“Mga Ideya para sa Pagkakaiba-iba: Mga Ideya para sa Pagkakaiba-iba,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Mga Ideya para sa Pagkakaiba-iba: Mga Ideya para sa Pagkakaiba-iba,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Appendix
Mga Ideya para sa Pagkakaiba-iba
Mga Ideya para sa Pagkakaiba-iba
Ang resource na ito ay naglalaman ng iba’t ibang paraan upang matulungan ang mga estudyante na aktibong makilahok sa mga lesson. Kahit ang mga mapanghikayat na pamamaraan sa pagtuturo ay maaaring maging hindi epektibo o nakaiinip kung paulit-ulit na gagamitin. Bagama’t hindi ka dapat pumili ng mga pamamaraan para lamang magkaroon ng pagkakaiba-iba, pag-isipan kung paano pag-iiba-ibahin ang mga paraan mo sa pagtuturo sa bawat lesson. Mas maraming estudyante ang mahihikayat kung gagamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo. Narito ang ilang tanong na dapat isaalang-alang kapag pumipili ka ng mga aktibidad na isasama sa isang karanasan sa pagkatuto:
-
Nagiging daan ba ang aktibidad upang magkaroon ng karanasan na nakasentro kay Cristo, nakabatay sa banal na kasulatan, at nakatuon sa mag-aaral? Tingnan ang Training para sa Paggamit at Pag-akma ng Kurikulum ng Seminary para sa higit pang impormasyon tungkol dito.
-
Inaanyayahan ba ng aktibidad ang Espiritu Santo na magturo at magpatotoo? Pag-isipan kung paano makakaapekto ang aktibidad sa mapitagang kapaligiran na kailangan upang magampanan ng Espiritu Santo ang Kanyang tungkulin.
-
Paano kinakatawan ng pamamaraan ang sagradong salita ng Diyos? Ang mga banal na kasulatan at salita ng mga propeta ay kailangang ilahad sa magalang at banal na paraan. Hindi dapat masapawan ng pamamaraan ang mensahe ng mga banal na kasulatan.
-
Ituturing ba ang bawat estudyante nang may dignidad? Palaging hangaring makahikayat ng pagkakaisa at pagmamahal. Iwasan ang mga aktibidad kung saan maaaring hindi maging komportable ang estudyante, mawalan siya ng kumpiyansa, o maramdaman niyang mag-isa siya.
-
Nararapat bang paglaanan ng oras sa klase ang aktibidad? Mahalagang panahon ang oras na magkakasama kayo ng mga estudyante mo sa seminary. Maaaring maging epektibo ang mga aktibidad kahit sandaling oras lang ang ilalaan dito.
-
Gaano katagal at ilang resources ang kakailanganin upang maihanda ang aktibidad? Importanteng mapamahalaan nang maayos ang iyong mahalagang oras at resources.
Maaari mong gamitin ang mga ideyang ito sa maraming pagkakataon sa buong lesson. Sa maraming pagkakataon, ang pagpapakita ng halimbawa sa mga estudyante kung paano ito gawin ay makatutulong sa kanila na maging mas matagumpay. Tiyaking nauunawaan mo nang mabuti ang aktibidad at makapagbibigay ka ng malinaw na mga tagubilin at halimbawa, kung makatutulong ito, bago simulan ng mga estudyante ang aktibidad. Ang mga aktibidad na ito ay nakaayos sa mga sumusunod na bahagi:
Para magbigay ng feedback o magmungkahi ng mga karagdagang ideya, mangyaring mag-email sa CES-Manuals@ChurchofJesusChrist.org. Isama sa paksa ang “Mga Ideya para sa Pagkakaiba-iba.”
1. Pag-aralan ang banal na kasulatan upang maunawaan ang kuwento at matukoy ang mga alituntunin o doktrina ng ebanghelyo
Ang mga lesson ay madalas may kasamang mga aktibidad kung saan pinag-aaralan ng mga estudyante ang isang serye ng mga talata upang maunawaan nang mabuti ang mahalagang konteksto at kuwento ng isang scripture block upang matukoy ang mga alituntunin o doktrina. Ang mga sumusunod na aktibidad ay ilang paraan upang matulungan mo ang mga estudyante na magawa ito.
Interpretasyon gamit ang sining
Gumamit ng sining ng ebanghelyo upang talakayin ang isang kuwento. Magpakita ng larawan mula sa Media Library ng Simbahan at anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga talatang ipinapakita sa larawan. Itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:
-
Ano ang isinama ng may-akda mula sa mga talata sa banal na kasulatan?
-
Ano ang matalinghagang interpretasyon (hindi matatagpuan sa teksto)?
-
Ano ang babaguhin ninyo batay sa inyong nabasa?
Ibang Bersyon: Sa halip na magpakita ng buong larawan sa simula ng klase para magsimula ng talakayan, pira-pirasuhin ang larawan. Paisa-isang ipakita ang bawat piraso at ipahula sa mga estudyante kung ano ang nangyayari sa buong larawan. Sabihin sa kanila na ilarawan ang nakikita nila at hulaan kung ano ang hindi nila nakikita.
Ibang Bersyon: Pumili ng ilang larawan ng Tagapagligtas at ilagay ang mga ito sa pisara. Anyayahan ang mga estudyante na dahan-dahang tingnan ang kulay, pokus, at layout ng mga larawan at tukuyin ang itinuturo ng bawat isa tungkol sa kung sino si Jesucristo. Pagkatapos tukuyin ang isang alituntunin mula sa mga banal na kasulatan o isang pahayag mula sa mga lider ng Simbahan, maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Sa palagay ninyo, aling larawan ni Cristo ang kumakatawan sa alituntuning natagpuan ninyo at bakit?
-
Alin sa mga larawang ito ni Jesus ang tumutulong sa inyo na madama ang kahalagahan ng katotohanang ito?
-
Ano ang gusto ninyong malaman ng isang kaibigan tungkol kay Jesucristo kapag iniisip ang katotohanang ito?
Magdagdag ng pag-uusap sa isang paglalarawan
Kopyahin ang mga larawan mula sa Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan para sa mga Bata at i-paste ang mga ito sa handout para sa mga estudyante. Magdagdag ng mga word bubble kung saan maaaring isulat ng mga estudyante ang sinasabi ng mga tauhan batay sa mga banal na kasulatan.
Ibang Bersyon: Isama ang mga larawan mula sa Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan para sa mga Bata at anyayahan ang mga estudyante na gamitin ang mga banal na kasulatan para ibuod ang pangyayari sa mga larawan. Para sa mga halimbawa, tingnan ang “Lesson 68: Ruth” at “Lesson 151: Jonas.”
Mga Komentarista
Itanong sa mga estudyante kung ano ang ginagawa ng mga komentarista sa mga sports event. Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Ang ilang halimbawa ng ginagawa ng mga komentartista:
-
Tumutulong na maunawaan ng iba ang nangyayari.
-
Nagtatanong tungkol sa mga sitwasyon (halimbawa, “Bakit kaya …”).
-
Nagbabahagi ng kanilang mga opinyon sa mga desisyon.
-
Binibigyang-diin kapag may hindi magandang nangyayari at kung bakit ito mahalaga.
-
Binibigyang-diin kapag may magandang nangyayari at kung bakit ito mahalaga.
-
Nagdiriwang ng mga tagumpay at nakikiramay sa mga kabiguan.
Anyayahan ang mga estudyante na maging mga komentarista ng isang kuwento sa mga banal na kasulatan. Maaari silang magbasa ng ilang talata, at pagkatapos ay bilang isang klase o sa maliliit na grupo, maaari nilang ibahagi ang alinman sa mga ideya sa pisara. Himukin silang gawing buhay ang kuwento sa banal na kasulatan.
Balita o book report
Bigyan ang bawat estudyante ng isang bahagi ng banal na kasulatan na pag-aaralan nila. Pagkatapos ay ibigay sa kanila ang mga kinakailangan para sa balita o book report (sa papel o sa pisara). Maaaring kabilang dito ang mga pangunahing tauhan, ang kuwento, isa o dalawang aral na natutuhan (babanggitin ang mga talatang pinagmulan nito), at kung paano ito maiaangkop sa isang tinedyer. Bigyan ang mga estudyante ng oras upang ibahagi sa ibang estudyante ang inihanda nila.
