Seminary
Moises 6:47–68: “Ito ang Plano ng Kaligtasan”


“Moises 6:47–68: ‘Ito ang Plano ng Kaligtasan,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Moises 6:47–68: ‘Ito ang Plano ng Kaligtasan,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Genesis 5; Moises 6; Lesson 14

Moises 6:47–68

“Ito ang Plano ng Kaligtasan”

Jesucristo

Si Jesucristo ang sentro sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Inaanyayahan Niya ang lahat na lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa Kanyang doktrina. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano lumapit kay Jesucristo at makatanggap ng mga pagpapala na Siya at ang Kanyang Ama lamang ang makapagbibigay.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na itanong sa isang kapamilya o kaibigan kung bakit mahalaga sa kanila si Jesucristo at kung ano ang ibig sabihin para sa kanila ng lumapit sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Lumapit kay Cristo

Maaari kang magpakita ng larawan ni Jesucristo, gaya ng matatagpuan sa simula ng lesson. Pagkatapos ay ibahagi ang sumusunod na sitwasyon.

Ipagpalagay na may kaibigan kayo na hindi kilala si Jesucristo. Tinanong kayo ng kaibigan ninyo kung sino si Jesucristo at kung bakit mahalaga Siya sa inyo.

Bigyan ng oras ang mga estudyante para pag-isipan kung paano sila sasagot. Pagkatapos ay anyayahan silang ibahagi sa maliliit na grupo o sa klase ang kanilang mga naisip.

  • Kung may maikling oras lang kayo para sumagot, ano ang gusto ninyong malaman ng kaibigan ninyo tungkol kay Jesucristo? Bakit?

Ipaalala sa mga estudyante ang iniutos kay Enoc na mangaral ng pagsisisi sa isang masamang grupo ng mga tao (tingnan sa Moises 6:27–29). Ipaliwanag na ang lesson ngayon ay magtutuon sa kanyang mga turo sa mga taong iyon. Ang mensahe ni Enoc ay nakasentro sa ating pangangailangan kay Jesucristo at kung paano tayo makalalapit sa Kanya.

Upang matulungan ang mga estudyante na mapagnilayan ang pangangailangan nila para sa Tagapagligtas, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at bigyan ng oras ang mga estudyante na tahimik na suriin ang kanilang sarili sa bawat pahayag.

scale ng pagsusuri

Gamit ang scale na 1 (hindi totoo sa akin) hanggang 5 (totoo sa akin), suriin ang iyong sarili gamit ang mga sumusunod na pahayag:

  1. Alam ko kung bakit kailangan ko ng isang Tagapagligtas.

  2. Nauunawaan ko kung paano ako makalalapit kay Jesucristo.

  3. Gusto kong lumapit at sumunod kay Jesucristo ngayon.

Paano mo man sinuri ang iyong sarili, nais ng Tagapagligtas na lumapit ka sa Kanya at tanggapin ang mga pagpapala na Siya lamang ang makapagbibigay sa iyo. Sa inyong pag-aaral ngayon ng mga salita ng propetang si Enoc, bigyang-pansin ang mga impresyon mula sa Espiritu upang mas maunawaan kung bakit kailangan ninyo ang Tagapagligtas at kung paano kayo makalalapit sa Kanya.

Tinuturuan ni Enoc ang kanyang mga tao

Upang matulungan ang mga estudyante na matuto mula sa mga turo ni Enoc sa Moises 6, maaari mong kopyahin ang sumusunod na chart sa pisara. Maaari ding kopyahin ng mga estudyante ang chart sa kanilang study journal. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga talata. Atasan ang kalahati ng klase na alamin kung bakit kailangan natin ng Tagapagligtas. Aalamin naman ng natitirang kalahati kung paano tayo makalalapit kay Cristo. Habang nag-aaral ang mga estudyante, maaari kang maglakad-lakad at tanungin ang mga estudyante kung kailangan nila ng tulong para maunawaan ang ilang salita o parirala. Ang sumusunod ay maaaring makatulong sa mga estudyante na maunawaan ang talata 59:

  • Tayo ay ipinanganak ng Espiritu sa pamamagitan ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo: Kaloob na Espiritu Santo,” Gospel Library).

