Russell M. Nelson bilang Pangulo ng Simbahan, tinanong ang kanyang asawang si Wendy kung ano ang gusto nitong malaman ng mundo tungkol sa kanyag asawa.

“Sumagot siya nang walang pag-aatubili, ‘Na tumatanggap siya ng paghahayag.’ Matapos tumigil sandali, idinagdag niya, ‘At mas higit pa sa naiisip ninyo ang pagiging mapagmahal niya.’

“Matapos ang ilang sandali pang pagmumuni-muni, idinagdag pa niya: ‘Ang aking asawa ay tunay na napakagalang sa kalayaang pumili ng iba. Siya ang ehemplo ng mga salita sa himno na “That Every Soul Is Free [O Kaylaya ng Kaluluwa].” Ang mga titik na ito ay nagsasabi ng lahat ng ito: “Kanyang hikayat ay mat’wid. Liwanag, awa N’ya’y hatid, Mabuti S’ya at mabait, Tama ay ‘di ipipilit.” Iyan si Russell M. Nelson.’”

Mga Turo ni Russell M. Nelson

Ang kalayaang pumili ay kaloob ng Diyos

Ang kalayaang pumili, o ang kapangyarihang pumili, ay taglay natin bilang mga espiritung anak ng ating Lumikha bago pa man nilikha ang mundo [tingnan sa Alma 13:3]. Ito ay kaloob ng Diyos, halos kasinghalaga ng buhay mismo.

Ang mga mortal ay tumanggap ng kaloob na halos kasinghalaga ng buhay mismo nang pagkalooban ng Diyos ang tao ng pribilehiyong pumili ng kanyang sariling landas sa buhay. Pinipili natin kung kanino tayo makikinig. Malaya tayong pumili kung ano ang ating paniniwalaan at kahihinatnan. …

Maging sa buhay bago ang buhay sa mundo, nang binuo ang plano ng kaligtasan at pagnilayan ang paglikha ng tao sa mundo, napanatili ang kalayaan. Sinabi sa atin ng ating Tagapaglikha, “At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos” (Abraham 3:25).

Mga Tanong sa Pag-aaral

Ano ang papel na ginagampanan ng kalayaang pumili sa plano ng kaligtasan ng Diyos? Bakit mahalaga sa iyo ang kalayaang pumili?

Ang isang pangunahing dahilan ng mortalidad ay upang subukan kung paano natin gagamitin ang ating kalayaan

16:13

Bago tayo isinilang, namuhay tayo bilang mga espiritung anak kasama ng ating Ama sa Langit. Doon ay sabik nating inasahan ang posibilidad na makarating sa mundo at magkaroon ng pisikal na katawan. Alam nating ginusto natin ang mga panganib ng mortalidad, na magbibigay-daan sa paggamit ng kalayaang pumili at pananagutan. “Ang buhay na ito [ay magiging] isang pagsubok na kalagayan; isang panahon upang maghanda sa pagharap sa Diyos.” (Alma 12:24.)

16:30

Bakit kayo narito sa mundo? Isa sa mga pinakamahalagang dahilan ay para tumanggap ng mortal na katawan. Ang isa pa ay ang masubok—makaranas ng mortalidad—upang malaman kung ano ang gagawin ninyo sa mahihirap na pagkakataon sa buhay. Ang mga pagkakataong iyon ay nangangailangan sa inyo na gumawa ng mga pagpili, at ang mga pagpili ay nakasalalay sa kalayaang gawin iyon. Ang isang pangunahing dahilan ng inyong buhay sa mundo, samakatuwid, ay upang subukan kung paano ninyo gagamitin ang inyong kalayaan. (Tingnan sa 2 Nephi 2:15, 25.)