Ibang Bersyon: Sa maliit na grupo, maaaring kumuha ang bawat estudyante ng isang bahagi ng kuwento o book report: mga pangunahing tauhan, kuwento, aral, o pag-aangkop.
Pagtukoy sa mga tanong
Pagkatapos magbasa ng scripture block ng mga estudyante, sabihin sa kanila na maglista ng mga tanong na maaaring masagot ng mga talata. Hikayatin ang mga estudyante na magsulat ng mga tanong na makabuluhan at nauugnay sa isang tinedyer, sa halip na mga simpleng tanong sa pagsasaliksik. Halimbawa, sa halip na itanong ang: “Ano ang kahulugan ng pananampalataya ayon kay Alma? Ano ang sinabi niya na hindi kahulugan ng pananampalataya?” maaaring itanong ng mga estudyante: “Ano ang kailangan kong gawin upang malaman ko mismo para sa aking sarili na totoo ang isang bagay na itinuturo ng Tagapagligtas?” Kung mas marami sa isa ang scripture block na pag-aaralan ng mga estudyante, maaari nilang ilista ang kanilang mga tanong at ibahagi ito sa isang estudyante na nag-aral ng ibang block. Maaaring hanapin at pag-isipan ng mga estudyante ang mga sagot sa mga tanong ng kanilang mga kaklase.
Interbyuhin ang may-akda
Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na sila ang may-akda ng isang salaysay sa banal na kasulatan at iniinterbyu sila tungkol sa isinulat nila. Maaaring basahin ng mga estudyante ang salaysay sa banal na kasulatan at magsalitan sa pagganap bilang tagapanayam at ang may-akda. Maaaring itanong ng tagapanayam ang mga sumusunod:
-
Ano ang ilang aspeto ng mga talatang ito na ayaw mong mapalampas ng mga mambabasa?
-
Ano sa palagay mo ang iyong pangunahing mensahe o ang isa sa mga pangunahing mensahe mo?
-
Sa paanong paraan mo inaasahang maipamuhay ito ng mga mambabasa?
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa karanasang ito. Gamitin ang kanilang mga komento upang ipahayag ang katotohanan na nakasulat sa mga bold letter.
Pagtugma-tugmain
Magbigay ng ilang scripture reference sa isang column at ng mga katugmang katotohanan nang hindi ayon sa pagkakasunud-sunod sa ibang column. Maaaring pag-aralan at pagtugma-tugmain ng mga estudyante ang mga ito.
Mahahalagang Katotohanan para sa Ating Buhay
Kapag pinag-aaralan ng mga estudyante ang isang kabanata ng banal na kasulatan na may maraming katotohanan na maaari nilang matukoy, maaari mo silang pagsimulain sa pamamagitan ng pag-aaral nang mag-isa. Maaaring magpasiya ang bawat estudyante sa kung ano sa palagay nila ang tatlo o apat na pinakamahalagang katotohanan o ideya sa scripture block at isulat ang mga ito. Pagkatapos ay maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tigdadalawang miyembro at paghambingin ang mga katotohanang natukoy nila. Tutukuyin ng bawat magkapartner na estudyante kung ano sa palagay nila ang dalawang pinakamahalagang katotohanan sa kanilang buhay at isusulat nila ang mga ito. Tandaan: Ang mga ideya ay maaaring naiiba sa apat na katotohanan na una nilang natukoy. Pagkatapos ay sasali ang bawat magkapartner sa isa pang magkapartner upang bumuo ng isang grupo na may tig-aapat na miyembro; ang apat na estudyante ay sama-samang magbabahagi at maghahambing ng kanilang mga ideya at magtutulungan sila bilang isang grupo para matukoy ang nag-iisang pinakamahalagang katotohanan sa teksto para sa kanila.
Picture timeline
Magpakita ng ilang larawan na kumakatawan sa isang kuwento sa banal na kasulatan na pag-aaralan ng mga estudyante. Ipakita ang mga talatang babasahin ng mga estudyante. Anyayahan ang mga estudyante na isaayos ang mga larawan sa wastong pagkakasunud-sunod.
Paggawa ng diagram ng mga pangyayari sa kuwento o plot diagram
Tulungan ang mga estudyante na tukuyin ang doktrina o mga alituntuning itinuro sa mga salaysay sa banal na kasulatan gamit ang plot diagram. Tukuyin ang iba’t ibang elemento ng kuwento, kabilang ang sumusunod:
-
Ang panimulang sitwasyon: Maaaring kabilang dito ang mga tauhang bahagi ng kuwento, ang simula ng mga pangyayari, pati na rin kung saan at kailan ito nagaganap.
-
Pagtindi ng suliranin o maaksiyong pangyayari: Tukuyin ang mga pagbabagong nakakaapekto sa buhay ng mga tao sa kuwento.
-
Kasukdulan: Ito ang pinakamahalagang bahagi ng kuwento. Kadalasan ay may malaking pagbabago, tulad ng pagdaig ng isang tao sa isang balakid o pagkakaroon ng isang sandali ng pagtuklas.
-
Kinahinatnan: Ang mga resulta ng kasukdulan kapag natapos na ang maaksiyong pangyayari.
-
Resolusyon: Inilalarawan nito ang bagong pagkaunawa ng mga tao dahil sa kanilang karanasan.
Isulat sa pisara ang mga scripture reference para sa bawat elemento ng kuwento. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga talata para sa bawat elemento ng kuwento at idrowing ang nabasa nila o isulat ang mahahalagang pangyayari. Kapag natapos na ng mga estudyante ang huling hakbang, sabihin sa kanila na basahin ang buong salaysay at magsulat ng isang pahayag ng katotohanan na natutuhan nila.
Puzzle
Gumawa ng simpleng puzzle mula sa isang larawan na kumakatawan sa scripture block. Magsulat ng mga scripture reference sa likod ng bawat piraso. Maaaring mong igrupo-grupo ang mga estudyante at bigyan ng isang piraso ng puzzle ang bawat isa. Pag-aaralan ng mga estudyante ang mga reference at maghahanda sila na ibuod ang kanilang mga talata. Habang ibinabahagi ng mga grupo ang kanilang buod sa klase, maaari nilang i-tape ang mga piraso sa pisara para mabuo ang kumpletong larawan.
Teatro ng mambabasa
Para sa isang kuwento na maraming pag-uusap, ayusin ang mga talata ng banal na kasulatan sa isang script para mabilis na mahanap ng bawat tao ang kanilang bahagi. Gumamit ng narrator para basahin ang mga talatang hindi bahagi ng pag-uusap. Maaari mong kopyahin ang mga talata ng banal na kasulatan at markahan ang bawat bahagi gamit ang magkakaibang kulay ng highlighter. Paalala: Tandaan na ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos ay dapat palaging katawanin nang may pinakamataas na antas ng pagpipitagan. Kung ang isang miyembro ng Panguluhang Diyos, kabilang na si Jesucristo, ay kinakatawan sa isang salaysay sa banal na kasulatan kung saan nais mong gawin ang aktibidad na ito, ipabasa sa narrator ang Kanyang mga salita.
Pagbabasa ng banal na kasulatan
Maraming paraan kung paano basahin ang mga banal na kasulatan sa klase. Ang bawat isa ay maaaring may iba’t ibang layunin. Isaalang-alang ang mga pangangailangan ng iyong klase kapag pumipili ng mga paraan ng pagbabasa.
-
Tahimik na pagbabasa: Maaaring magbasa nang mag-isa ang mga estudyante nang tahimik. Binibigyan nito ang mga estudyante ng pagkakataon para pagnilayan ang mga banal na kasulatan at magbasa sa bilis na gusto nila.
-
Pagbabasa nang may kapartner o bilang grupo: Sa pamamagitan nito, mas maraming estudyante ang nakakalahok at hindi sila gaanong kakabahan sa pagbabasa nang malakas.
-
Titser o naka-record na audio: Maaaring basahin ng titser ang teksto o i-play ang audio nito at anyayahan ang mga estudyante na sumabay sa pagbabasa.
-
Pagbabasa nang malakas: Maaaring anyayahan ang buong klase na sabay-sabay na basahin ang mga talata. Maraming boluntaryong estudyante ang maaaring magbasa nang malakas sa klase o anyayahan nang mas maaga at bigyan ng oras para makapaghandang magbasa. Tiyakin sa mga estudyante na maaari silang “tumanggi” kung hindi sila komportableng magbasa.
Saliksikin ang banal na kasulatan
Maghanda ng ilang tanong tungkol sa isang serye ng mga talata sa mga banal na kasulatan sa magkakahiwalay na piraso ng papel. Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Isang estudyante sa bawat grupo ang pupunta sa harap ng klase kung saan ibibigay mo sa kanila ang unang tanong. Pagkatapos ay babalik ang mga estudyante sa kanilang mga grupo, kung saan magtutulungan sila upang mahanap ang sagot. Kapag nahanap na nila ang sagot, ibang estudyante naman ang tatanggap ng susunod na tanong na sasagutin. Kung maliit ang klase, maaaring gawin ng mga estudyante ang aktibidad na ito nang paisa-isa.
Simulation
Isaayos ang silid-aralan sa paraang magpapakita ng simulation ng kuwentong babasahin sa mga banal na kasulatan sa araw na iyon. Halimbawa, kung binabasa ang Ruth, ang iba’t ibang palatandaan sa harap ng kuwarto ay maaaring tumukoy sa lupain ng Moab at lupain ng Juda. Maaaring magsimula ang mga estudyante sa lupain ng Moab at maaari din silang magsuot ng mga name tag para katawanin sina Naomi, Ruth, Orfa, Elimelec, at iba pang tao sa kuwento. Pagkatapos ay maaari nilang ipakita kung sinong mga tao ang lumipat sa Juda, at mapag-aaralan ng mga estudyante kung bakit.
Stop sign
Ibigay sa mga estudyante ang katotohanan na nakasulat sa mga bold letter. Dahan-dahang basahin ang ilang talata sa kanila at sabihin sa kanila na itaas ang kanilang kamay o sabihing “Stop” kapag may natukoy sila sa isang talata na tumutulong sa pagtuturo ng katotohanang iyon. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang napansin nila.
Buod ng estudyante
Bago magklase, bigyan ang isa o higit pang estudyante ng konteksto o nilalaman tungkol sa mga banal na kasulatan na gusto mong ibuod nila para sa klase. Maaari mong i-print at ipamahagi ang mga ito sa araw bago ang klase o ipamigay ang mga ito sa mga estudyante pagkapasok nila sa klase. Sabihin sa kanila na maghandang magbahagi ng buod kapag tinawag sa angkop na oras sa klase.
Magsalin ng talata
Pagkatapos magbasa ng mga estudyante ng scripture block na maaaring mahirap maunawaan, maaari mo silang papiliin ng talatang “isasalin” o ipasulat ang bawat linya sa sarili nilang mga salita. Kung kinakailangan, tulungan silang magsanay sa paghahanap ng mga kahulugan o paggamit ng iba pang banal na kasulatan at mga tool sa pag-aaral ng banal na kasulatan upang maunawaan ang mahihirap na salita at parirala.
Tama o mali
Magsulat ng iba’t ibang tama o maling pahayag tungkol sa mahahalagang detalye sa isang scripture block. Sabihin sa mga estudyante na sabihin kung sa una ay sumasang-ayon sila o hindi sa mga pahayag. Sabihin sa kanila na maghanap ng katibayan para sa o laban sa mga pahayag habang pinag-aaralan nila ang scripture block. Pagkatapos ay muling isusulat nang tama ng mga estudyante ang maling mga pahayag habang binabasa nila ang scripture passage.
Ibang Bersyon: Sumulat ng ilang pahayag tungkol sa paksa ng lesson na mahalgang maunawaan ng mga estudyante. Magsama rin ng ilang maling pahayag. Pagkatapos ay ipahula sa mga estudyante kung tama o mali ang mga ito. Pagkatapos ay maaaring saliksikin ng mga estudyante ang mga banal na kasulatan ng lesson para matuklasan kung tama ang mga ito. Pagkatapos ng aktibidad, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natuklasan nila. Tiyaking malinaw sa mga estudyante pagkatapos ng aktibidad kung aling mga pahayag ang tama at aling mga pahayag ang mali.
Gumamit ng retrato
Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang retrato na mahalaga sa kanila. Ito ay maaaring nasa kanilang telepono o maaaring silang magdala ng isang retrato mula sa kanilang tahanan. Sabihin sa kanila na maghandang ibahagi ang mga sumusunod:
-
Ang background, na naglalarawan sa nangyari bago kinunan ng retrato
-
Ang mahalagang mensahe o layunin ng retrato
-
Ilang detalye na mahalaga para sa kanila
Pagkatapos magbahagi ng mga estudyante, maaari nilang basahin ang scripture block para sa lesson at ihanda ang tatlong bagay ding iyon na may kaugnayan sa scripture block.
Paglalarawan sa Isip
Anyayahan ang mga estudyante na ilarawan sa isip ang isang kuwento sa banal na kasulatan o sa bahagi ng tekstong pinag-aralan. Maaaring pumikit ang mga estudyante at magtuon sa pagsasaisip ng mga larawang ibinahagi ng titser. Halimbawa, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ilarawan sa isip na kasama nila ang mga anak ng Israel noong mapagitnaan sila ng Dagat na Pula at ng paparating na hukbo ng Faraon upang salakayin sila. Ano ang mararamdaman nila? Ano ang hitsura ng “haliging ulap” na humarangl sa hukbo ng mga taga-Egipto mula sa kampo ng Israel? (tingnan sa Exodo 14:19–20). Ano kaya ang pakiramdam noong “pinaghiwalay ng Panginoon ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging mula sa silangan sa buong magdamag”? (Exodo 14:21). Maaari mong sabihin, “Isiping naglalakad kayo ‘sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa: at ang tubig ay naging isang pader … sa [inyong] gawing kanan, at sa [inyong] kaliwa’ (Exodo 14:22). Ano ang reaksyon ng mga tao sa paligid ninyo? Ano ang sinasabi nila, o naglalakad ba sila nang tahimik? Ano ang pinag-uusapan ninyo sa gabing iyon sa inyong kampo?” Patuloy na magtanong ng mga bagay na tumutulong sa mga estudyante na mailarawan sa isip ang sitwasyon.
Word cloud
Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga salita at parirala na sa palagay nila ay mahalaga sa isang scripture passage. Gumawa ng word cloud gamit ang mga pinakakaraniwan o pinakamakabuluhang salita at parirala na tutukuyin nila. Ang laki ng mga salita ay maaaring magpahiwatig ng antas ng kahalagahan ng mga ito.
2. Palalimin ang pag-unawa gamit ang mga sipi at banal na kasulatan
Kadalasang isinasama sa mga lesson ang ilang scripture passage mula sa mga aklat ng banal na kasulatan upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa mga alituntunin o doktrinang pinag-aaralan nila. Magkakaroon din ng mga lesson na may kasamang maraming sipi mula sa mga lider ng Simbahan. Ang mga sumusunod na aktibidad ay ilang paraan kung paano mo matutulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang iba’t ibang banal na kasulatan o sipi at mabibigyan sila ng pagkakataong matuklasan ang katotohanan para sa kanilang sarili.
Gumawa ng mga istasyon ng pag-aaral
Maglagay ng mga istasyon ng pag-aaral sa buong silid-aralan. Maaaring may mga tagubiling nakapaskil sa mga pader o mesa ng bawat istasyon. Maaaring kabilang sa mga tagubiling ito ang mga banal na kasulatan o sipi na babasahin at mga tanong o iba pang aktibidad na kukumpletuhin. Maaaring lumipat-lipat ang mga estudyante sa maliliit na grupo, at talakayin ang natutuhan nila sa bawat istasyon. Maaari din nila itong gawin nang mag-isa at lumipat kung tapos na sila. Maaari kang maglagay ng malaking piraso ng papel sa bawat istasyon kung saan isusulat ng bawat grupo o ng estudyante ang kanilang sagot. Maaari nilang basahin at pagnilayan ang mga sinulat ng iba.
Gumawa ng sarili mong mga footnote
Sabihin sa mga estudyante na magdagdag ng mga footnote sa mga banal na kasulatan na pinag-aaralan nila. Maaaring idagdag ang mga ito sa pamamagitan ng paggawa ng mga link o koneksyon sa pagitan ng mga passage na pinag-aralan at ng iba pang banal na kasulatan at pahayag mula sa mga lider ng Simbahan. Maaaring isulat ng mga estudyante ang mga cross reference sa kanilang mga margin o gamitin ang linking feature sa Gospel Library app. Maaari silang magbahagi ng maraming karagdagang reference na nagbibigay ng mas maraming kabatiran tungkol sa paksa hangga’t kaya nila. Ibang Bersyon: Maaaring gamitin ng mga estudyante ang mga tag sa Gospel Library upang ikonekta ang iba’t ibang banal na kasulatan at sipi mula sa isang lesson.