  • Ang mapabanal ay nangangahulugang pagiging “malaya mula sa kasalanan, pagiging dalisay, malinis, at banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagpapabanal,” Gospel Library).

Mga turo ni Enoc tungkol sa paglapit kay Cristo: Moises 6:48–52, 57–59

Kailangan ko ng Tagapagligtas dahil …

Makalalapit ako kay Cristo sa pamamagitan ng …

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang kalahati ng kanilang chart, bigyan sila ng pagkakataong talakayin ang mga nalaman nila. Magagawa nila ito sa pamamagitan ng pagpunan ng chart sa pisara bilang isang klase o sa pagbabahagi ng natutuhan nila sa isang kapartner.

  • Ano ang natutuhan ninyo sa mga talatang ito tungkol sa kung bakit kailangan natin ng isang Tagapagligtas?

    Ang mga estudyanteng nagtuon sa kung bakit kailangan natin ng Tagapagligtas ay maaaring magbahagi ng mga katotohanang tulad ng matatanggap natin ang mga pagpapala ng kaligtasan sa pamamagitan lamang ni Jesucristo (talata 52); lahat ng tao sa lahat ng dako ay kailangang magsisi (talata 49–50, 57); walang maruming bagay ang makatatahan sa kaharian ng Diyos (talata 57). Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat sa chart na nasa pisara ang mga katotohanang nahanap nila.

  • Ano ang itinuro sa inyo ng mga talatang ito tungkol sa mga partikular na bagay na maaari ninyong gawin na tutulong sa inyo na lumapit kay Jesucristo?

    Ang mga estudyanteng nagtuon sa kung paano tayo makalalapit kay Cristo ay maaaring magsulat ng kanilang nalaman sa pisara. Ang kanilang mga sagot ay maaaring ibuod sa isang katotohanan na tulad ng tayo ay lumalapit kay Cristo kapag tayo ay nakikinig sa tinig ng Tagapagligtas, naniniwala sa Kanya, nagsisisi sa ating mga kasalanan, nabinyagan, at tinanggap ang kaloob na Espiritu Santo.

    Maaaring makatulong na ipaliwanag na tinutukoy kung minsan ng mga banal na kasulatan ang prosesong ito bilang “doktrina ni Cristo” (2 Nephi 31:2–21), ang doktrina ng Tagapagligtas (tingnan sa 3 Nephi 11:31–40), o ang ebanghelyo ng Tagapagligtas (tingnan sa 3 Nephi 27:13–22). Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Moises 6:62 para tingnan ang isa pang katagang ginamit ng Ama sa Langit upang ilarawan ang prosesong ito. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang napapansin nila tungkol sa ginagampanan ni Jesucristo sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.

  • Ano ang sasabihin ninyo sa isang taong nag-iisip kung may kahihinatnan ba ang pagsisikap na lumapit kay Cristo?

Bilang bahagi ng inyong talakayan tungkol sa naunang tanong, maaaring makatulong sa mga estudyante na pag-aralan ang ilan o ang lahat ng sumusunod na talata, at alamin ang mga pagpapalang matatanggap natin kapag lumapit tayo kay Jesucristo: Mateo 11:28–30; 2 Nephi 31:21; 3 Nephi 19:13–14; Eter 12:27; Moroni 10:32–33. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang mga pagpapalang naranasan nila nang magsikap silang lumapit kay Jesucristo.

Ipakita ang pag-unawa

Sabihin sa mga estudyante na balikan ang sitwasyon ng kanilang kaibigan sa simula ng lesson. Para sanaying ipaliwanag ang natutuhan nila, maaaring ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa maliliit na grupo.

Batay sa iyong natutuhan at nadama ngayon, ipaliwanag ang sumusunod sa iyong kaibigan sa paraang madali niyang maunawaan:

  • Bakit natin kailangan si Jesucristo?

  • Ano ang maaari nating gawin para makalapit sa Kanya?

Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na isulat sa kanilang study journal ang mga ideya o espirituwal na impresyon na natanggap nila. Maaari mong ibahagi ang natutuhan mo tungkol sa pangangailangan para kay Jesucristo at magpatotoo kung paano napagpala ang iyong buhay dahil sa paglapit sa Kanya.