“Training para sa Mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay,” Training para sa Kurikulum ng Seminary (2025)
Training para sa Mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay
Buod
Panoorin ang video na “A Teacher’s Guide to Life Preparation Lessons [Gabay ng Titser para sa mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay],” at alamin ang nais nina Elder Clark G. Gilbert ng Pitumpu at Brother Chad H Webb na malaman ng mga titser tungkol sa mga lesson na ito pagkatapos ianunsiyo ang mga ito.
Ang Mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay ay tumutulong sa mga estudyante na:
-
Gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga tanong at sitwasyon sa buhay.
-
Ipakita ang kakayahang gamitin ang mga banal na kasulatan upang makatanggap ng tulong at inspirasyon.
-
Tumanggap ng lakas mula sa Panginoon na gumawa ng mga inspiradong pagpili.
-
Magkaroon ng pag-asa sa sariling kakayahan o self-reliance sa paraan ng Panginoon.
-
Gamitin ang mga alituntunin at kasanayan upang maging mas malusog sa pisikal at emosyonal na aspekto.
-
Unawain ang kahalagahan ng habambuhay na temporal at espirituwal na pag-aaral at magplano para sa pag-aaral at trabaho sa hinaharap.
-
Gamitin ang mga kasanayan upang magtagumpay sa paaralan.
-
Makadama ng mas matinding hangaring ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba.
-
Makadama ng mas matinding hangaring makipagtipan sa Diyos sa templo.
-
Ipamuhay ang mga turo ng mga lider ng Simbahan.
Ang mga lesson na ito ay tutulong sa pagtalakay sa mga hamong kinakaharap ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga titser na magtuon kay Jesucristo, ituro ang doktrina, at mag-anyaya ng masigasig na pag-aaral sa paraang ginagabayan ng Espiritu. Kasama ng mga lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan, ang mga lesson sa Paghahanda sa Buhay ay makakatulong sa pagpapalalim ng pagbabalik-loob ng mga estudyante kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.
Mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay at ang Layunin
Sa training na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong saliksikin kung paano binuo ang mga lesson sa Paghahanda sa Buhay upang maisakatuparan ang layunin ng S&I, tulad ng nasa mga lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan. Ang bawat lesson sa Paghahanda sa Buhay ay isinulat ayon sa mga sumusunod na pamantayan sa talatang “Magturo” ng layunin ng S&I:
Itinutuon natin ang bawat karanasan sa pagkatuto kay Jesucristo at sa Kanyang halimbawa, mga katangian, at kapangyarihang tumubos. Tinutulungan natin ang mga estudyante na matutuhan ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ayon sa nakasaad sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta. Tinutulungan natin ang mga estudyante na magawa ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral para sa kanilang sarili. Pinagsisikapan nating anyayahan ang Espiritu Santo na gawin ang Kanyang tungkulin sa bawat karanasan sa pagkatuto.
Ang Mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay ay Tumutulong sa Pagsasakatuparan ng Layunin ng S&I
Ipaliwanag
Sa paghahanda mo ng mga lesson, kabilang na ang mga lesson sa Paghahanda sa Buhay, makakatulong na hanapin kung paano isinasakatuparan ng lesson ang bawat pangungusap mula sa talatang “Magturo” ng layunin.
Ipakita
Nasa ibaba ang dalawang seleksiyon mula sa mga lesson na Paghahanda sa Buhay para sa taong 2025. Ang una ay ang lesson tungkol sa Pisikal at Emosyonal na Kalusugan na pinamagatang “Pagkakaroon ng Magandang Paraan ng Pag-iisip.” Ang pangalawa ay ang lesson sa Pagtatagumpay sa Paaralan na pinamagatang “Pagtuklas ng Iyong mga Lakas at Kakayahan.” Alamin kung paano binuo ang mga aktibidad na ito sa pagkatuto, na nakatuon sa iba’t ibang paksa, upang maisakatuparan ang layunin ng S&I.
Lesson 186: Pagkakaroon ng Mabubuting Paraan ng Pag-iisip
Magtuon kay Jesucristo: Narito ang ilang halimbawa mula sa lesson na ito na tumutulong na ituon kay Jesucristo ang karanasan sa pagkatuto. Pansinin kung paanong sa mga pagkakataong ito, inanyayahan ang mga estudyante na humingi ng tulong sa Tagapagligtas at matuto mula sa Kanyang halimbawa at mga turo.