Ang kalayaang pumili ay banal na kaloob sa inyo. Malaya kayong pumili kung ano ang inyong kahihinatnan at kung ano ang inyong gagawin. At may tutulong sa inyo. Ang pakikipag-usap sa inyong mga magulang ay isang pribilehiyo anuman ang edad ninyo. Ang panalangin ay nagbibigay-daan para makaugnayan ninyo ang inyong Ama sa Langit at nag-aanyaya ng mga pahiwatig ng personal na paghahayag. At sa ilang sitwasyon, ang pagsangguni sa mga propesyonal na tagapayo at sa inyong mga lokal na lider sa Simbahan ay lubos na ipinapayo, lalo na kapag kailangang gumawa ng napakahirap na desisyon.

16:58

Saan natin nakukuha ang patnubay na kailangan natin? Bumabaling tayo sa Kanya na lubos na nakakakilala sa atin—ang ating Lumikha. Tinulutan Niya tayong pumarito sa lupa nang may kalayaan na pumili ng ating sariling landas. Sa Kanyang dakilang pagmamahal, hindi Niya tayo pinabayaan. Naglaan Siya ng gabay—isang espirituwal na mapa ng daan—na tutulong sa atin na makamit ang tagumpay sa ating paglalakbay. Tinatawag natin ang gabay na iyan na mga pamantayang aklat, dahil ang mga ito—ang Banal na Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas—ang siyang pamantayan na dapat nating ipamuhay. Ang mga ito ay nagsisilbing pamantayan ng sanggunian, tulad ng mga pamantayan ng oras, timbang, at mga sukat na pinanatiling nakaayon sa mga pamantayan.

Upang makamit ang ating layunin na buhay na walang hanggan, kailangan nating sundin ang mga turo sa mga pamantayang aklat at iba pang mga paghahayag na natanggap mula sa mga propeta ng Diyos.

Sa premortal na daigdig, pumanig kayo kay Jesucristo sa Digmaan sa Langit. At ngayo’y patuloy ang labanan ng mga puwersa ng kabutihan at kasamaan dito sa lupa. Ito ay totoo! Ang labanang iyon na ating kinasasangkutan ngayon ay nasa pagitan pa rin ng mga pwersa ng mabuti at ng mga pwersa ng kasamaan. Nasa panig ng Diyos si Jesucristo, inorden bago pa isinilang upang maging Tagapagligtas ng sanlibutan [tingnan sa 1 Nephi 10:4]. Sa kabilang panig ay si Satanas—mapanghimagsik, mangwawasak ng kalayaan [tingnan sa Moises 4:3].

Sa plano ng Diyos tinutulutan ang kaaway na tuksuhin kayo upang magamit ninyo, na nasa mundong ito ngayon, ang inyong kalayaan na piliing gumawa ng mabuti kaysa masama, piliing magsisi, piliing lumapit kay Jesucristo at maniwala sa Kanyang mga turo at sumunod sa Kanyang halimbawa. Kaylaking responsibilidad at pagtitiwala!

Ang kalayaan ninyong pumili ay malinaw na ipinaliwanag sa Aklat ni Mormon: “Ang tao ay malaya ayon sa laman. … Sila ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan … o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo; sapagkat hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” [2 Nephi 2:27]. Ano ang pipiliin ninyo?

Isa pang talata ang naghahayag na “ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” [Alma 41:10]. Maraming … sumubok na hamunin ang katotohanang iyon at nabigo sa tuwing gagawin ito.

Ang kalayaan ninyong kumilos para sa inyong sarili ay napakahalaga sa inyong walang-hanggang pag-unlad at kaligayahan kaya lalo itong pinagsisikapang pahinain ng kaaway. Si Satanas ay walang puknat sa pagiging insomniac, na ang ibig sabihin ay hindi siya kailanman natutulog. Marami na sa inyo ang nakaranas na niyan! …

Magtatakda ba kayo ng mga priyoridad na tutulong sa inyong mga pagpili?