Ipaliwanag
Anyayahan ang mga estudyante na tukuyin ang isang salita o konsepto na mahirap maunawaan. Ipahanap sa kanila ang resources kabilang ang mga banal na kasulatan at mga tool sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Mga Paksa at Mga Tanong) upang matulungan silang malaman pa ang tungkol sa kataga. Sabihin sa kanila na ipaliwanag ang kataga o parirala gamit ang sarili nilang mga salita.
Mga doodle note
Habang nag-aaral ang mga estudyante, bigyan sila ng papel na may mga thought bubble o mga bahagi kung saan nila maaaring isulat ang kanilang natuklasan.
Mga Eksperto
Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at magtalaga sa bawat grupo ng paksang pag-aaralan. Bigyan ang mga grupo ng oras upang pag-aralan ang mga paksa para maging eksperto ang bawat miyembro ng grupo sa paksa ng kanilang grupo. Maaari silang gumamit ng mga scripture reference, pahayag mula sa mga lider ng Simbahan, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, o iba pang resources na ibibigay mo. Pagkatapos ng sapat na oras, hatiin ang mga estudyante sa mga bagong grupo upang magkaroon ng “eksperto” sa ibang paksa ang bawat grupo. Pagkatapos ay ibabahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila tungkol sa kanilang mga paksa.
Mga koneksyon sa Para sa Lakas ng mga Kabataan
Pagkatapos pag-aralan ng mga estudyante ang isang scripture passage o pahayag at natukoy ang isang katotohanan ng ebanghelyo, anyayahan silang maghanap ng mga pahayag mula sa isang bahagi o mga bahagi sa booklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili na nagpapatibay sa katotohanang natuklasan nila mula sa isang scripture block.
Taludtod sa taludtod
Muling ipasulat sa mga estudyante ang isang scripture verse sa kanilang study journal nang paisa-isang linya o pangungusap. Dapat silang mag-iwan ng espasyo sa pagitan ng bawat linya o pangungusap. Masusing mapag-aaralan at mapagninilayan ng mga estudyante ang bawat salita sa linya o pangungusap na iyon. Makakahanap din sila ng mga cross-reference o iba pang impormasyon sa Gospel Library tungkol sa linyang iyon. Pagkatapos ay ganoon din ang gawin sa susunod na linya ng passage. Ang isang halimbawa nito ay matatagpuan sa “Huwag Matakot,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2021, 32.
Mind map
Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng mind map sa kanilang study journal tulad ng nasa itaas. Maaari nilang isulat ang alituntunin o doktrinang natukoy nila sa gitnang kahon. Pagkatapos ay magpahanap sa kanila ng mga karagdagang banal na kasulatan o sipi na nagdaragdag sa kanilang pagkaunawa. Maaari nilang idagdag ang kanilang mga natutuhan tungkol sa paksang iyon sa mga outer box. Sabihin sa mga estudyante na palawakin ang kanilang mind map sa pamamagitan ng patuloy na pagdaragdag ng mga kahon at pagkonekta ng mga ito sa mga bagay na natututuhan nila.
Magkakatulad at magkakaibang ideya
Sabihin sa mga estudyante na pumili ng dalawa o mahigit pang paksa mula sa lesson na magkakatulad sa ilang paraan at magkaiba sa ilang paraan. Gumawa ng diagram na katulad ng larawan sa itaas kung saan maaaring isaayos ng mga estudyante ang mga pagkakatulad ng mga bagay na ito at mga pagkakaiba ng dalawang paksa. Magagawa ito nang may dalawang tao sa isang salaysay (halimbawa, Jacob at Esau) o dalawang paksa (halimbawa, Paskua at ang sakramento).
Pagbabahagi ng mga kabatiran
Bigyan ang mga estudyante ng kinopyang pahina ng scripture block at ipasulat sa kanila ang kanilang mga pangalan sa itaas. Bigyan sila ng isa hanggang dalawang minuto upang basahin ang block at isulat ang kabatirang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral.
Halimbawa, maaaring magmarka ang mga estudyante ng mga footnote, magbahagi ng mga sipi ng mga propeta, magsalungguhit ng mahahalagang parirala, magbilog ng mga espesyal na salita, magsulat ng mga alituntunin, at magbahagi ng kanilang mga patotoo at iba pang kabatiran sa mga margin.
Kapag tapos na ang oras, sabihin sa kanila na ipasa ang kanilang papel sa isa pang estudyante para magsulat ng ibang natutuhan nila. Pagkatapos ng ilang pasahan, ipabalik ang mga papel sa estudyante na orihinal na may-ari nito. Ibang Bersyon: Sa halip na scripture block, maaaring ang bawat papel ay may iba’t ibang tanong sa pagsasabuhay na may kaugnayan sa scripture block. Maaaring sagutin ng maraming estudyante ang mga tanong gamit ang mga banal na kasulatan at salita ng mga propeta at ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa paksa.
Random na pumili ng isang sipi
Maglagay ng ilang sipi na nagtuturo ng isang katotohanan mula sa lesson sa isang sumbrero o bag. Anyayahan ang mga boluntaryo na kumuha ng isang sipi mula sa sumbrero at ibahagi kung paano ito nauugnay sa katotohanang natutuhan nila at kung ano ang kahulugan nito sa kanila. Tiyaking mabibigyan sila ng oras para magbasa at maghandang magbahagi. Ibang Bersyon: Kapag nakapagbahagi na ang mga estudyante, magpapalitan sila ng mga sipi at maghahanap ng mga bagong kapartner na pagbabahagian nila ng bagong sipi.
Scripture bracket
Pumili ng 16 na scripture reference at isulat ang bawat reference sa 16 na linya sa labas ng mga column ng bracket. Sabihin sa mga estudyante na magkakapartner o sa maliliit na grupo na basahin ang mga banal na kasulatan na pinagsama sa bawat bracket at tukuyin kung aling reference ang sa palagay nila ay magiging pinakamakabuluhan sa isang tinedyer ngayon. (Maaaring makatulong na bigyang-diin na lahat ng banal na kasulatan ay mahalaga. Hindi nagpapasiya ang mga estudyante kung aling mga talata ang mas mahalaga, sa halip ay kung ano sa tingin nila ang pinakamakabuluhan para sa kanila ngayon.) Ang passage na napili nila ay ililipat sa kasunod na bracket. Patuloy na tatalakayin ng mga estudyante ang bawat pares ng mga banal na kasulatan hanggang sa matukoy nila ang isang banal na kasulatan na sa palagay nila ay pinakamakabuluhan at tatalakayin nila kung bakit. Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang mga banal na kasulatang ito sa klase. Para sa halimbawa ng ideyang ito, tingnan ang karagdagang aktibidad sa pag-aaral sa “Lesson 109: Pambungad sa Mga Kawikaan.”
Mga aktibidad sa pag-aaral na estudyante ang pipili
Gumawa ng listahan ng anim na aktibidad sa pag-aaral. Matapos matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan mula sa scripture block, gumamit ng random na paraan para sa pagpili ng mga estudyante kung aling aktibidad ang kukumpletuhin (mag-dice, bumunot ng card, kumuha ng isang piraso ng papel, random number generator).
Maaaring kasama sa mga halimbawa ang mga sumusunod:
-
Magbahagi ng kuwento mula sa buhay ni Jesus kung saan itinuro o ipinakita Niya ang katotohanan.
-
Maghanap ng doctrinal mastery passage o iba pang scripture passage tungkol sa katotohanan.
-
Maghanap ng halimbawa ng kuwento sa banal na kasulatan tungkol sa isang taong ipinamuhay ang katotohanan.
-
Maghanap ng pahayag mula sa isang lider ng Simbahan na nagtuturo ng katotohanan.
-
Magbahagi ng personal na karanasan ng isang taong pinagpala dahil sa katotohanan.
-
Magbahagi ng isang ideya kung paano natin maipamumuhay ang katotohanan. Maghanap ng scripture passage na nagtuturo ng halimbawang ibinabahagi mo.