-
Maaari mong ibahagi sa mga estudyante na isasabuhay nila ang paghingi ng tulong sa Tagapagligtas na iwasto ang mga hindi tumpak o masasamang kaisipan.
-
Ano sa iyong palagay ang ibig sabihin ng ituon ang ating mga pag-iisip sa Tagapagligtas? (Kabilang sa ilang halimbawa ang sumusunod: pag-iisip kung paano maaaring kumilos ang Tagapagligtas sa mga sitwasyong kinakaharap natin, paghahanap ng paraan kung paano maaaring iakma ang Kanyang mga turo sa sitwasyon, at pag-alaala sa Kanyang pagmamahal.)
Ituro ang Doktrina: Narito ang ilang halimbawa mula sa lesson na ito na tumutulong sa mga estudyante na matutuhan ang doktrina mula sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta. Pansinin na ang mga estudyante ay binibigyan ng mga pagkakataong pag-aralan ang mga banal na kasulatan at na ang mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson ay maaaring makatulong sa mga estudyante na maunawaan ang talatang ito.
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 6:36, at alamin kung ano ang paanyaya ng Panginoon na gawin natin.
-
Patungkol sa banal na kasulatang ito, itinuro ni Pangulong Nelson: “Kailangan tayong magtuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Kailangang mag-isip nang husto sa pagsisikap na magtuon sa Kanya sa bawat pag-iisip. Kapag ginawa natin ito, mawawala ang ating mga pagdududa at takot” (Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 41).
Mag-anyaya ng Masigasig na Pag-aaral: Narito ang ilang halimbawa mula sa lesson na ito na tumutulong sa mga estudyante na gawin ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral para sa kanilang sarili. Pansinin na inaanyayahan ang mga estudyante na tukuyin ang kanilang sariling mga pangangailangan para mahikayat silang makibahagi sa karanasan sa pagkatuto. Inaanyayahan din ang mga estudyante na magbahagi ng kanilang sariling natatanging mga kaisipan at ideya.
-
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung gaano kadalas nilang napapansin ang kanilang sariling mga paraan ng pag-iisip at kung ang mga paraan ba na iyon ay posibleng makatulong o tumpak.
-
Ano ang tumimo sa iyo mula sa pahayag ni Pangulong Nelson?
Magturo sa pamamagitan ng Espiritu: Narito ang halimbawa ng isang paraan na matutulungan ng lesson ang mga titser na anyayahan ang Espiritu Santo na gampanan ang Kanyang tungkulin sa karanasan sa pagkatuto. Hinihikayat ang mga titser na sadyang anyayahan palagi ang mga estudyante na humingi ng patnubay sa Espiritu Santo. Ang mga paanyayang tulad nito ay makakatulong sa mga estudyante sa kanilang pagsisikap na tumanggap ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo sa kanilang pag-aaral.
-
Sabihin sa mga estudyante na humingi ng patnubay sa pamamagitan ng Espiritu Santo para mas maunawaan ang kanilang sariling mga paraan ng pag-iisip, lalo na kapag humaharap sila sa mahihirap na sitwasyon.
Lesson 193: Pagtuklas sa Iyong mga Lakas at Kakayahan
Magtuon kay Jesucristo: Narito ang ilang halimbawa mula sa lesson na ito na tumutulong na ituon kay Jesucristo ang karanasan sa pagkatuto. Pansinin kung paano nauugnay kay Cristo ang mga katotohanang binigyang-diin sa lesson na ito at anyayahan ang mga estudyante na humingi ng tulong Sa Kanya. Ipinapaalala rin sa mga estudyante ang kanilang banal na identidad at ang mga lakas at kakayahan na taglay nila ay mga pagpapakita ng pagmamahal at awa ng Diyos.
-
Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Hindi ang panlabas na anyo ang tinitingnan ng Panginoon kundi ang puso (tingnan sa 1 Samuel 16:7). Magagawa natin ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Jesucristo, na nagbibigay sa atin ng lakas (tingnan sa Filipos 4:13; Alma 26:12). Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10).