Ang inyong mga pagpili ay hindi pawang sa mabuti at masama lamang. Marami ang mga pagpili sa pagitan ng dalawang bagay na parehong mabuti. Hindi lahat ng katotohanan ay magkakapareho ng kahalagahan, kaya kailangan ninyong magtakda ng mga prayoridad. Sa pagtatamo ninyo ng kaalaman, dapat ninyong malaman na ang pinakamahalagang katotohanang matututuhan ninyo ay nagmumula sa Panginoon. Sa Kanyang Panalangin ng Pamamagitan sa Kanyang Ama, pinagtibay ito ng Tagapagligtas mismo. Sinabi Niya, “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo” [Juan 17:3]. Higit pa sa lahat ng bagay na nais ninyong malaman, hangaring makilala ang Diyos, ang inyong Ama sa Langit, at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Kilalanin Sila at mahalin Sila, tulad ng ginagawa ko.

Ang isa pang banal na kasulatan tungkol sa priyoridad na nakatulong sa buong buhay ko ay ito, “Inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos, at pagtibayin ang kanyang katwiran, at ang lahat ng bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” [Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:38 (sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia)].

Higit sa anupamang bagay sa mundong ito, nais ninyong gumawa ng mga pagpapasiyang hahantong sa pinakamahalaga at maluwalhating tadhana na buhay na walang hanggan. Iyan ang dakilang kaluwalhatian ng Diyos para sa inyo. … Piliin ang buhay na walang hanggan bilang inyong pinakamataas na priyoridad at pansinin kung paano tumugma ang iba pang mga pagpili sa dapat nitong kalagyan.

Mga Tanong sa Pag-aaral

Sa paggunita mo sa mga pangyayari sa iyong buhay, anong mga desisyon ang nagdulot sa iyo ng pinakamalaking kaligayahan at kagalakan? Ano ang natutuhan mo tungkol sa kalayaan mula sa mga pagpiling ito?

Ang wastong paggamit ng moral na kalayaan ay nangangailangan ng pananampalataya kay Jesucristo

16:30

Ang wastong paggamit ng moral na kalayaan ay nangangailangan ng pananampalataya. Ang panampalataya sa Panginoong Jesucristo ang siyang unang alituntunin ng ebanghelyo. Dahil sa Kanya, may kalayaan kayong pumili. Siya ang dapat na pinakapundasyon ng inyong pananampalataya, at ang pagsubok sa pananampalatayang iyon ay isang pangunahing dahilan para sa inyong kalayaan na pumili.

Malaya kayong magkaroon ng pananampalataya at manampalataya sa Diyos at sa Kanyang banal na Anak, manampalataya sa Kanyang salita, manampalataya sa Kanyang Simbahan, manampalataya sa Kanyang mga lingkod, at manampalataya sa Kanyang mga kautusan.

Ang pagharap sa mahihirap na hamon ay hindi bago ni kakaiba. Ilang siglo na ang nakararaan, nagsalita si Josue tungkol sa isang desisyon na kinaharap ng kanyang pamilya. Ipinahayag Niya:

“Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; … ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon” [Josue 24:15].

Ang pagkakaroon ng pananampalatayang iyan ay magbibigay sa inyo ng karapatang makasama ang Espiritu Santo, na tutulong sa inyo na gumawa ng matatalinong desisyon.

16:23

Piliing maniwala kay Jesucristo. Kung may pag-aalinlangan kayo tungkol sa Diyos Ama at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak o sa katotohanan ng Pagpapanumbalik o pagiging totoo ng banal na pagtawag kay Joseph Smith bilang isang propeta, piliing maniwala at manatiling tapat. Isangguni ang inyong mga tanong sa Panginoon at sa iba pang mapagkakatiwalaang sanggunian. Mag-aral nang may hangaring maniwala sa halip na umasang may makikitang kamalian sa buhay ng propeta o hindi pagkakatugma-tugma sa mga banal na kasulatan. Huwag nang patindihin pa ang inyong pag-aalinlangan sa pagsasabi nito sa iba pang mga nagdududa. Tulutan ang Panginoon na akayin kayo sa inyong paglalakbay sa pagtuklas ng mga bagay na espirituwal.