Study snake
Sa bawat mesa o upuan, maglagay ng card na naglalaman ng tagubilin tulad ng “Basahin ang isang scripture passage o sipi,” o “Sagutin ang isang tanong mula sa lesson.” Maaaring lumipat-lipat ng mga upuan ang mga estudyante at sundin ang mga tagubilin sa card na iyon.
Web ng paksa
Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng diagram na katulad nito na nagsisimula sa katotohanan na nakasulat sa mga bold letter o paksa sa gitna. Pagkatapos ay guguhit ang mga estudyante ng mga linya sa mga outer circle at susulatan ang mga ito ng mga kaugnay na banal na kasulatan, katotohanan, o elemento ng pangunahing paksa. Halimbawa, maaaring isulat ng mga estudyante ang paanyaya ng Mang-aawit na “Magpasalamat kayo sa Panginoon” sa bilog sa gitna na may reference na “Mga Awit 136.” Pagkatapos ay maaari nilang ilista sa mga outer circle ang mga dahilan mula sa Mga Awit upang magpasalamat sa Panginoon.
Pag-pause ng video
Gumamit ng video na gawa ng Simbahan na naglalarawan o nagtuturo tungkol sa isang alituntunin ng ebanghelyo. I-pause sa iba’t ibang bahagi para lalo pang maging interesado o para matulungan ang mga estudyante na suriin ang kanilang pinapanood. Maaari mong itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:
-
“Ano kaya ang maiisip o madarama ninyo, o ano kaya ang mga tanong ninyo kung kayo ay nasa ganitong sitwasyon?”
-
“Anong mga banal na kasulatan ang napag-aralan ninyo ngayon na makatutulong?”
-
“Ano ang inaasahan ninyong mauunawaan ng taong ito tungkol sa katotohanang pinag-aralan natin ngayon?”
-
“Saan ninyo nakikita ang inyong sarili sa kuwentong ito ngayon?”
3. Ibahagi ang natututuhan nila
Sa buong lesson, inaanyayahan mo ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga saloobin at ideya. Habang nagpapaliwanag, nagbabahagi, at nagpapatotoo sa kapartner, sa maliit na grupo, o sa klase, kadalasan silang ginagabayan ng Espiritu Santo sa mas malalim na patotoo tungkol sa mismong mga bagay na ipinahahayag nila. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, maaari ding magkaroon ng malaking epekto ang mga salita at pagpapahayag nila sa puso at isipan ng mga nakikinig. Bagama’t mahalaga ito, maaaring mahirapang magbahagi ang mga estudyante sa maraming kadahilanan. Tandaan na iparamdam na ayos lang para sa mga estudyante na “tumanggi” kung hindi sila komportableng magbahagi. Ang mga sumusunod na ideya ay makatutulong sa mga estudyante na ibahagi ang natututuhan nila.
Suriin ang isang passage
Magsulat ng isang scripture verse sa gitna ng isang malaking papel (bilang alternatibo, maaari mo itong idispley sa pisara). Tiyaking husto ang laki nito para makita ng bawat estudyante. Maaaring maglaan ng ilang minuto ang mga estudyante para sabihin ang lahat ng tanong nila tungkol sa scripture verse. Pagkatapos ay bigyan sila ng ilang minuto upang maghanap sa mga banal na kasulatan o Gospel Library para masagot ang mga tanong. Bilang alternatibo, maaaring i-print ang scripture verse sa isang piraso ng papel at maaaring gawin din ng mga estudyante ang aktibidad na iyon nang mag-isa.
Idea board
Maaaring magsulat sa pisara ang mga estudyante, o gumamit ng mga sticky note o maliliit na piraso ng papel na ididikit sa pisara, para ibahagi ang kanilang mga ideya tungkol sa mga paraan para maipamuhay ang isang katotohanan ng ebanghelyo. Ang idea board ay maaaring magkaroon ng malaking larawan ng isang bagay na may kaugnayan sa paksa. Halimbawa, kung pinag-aaralan ang tungkol kay Nehemias, maaari kang magdrowing ng malaking pader tulad ng itinayo ni Nehemias. Maaaring maglista ang mga estudyante ng isa o mahigit pang bagay na sa palagay nila ay nais ng Panginoon na gawin nila upang maisakatuparan ang kanyang gawain at hindi magambala o matakot, katulad ni Nehemias noong magtayo siya ng pader sa palibot ng templo.
Kilalanin ang iyong mga tagapakinig
Papiliin ang mga estudyante ng target audience at ipabahagi sa kanila ang natututuhan nila sa paraang nauunawaan ng mga tagapakinig. Maaaring gawin ng mga estudyante ang aktibidad na ito nang may kapartner o sa grupo. Maaaring maging epektibo na bigyan ng maraming opsiyon ang mga estudyante at hayaan silang pumili kung aling tagapakinig ang gusto nilang turuan. Narito ang ilang ideya na mapagpipilian nila:
-
Isang kaibigan na iba ang relihiyon sa iyong misyon
-
Mga bata sa isang Primary class
-
Isang kaibigan mula sa paaralan
-
Isang kapamilya
Ipagpatuloy ang pag-uusap
Bago magtalakayan bilang isang klase, makatutulong na hikayatin ang mga estudyante na makinig nang mabuti sa isa’t isa. Ang mga sumusunod na ideya ay maaaring ibigay sa mga estudyante bago ang talakayan. Makatutulong ito sa kanila na makinig nang mabuti sa isa’t isa at makagawa ng nakapagpapatibay na talakayan na nagsasali ng maraming estudyante sa talakayan. Maaari mong ipakita ang mga ito o bigyan ang mga estudyante ng handout ng mga ideyang ito.
Dagdagan ito—Ibahagi ang nagustuhan mo sa pahayag ng isang kaklase at pagkatapos ay idagdag ang sarili mong mga ideya, tulad ng:
-
“Ipinapaalala niyan sa akin ang …”
-
“Sumasang-ayon ako, dahil …”
-
“Totoo. Ang isa pang halimbawa ay kapag …”
-
“Magandang punto iyan …”
Ibuod ito—Ibahin ang pagkakasabi ng pahayag ng kaklase mo at pagkatapos ay magkomento tungkol dito.
-
“Narinig ko na sinasabi mo na …”
-
“Kaya, kung tama ang pagkakaunawa ko sa sinabi mo …”
-
“Nagustuhan ko kung paano mo sinabi na …”
Magtanong—Magtanong sa ibang estudyante tungkol sa sinabi niya.
-
“Maaari bang magkuwento ka pa tungkol doon?”
-
“Hindi ko siguradong nauunawaan ko … ?”
-
“Nauunawaan ko ang punto mo, pero paano naman ang … ?”
-
“Naisip mo ba ang tungkol sa … ?”
Ipasa ang papel
Gamitin ang handout na ito upang gumawa ng isang serye ng mga tagubilin na maaaring magsama ng mga banal na kasulatan o sipi na babasahin at mga tanong na sasagutin. Tiyaking may sapat na espasyo na masusulatan ng mga estudyante ng kanilang mga sagot. Bigyan ng kopya ang bawat estudyante at ipasulat sa kanila ang pangalan nila sa itaas. Sasagutin ng mga estudyante ang unang tanong at pagkatapos ay titiklupin ang papel upang takpan ang kanilang sagot. Ipapasa nila ang papel sa isa pang estudyante, na sasagot sa susunod na tanong o prompt. Titiklupin ng bawat estudyante ang papel upang matakpan ang kanilang sagot at ipapasa ito sa ibang estudyante. Sa pagtatapos ng pag-ikot, naibalik na ang mga papel sa orihinal na estudyante, na magbabasa ng isinulat ng kanyang mga kaklase.
Maghandang magbahagi
Magbahagi ng mahalagang tanong na gusto mong sagutin ng mga estudyante. Tiyaking ibahagi ito nang ilang minuto bago sila anyayahan na sagutin ang tanong. Halimbawa maaari mong sabihin: “Ilang minuto mula ngayon, gusto kong ibahagi ninyo ang inyong mga opinyon tungkol sa . Mangyaring isipin kung ano ang gusto ninyong ibahagi habang pinag-aaralan natin ang sumusunod na passage.” Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi muna sa isang kapartner o grupo.