-
Ipaalala sa mga estudyante na bilang mga anak ng Diyos na nilikha sa Kanyang larawan, bawat isa sa atin ay pinagpala ng iba’t ibang lakas at kakayahan. Maaaring may mga estudyante na nahihirapang matukoy ang mga kalakasan at kakayahang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos.
Ituro ang Doktrina: Narito ang ilang halimbawa mula sa lesson na ito na tumutulong sa mga estudyante na matutuhan ang doktrina mula sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta. Pansinin na ang mga banal na kasulatan na pag-aaralan ng mga estudyante ay sadyang pinili upang ituon ang mga estudyante kay Jesucristo para sa paghingi ng Kanyang tulong. May pagkakataon ang mga estudyante na pag-aralan ang payo ng isang Apostol tungkol sa kung paano matutuklasan ang ilan sa kanilang mga kaloob na ibinigay ng Diyos.
-
Pag-aralan ang ilan sa mga sumusunod na passage, na hinahanap ang mga walang hanggang katotohanan na makakatulong sa atin na matukoy ang ating kakayahan na makamit ang ating potensiyal sa pamamagitan ni Jesucristo. 1 Samuel 16:7; Filipos 4:13; Jacob 4:7; Alma 26:12; Doktrina at mga Tipan 18:10.
-
Ibinahagi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa mga paraan para matukoy natin ang mga talento, lakas, at kakayahan na ipinagkaloob sa atin ng ating Ama sa Langit: “Ang mga talentong ibinigay sa atin ng Diyos ay unang nakikita sa mga interes na gusto nating gawin. Kung gusto ninyong malaman ang inyong mga talento, gumawa ng isang listahan ng mga bagay na gusto ninyong gawin. Isama ang lahat ng kinagigiliwan ninyong aktibidad mula sa iba’t ibang bahagi ng inyong buhay—espirituwal, musikal, drama, akademya, pampalakasan, at iba pa. Pag-aralan at pagnilayan ang inyong patriarchal blessing para sa mga impormasyon at inspirasyon. Tanungin ang mga kapamilya, pinagkakatiwalaang kaibigan, titser, at lider; kadalasang nakikita ng iba ang hindi natin nakikita sa ating sarili” (Ronald A. Rasband, “Parables of Jesus: The Parable of the Talents,” Ensign, Ago. 2003, 34).
Mag-anyaya ng Masigasig na Pag-aaral: Narito ang ilang halimbawa mula sa lesson na ito na tumutulong sa mga estudyante na gawin ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral para sa kanilang sarili. Pansinin kung paano nakakatulong sa mga estudyante ang mga aktibidad na ito na isipin ang sarili nilang mga karanasan at kalagayan. Layunin ng mga ito na tulungan ang mga estudyante na mahikayat na ituon ang kanilang puso at isipan sa karanasan sa pagkatuto para matugunan ang mga pangangailangan nila ngayon. May pagkakataon din ang mga estudyante na pag-isipan ang mga tunay na hamon na kinakaharap nila at kung paano sila matutulungan ng mga katotohanang matatagpuan sa mga banal na kasulatan.
-
Isipin ang mga responsibilidad o oportunidad sa trabaho na interesado kang subukan sa hinaharap. Subukan ding tukuyin ang mga kasanayan at kakayahan na kailangan mo pa ring paunlarin na makakatulong sa iyo na maging mas handa para sa hinaharap.
-
Paano tayo matutulungan ng mga katotohanang ito kapag pinanghihinaan tayo ng loob tungkol sa ating mga kakayahan?
Magturo sa pamamagitan ng Espiritu: Narito ang halimbawa ng isang paraan na matutulungan ng lesson ang mga titser na anyayahan ang Espiritu Santo na gampanan ang Kanyang tungkulin sa karanasan sa pagkatuto. Pansinin na ang mga estudyante ay inaanyayahang humingi ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo upang mas malinaw na makita ang kanilang kasalukuyang mga pangangailangan at ang mga susunod na hakbang upang maging mas handa sa buhay.
-
Sa pag-aaral mo ngayon, hingin ang patnubay ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo para tulungan kang matukoy ang mga lakas at kasanayan na mayroon ka na makapaghahanda sa iyo para sa mga responsibilidad na ito.