Tanong sa Pag-aaral

Isipin ang isang pagkakataon na nagpasiya ka batay sa mga turo ng Tagapagligtas. Paano nakaapekto sa buhay mo ang desisyong iyon?

Kung pipiliin natin ang masama, tiyak na daranasin natin ang mga kahihinatnan ng pagpiling iyon

19:15

Kapag selestiyal ang pag-iisip ninyo, nanaisin ninyong iwasan ang anumang bagay na humahadlang sa inyong kalayaang pumili. Anumang adiksyon—ito man ay paglalaro, pagsusugal, utang, droga, alak, galit, pornograpiya, seks, o maging pagkain—ay hindi nakalulugod sa Diyos. Bakit? Dahil ang kinahuhumalingan ninyo ay nagiging diyos ninyo. Umaasa kayo rito sa halip na sa Kanya para mapanatag. Kung nahihirapan kayo sa adiksiyon, hingin ang espirituwal at propesyonal na tulong na kailangan ninyo. Huwag sana ninyong hayaang mawala sa inyo ang inyong kalayaang sundin ang kamangha-manghang plano ng Diyos dahil sa kinahuhumalingan ninyo.

Ang mapang-udyok na kasamaang dulot ng pornograpiya, aborsyon, at pagkalulong sa mga mapanganib na sangkap ay nagsisilbing anay na sumisira sa matibay na lakas ng isang masayang tahanan at ng isang tapat na pamilya. Hindi tayo maaaring magpatangay sa anumang kasamaan nang hindi nailalagay sa panganib ang ating pamilya.

Huwag kailanman hayaang tumitig ang inyong mga mata sa pornograpiya o hayaang maging malalaswa ang inyong pananalita. Ang mga pagpili mismo na ginawa dahil may kalayaang pumili ay naglilimita sa kalayaan ng isang tao sa hinaharap. Hindi kayo maaaring malayang makapili at makatakas sa pananagutan at responsibilidad sa bawat pagpili.

[Isang] digmaan, na tinatawag na “aborsiyon,” ay laganap at isinasagawa sa buong mundo. …

… Bihirang mangyari ang mga pagkakataon kung saan ang pagpapatuloy ng pagbubuntis ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng ina. Kapag ipinapalagay ng mahuhusay sa larangan ng medisina na ang buhay ng isa ay kailangang wakasan upang mailigtas ang buhay ng isa pa, marami ang sumasang-ayon na mas mabuting iligtas ang ina. Ngunit ang mga pangyayaring ito ay bihira, lalo na ngayong may magagamit nang makabagong pangangalagang medikal.

Ang isa pang bagay na isinasaalang-alang ay nauugnay sa mga kasong panggagahasa o incest. Ang karima-rimarim sa pagnanakaw na ito ng puri ay pinasidhi pa dahil, sa gayong mga relasyon, ang kalayaan sa pagpili ay ipinagkakait sa babaeng nasangkot nang walang kasalanan.

Ngunit [maliit na porsyento lamang] ng lahat ng aborsyon ay isinasagawa para sa dalawang kadahilanang ito. [Karamihan] ay isinasagawa para sa tinatawag na “mga pagdadahilan para sa sariling kaginhawahan” …

Ang [isang] argumentong ipinaglalaban ay malaya ang isang babae na magpasiya kung ano ang gagawin niya sa kanyang sariling katawan. Sa ilang aspeto totoo ito para sa ating lahat. Tayo ay may kalayaang mag-isip. Tayo ay may kalayaang magplano. At may kalayaan tayong gawin ito. Ngunit sa sandaling isagawa ito, hindi tayo kailanman malaya mula sa mga kahihinatnan nito. [Sa karamihan ng mga kaso,] ang mga taong kinukunsidera ang aborsyon ay nakagawa na ng ilang pagpapasiya.