Magsagawa ng poll sa klase
Magsagawa ng poll sa iyong mga estudyante sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng maliit na piraso ng papel. Maaaring sumagot ang mga estudyante nang hindi isinusulat ang pangalan sa kanilang papel at pagkatapos ay ilagay ang kanilang mga papel sa isang lalagyan, tulad ng kahon o sumbrero. Maaari mong kolektahin ang kanilang mga opinyon tungkol sa isang alituntunin, tanong, o desisyon na maaaring gawin ng isang tao sa isang sitwasyon. Bilang alternatibo, kung may magagamit na smartphone ang mga estudyante, maaari kang gumamit ng isang polling app na libre at madaling gamitin. Bigyan ang mga estudyante ng assignment na pag-aaralan at ng polling link tungkol sa isang tanong at pasagutin sila gamit ang kanilang telepono. Pagkatapos ay maaari mong ipakita ang mga sagot sa klase.
Mga pariralang naghihikayat
Gumamit ng mga pariralang naghihikayat para sanayin ang iyong mga estudyante na magbahagi at magsulong ng talakayan sa klase.
Ito ay isang kapaki-pakinabang na tool para sa mga klase na tahimik o hindi sigurado kung paano o ano ang ibabahagi. Ipakita ang listahan ng mga parirala sa ibaba para matulungan ang mga estudyante na maisip nang mabuti ang maaari nilang ibahagi. Ipaaral sa kanila ang isang block ng banal na kasulatan at paghandain silang magbahagi gamit ang isa o mahigit pang pariralang naghihikayat. Pangasiwaan ang talakayan, o hayaan ang isang estudyante na pamunuan ito.
-
Ang isang talatang gusto ko ay …
-
Ang isang pariralang puno ng kabatiran para sa akin ay …
-
Ang isang aral na makukuha ko rito ay …
-
Ang isang alituntuning nahanap ko ay …
-
Ang isang salitang sa palagay ko ay interesante o nakalilito ay …
-
Ang isang bagay na kailangang malaman ng isang tinedyer mula rito ay …
-
Ang isang bagay na alam kong totoo mula rito ay …
-
Ang isang bagay na hindi ako sigurado tungkol dito ay …
-
Ang isang bagay na nararamdaman ko na dapat kong gawin dito ngayon ay …
-
Ang isang bagay na natutuhan ko rito tungkol sa Tagapagligtas ay …
Mga card ng pakikilahok
Magpamahagi ng mga card na maaaring itaas ng mga estudyante bilang visual na sagot sa mga itatanong mo. Maaaring gamitin ng mga estudyante ang mga card para ipahiwatig ang kanilang mga sagot o kapag handa na nilang ibahagi o talakayin ang kanilang mga ideya. Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng mga uri ng mga card ng pakikilahok:
-
Ang mga card ay berde para sa tama, pula para sa mali.
-
Isulat ang “Nag-iisip Pa” sa isang bahagi at “Handang Magbahagi” sa kabila.
-
Isang card na may mga numero o titik na kumakatawan sa iba’t ibang opsiyon na nakalista sa pisara. Lahat ng estudyante ay magtuturo ng isang numero o titik para sa kanilang mga sagot upang makita mo ang kanilang mga sagot at pipili ka ng mga estudyanteng sasagot.
-
Magsulat sa isang card ng maraming sagot sa iba’t ibang bahagi (tingnan ang halimbawa sa ibaba). Kapag inaanyayahan ang mga estudyante na sumagot, ang gitnang itaas ang kanilang sagot. Pagkatapos ay maaari mong tawagin o ng isang estudyante ang mga estudyante batay sa kung anong sagot ang ipinapakita nila.
Panimula ng sitwasyon
Bigyan ang mga estudyante ng hindi kumpletong sitwasyon at sabihin sa kanila na magdagdag sa mga detalye para maging mas mahalaga at nauugnay ito. Halimbawa, maaari mong sabihin ang isang bagay na tulad ng sumusunod: “Gumawa tayo ng isang sitwasyon tungkol sa isang taong malapit sa inyong edad, na nagngangalang Julia, na nahaharap sa ilang hamon sa buhay. Ano kaya ang ilan sa mga ito?” Habang nagbabahagi ang mga estudyante, tulungan silang magmungkahi ng mga detalye para maging tila tunay na tao si Julia, o ang ibang pangalang pinili mo. Maaari ka ring magdagdag ng mahahalagang detalye na makaiimpluwensya sa talakayan, tulad ng pangunahing tanong ni Julia. Habang nagbabahagi ang mga estudyante ng mga ideya, maaaring makatulong na magtanong tulad ng: “Nararamdaman ba ninyong totoo at nauugnay sa inyo ang sitwasyong ito? Ano ang maaari nating gawin para maging mas nauugnay sa atin ang sitwasyon?” Pagkatapos ay maaaring maghanap ang mga estudyante ng mga katotohanan sa pamamagitan ng lesson na makatutulong sa taong nasa sitwasyon.
Ibang Bersyon: Maaari mong isulat sa pisara ang paksa o katotohanan. Anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng sarili nilang mga sitwasyon at isulat ang mga ito sa papel. Maaaring mong pagpalitin ang mga sitwasyong ito at pasagutin ang mga estudyante sa pamamagitan ng paggamit ng natutuhan nila.
Ibang Bersyon: Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng iba’t ibang pananaw na maaaring mayroon ang mga tao tungkol sa isang katotohanan sa lesson. Halimbawa, “Maaaring isipin ng ilang tao na magiging mas mabuti ang buhay kung hindi nila kailangang panatilihing banal ang araw ng Sabbath.” O “Maaaring isipin ng ilang tao na maganda ang mga templo, ngunit wala silang gaanong hangaring gawin ang mga ordenansa sa loob.” Itanong sa mga estudyante kung bakit maaaring ganito ang iniisip o nararamdaman ng isang tao. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante kung paano makatutulong ang mga banal na kasulatan o mga pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na pinag-aralan nila sa isang taong nakadarama ng ganito.
Text thread ng sitwasyon
Gumawa ng isang sitwasyon na magsisimula sa isang text message, ngunit huwag ihayag sa mga estudyante ang mga pangyayaring humantong sa text message na iyon. Maaari mong bigyan ang bawat estudyante ng isang blangkong text template, gaya ng sumusunod, at anyayahan silang gumawa ng diyalogo para sa text thread.
Speed friendshipping
Ang pagtulong sa mga estudyante na maging komportable sa pagbabahagi sa isa’t isa ay nagsisimula sa pagtulong sa kanila na makilala ang kanilang mga kaklase. Ang aktibidad na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makilala ang isa’t isa at magbahagi ng isang bagay tungkol sa mga banal na kasulatan. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante sa pamamagitan ng pagsasaayos ng dalawang hanay ng mga magkaharap na upuan. Pagkatapos ay pamarkahan sa mga estudyante ang isang scripture passage at pasagutan sa kanila ang tanong na inihanda mo tungkol sa passage na iyon. Anyayahan ang bawat magkaharap na magkapartner na sagutin ang isang tanong sa pagkakaibigan na inihanda mo na maaaring makatulong sa kanila na mas makilala ang isa’t isa at pagkatapos ay ipabahagi ang sagot na inihanda nila na may kaugnayan sa scripture passage. Sabihin sa mga estudyante na magpalitan ng kapartner at ulitin ang proseso nang maraming beses gamit ang iba’t ibang tanong at scripture passage. Upang magawa ito ng mga estudyante kasama ng bawat kapartner, hindi kailangang lumipat ng estudyanteng nakaupo sa isa sa mga upuan sa sulok.
Sticky board
Maglagay sa pisara ng ilang tanong na sasagutin ng mga estudyante o mga scripture verse na makapagbabahagi sila ng kabatiran. Isusulat ng bawat estudyante ang kanilang pangalan sa isang sticky note at ilalagay nila ito sa tabi ng mga tanong o scripture verse na handa silang sagutin o bigyan ng komento.
Ibang Bersiyon: Maaaring ipahiwatig ng mga kulay kung ano ang nais ibahagi ng mga estudyante tulad ng isang ideya, tanong, cross-reference, at iba pa.
Kumuha ng larawan
Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang bagay sa silid-aralan o larawan sa kanilang telepono na magagamit sa pagtuturo ng alituntunin o doktrina. Sabihin sa kanila na ibahagi kung paano nila ituturo sa isang tao ang natutuhan nila gamit ang bagay o larawan. Maaaring pinakamainam ang aktibidad na ito kapag nagtuturo ng mga alituntunin o doktrina na madaling ilarawan gamit ang mga bagay o larawan na madaling makuha.
Magsulat bago magbahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magsulat ng mga sagot sa mahahalagang tanong sa kanilang study journal bago sila anyayahang sumagot nang malakas.
4. Gumawa ng representasyon ng natutuhan nila
Ang mga lesson ay kadalasang nag-aanyaya sa mga estudyante na gumawa ng isang bagay upang maipakita ang kanilang pinag-aralan. Maaaring kabilang dito ang paggamit ng mga malikhaing kasanayan. Ang mga sumusunod na aktibidad ay ilang paraan upang matulungan ang mga estudyante na magawa ito.
Acrostic na tula
Gamitin ang mga titik ng pangalan, lokasyon, o doktrina at ipagawa sa mga estudyante ang isang acrostic na tula gamit ang natutuhan nila sa klase. Halimbawa, ang isang estudyante ay maaaring magsulat ng isang acrostic na tula gamit ang salitang tiwala tulad ng sumusunod:
T – Tularan si Jesucristo
I – Isagawa ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo
W – Walang panalangin na hindi nasasagot
A – Ating pagkatiwalaan ang mga propeta ng Diyos
L – Lahat tayo ay umaasang matatanggap ang Kanyang mga pagpapala A – Alam ng Tagapagligtas ang makabubuti sa bawat isa
Paggawa ng app
Magdidisenyo ang mga estudyante ng sarili nilang app sa isang piraso ng papel. Maaaring magtampok ang app ng isang katotohanan na itinuro sa mga banal na kasulatan na pinag-aralan at magsama ng mga aktibidad, larawan, banal na kasulatan, o sipi na makatutulong sa isang tao na maipamuhay ito.
Chiasmus
Ang chiasmus ay isang tayutay kung saan sinasalamin o inuulit nang pabaliktad sa ikalawang bahagi ng isang pangungusap, talata, o pahayag ang unang bahagi nito. Matatagpuan sa gitna ang pangunahing mensahe (tingnan sa Genesis 9:12–17 o Alma 36 bilang mga halimbawa). Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng chiasmus mula sa pinag-aaralan nila. Ilalagay ng mga estudyante ang katotohanan na nakasulat sa mga bold letter sa gitna at magdaragdag sila ng mga linya sa itaas at ibaba nito kasama ang mga sumusuportang banal na kasulatan o pahayag ng mga propeta. Maaari itong maging katulad ng sumusunod:
A – ang nadarama ng mga estudyante tungkol sa katotohanan o mga karanasan nila rito
B – ang nauunawaan ng mga estudyante tungkol sa katotohanan
C – katotohanan o alituntunin ng ebanghelyo
C – katotohanan o alituntunin ng ebanghelyo
B – isang karagdagang pag-unawa tungkol sa katotohanan
A – mga karagdagang karanasan ng mga estudyante sa katotohanan at kung ano ang nadarama nila tungkol dito
Pag-aaral gamit ang comic strip
Bigyan ang mga estudyante ng blangkong template ng comic book, o magpagawa sa kanila ng template sa isang piraso ng papel. Babasahin ng mga estudyante ang scripture block at gagawa sila ng komiks na naglalarawan sa kuwento sa scripture block na ito. Ipagamit sa kanila ang huling kahon upang ibahagi ang sa palagay nila ay pinakamahalagang katotohanan na matututuhan mula sa kuwento. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa klase ang kanilang komiks. Bilang alternatibo, magagamit nila ang aktibidad na ito para ilarawan ang isang makabagong pagsasabuhay ng katotohanan o alituntunin.
Gumawa ng outline ng lesson
Gumawa ng outline na magagamit ng mga estudyante sa paghahanda ng maikling lesson, pahayag, mensahe, o bilang paraan ng pagbabahagi ng scripture passage. Maaari kang magbigay ng blangkong template ng outline kung saan isusulat ng mga estudyante ang kanilang mga matutuklasan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magsama ng iba’t ibang impormasyon sa bawat kahon. Halimbawa, maaaring magsulat ang mga estudyante ng pamagat sa unang kahon, magbuod ng mahahalagang talata sa susunod na kahon, maglista ng mga halimbawa o personal na kuwento sa tatlong mahahabang kahon, at magsulat ng patotoo sa huling kahon.
Gumawa ng polyeto
Bigyan ang bawat estudyante ng isang papel at sabihin sa kanila na itiklop ito sa tatlo. Maaaring gumawa ang mga estudyante ng pahina ng pamagat na naglalaman ng alituntunin o doktrinang natukoy nila. Maaaring gumawa ang mga estudyante ng mga kasunod na pahina na may mga subtitle at detalye mula sa natutuhan nila. Maaari mong sabihin sa kanila na maglaan ng espasyo sa likod ng polyeto para isulat ang anumang gagawin nilang mithiin o plano sa oras ng lesson.
Pagkukulay ng mga kategorya
Mag-print ng kinopyang pahina ng scripture block at magbigay ng mga colored pencil para markahan ang mga banal na kasulatan. Tukuyin ang mga kategoyang tulad ng “Mga ipinangakong pagpapala,” “Mga Pagkilos nang may Pananampalataya,” o “Mga Kautusan.” Ang bawat kategorya ay maaaring bigyan ng isang kulay. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga talata at kulayan ang mga kategorya kapag nahanap nila ang mga ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kinulayan at natutuhan nila mula sa aktibidad.
Magsuri ng plano
Maaari kang gumamit ng graphic organizer upang matulungan ang mga estudyante na suriin ang kanilang mga plano. Sasagutin ng mga estudyante ang mga tanong sa bawat bahagi ng graphic. Makakakita ka ng halimbawa ng ideyang ito sa “Lesson 105: Mga Awit 61–86.”
Flowchart
Maaaring gumawa ang mga estudyante ng isang graphic na naglalarawan ng kaugnayan ng iba’t ibang desisyon o konsepto sa lesson. Halimbawa, maaaring gamitin ang chart na tulad ng sumusunod upang ipakita kung saan maaaring humantong ang pananampalataya o pag-asa kay Jesucristo.
Paggawa gamit ang mga kamay
Bigyan ang mga estudyante ng mga materyal na magagamit nila tulad ng mga block o modeling clay para makagawa ng isang bagay na kumakatawan sa pinag-aralan nila. Halimbawa, maaaring gumawa ang mga estudyante ng 12 bato habang pinag-aaralan nila ang Josue 4. Sa salaysay na ito, naglagay ang mga anak ni Israel ng 12 bato sa Ilog Jordan bilang palatandaan para alalahanin na ang Panginoon ay nagbigay ng paraan para makatawid sila sa ilog sa tuyong lupa. Maaaring lagyan ng mga estudyante ng label ang bawat bato ng isang bagay na ginawa ng Panginoon para sa kanila na sa tingin nila ay dapat nilang tandaan.
Collage ng larawan
Maaaring makahanap ang mga estudyante ng mga larawan sa kanilang telepono o sa Gospel Library na nauugnay sa katotohanan. Maaari silang gumawa ng digital collage at ibahagi ito sa klase. Maaari din nilang ibahagi ito sa social media nang may paliwanag. Para sa mga estudyanteng walang access sa mga cellphone maaari silang kumuha ng mga larawan mula sa mga magasin ng Simbahan tulad ng Liahona, Para sa Lakas ng mga Kabataan, o Kaibigan.
Alamin—mag-isip—matuto
Hahatiin ng mga estudyante ang isang piraso ng papel sa tatlong column. Sa unang column, isusulat nila ang nalalaman na nila tungkol sa isang paksa. Sa pangalawang column, isusulat nila ang iniisip nila o ang gusto nilang malaman. Ang pangatlong column ay pupunan ng mga bagay na matututuhan ng mga estudyante sa oras ng lesson at pagkatapos ng lesson. Maaari mo silang anyayahan na tukuyin kung ano, kung mayroon man, ang nakatulong sa kanila na matuto o ang nakaapekto sa kanilang nadarama sa oras ng lesson.
Mga liham para sa hinaharap
Maaaring magsulat ang mga estudyante ng liham para sa kanilang sarili na bubuksan at babasahin sa isang partikular na panahon (sa misyon, kasal, pagkakaroon ng una nilang anak). Ang isa pang opsiyon ay ang pagpapasulat sa mga estudyante ng liham para sa kanilang magiging mga kapamilya sa hinaharap. O maaari silang magsulat ng liham para sa mga magiging estudyante na dadalo sa seminary at magpaliwanag ng mga natutuhan at nadama nila.
