Teachings of Presidents
Kabanata 5: Pagsisisi


“Kabanata 5: Pagsisisi,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2023)

“Kabanata 5,” Mga Turo: Russell M. Nelson

Jesucristo

Kabanata 5

Pagsisisi

Ang tunay na pagsisisi ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo at sa kagalakang nagmumula sa Kanyang nakatutubos na kapangyarihan.

Mula sa Buhay ni Russell M. Nelson

Sa unang bahagi ng ministeryo ni Pangulong Russell M. Nelson bilang Pangulo ng Simbahan, sampung bata sa Primary ang nakipagkita sa kanya at sa Primary General President na si Joy D. Jones. Nakaupo sila sa paligid ng mesa na replika ng tahanan kung saan nanirahan si Joseph Smith nang matanggap niya ang kanyang Unang Pangitain. Habang nag-uusap sila, naikuwento ng isa sa mga bata ang isang pagkakataon na “agad siyang naging masaya” matapos humingi ng tawad sa pananalangin. Dahil sa kanyang kuwento, nahikayat si Pangulong Jones na hilingin kay Pangulong Nelson na magsalita tungkol sa “kung bakit napakahalaga ng pagsisisi.”

Magiliw na pinagmasdan ni Pangulong Nelson ang mga bata at sinabing: “Ang pagsisisi ay isang pagpapala. … Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay araw-araw na mas sinisikap ninyo na lalo pang maging katulad ng Panginoong Jesucristo. Kaya nagsisisi pa rin ako. Ano sa palagay ninyo? Araw-araw ay sinisikap kong matuto nang higit pa at maging higit na katulad ng nais ng Panginoon na kahinatnan ko. Hindi iyan parusa. Napakasayang pagkakataon nito. Isipin lang sa araw-araw, mabilis akong babangon mula sa higaan sa umaga at sasabihing, ‘Ah, may napakagandang bagay na mangyayari ngayon. Pagsisikapan ko na maging higit na katulad ni Jesus.’”

Mga Turo ni Russell M. Nelson

Ang pagsisisi ay kailangan ng bawat taong may pananagutan na naghahangad ng walang-hanggang kaluwalhatian

Sa buhay na ito, kung minsan ay matutukso ka at magkakasala. Kapag nangyari ito, mapagmahal kang inaalok ng Tagapagligtas ng kakayahang magbago. Ito ay tinatawag na pagsisisi. Nais ni Satanas na ituring mong negatibo ang pagsisisi na dapat iwasan at katakutan kaya walang daan pabalik mula sa kasalanan. Hindi talaga ito totoo.

14:36

Ibinalik ng Guro ang Kanyang ebanghelyo upang magalak ang Kanyang mga anak, at ang pagsisisi ay mahalagang bahagi ng ebanghelyong iyon.

Ang doktrina ng pagsisisi ay kasingtanda ng ebanghelyo mismo. Ang mga turo ng Biblia mula sa mga aklat ng Genesis hanggang Apocalipsis ay nagtuturo ng pagsisisi. Ang mga aral mula kay Jesucristo noong Kanyang mortal na ministeryo ay kinabibilangan ng mga babalang ito: “Malapit na ang kaharian ng Dios: kayo’y mangagsisi, at magsisampalataya sa evangelio” [Marcos 1:15] at “Malibang kayo’y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan” [Lucas 13:3].

Mas maraming beses binanggit ang pagsisisi sa Aklat ni Mormon. Sa mga tao sa Amerika noong unang panahon, ibinigay ng Panginoon ang kautusang ito: “Muli sinasabi ko sa inyo, kailangan na kayo ay magsisi, at magpabinyag sa aking pangalan, at maging katulad ng isang maliit na bata, o hindi kayo magmamana ng kaharian ng Diyos sa anumang paraan” [3 Nephi 11:38].

Sa Panunumbalik ng ebanghelyo, minsan pang binigyang-diin ng ating Tagapagligtas ang doktrinang ito. Ang salitang magsisi sa alinman sa mga anyo nito ay lumitaw nang 47 beses sa 138 bahagi ng Doktrina at mga Tipan!