Upang linawin ang konseptong ito, maaari tayong matuto mula sa astronaut. Anumang oras sa proseso ng pagpili, pagpaplano, at paghahanda, malaya siyang umatras. Ngunit kapag pinaliyab na ang rocket fuel, wala na siyang kalayaang pumili. Ngayon ay kailangan na niyang harapin ang kahihinatnan ng kanyang pagpili. Kahit pa magkaroon ng problema at naisip niya na iba sana ang kanyang naipasiya, ang desisyong ginawa ay nagtakda na ng mga posibleng maging resulta.

Ganoon din sa mga taong mapaminsalang pinipigilan ang kapangyarihang magkaroon ng mga anak na kaloob ng Diyos. Malaya silang mag-isip at magplano ng iba, ngunit ang kanilang pagpili ay nagtakda na ng mga posibleng maging resulta.

16:41

Madalas … mali ang pagkaunawa sa kalayaang pumili. Bagama’t malaya tayong pumili, kapag nagawa na natin ang mga pagpiling iyon, tiyak na daranasin natin ang mga ibinunga ng mga pagpiling iyon.

Malaya tayong gumamit o hindi gumamit ng droga. Ngunit sa sandaling ipasiya nating gumamit ng nakalululong na droga, tiyak na daranasin natin ang mga ibinunga ng mga pagpiling iyon. Ang pagkalulong ay naglilimita sa kalayaang pumili kalaunan. Dahil sa kemikal na sangkap, literal na nawawala sa tao ang kakayahan na kontrolin ang sarili o magpasiya para sa kanyang sarili!

Para sa panlunas ng karamdaman, bilang isang doktor maaari akong magbigay ng reseta. Bilang inorden na Apostol, isasamo ko ang espirituwal na pagpapala na may walang-hanggang pananaw. Kapag pinagsama, ibabalik ng espirituwal kong reseta ang kaloob na kalayaan sa karapat-dapat na may-ari nito.

Tanong sa Pag-aaral

Ano ang ilang halimbawa ng mga desisyon na maaaring maglimita sa kalayaan ng isang tao?

Sa araw ng paghuhukom, mananagot kayo para sa inyong pananampalataya, mga hangarin, mga gawa, at mga kasalanan

16:30

Sa huli kayo (at ako) ay mamamatay, mabubuhay na mag-uli, hahatulan, at bibigyan ng lugar sa walang-hanggang kaharian. Sa bawat pagdaan ng paglubog ng araw, mas nalalapit kayo sa hindi maiiwasang araw ng paghuhukom na iyon. Pagkatapos ay pananagutin kayo para sa inyong pananampalataya, mga hangarin at mga gawa. Sabi ng Panginoon:

“Ang bawat tao ay makakilos sa doktrina at alituntunin na nauukol sa hinaharap, alinsunod sa moral na kalayaan sa pagpili na aking ibinigay sa kanya, upang ang bawat tao ay managot sa kanyang sariling mga kasalanan sa araw ng paghuhukom” [Doktrina at mga Tipan 101:78].

Dahil ang lahat ay mabubuhay na mag-uli, ang inyong pisikal na katawan ay ibabalik sa wasto at ganap na anyo. Ang araw ng inyong pagkabuhay na mag-uli ay magiging araw ng paghuhukom na magpapasiya sa uri ng buhay na magkakaroon kayo pagkatapos nito.

Ang paghatol na iyon ay hindi lamang isasaalang-alang ang inyong mga ginawa, kundi pati na rin ang inyong pinakataimtim na layunin at taos-pusong pagnanais. Maaalala ninyo ang lahat ng ginawa ninyo sa araw-araw. Binabanggit sa mga banal na kasulatan ang “malinaw na alaala” (Alma 11:43) at “ganap na alaala” (Alma 5:18) na ibibigay ng iyong isipan sa mga panahon ng paghatol ng Diyos.

Tanong sa Pag-aaral

Bakit mahalagang malaman na hahatulan tayo hindi lamang sa ating mga ginawa kundi sa ating “pinakataimtim at taos-pusong pagnanais?