Magsanay
Tukuyin ang isang lesson sa Paghahanda sa Buhay na ituturo mo sa lalong madaling panahon, batay sa iyong lokal na pacing guide. Rebyuhin ang lesson na ito habang hinahanap ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Paano nakasentro kay Jesucristo ang karanasan sa pagkatuto?
-
Paano nakatutulong ang lesson sa mga estudyante na matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo tulad ng matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta?
-
Paano tinutulungan ng lesson ang mga estudyante na magawa ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral para sa kanilang sarili?
-
Paano nakakatulong ang lesson na anyayahan ang Espiritu Santo na gampanan ang Kanyang tungkulin sa karanasan sa pagkatuto?
Mga Pag-iingat
Ang mga lesson sa Paghahanda sa Buhay ay nagbibigay ng mga pagkakataon sa mga estudyante sa seminary na malaman kung paano sila matutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na malagpasan ang mga hamon ng mortalidad. Sa pagtuturo mo ng mga lesson na ito, dapat na alam mo ang sumusunod na mga pag-iingat:
Ang Bawat Karanasan sa Pagkatuto ay Dapat Magtuon kay Jesucristo, Magturo ng Doktrina, at Mag-anyaya ng Masigasig na Pag-aaral
Ang bawat karanasan sa pagkatuto sa seminary ay dapat makatulong sa pagsasakatuparan ng Layunin ng Seminaries and Institutes of Religion. Kung hindi tayo magiging maingat, ang mga lesson sa Paghahanda sa Buhay ay madaling magiging hindi balanse at mabibigong isakatuparan ang layuning ito. Halimbawa, maaaring maraming karanasan ang isang titser sa isa sa mga paksa at maaaring ipasiya niya na magtuon nang husto sa maraming kasanayan at estratehiya kung paano tugunan ang pangangailangan ng mga estudyante. Gayunman, sa prosesong ito, madaling makakaligtaan ng titser ang pangangailangang iugnay ang mga estudyante kay Cristo at ituro ang doktrina mula sa mga salita ng mga banal na kasulatan at ng mga propeta.
Case study: Si Sister Jones ay may malawak na karanasan sa pagpaplano ng pananalapi. Nagpasiya si Sister Jones na turuan ang kanyang mga estudyante ng maraming kasanayan tungkol sa pagpaplano ng pananalapi sa paraang nakatuon sa estudyante.
Ano ang ilan sa mga maaaring kahinatnan kapag itinuro ni Sister Jones ang lesson sa ganitong paraan?
Balansehin ang Bilang ng mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay Ayon sa Nakabalangkas sa Kurikulum
Maaaring may ilang uri ng lesson o paksa na nais ng ilang titser na dagdagan pa o bawasan ng oras sa klase kaysa sa iba. Tandaan na maraming tao, kabilang na ang mga taga-ibang departamento ng Simbahan, ang nagsanggunian upang matukoy ang bilang ng mga lesson sa bawat kategorya. Kahit ang isang paksa na tila hindi gaanong kawili-wili para sa isang titser ay maaari namang napakahalaga para sa ilang estudyante. Ang paggugol ng mas maraming oras sa klase sa ilang lesson kaysa sa nakabalangkas sa kurikulum ay maaaring humantong sa hindi gaanong pagbibigay-diin sa iba pang mahahalagang resulta ng pagkatuto. Inirerekomenda ng “Training para sa Paggawa ng Pacing Guide” na karaniwang dapat magkaroon ng mas maraming lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan kaysa sa mga lesson sa Paghahanda sa Buhay sa iyong pacing guide. Ang bilang ng mga lesson para sa bawat kategorya ng Paghahanda sa Buhay ay nagpapahiwatig din ng iminungkahing balanse. Sundin ang mga gabay na ito na may napakakaunting eksepsiyon.
Case Study: Tuwang-tuwa si Brother Hendricks na sa wakas ay may mga pagsisikap na sadyang ginagawa para sa seminary upang ihanda ang mga kabataan sa misyon. Sa halip na magturo lamang ng limang lesson sa paghahanda sa misyon, gumugugol siya ng dalawang linggo sa pagtuturo ng mga lesson na ito pati na rin sa ilang lesson na sariling gawa niya.
Ano ang ilan sa mga posibleng kahihinatnan ng pamamaraan ni Brother Hendricks sa pagtuturo ng mga lesson sa paghahanda ng missionary?