Itinuturing ng maraming tao na parusa ang pagsisisi—isang bagay na dapat iwasan maliban sa pinakamatitinding sitwasyon. Ngunit ang pakiramdam na pinaparusahan tayo ay galing kay Satanas. Tinatangka niyang hadlangan tayo na umasa kay Jesucristo, na nakatayong nakaunat ang mga kamay, umaasa at handa tayong pagalingin, patawarin, linisin, palakasin, dalisayin, at pabanalin.

17:17

Tuklasin ang galak na dulot ng araw-araw na pagsisisi. Gaano kahalaga ang pagsisisi? Itinuro ni Alma na “wala [tayong] dapat ipangaral maliban sa pagsisisi at pananampalataya sa Panginoon” [Mosias 18:20]. Ang pagsisisi ay kailangan ng bawat taong may pananagutan na naghahangad ng walang-hanggang kaluwalhatian. Walang mga eksepsiyon. Sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith, kinastigo ng Panginoon ang mga naunang lider ng Simbahan sa hindi pagtuturo ng ebanghelyo sa kanilang mga anak. Pagsisisi ang susi sa pag-unlad. Ang dalisay na pananampalataya ang nagtutulak sa atin na sumulong sa landas ng tipan.

Mga Tanong sa Pag-aaral

Ano ang sasabihin ninyo sa isang kaibigan na itinuturing na kaparusahan ang pagsisisi? Paano ninyo tutulungan ang kaibigan ninyo na makahanap ng kagalakan sa pagsisisi?

Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago—na maging higit na katulad ni Jesucristo

14:57

Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibidwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Kung kayo man ay masigasig na sumusulong sa landas ng tipan, nalihis o nawala sa landas ng tipan, o hindi na natatanaw ang landas ng tipan mula sa lugar kung saan kayo naroroon, nakikiusap ako sa inyo na magsisi kayo. Danasin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng araw-araw na pagsisisi—ng paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw.

Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili. Pinipili nating umunlad sa espirituwal at magkaroon ng kagalakan—ang kagalakan na matubos Niya. Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating maging higit na katulad ni Jesucristo!

14:36

Ang pagsisisi ay kailangang gawin sa paisa-isang hakbang. Ang mapagpakumbabang panalangin ay magpapadali sa bawat mahalagang hakbang. Upang mapatawad, kinakailangang mayroon munang pag-amin, lungkot, pagkatapos ay pagtatapat. …

Ang susunod na hakbang ay pagsasauli—pagsasaayos ng kapinsalaang nagawa—kung maaari. Kasunod nito ang hakbang na magpasiyang magpakabuti at iwasang maulit ang kasalanan—na talagang magsisi “nang may buong layunin ng puso” [2 Nephi 31:13]. Salamat sa pagtubos na ginawa ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, buong kapatawaran ang ibinibigay sa nagkasala na nagsisisi at nananatiling malaya mula sa kasalanan [tingnan sa Mosias 4:2–3]. …

14:36

Ang doktrina ng pagsisisi ay mas malawak kaysa sa kahulugan nito sa diksyunaryo. Nang sabihin ni Jesus na “magsisi,” itinala ng Kanyang mga disipulo ang utos na iyon sa wikang Griyego gamit ang pandiwang metanoeo. Malalim ang kahulugan ng makapangyarihang salitang ito. Sa salitang ito, ang ibig sabihin ng unlaping meta ay “magbago.” Ang hulapi ay may kaugnayan sa apat na mahahalagang salitang Griyego: nous, na ibig sabihin ay “ang isip”; gnosis, na ibig sabihin ay “kaalaman”; pneuma, na ibig sabihin ay “espiritu”; at pnoe, na ibig sabihin ay “hininga.”

Kung kaya’t nang sabihin ni Jesus na “magsisi,” hiniling Niyang magbago tayo—baguhin ang ating isip, kaalaman, at espiritu—maging ang ating hininga. Ipinaliwanag ng isang propeta na ang gayong pagbabago sa hininga ng isang tao ay paghinga nang may buong pasasalamat sa Kanya na nagkakaloob ng bawat hininga. Sinabi ni Haring Benjamin, “Kung paglilingkuran ninyo siya na lumikha sa inyo … at nangangalaga sa inyo sa araw-araw, sa pamamagitan ng pagpapahiram sa inyo ng hininga … sa bawat sandali—sinasabi ko, kung siya ay paglilingkuran ninyo ng inyong buong kaluluwa, gayunman, kayo ay magiging hindi kapaki-pakinabang na mga tagapaglingkod” [Mosias 2:21].

Oo, inutusan tayo ng Panginoon na magsisi, na baguhin ang ating mga gawi, na lumapit sa Kanya, at maging lalong katulad Niya. Kailangan dito ang lubusang pagbabago. …

Ang lubusang pagsisisi ay ganap na pagbabalik-loob sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang banal na gawain.

Mga Tanong sa Pag-aaral

Ano ang pinakapumukaw sa inyo sa ibinigay na kahulugan ni Pangulong Nelson sa pagsisisi? Paano nito binabago ang nadarama ninyo tungkol sa pagsisisi, o kung paano kayo nagsisisi?

Ngayon ang panahon para maghandang humarap sa Diyos

Ngayon ang panahon para maghandang humarap sa Diyos. Maaaring huli na ang lahat bukas. Ipinahayag ng mga propeta sa lahat ng panahon: “Ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos. … Huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi” [Alma 34:32–33].

Ipinahayag ng Diyos na ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” [Moises 1:39]. Salamat sa Pagbabayad-sala, ang kaloob na imortalidad ay di-kondisyonal. Ang higit na dakilang kaloob na buhay na walang hanggan, gayunman, ay kondisyonal. Upang maging karapat-dapat dito, dapat talikuran ng isang tao ang kasamaan at igalang ang mga ordenansa at tipan sa templo. Ang napakagandang handog na pag-ibig ng Diyos—kasama na ang buhay na walang hanggan—ay kinabibilangan ng mga pagpapala na kinakailangang maging karapat-dapat tayo, at hindi mga karapatang aasahan nating basta na lamang matatanggap.

Maging ang Tagapagligtas ay hindi tayo maililigtas sa ating mga kasalanan. Tutubusin Niya tayo mula sa ating mga kasalanan, ngunit sa kondisyong tayo ay magsisisi. Tayo ang responsable sa sarili nating espirituwal na kaligtasan o kamatayan.

17:17

Sana huwag matakot sa o ipagpaliban ang pagsisisi. Natutuwa si Satanas sa inyong kasawian. Putulin ito agad. Alisin ang kanyang impluwensya sa inyong buhay! Simulan ngayon na maranasan ang galak ng paghuhubad sa likas na tao. Mahal tayo ng Tagapagligtas sa tuwina ngunit lalo na kapag nagsisisi tayo. Ipinangako Niya na bagaman “ang mga bundok ay maglalaho, at ang mga burol ay maaalis … ang aking kabaitan ay hindi maglalaho sa iyo” [Isaias 54:10; idinagdag ang pagbibigay-diin].

Kung sa tingin ninyo ay nalayo kayo sa landas ng tipan nang napakatagal at walang paraan para makabalik, iyan ay hindi totoo. Kontakin lamang ang inyong bishop o branch president. Siya ang kinatawan ng Panginoon at tutulungan niya kayong maranasan ang galak at ginhawang dulot ng pagsisisi.

Ngayon, isang babala: Ang pagbalik sa landas ng tipan ay hindi nangangahulugan na magiging madali ang buhay. Ang landas na ito ay mahirap at parang matarik na pag-akyat kung minsan. Ang pag-akyat na ito, gayunman, ay idinisenyo upang subukin at turuan tayo, para pinuhin ang ating pagkatao, at tulungan tayong maging mga banal. Ito ang tanging landas patungo sa kadakilaan. Inilarawan ng isang propeta ang “pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit … [at mananahanang] kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” [Mosias 2:41].

Minamahal kong mga kapatid, inaanyayahan tayo ni Jesucristo na tahakin ang landas ng tipan pabalik sa ating mga Magulang sa Langit at makasama ang mga mahal natin sa buhay. Inaanyayahan Niya tayong “pumarito ka, sumunod ka sa akin.”