Kapag nagpapasiya kayo, gawing walang-hanggang mithiin ang kahariang selestiyal

Sa unang mensahe ko bilang Pangulo ng Simbahan, hinikayat ko kayong magsimula na isinasaisip ang nasa dulo. Ibig sabihin ang kahariang selestiyal ang magiging walang hanggang mithiin ninyo at pagkatapos ay pag-isipan nang mabuti kung saan kayo dadalhin sa kabilang-buhay ng bawat desisyon ninyo sa mundong ito. …

19:15

Kapag gumagawa kayo ng pagpapasiya, hinihikayat ko kayong tanawin ang hinaharap—isang walang-hanggang pananaw. Unahin si Jesucristo, dahil ang inyong buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa inyong pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Nakasalalay rin ito sa inyong pagsunod sa Kanyang mga batas. Ang pagsunod ay naglalaan ng daan para sa masayang buhay para sa inyo ngayon at sa isang maringal, at walang-hanggang gantimpala bukas.

Ang mortal na buhay ay wala pa sa isang kisapmata kumpara sa kawalang-hanggan. Ngunit, mahal kong mga kapatid, napakahalaga ng kisapmatang iyon!

Magalak sa inyong mga puso at tandaan ninyo na kayo ay malayang makakikilos para sa inyong sarili—ang piliin ang daan ng walang hanggang kamatayan o ang daan ng buhay na walang hanggan [tingnan sa 2 Nephi 10:23].

Ang matalinong paggamit ng kalayaan ninyong magpasiya ay mahalaga sa inyong espirituwal na pag-unlad, ngayon at sa kawalang-hanggan. Hindi kayo napakabata pa para matuto, hindi napakatanda na para magbago. Ang pagnanais ninyong matuto at magbago ay mula sa hangaring ikinintal sa inyo ng langit na umunlad nang walang hanggan. Bawat araw ay pagkakataong magpasiya para sa kawalang-hanggan.

Tanong sa Pag-aaral

Paano nakakaimpluwenya ang walang-hanggang pananaw sa mga pagpili mo?

Mga Paanyaya at Pangako

Magkaroon ng pananampalataya at manampalataya sa Diyos at sa Kanyang banal na Anak

16:30

Malaya kayong magkaroon ng pananampalataya at manampalataya sa Diyos at sa Kanyang banal na Anak, manampalataya sa Kanyang salita, manampalataya sa Kanyang Simbahan, manampalataya sa Kanyang mga lingkod, at manampalataya sa Kanyang mga kautusan.

Ang pagharap sa mahihirap na hamon ay hindi bago ni kakaiba. Ilang siglo na ang nakararaan, nagsalita si Josue tungkol sa isang desisyon na kinaharap ng kanyang pamilya. Ipinahayag Niya:

“Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; … ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon” [Josue 24:15].

Ang pagkakaroon ng pananampalatayang iyan ay magbibigay sa inyo ng karapatang makasama ang Espiritu Santo, na tutulong sa inyo na gumawa ng matatalinong desisyon.

Huwag ninyong hayaang mawala sa inyo ang inyong kalayaang sundin ang kamangha-manghang plano ng Diyos dahil sa kinahuhumalingan ninyo

19:15

Kapag selestiyal ang pag-iisip ninyo, nanaisin ninyong iwasan ang anumang bagay na humahadlang sa inyong kalayaang pumili. Anumang adiksyon—ito man ay paglalaro, pagsusugal, utang, droga, alak, galit, pornograpiya, seks, o maging pagkain—ay hindi nakalulugod sa Diyos. Bakit? Dahil ang kinahuhumalingan ninyo ay nagiging diyos ninyo. Umaasa kayo rito sa halip na sa Kanya para mapanatag. Kung nahihirapan kayo sa adiksiyon, hingin ang espirituwal at propesyonal na tulong na kailangan ninyo. Huwag sana ninyong hayaang mawala sa inyo ang inyong kalayaang sundin ang kamangha-manghang plano ng Diyos dahil sa kinahuhumalingan ninyo.

