“Kabanata 3: Ang Ministeryo ni Jesucristo,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2023)
“Kabanata 3,” Mga Turo: Russell M. Nelson
Kabanata 3
Ang Ministeryo ni Jesucristo
Walang anumang bagay sa kasaysayan ng tao ang makatutumbas sa pagiging kamangha-mangha, kahalagahan, o sa mga bunga ng walang kapantay na buhay ng Anak ng Diyos.
Mula sa Buhay ni Russell M. Nelson
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Ang kahalagahan ng misyon ng Tagapagligtas ay binigyang-diin ni Propetang Joseph Smith, na nagsabing ‘ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito’ [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 58].
“Ang mismong pahayag na ito ng Propeta ang nagganyak sa 15 propeta, tagakita, at tagapaghayag na ilathala at lagdaan ang kanilang patotoo bilang paggunita sa ika-2,000 taong anibersaryo ng pagsilang ng Panginoon.”
Si Pangulong Nelson, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay tumanggap ng tungkuling pangasiwaan ang gawaing pagsamahin ang mga patotoo ng lahat ng buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag sa isang pahayag. Tiniyak niya na bawat miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ay “may bahagi sa prosesong ito.”
Ang resulta ay isang dokumento na pinamagatang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.” Sinimulan ito sa: “Habang ipinagdiriwang natin ang pagsilang ni Jesucristo dalawang libong taon na ang nakararaan, iniaalay namin ang aming patotoo tungkol sa katotohanan ng Kanyang hindi mapapantayang buhay at ang walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang dakilang mapagbayad-salang sakripisyo. Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo.”
Labingpitong taon matapos ilathala ang dokumento, tinukoy ni Pangulong Nelson ang “makasaysayang patotoo” na iyon sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Sabi niya:
“Habang nagsisikap kayo na higit pang makaalam tungkol kay Jesucristo, hinihimok ko kayong pag-aralan ang ‘Ang Buhay na Cristo.’ Kapag naglalaan tayo ng oras sa pag-aaral tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, mahihikayat tayong makilahok sa isa pang mahalagang sangkap sa paghugot ng lakas sa Kanya: pinipili nating sumampalataya sa Kanya at tularan Siya.”
Mga Turo ni Russell M. Nelson
Walang anumang bagay sa kasaysayan ng tao ang makatutumbas sa walang kapantay na buhay ng Anak ng Diyos
Iginagalang natin ang Anak ng Diyos bilang ating Tagapagligtas, Manunubos, at Guro. Pumarito Siya sa mundo upang gawin ang kalooban ng Kanyang Ama [tingnan sa 3 Nephi 27:13]. Namatay Siya para sa atin at nabuhay na mag-uli mula sa libingan. Ang Kanyang tagumpay laban sa kamatayan ay nagdudulot ng mga pagpapala ng pagkabuhay na mag-uli at kawalang-kamatayan sa buong sangkatauhan [tingnan sa 1 Corinto 15:20–22]. Ang pagsamba natin sa Kanya ay nakasaad sa talatang ito mula sa Aklat ni Mormon:
“Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, … upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” [2 Nephi 25:26].
Walang anumang bagay sa kasaysayan ng tao ang makatutumbas sa pagiging kamangha-mangha, kahalagahan, o sa mga bunga ng walang kapantay na buhay ng Anak ng Diyos. Siya ang ating huwaran at may-akda ng ating pananampalataya. At balang-araw Siya ay muling darating sa lupa upang simulan ang Kanyang ipinangakong paghahari sa milenyo.
Bagama’t hindi natin alam ang lahat ng detalye tungkol sa pagsilang [ng Tagapagligtas], tiyak na nauunawaan natin ang natatanging kaangkanan ng Sanggol na ito ng Bethlehem. Itinatanong ng ilang talata sa banal na kasulatan “Sino ang magpapahayag ng Kanyang lahi?” [Isaias 53:8]. Taimtim at may pananalig naming ipinahahayag: “Si Jesus ay isinilang sa isang imortal na Ama at isang mortal na ina. Mula sa Kanyang imortal na Ama, minana ni Jesus ang kapangyarihang mabuhay magpakailanman. Mula sa Kanyang mortal na ina, minana Niya ang kapalarang dumanas ng pisikal na kamatayan. … Ang natatanging mga katangiang iyon ay mahalaga sa Kanyang misyon na magbayad-sala para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan. … Bawat isa sa atin na may patotoo sa Panginoon ay may pribilehiyong malaman ang Kanyang banal na kaangkanan at magpatotoo na si Jesus ang Anak ng buhay na Diyos.
Mga Tanong sa Pag-aaral
Ano ang nagbubunsod sa iyo na magalak kay Cristo? Paano ka napupuspos ng pagkamangha sa Kanyang buhay na walang kapantay?
Ang mga pangalan, titulo, at responsibilidad ni Jesucristo ay walang hanggan ang kahalagahan
Iginagalang natin si [Jesucristo] bilang pinakamahalagang indibidwal na nabuhay sa Mundo. Siya si Jesucristo—ang ating Guro at marami pang iba. Marami Siyang pangalan, titulo, at responsibilidad, lahat ay walang hanggan ang kahalagahan.
Si [Jesucristo] ay pinili ng Kanyang Ama upang maging Tagapagligtas ng mundo. [Dalawa sa Kanyang] mga titulo—ang Mesiyas at ang Cristo—ang nagtakda ng Kanyang responsibilidad bilang ang pinahiran.
Sa tagubilin ng Kanyang Ama, si Jesus ang Lumikha ng daigdig na ito at ng iba pang mga daigdig. Si Jesucristo ang ating Tagapamagitan sa Ama. Si Jesus ang ipinangakong Emmanuel, ang dakilang Ako at si Jehova sa panahon ng Lumang Tipan.
Siya ay isinugo ng Kanyang Ama upang isagawa ang Pagbabayad-sala, ang pangunahing gawain ng buong kasaysayan ng tao. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, ang kawalang-kamatayan ay naging katotohanan para sa lahat, at ang buhay na walang hanggan ay naging posibilidad para sa mga taong pipiliing sumunod sa Kanya. Ang mga layuning ito ay ang gawain at kaluwalhatian ng Makapangyarihang Diyos.
Bilang ating dakilang Huwaran, itinuro sa atin ni Jesus kung paano mamuhay, magmahal, at matuto. Itinuro Niya sa atin kung paano manalangin, magpatawad, at magtiis hanggang wakas.
Itinuro Niya sa atin kung paano magmalasakit sa iba nang higit kaysa sa ating sarili. Itinuro Niya sa atin ang tungkol sa awa at kabaitan—paggawa ng tunay na mga pagbabago sa ating buhay sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan. Itinuro Niya sa atin kung paano makahanap ng kapayapaan ng puso at isipan. Balang araw, tatayo tayo sa harap Niya bilang ating makatarungang Hukom at maawaing Guro.
Ang Panginoong Jesucristo ang ating Tagapagligtas at ating Manunubos. Siya ang Anak ng Diyos, ang Banal ng Israel. Siya ang Pinahiran. Sa tagubilin ng Ama, Siya ang Lumikha sa lahat ng mga nalikha. Si Jesucristo ang Dakilang Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan. Siya ang ipinangakong Emmanuel. Siya ang ating dakilang Huwaran at Tagapamagitan sa Ama. Dahil sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, lahat ng pagpapala ng Kanyang priesthood ay makakamtan ng buong sangkatauhan kapag lumapit sila sa Kanya at naging ganap sa Kanya.
Mga Tanong sa Pag-aaral
Alin sa mga titulong ito ni Jesucristo ang pinakamakabuluhan sa iyo? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga titulong ito tungkol sa Kanya?
Sa mortalidad, isinagawa ng Tagapagligtas ang Pagbabayad-sala at nagsilbing halimbawa natin
Sa kanyang maikling pananatili sa mortalidad, natupad ng Tagapagligtas ang dalawang pangunahing layunin: Ang isa ay ang kanyang “gawain at [kanyang] kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” [Moises 1:39]. Ang isa ay ipinahayag Niya nang simple: “Kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin din ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo” [Juan 13:15].