Gamitin ang Kurikulum Anuman ang Iyong Antas ng Karanasan
Katulad ng bilang ng mga lesson, ang layunin ng bawat lesson ay tulung-tulong na pinagpasiyahan din ng maraming tao, kabilang na ang mga miyembro ng iba pang mga departamento ng Simbahan. Ang mga departamentong ito ay kadalasang umaasa sa pananaliksik na nakumpleto ng Correlation Research Division ng Simbahan para sa input na ibinigay nila. Gaya ng lahat ng mga lesson sa kurikulum ng S&I, masusing nirebyu ng Correlation Department ng Simbahan ang mga lesson sa Paghahanda sa Buhay para sa katumpakan at kaangkupan sa doktrina. Ang mga lesson ay ginawa sa paraang maituturo nang simple ang mga paksang tinatalakay ng mga ito, hindi isang komprehensibong kurso tungkol sa paksa. Kung alam na alam mo ang paksa, maaaring maramdaman mo na may mahahalagang ideya na hindi natalakay. Maging napakaingat sa pagdaragdag ng isang bagay na hindi pa naisasama. Gaano man karami o kakaunti ang iyong kaalaman at karanasan sa isang ibinigay na paksa, gamitin ang kurikulum bilang saligan para sa karanasan sa pagkatuto na ibibigay mo. Magsimula sa pamamagitan ng paggamit ng lesson bago gumawa ng mga desisyon tungkol sa kung ano ang iaakma. Para sa karagdagang impormasyon tungkol dito, tingnan ang “Training para sa Paggamit at Pag-akma ng Kurikulum ng Seminary” na matatagpuan sa Training para sa Kurikulum ng Seminary.
Case Study: Si Sister Benson ay isang lisensiyadong clinical social worker. Sa kasalukuyan ay malaking tagumpay ang natatamo niya sa paggamit ng isang bagong pamamaraan sa pagtulong sa kanyang mga kliyente na may adiksiyon. Nagpasiya siyang turuan ang kanyang mga estudyante ng mga kasanayang nauugnay sa bagong pamamaraang ito sa halip na ituro ang isa sa mga lesson sa pisikal at emosyonal na kalusugan.
Ano ang ilan sa mga posibleng resulta ng pamamaraan ni Sister Benson sa mga lesson sa pisikal at emosyonal na kalusugan?
Alalahanin Mo ang Iyong Tungkulin Bilang Titser
Habang nagtuturo ka ng mga lesson sa Paghahanda sa Buhay, tandaan ang iyong tungkulin bilang titser sa seminary. Maaaring ibahagi sa iyo ng mga estudyante ang mga mahirap na sitwasyong kinakaharap nila. Ang tungkulin mo ay ilapit sila sa kanilang mga magulang at mga lider ng priesthood, na makagagabay sa kanila sa tulong na kailangan nila. Para sa tulong sa mga sitwasyon na maaaring may kinalaman sa pang-aabuso, mangyaring tingnan ang “Pang-aabuso” sa Seminaries and Institutes Emergency Response Guide.
Case Study: Nalaman ni Sister Benson na matapos niyang ituro ang kanyang mga lesson, maraming estudyante ang nananatili pagkatapos ng klase. Gusto nilang ibahagi sa kanya ang ilang personal na detalye tungkol sa kanilang buhay. Nakikipagkita siya sa kanila nang isa-isa sa kanyang opisina pagkatapos ng kanilang klase at pagkatapos ng pasok sa eskuwela.
Ano ang ilan sa mga maaaring maging resulta ng pakikipag-ugnayan ni Sister Benson sa kanyang mga estudyante?
Katapusan
Sa loob ng apat na taon sa seminary, maraming pagkakataon na matututuhan ng mga estudyante kung paano ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas sa iba’t ibang kalagayan at sitwasyon. Ang mga karanasan sa pagkatuto na idinagdag ng mga lesson sa Paghahanda sa Buhay sa mga lesson sa Kurso ng mga Banal na Kasulatan ay mas maihahanda ang isang buong henerasyon na harapin ang mga hamon sa buhay sa pamamagitan ng paghugot sa lakas, mga turo, at ebanghelyo ng Tagapagligtas. Mas magiging handa silang ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit.