“Kabanata 6: Banal na Pagkatao,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2023)
“Kabanata 6,” Mga Turo: Russell M. Nelson
Kabanata 6
Banal na Pagkatao
Unang-una sa lahat, kayo ay anak ng Diyos, isang anak ng tipan, at isang disipulo ni Jesucristo. Kapag tinatanggap ninyo ang mga katotohanang ito, tutulungan kayo ng ating Ama sa Langit na maabot ang inyong [pangunahing] mithiin na mamuhay nang walang hanggan sa Kanyang banal na kinaroroonan.
Mula sa Buhay ni Russell M. Nelson
Noong Mayo 20, 2018, sina Pangulong Russell M. Nelson at Sister Wendy Nelson ay dumating nang walang pasabi sa isang stake conference sa Syracuse, Utah, USA. Nang tumayo si Pangulong Nelson para magsalita, nagbigay siya ng ilang pambungad na pananalita. Pagkatapos ay inanyayahan niya ang lahat ng batang Primary na tumayo. “Hindi ko pa rin nakikita ang mga nasa likod,” sabi niya, “kaya itaas ninyo ang inyong mga kamay at kumaway para makita ko kayong maigi.”
Matapos pasalamatan ang mga bata, nagsalita siya sa kanilang mga magulang. “Mangyaring tulungan silang maunawaan kung ano talaga ang ibig sabihin nito kapag kinakanta nila ang ‘Ako ay Anak ng Diyos,’” sabi niya. “Karamihan sa mga tao sa mundo ay hindi nauunawaan kung ano talaga ang ibig sabihin nito.”
Isang buwan bago iyon, sa Harare, Zimbabwe, ipinakiusap din ito ni Pangulong Nelson: “Kayong mga magulang at guro ay may mahalagang responsibilidad na turuan ang mga batang ito. Ang pinakaninanais ko ay ang ituro ninyo sa kanila ang tunay na kahulugan nito kapag sinasabi at kinakanta nila ang ‘Ako ay Anak ng Diyos’”
Noong 2018 at 2019, ibinahagi niya ang partikular na mensaheng ito sa mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo—sa Las Vegas, Nevada, USA; Bengaluru, India; Hong Kong, China; Laie, Hawaii, USA; Toronto, Canada; Vancouver, Canada; Lima, Peru; Auckland, New Zealand; Tahiti, French Polynesia; Orlando, Florida, USA; at São Paulo, Brazil. Binanggit niya ang pangangailangang “unawain kung sino talaga tayo.” Pinatotohanan niya, “Bawat isa sa atin ay nagtataglay ng kabanalan.”
Mga Turo ni Russell M. Nelson
Alamin ang katotohanan kung sino kayo
Alamin ang katotohanan kung sino kayo. Naniniwala ako na kung tuwirang nagsasalita sa inyo ang Panginoon, ang una Niyang titiyakin ay na nauunawaan ninyo ang inyong tunay na pagkatao. Mahal kong mga kaibigan, kayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos. Nakanta na ninyo ang katotohanang ito mula nang matutuhan ninyo ang mga titik sa “Ako ay Anak ng Diyos” [Mga Himno, blg. 189]. Ngunit nakatatak ba sa puso ninyo ang walang-hanggang katotohanang iyan? Nakadaig na ba kayo ng tukso dahil sa katotohanang ito?
Nangangamba ako na baka napakadalas na ninyong naririnig ang katotohanang ito kaya parang slogan na ito sa inyo sa halip na banal na katotohanan. Gayunpaman, ang paraan ng inyong pag-iisip kung sino kayo talaga ay nakakaapekto sa halos lahat ng desisyong gagawin ninyo. …
… Kung pinapalitan ng anumang titulo ang pinakamahahalagang bagay na tumutukoy sa inyo, maaari nito kayong pahinain.
Halimbawa, kung iraranggo ko ayon sa kahalagahan ang mga titulong maaaring iangkop sa akin, sasabihin kong: Una, ako ay anak ng Diyos—isang anak na lalaki ng Diyos—sumunod ay isang anak ng tipan, tapos ay isang disipulo ni Jesucristo at isang tapat na miyembro ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.