Alam natin na ang una Niyang layunin ay ang Pagbabayad-sala. Ito ang Kanyang maringal na misyon sa buhay na ito. … Ang misyon na iyon ay sa Kanya lamang. Isinilang sa isang mortal na ina at imortal na Ama, Siya lamang ang maaaring mag-alay ng Kanyang buhay at ibangon itong muli. Ang maluwalhating mga bunga ng Kanyang Pagbabayad-sala ay walang katapusan at walang-hanggan. Inalis Niya ang tibo ng kamatayan at ginawang pansamantala ang pighati ng libingan.
Ang Kanyang responsibilidad sa Pagbabayad-sala ay alam na noon pa bago ang Paglikha at Pagkahulog. Hindi lamang ito maglalaan ng pagkabuhay na mag-uli at imortalidad ng buong sangkatauhan, kundi daan din ito para mapatawad ang ating mga kasalanan—batay sa mga kondisyon na Kanyang itinakda. At ang Kanyang Pagbabayad-sala ang nagbukas ng daan upang makapiling natin Siya at ang ating mga pamilya sa kawalang-hanggan. Ang pag-asang ito ang itinuturing nating buhay na walang-hanggan—ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao.
Walang ibang makagagawa ng Pagbabayad-sala. Walang ibang tao, kahit taglay niya ang pinakamalaking yaman at kapangyarihan, ang makapagliligtas ng kahit isang kaluluwa—maging ng sarili niyang kaluluwa. At wala ng iba pang hihilingan o papayagang magtigis ng dugo para sa walang hanggang kaligtasan ng isa pang nilalang. Ginawa ito ni Jesus nang “minsan at magpakailan man” [Mga Hebreo 10:10]. … Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang buong sangkatauhan maging kasindami ng magnanais ay matutubos.
Nagpakababang pumarito sa lupa bilang Bugtong na Anak ng Ama sa laman, Siya ay buong lupit na nilait, kinutya, dinuraan, at hinagupit. Sa Halamanan ng Getsemani, inako ng ating Tagapagligtas ang bawat pasakit, bawat sala, at lahat ng sakit at pagdurusang naranasan natin at ng lahat ng nabuhay o mabubuhay pa kailanman. Sa bigat ng napakasakit na pasaning iyan, nilabasan Siya ng dugo sa bawat butas ng balat [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:18]. Lahat ng pagdurusang ito ay tumindi nang Siya ay malupit na ipinako sa krus ng Kalbaryo.
Sa napakasakit na mga karanasang ito at sa Kanyang sumunod na Pagkabuhay na Mag-uli—ang Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala—pinagkalooban Niya ng imortalidad ang lahat at tinubos ang bawat isa sa atin mula sa mga epekto ng kasalanan basta’t nagsisi tayo.
Ang ikalawang walang-hanggang pakay ng Panginoon sa mortalidad ay magsilbing huwaran natin. Ang Kanyang huwarang buhay ang bumuo sa Kanyang mortal na ministeryo. Kasama rito ang Kanyang mga katuruan, talinghaga, at sermon. Saklaw nito ang Kanyang mga himala, mapagkandiling pagmamahal, at mahabang pagtitiis sa mga anak ng tao. Kasama rito ang Kanyang mahabaging paggamit ng awtoridad ng priesthood. Kasama rito ang Kanyang makatwirang pagkagalit nang isumpa Niya ang kasalanan at nang itaob Niya ang mga dulang o mesa ng mga mamamalit ng salapi. Kasama rin dito ang Kanyang mga kalungkutan. Siya ay kinutya, pinahirapan, at itinakwil ng Kanyang sariling mga tao—ipinagkanulo ng [isa sa Kanyang mga disipulo] …
… Hiniling ng Panginoon na [tularan] natin ang Kanyang halimbawa. Napakalinaw ng Kanyang mga pakiusap:
-
“Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? … Maging katulad ko” [3 Nephi 27:27].
-
“Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao” [Mateo 4:19].
-
“Kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko” [Juan 13:15].
Ito at ang iba pang mga katulad nitong talata ay hindi isinulat bilang mga mungkahi. Ito ay mga banal na kautusan! Dapat nating tularan ang kanyang halimbawa! … Tunay na ang pinakamainam na ebidensya ng ating pagsamba kay Jesus ay ang pagtulad natin sa Kanya.
Kapag natanto natin kung sino si Jesus at ano ang ginawa Niya para sa atin, mauunawaan natin, kahit paano, ang lohika ng una at dakilang utos: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo, at ng buong lakas mo” [Marcos 12:30]. Sa madaling salita, lahat ng iniisip at ginagawa at sinasabi natin ay dapat dahil sa pagmamahal natin sa kanya.”
Tanong sa Pag-aaral
Ano ang ilang bagay na ginawa ng Tagapagligtas sa Kanyang ministeryo sa lupa na nagbibigay-inspirasyon sa iyo?
Sa darating na panahon, si Jesucristo ay magbabalik sa mundo bilang Mesiyas ng milenyo
Tandaan na ang kabuuan ng ministeryo ni Cristo ay nasa hinaharap. Ang mga propesiya tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito ay matutupad pa lamang. Nagtatayo pa lamang tayo hanggang sa pinakamahalagang bahagi ng huling dispensasyong ito—kapag nagkatotoo na ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. …
Babalik ang Panginoon sa lupaing ginawa Niyang banal sa Kanyang misyon dito sa mortalidad. Matagumpay, muli Siyang darating sa Jerusalem. Nakasuot ng pulang bata bilang simbolo ng Kanyang dugo, na dumaloy mula sa bawat butas ng balat, babalik Siya sa Banal na Lungsod. Doon at sa ibang lugar, “ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at makikitang magkakasama ng lahat na tao” (Isaias 40:5; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:23). Ang Kanyang “pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan” (Isaias 9:6).
Mamamahala Siya mula sa dalawang kabisera ng mundo: isa sa lumang Jerusalem at ang isa pa sa Bagong Jerusalem na “itatayo sa lupalop ng Amerika” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10). Mula sa mga sentrong ito gagabayan Niya ang mga gawain ng Kanyang Simbahan at kaharian. Isa pang templo ang itatayo sa Jerusalem. Mula sa templong iyon maghahari Siya magpakailanman bilang Panginoon ng mga Panginoon. Lalabas ang tubig mula sa ilalim ng templo. Ang mga tubig ng Dead Sea ay gagaling.
Sa araw na iyon tataglayin Niya ang mga bagong katawagan at paliligiran Siya ng natatanging mga Banal. Kikilalanin Siya bilang “Panginoon ng mga panginoon, at Hari ng mga hari; at [ang mga makakasama] niya [ay ang mga taong] tinawag at mga pili at mga tapat” (Apocalipsis 17:14) sa ipinagkatiwala sa kanila dito sa mortalidad. Pagkatapos, Siya’y “maghahari magpakailanpaman” (Apocalipsis 11:15).
Ibabalik ang mundo sa malaparaisong kalagayan at gagawing bago. Magkakaroon ng bagong langit at bagong lupa (tingnan sa Apocalipsis 21:1; Eter 13:9; Doktrina at mga Tipan 29:23–24).
Tungkulin natin—pribilehiyo natin—na tumulong na maihanda ang mundo para sa araw na iyon.
Mahal kong mga kapatid, sa darating na panahon, si Jesucristo, na ating Mesiyas, ay magbabalik sa mundo at maghahari bilang Mesiyas ng milenyo. Kaya ngayon, nananawagan ako sa inyo na muling ilaan ang inyong buhay kay Jesucristo. Nananawagan ako sa inyo na tumulong na tipunin ang Israel at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Nananawagan ako sa inyo na mangusap tungkol kay Cristo, magpatotoo tungkol kay Cristo, manampalataya kay Cristo, at magalak kay Cristo!
Lumapit kay Cristo at “ialay ang inyong buong kaluluwa” sa Kanya [Omni 1:26]. Ito ang sikreto sa buhay na puno ng kagalakan!
Ang pinakamainam ay [p]arating pa [lamang], mahal kong mga kapatid, dahil muling paparito ang Tagapagligtas! Ang pinakamainam ay [p]arating pa [lamang] dahil minamadali ng Panginoon ang Kanyang gawain. Ang pinakamainam ay [p]arating pa [lamang] kapag lubos nating ibinaling ang ating puso at buhay kay Jesucristo.
Taimtim kong pinatototohanan na si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Ako ay Kanyang disipulo. Karangalan kong maging tagapaglingkod Niya. At sa Kanyang Ikalawang Pagparito “ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at sama-samang makikita ng lahat ng laman.” Ang araw na iyon ay mapupuno ng kagalakan para sa mabubuti!
Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga sagradong susi ng priesthood na hawak ko, ipinahahayag ko ang katotohanang ito sa inyo at sa buong mundo!
Tanong sa Pag-aaral
Paano naaapektuhan ng iyong kaalaman tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Cristo ang iyong mga iniisip at ginagawa ngayon?
Piliing matuto tungkol kay Jesucristo at maging isa sa Kanyang tunay na mga disipulo ngayon
Paano ninyo mapag-iibayo ang inyong pagkadisipulo? May paanyaya ako sa inyo na makakatulong—ang totoo ay isang tungkulin—kung tatanggapin ninyo ito. Simulan ngayong gabi na iukol ang bahagi ng inyong panahon bawat linggo para pag-aralan ang lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus ayon sa nakatala sa Lumang Tipan, sapagkat Siya ang Jehova ng Lumang Tipan. Pag-aralan ang Kanyang mga batas na nakatala sa Bagong Tipan, sapagkat Siya ang Cristo roon. Pag-aralan ang Kanyang doktrina na nakatala sa Aklat ni Mormon, sapagkat wala nang ibang naghayag nang mas malinaw tungkol sa Kanyang misyon at Kanyang ministeryo. At pag-aralan ang Kanyang mga salita na nakatala sa Doktrina at mga Tipan, sapagkat patuloy Niyang tinuturuan ang Kanyang mga tao sa dispensasyong ito.
Maaaring parang mahirap na tungkulin ito, pero hinihikayat ko kayong tanggapin ito. Kung patuloy ninyong pag-aaralan ang lahat ng kaya ninyo tungkol kay Jesucristo, ipinapangako ko na ang inyong pagmamahal sa Kanya, at sa mga batas ng Diyos, ay lalago nang higit pa sa inaakala ninyo ngayon. Ipinapangako ko rin na mag-iibayo ang kakayahan ninyong tumalikod sa kasalanan. Titindi ang hangarin ninyong sundin ang mga kautusan. Mas kakayanin ninyong lumayo sa libangan at gusot na dulot ng mga nangungutya sa mga alagad ni Jesucristo. Para matulungan kayo, sumangguni sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan para sa mga reperensya sa ilalim ng paksang “ Jesucristo.”
Pag-aralan ang lahat ng tungkol kay Jesucristo sa mapanalangin at masigasig na paghahangad na maunawaan kung ano ang personal na kahulugan sa inyo ng bawat isa sa Kanyang iba’t ibang titulo at pangalan. Halimbawa, Siya ang inyong tunay na Tagapamagitan sa Ama. Papanig Siya sa inyo. Ipagtatanggol Niya kayo. Mangungusap Siya alang-alang sa inyo, palagi, kapag pinili ninyong maging higit na katulad Niya. …
Pagdating ng araw, haharap kayo sa Tagapagligtas. Mag-uumapaw ang inyong galak at mapapaluha kayo sa Kanyang harapan. Maghahagilap kayo ng mga salita para pasalamatan Siya sa pagbabayad para sa inyong mga kasalanan, sa pagpapatawad sa mga kasamaang ginawa ninyo sa iba, sa pagpapagaling sa inyo mula sa mga kasamaan at kaapihan ng buhay na ito.
Pasasalamatan ninyo na pinalakas Niya kayo para gawin ang imposible, na ginawa Niyang mga kalakasan ang inyong mga kahinaan, at pinapangyari Niyang mabuhay kayo sa piling Niya at ng inyong pamilya magpakailanman. Ang Kanyang identidad, Kanyang Pagbabayad-sala, at Kanyang mga katangian ay magiging personal at totoo sa inyo.
Ngunit hindi ninyo kailangang hintayin iyon. Piliing maging isa sa Kanyang mga tunay na disipulo ngayon. Maging isa sa mga tunay na nagmamahal sa Kanya, na tunay na nais maglingkod at mamuno na katulad Niya.
Sa unang bahagi ng taong ito, hiniling ko sa mga young adult ng Simbahan na maglaan ng kaunting oras nila kada linggo sa pag-aaral ng lahat ng sinabi at ginawa ni Jesucristo na nasusulat sa ating pamantayang mga banal na kasulatan. … Ibinigay ko ang hamong iyon dahil tinanggap ko na mismo ang hamong ito. Binasa at ginuhitan ko ang bawat talatang bumabanggit kay Jesucristo, na nakalista sa ilalim ng main heading at ng 57 subtitle sa Topical Guide. Nang matapos ko ang nakatutuwang gawaing iyon, tinanong ako ng asawa ko kung ano ang naging epekto niyon sa akin. Sabi ko sa kanya, “Nagbago ako!”
Buong puso kong idinadalangin na gumawa ng malaking kaibhan sa inyong buhay ang nakapagpapabagong impluwensya ng Panginoon. … Si Jesus ang Cristo. Ang Kanyang misyon at Kanyang ministeryo ay magpapala sa bawat isa sa atin ngayon at magpakailanman.
Mga Tanong sa Pag-aaral
Paano ka kumilos ayon sa paanyaya ni Pangulong Nelson na matuto tungkol kay Jesucristo? Ano ang kaibhang nagawa sa buhay mo ng iyong pag-aaral?
Mga Paanyaya at Pangako
Piliing matuto tungkol kay Jesucristo at maging isa sa Kanyang mga disipulo
Paano ninyo mapag-iibayo ang inyong pagkadisipulo? May paanyaya ako sa inyo na makakatulong—ang totoo ay isang tungkulin—kung tatanggapin ninyo ito. Simulan ngayong gabi na iukol ang bahagi ng inyong panahon bawat linggo para pag-aralan ang lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus ayon sa nakatala sa Lumang Tipan, sapagkat Siya ang Jehova ng Lumang Tipan. Pag-aralan ang Kanyang mga batas na nakatala sa Bagong Tipan, sapagkat Siya ang Cristo roon. Pag-aralan ang Kanyang doktrina na nakatala sa Aklat ni Mormon, sapagkat wala nang ibang naghayag nang mas malinaw tungkol sa Kanyang misyon at Kanyang ministeryo. At pag-aralan ang Kanyang mga salita na nakatala sa Doktrina at mga Tipan, sapagkat patuloy Niyang tinuturuan ang Kanyang mga tao sa dispensasyong ito.
Maaaring parang mahirap na tungkulin ito, pero hinihikayat ko kayong tanggapin ito. Kung patuloy ninyong pag-aaralan ang lahat ng kaya ninyo tungkol kay Jesucristo, ipinapangako ko na ang inyong pagmamahal sa Kanya, at sa mga batas ng Diyos, ay lalago nang higit pa sa inaakala ninyo ngayon. Ipinapangako ko rin na mag-iibayo ang kakayahan ninyong tumalikod sa kasalanan. Titindi ang hangarin ninyong sundin ang mga kautusan. Mas kakayanin ninyong lumayo sa libangan at gusot na dulot ng mga nangungutya sa mga alagad ni Jesucristo. Para matulungan kayo, sumangguni sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan para sa mga reperensya sa ilalim ng paksang “Jesucristo.”
Pag-aralan ang lahat ng tungkol kay Jesucristo sa mapanalangin at masigasig na paghahangad na maunawaan kung ano ang personal na kahulugan sa inyo ng bawat isa sa Kanyang iba’t ibang titulo at pangalan. Halimbawa, Siya ang inyong tunay na Tagapamagitan sa Ama. Papanig Siya sa inyo. Ipagtatanggol Niya kayo. Mangungusap Siya alang-alang sa inyo, palagi, kapag pinili ninyong maging higit na katulad Niya. …
… Piliing maging isa sa Kanyang mga tunay na disipulo ngayon. Maging isa sa mga tunay na nagmamahal sa Kanya, na tunay na nais maglingkod at mamuno na katulad Niya.
Lahat ng ating iniisip at ginagawa at sinasabi ay dahil sa ating pagmamahal kay Jesus
Kapag natanto natin kung sino si Jesus at ano ang ginawa Niya para sa atin, mauunawaan natin, kahit paano, ang lohika ng una at dakilang utos: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo, at ng buong lakas mo” [Marcos 12:30]. Sa madaling salita, lahat ng iniisip at ginagawa at sinasabi natin ay dapat dahil sa pagmamahal natin sa kanya.”
Ang pinakamainam ay darating pa kapag lubos nating ibinaling ang ating puso at buhay kay Jesucristo
Mahal kong mga kapatid, sa darating na panahon, si Jesucristo, na ating Mesiyas, ay magbabalik sa mundo at maghahari bilang Mesiyas ng milenyo. Kaya ngayon, nananawagan ako sa inyo na muling ilaan ang inyong buhay kay Jesucristo. Nananawagan ako sa inyo na tumulong na tipunin ang Israel at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Nananawagan ako sa inyo na mangusap tungkol kay Cristo, magpatotoo tungkol kay Cristo, manampalataya kay Cristo, at magalak kay Cristo!
Lumapit kay Cristo at “ialay ang inyong buong kaluluwa” sa Kanya [Omni 1:26]. Ito ang sikreto sa buhay na puno ng kagalakan!
Ang pinakamainam ay [p]arating pa [lamang], mahal kong mga kapatid, dahil muling paparito ang Tagapagligtas! Ang pinakamainam ay [p]arating pa [lamang] dahil minamadali ng Panginoon ang Kanyang gawain. Ang pinakamainam ay [p]arating pa [lamang] kapag lubos nating ibinaling ang ating puso at buhay kay Jesucristo.
Taimtim kong pinatototohanan na si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Ako ay Kanyang disipulo. Karangalan kong maging tagapaglingkod Niya. At sa Kanyang Ikalawang Pagparito “ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at sama-samang makikita ng lahat ng laman.” Ang araw na iyon ay mapupuno ng kagalakan para sa mabubuti!
Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga sagradong susi ng priesthood na hawak ko, ipinahahayag ko ang katotohanang ito sa inyo at sa buong mundo!
Mga Video
Mga hango mula sa “The Living Christ: The Testimony of the Apostles”
Mga Kaugnay na Mensahe at Artikulo
“Ang Panginoong Jesucristo ay Paparitong Muli” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2024)
“Si Jesucristo ang Ating Tagapagligtasr” (Liahona, Abril 2023)
“Ang Kinabukasan ng Simbahan: Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas,” (Liahona, Abril 2020)
“Mga Propeta, Pamumuno, at Batas ng Diyos” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Enero 8, 2017)
“Jesus the Christ—Our Prince of Peace” (First Presidency Christmas devotional, Disyembrer 8, 2013)
“Christ the Savior Is Born” (Brigham Young University devotional, December 10, 2002)
“Gratitude for the Mission and Ministry of Jesus Christ” (Brigham Young University devotional, Agosto 18, 1998)
“Jesus the Christ—Our Master and More” (Brigham Young University devotional, Pebrero 2, 1992)
“Why This Holy Land?” (Ensign, Disyembre 1989)