Ngayon, bilang Pangulo ng Kanyang Simbahan, nakikiusap ako sa inyong mga lumayo sa Simbahan at sa inyo na hindi pa talaga naghangad na makaalam na ipinanumbalik na ang Simbahan ng Tagapagligtas. Gawin ang espirituwal na gawain para malaman ninyo ito mismo, at gawin na ito ngayon. Paubos na ang oras.

Mga Tanong sa Pag-aaral

Ano ang maaaring maging dahilan para ipagpaliban ng isang tao ang pagsisisi? Anong mga pahayag mula sa bahaging ito ang naghihikayat sa inyo na magsisi nang walang pagpapaliban?

Ang tunay na pagsisisi ay hindi isang pangyayari. Ito ay isang walang-hanggang pribilehiyo.

Ang pagsisisi ay isang pambihirang regalo. Ito ay isang proseso na hindi dapat katakutan. Ito ay isang kaloob na dapat nating tanggapin nang may kagalakan at dapat na gamitin—o yakapin—sa bawat araw habang sinisikap natin na maging mas katulad ng ating Tagapagligtas. …

… Ang tunay na pagsisisi ay hindi isang pangyayari. Ito ay isang walang-hanggang pribilehiyo. Ito ay napakahalaga sa pag-unlad at pagkakaroon ng kapayapaan ng isip, kapanatagan, at kagalakan.

14:57

Ang pagsisisi ang susi para maiwasan ang pagdurusa na dulot ng mga patibong ng kaaway. Hindi inaasahan ng Panginoon na magiging perpekto tayo sa bahaging ito ng ating walang hanggang pag-unlad. Ngunit ang inaasahan Niya sa atin ay maging mas dalisay tayo. Ang araw-araw na pagsisisi ay landas patungo sa kadalisayan, at ang kadalisayan ay nagdadala ng kapangyarihan. Tayo ay nagiging malalakas na kasangkapan sa mga kamay ng Diyos dahil sa ating personal na kadalisayan. …

Alam natin kung paano matatamo ang kapangyarihan ng langit. Alam din natin kung ano ang hahadlang sa ating pag-unlad—kung ano ang dapat nating itigil para lalo pa nating matamo ang kapangyarihan ng langit. … Mapanalanging hangarin na maunawaan kung ano ang humahadlang sa inyong pagsisisi. Tukuyin kung ano ang pumipigil sa inyo na magsisi. At pagkatapos, magbago! Magsisi! Lahat tayo ay maaaring gumawa nang mas mahusay at maging mas mahusay nang higit pa kaysa noon.

Ang ilang tao ay madaling matuksong magsinungaling nang kaunti, mandaya nang kaunti, magnakaw nang kaunti, o magbigay ng maling patotoo—nang kaunti. Hindi kayo makagagawa ng kaunting kasalanan nang hindi nagpapasaklaw sa mga ibubunga nito. Kung pahihintulutan ninyo ang kaunting kasalanan ngayon, hahayaan pa ninyo nang kaunti ito bukas, at hindi magtatagal, mapuputol ang isang lubid ng integridad. …

… Ang matalino ay nagsusuri ng personal na mga lubid ng integridad sa araw-araw. Kayo ang dapat tumukoy ng anumang kahinaan. Kayo ang dapat mag-ayos nito. …

… Hangarin [na magsisi] hindi lamang para sumunod dahil kailangan, kundi nang may “tunay na layunin” na baguhin ang inyong sarili at mas mapalapit kay Cristo. Siya ang Tunay na Manggagamot. Ang tunay na pananampalataya sa kanya ay magbibigay ng tunay na kaginhawahan—at maluwalhating mga gantimpala. Sabi niya, “Dahil sa kinilala mo ang iyong kahinaan ikaw ay gagawing malakas, maging hanggang sa pag-upo sa lugar na inihanda ko sa mga mansiyon ng aking Ama” [Eter 12:37].

Inaasahan ng Panginoon ang araw-araw na pagsisikap, araw-araw na pagpapakabuti, at araw-araw na pagsisisi natin. Ang pagiging karapat-dapat ay nagdudulot ng kadalisayan, at ang kadalisayan ay nagpapamarapat sa atin para sa Espiritu Santo. Kapag pinipili natin “ang Banal na Espiritu bilang [ating] patnubay” (Doktrina at mga Tipan 45:57), nagiging karapat-dapat tayo na tumanggap ng personal na paghahayag.

Kung may bagay na nakakapigil sa atin sa pagbubukas ng pintuan para matanggap ang patnubay mula sa langit, maaaring kinakailangan nating magsisi. Ang pagsisisi ay nagtutulot sa atin na mabuksan ang pintuan para marinig natin ang tinig ng Panginoon nang mas madalas at mas malinaw.

Mga Tanong sa Pag-aaral

Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “yakapin” ang pagsisisi? Paano naiiba ang pagtanggap sa pagsisisi sa pagpapabuti lamang ng sarili?

Kapag bumabaling kayo sa Tagapagligtas at nagsisisi, madarama ninyo kung gaano Niya kayo kamahal

Lahat tayo ay nagkakamali. Pero dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo naging posible na madaig natin ang mga ito, magsisi, at talikuran ang ating mga kasalanan at pagkakamali. Mapapatawad tayo kung tayo ay magsisisi. Sa tunay na pagsisisi, lubos na mababago ang ating isip, kaalaman, espiritu, at maging ang mga ninanais ng ating puso. Sa patuloy at tapat na pagsisisi lamang tayo magiging matatapat na disipulo ng Panginoon.

Ang tunay na pagsisisi ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo at sa kagalakang nagmumula sa Kanyang nakatutubos na kapangyarihan.

Laging may daan pabalik. Si Jesucristo ang daan. Kailanma’y hindi ka gaanong malayo para matulungan Niya. Nakatayo Siyang nakaunat ang mga kamay na handa at sabik na pagalingin, linisin, dalisayin, at pabanalin ka. Habang bumabaling ka sa Tagapagligtas at gumagawa ng mga hakbang para magsisi, madarama mo kung gaano ka Niya kamahal. Patatawarin ka Niya at babaguhin Niya ang puso mo. Dahil kay Jesucristo, maaari kang makagawa nang mas mahusay at maging mas mahusay bawat araw! …

Darating ang araw, tatayo ka sa harap ng Tagapagligtas para hatulan. Sa sandaling iyon, mag-uumapaw ang iyong kagalakan na makapunta sa Kanyang banal na presensya. Maghahagilap ka ng mga salita para pasalamatan Siya sa Kanyang walang-hanggan at sakdal na pag-ibig at nagbabayad-salang sakripisyo na ginagawang posibleng makapiling mo Siya at ang iyong pamilya magpakailanman.

Si Jesucristo ang iyong Tagapagligtas. Inaanyayahan kitang umasa sa Kanya at gawin Siyang sentro ng iyong buhay.

Tanong sa Pag-aaral

Kailan ninyo nasaksihan ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na baguhin ang puso ng isang tao?

Matatamis ang bunga ng pagsisisi

14:36

Matatamis ang bunga ng pagsisisi. Natutuklasan ng mga taong nagsisisi na ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang namamayani sa kanilang isip at gawa, humuhubog sa kanilang mga gawi, at pagkatao. Mas nakakaya nilang magtiis at pagkaitan ang kanilang sarili ng lahat ng kasamaan. Bukod pa riyan, ang di-mapigilang hilig, pagkalulong sa pornograpiya o bawal na gamot, di-mapigilang silakbo ng damdamin, pita ng laman, at kapalaluan ay nawawala sa ganap na pagbabalik-loob sa Panginoon at sa determinasyong maglingkod sa Kanya at tularan ang Kanyang halimbawa. Napupuspos ng kabanalan ang kanilang iniisip, at nadaragdagan ang pagtitiwala sa sarili. Ang ikapu ay itinuturing na nagbibigay ng galak at proteksyon, at hindi isang tungkulin o sakripisyo. Ang katotohanan ay nagiging mas kaakit-akit, at kinawiwilihan ang mga bagay na kapuri-puri.

Pagsisisi ang paraan ng Panginoon tungo sa espirituwal na pag-unlad. Ipinaliwanag ni Haring Benjamin na “ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama” [Mosias 3:19]. Mga kapatid, ito ang ibig sabihin ng pagbabalik-loob! Ang pagsisisi ay pagbabalik-loob! Ang nagsisising kaluluwa ay kaluluwang nagbabalik-loob, at ang isang kaluluwang nagbabalik-loob ay nagsisising kaluluwa.

Ang ilan ay nag-aatubiling magsisi, iniisip na napakahirap nito o wala na silang pag-asang mapatawad. Ang mga damdaming iyon ay magtatatwa sa walang-hanggang pagmamahal at kapangyarihan ni Jesucristo. …

Ang pagsisisi ay isang proseso na hindi kailanman madali. Ngunit sulit ang mga gantimpalang kapalit nito. Ang mga gantimpala—kabilang na ang kapatawaran, kapayapaan ng isipan, at walang-hanggang kagalakan—ay para sa lahat. Kapag nagsimula tayong magsisi, umaasa tayo nang may pananampalataya kay Jesucristo sa gitna ng mga hamon na darating at nakadarama tayo ng tunay na kagalakan. Makapangyarihan ang pagsisisi dahil naghahatid ito ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay.

Tanong sa Pag-aaral

Anong matatamis na bunga ng pagsisisi ang naranasan na ninyo?

Mga Paanyaya at Pangako

Ang pagsisisi ay naghahatid ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay

Ang pagsisisi ay isang proseso na hindi kailanman madali. Ngunit sulit ang mga gantimpalang kapalit nito! Ang mga gantimpala—kabilang na ang kapatawaran, kapayapaan ng isipan, at walang-hanggang kagalakan—ay para sa lahat. Kapag nagsimula tayong magsisi, umaasa tayo nang may pananampalataya kay Jesucristo sa gitna ng mga hamon na darating at nakadarama tayo ng tunay na kagalakan. Makapangyarihan ang pagsisisi dahil naghahatid ito ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay.

Huwag matakot sa o ipagpaliban ang pagsisisi

17:17

Sana huwag matakot sa o ipagpaliban ang pagsisisi. Natutuwa si Satanas sa inyong kasawian. Putulin ito agad. Alisin ang kanyang impluwensya sa inyong buhay! Simulan ngayon na maranasan ang galak ng paghuhubad sa likas na tao. Mahal tayo ng Tagapagligtas sa tuwina ngunit lalo na kapag nagsisisi tayo. Ipinangako Niya na bagaman “ang mga bundok ay maglalaho, at ang mga burol ay maaalis … ang aking kabaitan ay hindi maglalaho sa iyo” [Isaias 54:10; idinagdag ang pagbibigay-diin].

Kung sa tingin ninyo ay nalayo kayo sa landas ng tipan nang napakatagal at walang paraan para makabalik, iyan ay hindi totoo. Kontakin lamang ang inyong bishop o branch president. Siya ang kinatawan ng Panginoon at tutulungan niya kayong maranasan ang galak at ginhawang dulot ng pagsisisi.

Ngayon ang panahon para maghandang humarap sa Diyos. Maaaring huli na ang lahat bukas. Ganito ang sabi ng mga propeta sa lahat ng panahon: “Ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos. … Huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi” [Alma 34:32–33].

Ngayon, bilang Pangulo ng Kanyang Simbahan, nakikiusap ako sa inyong mga lumayo sa Simbahan at sa inyo na hindi pa talaga naghangad na makaalam na ipinanumbalik na ang Simbahan ng Tagapagligtas. Gawin ang espirituwal na gawain para malaman ninyo ito mismo, at gawin na ito ngayon. Paubos na ang oras.

Maging mas mabuti sa bawat araw

Inaasahan ng Panginoon ang araw-araw na pagsisikap, araw-araw na pagpapakabuti, at araw-araw na pagsisisi natin. Ang pagiging karapat-dapat ay nagdudulot ng kadalisayan, at ang kadalisayan ay nagpapamarapat sa atin para sa Espiritu Santo. Kapag pinipili natin “ang Banal na Espiritu bilang [ating] patnubay” (Doktrina at mga Tipan 45:57), nagiging karapat-dapat tayo na tumanggap ng personal na paghahayag.

Kung may bagay na nakakapigil sa atin sa pagbubukas ng pintuan para matanggap ang patnubay mula sa langit, maaaring kinakailangan nating magsisi. Ang pagsisisi ay nagtutulot sa atin na mabuksan ang pintuan para marinig natin ang tinig ng Panginoon nang mas madalas at mas malinaw.

14:57

Kung kayo man ay masigasig na sumusulong sa landas ng tipan, nalihis o nawala sa landas ng tipan, o hindi na natatanaw ang landas ng tipan mula sa lugar kung saan kayo naroroon, nakikiusap ako sa inyo na magsisi kayo. Danasin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng araw-araw na pagsisisi—ng paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw.

Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili. Pinipili nating umunlad sa espirituwal at magkaroon ng kagalakan—ang kagalakan na matubos Niya. Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating maging higit na katulad ni Jesucristo!

Ang pagsisisi ang susi para maiwasan ang pagdurusa na dulot ng mga patibong ng kaaway. Hindi inaasahan ng Panginoon na magiging perpekto tayo sa bahaging ito ng ating walang hanggang pag-unlad. Ngunit ang inaasahan Niya sa atin ay maging mas dalisay tayo. Ang araw-araw na pagsisisi ay landas patungo sa kadalisayan, at ang kadalisayan ay nagdadala ng kapangyarihan. Tayo ay nagiging malalakas na kasangkapan sa mga kamay ng Diyos dahil sa ating personal na kadalisayan.

Palaging may daan pabalik; si Jesucristo ang daan

Sa buhay na ito, kung minsan ay matutukso ka at magkakasala. Kapag nangyari ito, mapagmahal kang inaalok ng Tagapagligtas ng kakayahang magbago. Ito ay tinatawag na pagsisisi. Nais ni Satanas na ituring mong negatibo ang pagsisisi na dapat iwasan at katakutan kaya walang daan pabalik mula sa kasalanan. Hindi talaga ito totoo.

Laging may daan pabalik. Si Jesucristo ang daan. Kailanma’y hindi ka gaanong malayo para matulungan Niya. Nakatayo Siyang nakaunat ang mga kamay na handa at sabik na pagalingin, linisin, dalisayin, at pabanalin ka. Habang bumabaling ka sa Tagapagligtas at gumagawa ng mga hakbang para magsisi, madarama mo kung gaano ka Niya kamahal. Patatawarin ka Niya at babaguhin Niya ang puso mo. Dahil kay Jesucristo, maaari kang makagawa nang mas mahusay at maging mas mahusay bawat araw! …

Darating ang araw, tatayo ka sa harap ng Tagapagligtas para hatulan. Sa sandaling iyon, mag-uumapaw ang iyong kagalakan na makapunta sa Kanyang banal na presensya. Maghahagilap ka ng mga salita para pasalamatan Siya sa Kanyang walang-hanggan at sakdal na pag-ibig at nagbabayad-salang sakripisyo na ginagawang posibleng makapiling mo Siya at ang iyong pamilya magpakailanman.

Si Jesucristo ang iyong Tagapagligtas. Inaanyayahan kitang umasa sa Kanya at gawin Siyang sentro ng iyong buhay.

Mga Video

Understanding Repentance—Take Action [Pag-unawa sa Pagsisisi—Kumilos]

4:4

Increase Personal Revelation by Repentance and Prayer, Said President Nelson [Dagdagan ang Personal na Paghahayag sa Pamamagitan ng Pagsisisi at Panalangin, Sabi ni Pangulong Nelson]

3:55

“Repentance Is a Blessing,” Said President Nelson [Ang Pagsisisi ay Isang Pagpapala,” Sabi ni Pangulong Nelson]

3:29

Ang Tunay na Pagsisisi ay Naghahatid ng Pag-asa

2:1

A Mighty Change of Heart [Isang Malaking Pagbabago ng Puso]

0:55

Ang Diyos ay Magpapatawad

2:13

Mga Kaugnay na Mensahe

Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum” (pangkalahatang kumperensya ng Abril 2022)

17:17

Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay” (pangkalahatang kumperensya ng Abril 2019)

14:57

Pagsisisi at Pagbabalik-loob” (pangkalahatang kumperensya ng Abril 2007)

14:36

Integrity of Heart” (Brigham Young University devotional, Pebrero 23, 1993)