Sumunod ay ang ikinararangal kong mga titulo bilang asawa at ama, tapos ay Apostol ng Panginoong Jesucristo.
Lahat ng iba pang mga titulo na angkop sa akin … ay babagsak sa bandang ibaba ng listahan.
Ngayon, kayo naman ang tatanungin namin. Sino kayo?
Una sa lahat, kayo ay anak ng Diyos.
Pangalawa, bilang miyembro ng Simbahan, kayo ay anak ng tipan. At pangatlo, kayo ay disipulo ni Jesucristo. …
May iba’t ibang titulo na maaaring napakahalaga sa inyo, siyempre pa. Unawain sana ninyo ako. Hindi ko sinasabi na hindi mahalaga ang iba pang mga titulo at pantukoy. Ang sinasabi ko lang ay walang pantukoy na dapat makapag-alis, pumalit, o bigyan ng prayoridad kaysa sa tatlong nagtatagal na titulong ito: “anak ng Diyos,” “anak ng tipan,” at “disipulo ni Jesucristo.”
Anumang pantukoy na hindi tugma sa tatlong mahahalagang titulong iyon ay bibiguin kayo sa huli. Ang iba pang mga titulo ay hindi magpapasaya sa inyo pagdating ng panahon dahil wala itong kapangyarihan na akayin kayo sa buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal ng Diyos.
Ang mga pantukoy ng mundo ay hinding-hindi magbibigay sa inyo ng pagkaunawa kung sino ang maaari ninyong kahinatnan sa huli. Hinding-hindi nila pagtitibayin ang inyong banal na DNA o ang inyong walang hanggan at banal na potensyal.
Dahil may binuong malaking plano ng kaligtasan ang Ama sa Langit, hindi ba makatwiran na kayo ay mayroon ding banal na tadhana?
Huwag kayong magkakamali tungkol dito: Banal ang inyong potensyal. Sa inyong masigasig na paghahanap, ipapabanaag sa inyo ng Diyos kung sino ang maaaring maging kayo.
Kaya sino kayo? Unang-una sa lahat, kayo ay anak ng Diyos, isang anak ng tipan, at isang disipulo ni Jesucristo. Kapag tinatanggap ninyo ang mga katotohanang ito, tutulungan kayo ng ating Ama sa Langit na maabot ang inyong [pangunahing] mithiin na mamuhay nang walang hanggan sa Kanyang banal na kinaroroonan.
Ang mga tao sa 4 Nephi ay nagpakita ng tanda ng pagkakaisa na nararapat nating pagtuunan ng pansin: “Walang mga tulisan, ni mamamatay-tao, ni mga Lamanita, ni anumang uri ng mga “ita”; kundi sila ay iisa, ang mga anak ni Cristo, at mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos” (4 Nephi 1:17).
Ang mga bansag na nagpawatak-watak sa mga tao sa loob ng daan-daang taon ay naglaho sa harap ng mas nagtatagal at nagpapadakilang identidad. Itinuring nila ang kanilang sarili—at ang lahat ng iba pa—ayon sa relasyon nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Ang pagkakaiba-iba at mga [hindi pagkakapare-pareho] ay maaaring mabuti at mahalaga para sa atin. Ngunit ang pinakamahalaga nating mga identidad ay ang mga may kaugnayan sa ating banal na pinagmulan at layunin.
Tanong sa Pag-aaral
Isipin ang ilan sa mga label na ginagamit ninyo para matukoy ang inyong sarili. Gaano tumutugma ang mga ito sa “tatlong pangunahing titulo” na tinukoy ni Pangulong Nelson?