Gumawa ng meme
Tutukuyin ng bawat estudyante ang isang alituntunin mula sa kanilang pag-aaral at gagawa sila ng pariralang makakapukaw ng atensyon na naglalarawan ng alituntunin. Sabihin sa kanila na magdrowing din ng isang larawan na naglalarawan sa alituntunin. Tiyaking isasama nila ang scripture reference. Ipabahagi at ipapaliwanag sa kanila ang kanilang meme. Maaari kang magpakita ng ilang halimbawa mula sa isang kamakailang isyu ng magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan.
Gumawa ng plano na “humayo at gawin”
Maaaring magplano ang mga estudyante na gumawa ng epektibo at matwid na pagkilos mula sa mga bagay na natutuhan at nadama nila sa oras ng lesson. Para magawa ito, ipatukoy sa kanila kung ano ang gusto nilang gawin at gumawa ng mga partikular na hakbang kung paano nila maisasakatuparan ang kanilang mga plano. Maaaring kabilang dito ang pagtukoy sa mga balakid na maaaring makaharap nila at ang mga partikular na hakbang upang madaig ang mga balakid na ito. Habang ginagawa ng mga estudyante ang kanilang plano, hikayatin silang hatiin ang mga ito sa maliliit na hakbang. Ang paggawa ng maliliit na pagbabago sa mga bagay na ginagawa nila araw-araw ay makatutulong sa kanila na mas madalas na makaramdam ng tagumpay.
Gumawa ng “decision tree” na plano
Maaaring gamitin ng mga estudyante ang decision tree upang makatulong sa pagsasabuhay ng alituntunin ng ebanghelyo sa pamamagitan ng paglilista ng mga positibo at mga negatibong resulta ng iba’t ibang desisyon. Maaari silang magsimula sa isang tanong tungkol sa isang alituntunin ng ebanghelyo, at pagkatapos mailista ang mga positibo at negatibo, suriin ang kanilang mga pagpili para sa paggawa ng desisyong iyon. Gumawa ng mga hiwalay na puno para sa bawat tanong at desisyon sa plano.
Halimbawa: Gumawa ng plano sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Mga Tanong:
-
Kailan ko pag-aaralan ang mga banal na kasulatan? (Gumawa ng isang decision tree.)
-
Saan ko pag-aaralan ang mga banal na kasulatan? (Gumawa ng isa pang decision tree.)
-
Gaano katagal ang ilalaan kong oras sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan? (Gumawa ng pangatlong decision tree.)
Sa katapusan ng proseso, makakabuo ang pinagsama-samang tatlong desisyon ng isang plano, o layunin, na may mga partikular na hakbang upang maisakatuparan ito.
Bagong talata ng himno
Maaaring pumili ang mga estudyante ng isang himno tungkol sa isang katotohanan na pinag-aralan sa lesson. Sabihin sa kanila na gumawa ng bagong talata para sa himno mula sa pinag-aralan nila. Maaaring pumili ang klase ng ilang bagong talata na ipapakita at kakantahin.
Pagkatutong nakabatay sa proyekto
Maaaring gumawa ang mga estudyante ng proyekto sa maraming lesson kung saan magdaragdag sila ng nilalaman sa mga susunod na lesson at linggo. Maaaring ito ay isang tula, himno, video, likhang-sining na proyekto, o iba pang malikhaing pagpapahayag na gagawin nila sa mga susunod na lesson. Halimbawa, maaaring gumawa ng proyekto ang mga estudyante tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon na magligtas habang pinag-aaralan nila kung paano Niya iniligtas ang mga anak ni Israel sa aklat ng Exodo. O maaari silang gumawa ng proyekto tungkol sa kanilang nadaramang pagpupuri at pagsamba sa Panginoon habang pinag-aaralan nila ang Mga Awit.
Muling isulat ang wakas
Pagkatapos pag-aralan ang isang salaysay sa banal na kasulatan kung saan gumawa ng mali o di-matwid na desisyon ang isang indibiduwal, anyayahan ang mga estudyante na isulat muli ang wakas ng isang kuwento sa banal na kasulatan na para bang gumawa ng mas mabuti o ibang desisyon ang indibiduwal na iyon. Maaari din itong gawin ng mga estudyante gamit ang isang makabagong kuwento o halimbawa.
Mga Recipe
Gagawa ang mga estudyante ng mga recipe gamit ang natututuhan nila. Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng halimbawa ng isang recipe na may kasamang mga sangkap, sukat, at mga tagubilin. Pagkatapos ay tulungan ang mga estudyante na sundin ang huwarang iyon para maisaayos ang kanilang natututuhan. Maaari nilang pamagatan ang kanilang recipe na “Paano maging isang mahusay na missionary,” “Paano susundin ang propeta,” o “Mga paraan para magkaroon ng mas epektibong pag-aaral ng mga banal na kasulatan.” Pagkatapos ay isasama ng mga estudyante ang mga bagay na sa tingin nila ay mahahalagang elemento gamit ang mga banal na kasulatan at sipi. Halimbawa, kapag pinag-aaralan ang 2 Mga Cronica 14–16, maaaring ilista ng estudyante ang isang recipe para sa paghahanap at pagkatagpo sa Panginoon. Hikayatin sila na maging malikhain sa kanilang mga recipe. Maaari silang magdrowing ng isang larawan na kumakatawan sa kalalabasang produkto ng recipe.
Dula-dulaan
Ipasadula sa mga estudyante ang isang hypothetical na sitwasyon o isang sitwasyong posible sa tunay na buhay. Maraming bersyon sa paggawa nito. Maaari mong papuntahin ang mga boluntaryo sa harap ng silid upang isadula ang sitwasyon. Maaari magsadula ang mga estudyante nang magkakapartner o sa maliliit na grupo. O maaaring ikaw ang gumanap sa tao na may mga tanong at ipasagot sa buong klase ang iyong mga tanong o alalahanin.
Maikling video
Sabihin sa mga estudyante na magplano ng maikling video. Maaari silang gumawa ng script at magpasiya kung paano ipapakita ang isang bagay na natutuhan nila mula sa lesson. Kung posible at kung may oras pa, maaaring gumawa ang mga estudyante ng video at ibahagi ito sa klase.
Ibang Bersyon: Maaaring magplano ang mga estudyante na gumawa ng video para ipaliwanag ang isang doktrina o mahalagang aspeto ng ebanghelyo sa loob ng 60 segundo.
Social media post
Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng social media post upang ibahagi ang kanilang mga personal na paniniwala o karanasan na may kaugnayan sa mga alituntuning tinalakay sa klase. Maaaring ito ay isang bagay na nai-post nila online o isang bagay na ginawa nila sa kanilang study journal. O maaari nilang ipagpalagay na may isang taong nag-post ng tanong na may kaugnayan sa pinag-aralan sa klase at gagawa sila ng tugon gamit ang kaalaman na natutuhan nila. O maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang isang kamakailang social media post ng isang lider ng Simbahan at magsulat ng sagot o nakahihikayat na pahayaga sa post. Para sa isang artikulo na tumutulong sa mga estudyante na gumawa ng mga makabuluhang social media post, tingnan ang “Social Media: Kapangyarihang Baguhin ang mga Buhay,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abril 2022, 8–9.
Visual display
Hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na gagamit ng mga banal na kasulatan, sipi, at iba pang resources sa pag-aaral upang makagawa ng mga poster o wall display para sa silid-aralan. Maaaring kasama sa kanilang mga poster o display ang mahahalagang talata, mga tanong na masasagot ng salaysay sa banal na kasulatan, mga walang-hanggang katotohanan, larawan, at iba pa. Maaaring lumibot ang mga estudyante at tumingin sa mga gawa ng ibang grupo.
Magsulat ng artikulo para sa magasin ng Simbahan
Maaaring isipin kunwari ng mga estudyante na nagsusulat sila ng maikling artikulo sa mga magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan, Kaibigan, o Liahona na nagbabahagi ng pinag-aralan nila at kung paano ito makatutulong sa mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo. Maaari kang magpakita ng isang artikulo bilang halimbawa. Hikayatin ang mga estudyante na magdagdag ng mga paglalarawan, chart, at infographic.