Kapag nagpapasiya kayo, gawing walang-hanggang mithiin ang kahariang selestiyal

Sa unang mensahe ko bilang Pangulo ng Simbahan, hinikayat ko kayong magsimula na isinasaisip ang nasa dulo. Ibig sabihin ang kahariang selestiyal ang magiging walang hanggang mithiin ninyo at pagkatapos ay pag-isipan nang mabuti kung saan kayo dadalhin sa kabilang-buhay ng bawat desisyon ninyo sa mundong ito. …

19:15

Kapag gumagawa kayo ng pagpapasiya, hinihikayat ko kayong tanawin ang hinaharap—isang walang-hanggang pananaw. Unahin si Jesucristo, dahil ang inyong buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa inyong pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Nakasalalay rin ito sa inyong pagsunod sa Kanyang mga batas. Ang pagsunod ay naglalaan ng daan para sa masayang buhay para sa inyo ngayon at sa isang maringal at walang-hanggang gantimpala bukas.

Gawing pinakamataas na prayoridad ang buhay na walang hanggan, at ang iba pang mga pagpili ay mauuwi sa dapat nitong kalagyan

Higit sa anupamang bagay sa mundong ito, nais ninyong gumawa ng mga pagpapasiyang hahantong sa pinakamahalaga at maluwalhating tadhana na buhay na walang hanggan. Iyan ang dakilang kaluwalhatian ng Diyos para sa inyo. … Piliin ang buhay na walang hanggan bilang inyong pinakamataas na priyoridad at pansinin kung paano tumugma ang iba pang mga pagpili sa dapat nitong kalagyan.

Mga Video

Know This, That Every Soul Is Free

1:38

We Are “Free to Choose”

0:36

It Is Too Late

2:2

Mga Kaugnay na Mensahe

Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022)

31:24

Isipin ang Kahariang Selestiya!” (Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2023)

19:15

Addiction or Freedom” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1988)

19:15

Choices” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1990)

16:30

Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan, (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2013)

14:26

Youth of the Noble Birthright: What Will You Choose?” (Church Educational System devotional for young adults, Setyembre 6, 2013)

57:59

Reverence for Life” (pangkalahatang kumperensya ng Abril 1985)

15:20

Mga Tala

  1. Sa Sheri Dew, Insights from a Prophet’s Life: Russell M. Nelson (2019), 325.

  2. Addiction or Freedom,” Ensign, Nob. 1988, 7.

  3. “Stand as Witnesses” (mensaheng ibinigay sa mga estudyanteng Banal sa mga Huling Araw sa Salt Lake Tabernacle, Okt. 12, 1986), hindi inilathala.

  4. Doors of Death,” Ensign, Mayo 1992, 72.

  5. Choices,” Ensign, Nob. 1990, 74.

  6. Living by Scriptural Guidance,” Liahona, Nob. 2000, 17.

  7. Youth of the Noble Birthright: What Will You Choose?” (Church Educational System devotional for young adults, Set. 6, 2013), Gospel Library.

  8. Choices,” 74–75.

  9. Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 103.

  10. Isipin ang Kahariang Selestiya!Liahona, Nob. 2023, 118.

  11. Set in Order Thy House,” Ensign, Nob. 2001, 71.

  12. Personal Priesthood Responsibility,” Liahona, Nob. 2003, 46.

  13. Reverence for Life,” Ensign, Mayo 1985, 11, 12, 13.

  14. Addiction or Freedom,” 7.

  15. Choices,” 75.

  16. Isipin ang Kahariang Selestiya!” 118.

  17. Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022), Gospel Library.

  18. Addiction or Freedom,” 7.

  19. Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-hanggan,” Liahona, Nob. 2013, 106.

  20. Choices,” 75.

  21. Isipin ang Kahariang Selestiya!” 118.

  22. Isipin ang Kahariang Selestiya!” 118.

  23. “Youth of the Noble Birthright: What Will You Choose?” Gospel Library.