Kayo ay anak ng Diyos na may walang-hangganan at banal na potensyal
Sa lahat ng ginagawa ninyo ngayon, huwag kalimutan kailanman kung sino kayo. Kayo ay anak ng Diyos na may walang-hangganan at banal na potensyal. Ang inyong espiritu ay pumarito sa lupa sa isang pisikal na katawan. Magkasama, ang inyong espiritu at katawan ay isang buhay na kaluluwa na may kakayahang dumanas ng mortalidad sa mga paraang hindi magiging posible sa ibang paraan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:15). Ang tungkulin ninyo ay hayaang mahubog ng mga desisyong ginagawa ninyo ngayon at para sa kawalang-hanggan ang inyong tunay na pagkatao bilang anak ng Diyos.
“Ang espiritu ng tao [ay] sa anyo ng kanyang katauhan” [Doktrina at mga Tipan 77:2]. Ipinaliwanag ni Jesus, habang tinitingnan ng kapatid ni Jared ang katawan ng Panginoon bago Siya isinilang:
“Nakikita mo bang nilikha ka alinsunod sa aking sariling wangis? Oo, maging ang lahat ng tao ay nilikha noong simula alinsunod sa aking sariling wangis.
“… Ang katawang ito, na iyong namamasdan ngayon, ang katawan ng aking espiritu; at ang tao ay nilikha ko alinsunod sa katawan ng aking espiritu; at maging tulad ng pagpapakita ko sa iyo sa espiritu ay magpapakita rin ako sa aking mga tao sa laman” [Eter 3:15–16]. …
Ang espiritu at katawan, kapag pinagsama, ay nagiging buhay na kaluluwa na may banal na kahalagahan. Tunay ngang tayo ay mga anak ng Diyos—pisikal at espirituwal. …
Sino tayo? Tayo ay mga anak ng Diyos. Ang ating potensyal ay walang limitasyon. Ang ating mana ay sagrado.
Ang inyong espiritu ay walang hanggang nilalang. Sinabi ng Panginoon sa Kanyang propetang si Abraham: “Ikaw ay pinili bago ka pa man isinilang” [Abraham 3:23]. Kahalintulad nito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias at sa maraming iba pa. Sinabi Niya ito maging sa inyo [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:55–56].
Matagal na kayong kilala ng inyong Ama sa Langit. Kayo, bilang Kanyang anak na lalaki o babae, ay pinili Niyang isilang sa mundo sa panahong ito mismo, upang maging mga pinuno sa Kanyang dakilang gawain sa mundo [tingnan sa Alma 13:2–3]. Pinili kayo hindi dahil sa mga katangian ng inyong katawan kundi dahil sa inyong espirituwal na mga katangian, tulad ng katapangan, kagitingan, integridad, pagnanais sa katotohanan, pagnanais ng karunungan, at hangaring maglingkod sa kapwa.
Mga Tanong sa Pag-aaral
Alin sa mga espirituwal na katangiang binanggit ni Pangulong Nelson ang nakikita ninyo sa inyong sarili? Bakit mahalaga ang mga katangiang ito sa “dakilang gawain [ng Diyos] sa mundo”?
Kayo ay anak ng tipan
Kung ang Panginoon ay nangungusap sa inyo ngayong gabi, hihikayatin Niya kayong unawain ang inyong pagkatao—na malaman kung sino kayo talaga. Ginawa Niya ito nang magsalita Siya sa mga tao sa sinaunang Amerika. Matapos ipakilala ang Kanyang Sarili, ipinaalala Niya sa Kanyang mga tagapakinig ang kanilang pagkatao:
“At masdan, kayo ang mga anak ng mga propeta; at kayo ay sa sambahayan ni Israel; at kayo ay sakop ng tipang ginawa ng Ama sa inyong mga ama, na sinasabi kay Abraham: At sa iyong binhi ang lahat ng magkakamag-anak sa lupa ay pagpapalain” [3 Nephi 20:25; idinagdag ang pagbibigay-diin].
[Dapat] nating maunawaan ang pahayag na “mga anak ng tipan.” Anong tipan ang tinukoy ng Tagapagligtas? “Ang tipang ginawa niya kay Abraham” [3 Nephi 20:27]. Idinagdag pa ng Panginoon, “At aking aalalahanin ang tipang ginawa ko sa aking mga tao; at ako ay nakipagtipan sa kanila na titipunin ko sila nang magkakasama sa aking sariling takdang panahon” [3 Nephi 20:29; idinagdag ang pagbibigay-diin]. …
Tayo ay mga anak din ng tipan. Natanggap natin, tulad nila noong unang panahon, ang banal na priesthood at ang walang hanggang ebanghelyo. Sina Abraham, Isaac, at Jacob ay ating mga ninuno. Tayo ay bahagi ng sambahayan ni Israel. May karapatan tayong tanggapin ang ebanghelyo, ang mga pagpapala ng priesthood, at ang buhay na walang hanggan. Ang mga bansa sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap at ng mga gawain ng ating mga inapo.
Isa kayo sa marangal at dakilang mga espiritu ng Diyos, na inilaan upang pumarito sa lupa sa panahong ito. Bago pa man kayo isinilang sa mundo, kayo ay itinakdang tumulong sa paghahanda sa mundo para sa dakilang pagtitipon ng mga kaluluwa na mangyayari bago ang ikalawang pagparito ng Panginoon. Isa kayo sa mga pinagtipanang tao. Kayo ay tagapagmana ng pangako na ang buong mundo ay pagpapalain ng binhi ni Abraham at na ang tipan ng Diyos kay Abraham ay matutupad sa pamamagitan ng kanyang angkan sa mga huling araw na ito [tingnan sa 1 Nephi 15:18; 3 Nephi 20:25].
Ang mga anak ng tipan ay may karapatang tanggapin ang Kanyang doktrina at malaman ang plano ng kaligtasan. Ito ay napapasakanila sa pamamagitan ng paggawa ng mga sagradong tipan. … Tinutupad nila ang tipan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan [ng Diyos].
Mga Tanong sa Pag-aaral
Anong mga pagpapala ang makakamtan ninyo bilang anak ng tipan? Ano ang maaari ninyong gawin upang maibahagi ang mga pagpapalang ito?
Kayo ay disipulo ni Jesucristo
Bilang mga anak na lalaki at mga anak na babae ng Diyos, tayo ay pinagkalooban ng banal at maharlikang pagkapanganay. May potensyal tayong manahin ang lahat ng mayroon ang Ama. Nahihirapan akong maunawaan kung ano talaga ang tunay na kahulugan ng napakagandang pangakong ito. Ngunit alam ko na ang kaloob na buhay na walang hanggan ay sulit na sulit na paglaanan ng ating mortal na buhay sa pagsunod kay Jesucristo.
Nasasaisip ito, gusto kong magbigay ng anim na hakbang para tulungan tayong umunlad mula sa pagiging mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon tungo sa pagiging tunay na mga disipulo ni Jesucristo.
Una, dagdagan ang kakayahan ninyong makatanggap ng paghahayag. … Ang Ama sa Langit ay napakabukas-palad. Nais Niyang tulungan kayo sa lahat—sa inyong mga pamilya, tungkulin, trabaho, pagdadalamhati, at alalahanin. Kaya humiling, at pagkatapos ay mamuhay nang karapat-dapat upang makatanggap ng paghahayag. …
Pangalawa, upang maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo, puspusin ang inyong buhay ng katotohanan. … Maghanap ng katotohanan sa pamamagitan ng pag-alam sa mga batas ng Diyos. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Ang pag-aaral ninyo ng ebanghelyo ay tutulong sa inyo na malaman ang katotohanan mula sa kamalian.
Ang pangatlong paraan para mas maging mabuting disipulo ay huwag hayaang pahinain ng sumasalungat sa katotohanan ang inyong patotoo. Ang pagsalungat sa pinaniniwalaan ninyo ay maaaring nakakaligalig. Ngunit hindi ito kailangang maging gayon. Ang pagsalungat na iyon ay magpapalakas pa nga ng inyong patotoo. … Hindi sana kayo ipinadala ng ating Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak sa mundo ngayon kung hindi Nila nalaman na kayo ay may lakas, karunungan, at kaalaman upang mahiwatigan kung ano ang tama at kung ano ang hindi. …
Ang pang-apat na paraan para maging mas masigasig na disipulo ay maglingkod at sumamba sa templo hangga’t kaya ninyo. … Sa panahong ito na umiigting ang panlilinlang at kasamaan, walang ibang magpoprotekta sa inyo nang higit pa kaysa sa pag-uukol ng regular na oras sa templo. Pupuspusin kayo nito ng kapayapaan at tutulungan kayong tumanggap ng mas maraming personal na paghahayag.
Ang panlimang paraan para maragdagan ang inyong katapatan kay Jesucristo at sa Ama sa Langit ay ang pag-unawa kung gaano kayo kahalaga sa pagtitipon ng Israel. … Ipagdarasal ba ninyo ang mga simpleng bagay na magagawa ninyo para makatulong sa pagtitipon ng nakalat na Israel? Anumang oras na gumawa kayo ng anumang bagay para tulungan ang isang tao na makahanap o manatili sa landas ng tipan, tumutulong kayong tipunin ang Israel.
Ang pang-anim kong rekomendasyon para sa tapat na pagkadisipulo ay asahan ang kagalakan! Nilayon ng ating Ama sa Langit ang mortal na pagsubok na ito upang, sa kabila ng mga hamong kinakaharap natin, ay makadarama tayo ng kagalakan. …
Pinatototohanan ko sa inyo ngayon na ang kagalakan ay nagmumula sa pagsunod kay Jesucristo. Siya lamang ang makaaakay sa atin pabalik sa kinaroroonan ng Ama, kung saan mararanasan natin ang kaganapan ng walang katapusang kagalakan.
Tanong sa Pag-aaral
Habang tinitingnan ninyo ang anim na rekomendasyon ni Pangulong Nelson, alin sa mga ito ang nahihikayat kayong pagtuunan para mapalalim ang inyong pagkadisipulo?
Ang potensyal natin bilang mga anak ng Diyos ay maging katulad Niya
Ang mga banal na kasulatan … ay may pangako na, kung tayo ay matapat sa lahat ng bagay, tayo ay magiging katulad ng Diyos. Isinulat ni Juan na pinakamamahal na Apostol:
“[Dapat tayong] matawag na mga anak [na lalaki at mga anak na babae] ng Diyos. …
“… Kung siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad niya, sapagkat siya’y ating makikita bilang siya.
“At sinumang may ganitong pag-asa sa kanya ay naglilinis sa kanyang sarili, gaya naman niyang malinis” [1 Juan 3:1–3]. …
… Bilang mga anak ng mga magulang sa langit, pinagkalooban tayo ng potensyal na maging katulad nila, tulad ng mga mortal na anak na maaaring maging katulad ng kanilang mga magulang sa lupa.
Alamin ang katotohanan kung ano ang iniaalok sa inyo ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Sa madaling salita, inaalok Nila sa inyo ang lahat-lahat!
Ang plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak ay nagtutulot sa atin na mabuhay kung saan at kung paano Siya nabubuhay at sa huli ay mas lalo pang maging katulad Niya. Ang Kanyang plano ay literal na ibinibigay sa atin ang pinakamayayamang pagpapala ng buong kawalang-hanggan, pati na ang potensyal nating maging “mga kasamang tagapagmana ni Cristo”’ [Roma 8:17].”
Mga Tanong sa Pag-aaral
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng maging tagapagmana ng Diyos at “kasamang tagapagmana ni Cristo”? Paano naaapektuhan ng katotohanang ito ang paraan ng pakikitungo ninyo sa ibang mga anak ng Diyos?
Mga Paanyaya at Pangako
Huwag kalimutan kailanman kung sino kayo at kung ano ang iniaalok sa inyo ng Diyos
Sa lahat ng ginagawa ninyo ngayon, huwag kalimutan kailanman kung sino kayo. Kayo ay anak ng Diyos na may walang-hangganan at banal na potensyal. Ang inyong espiritu ay pumarito sa lupa sa isang pisikal na katawan. Magkasama, ang inyong espiritu at katawan ay isang buhay na kaluluwa na may kakayahang dumanas ng mortalidad sa mga paraang hindi magiging posible sa ibang paraan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:15). Ang tungkulin ninyo ay hayaang mahubog ng mga desisyong ginagawa ninyo ngayon at para sa kawalang-hanggan ang inyong tunay na pagkatao bilang anak ng Diyos.
Alamin ang katotohanan kung ano ang iniaalok sa inyo ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Sa madaling salita, inaalok Nila sa inyo ang lahat-lahat!
Ang plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak ay nagtutulot sa atin na mabuhay kung saan at kung paano Siya nabubuhay at sa huli ay mas lalo pang maging katulad Niya. Ang Kanyang plano ay literal na ibinibigay sa atin ang pinakamayayamang pagpapala ng buong kawalang-hanggan, pati na ang potensyal nating maging “mga kasamang tagapagmana ni Cristo” [Roma 8:17].
Pag-unlad mula sa pagiging miyembro ng Simbahan tungo sa pagiging disipulo ni Cristo
Bilang mga anak na lalaki at mga anak na babae ng Diyos, tayo ay pinagkalooban ng banal at maharlikang pagkapanganay. May potensyal tayong manahin ang lahat ng mayroon ang Ama. Nahihirapan akong maunawaan kung ano talaga ang tunay na kahulugan ng napakagandang pangakong ito. Ngunit alam ko na ang kaloob na buhay na walang hanggan ay sulit na sulit na paglaanan ng ating mortal na buhay sa pagsunod kay Jesucristo.
Nasasaisip ito, gusto kong magbigay ng anim na hakbang para tulungan tayong umunlad mula sa pagiging mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon tungo sa pagiging tunay na mga disipulo ni Jesucristo.
Una, dagdagan ang kakayahan ninyong makatanggap ng paghahayag. …
Pangalawa, maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo, puspusin ang inyong buhay ng katotohanan. …
Ang pangatlong paraan para mapalalim ang inyong pagkadisipulo ay huwag hayaang pahinain ng sumasalungat sa katotohanan ang inyong patotoo. …
Ang pang-apat na paraan para maging mas masigasig na disipulo ay maglingkod at sumamba sa templo hangga’t kaya ninyo. …
Ang panlimang paraan para madagdagan ang inyong katapatan kay Jesucristo at sa Ama sa Langit ay ang pag-unawa kung gaano kayo kahalaga sa pagtitipon ng Israel. …
Ang pang-anim kong rekomendasyon para sa tapat na pagkadisipulo ay asahan ang kagalakan! Nilayon ng ating Ama sa Langit ang mortal na pagsubok na ito upang, sa kabila ng mga hamong kinakaharap natin, ay makadarama tayo ng kagalakan.
Mga Video
God’s Greatest Creation [Ang Pinakadakilang Nilikha ng Diyos]
Mga Kaugnay na Mensahe
“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022)
“Ang Walang Hanggang Tipan” (Liahona, Oktubre 2022; teksto ng mensaheng ibinigay ni Pangulong Nelson noong Marso 2022)
“The Love and Laws of God” (Brigham Young University devotional, Setyembre 17, 2019)
“Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2013)
“Mga Tipan” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2011)
“Identity, Priority, and Blessings” (Brigham Young University fireside, Setyembre 10, 2000)
“We Are Children of God” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1998)
“Children of the Covenant” (pangkalahatang kumperensya ng Abril 1995)
“Combatting Spiritual Drift—Our Global Pandemic” (Ensign, Nobyembre 1993; teksto ng mensaheng ibinigay ni Pangulong Nelson sa Parliament of the World’s Religions sa Chicago, Illinois, Setyembre 2, 1993)
“Choices” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1990)
“The Magnificence of Man” (Brigham Young University devotional, Marso 29, 1987)