Seminary
Moises 4:1–4: “Masusunod ang Inyong Kalooban, at ang Kaluwalhatian ay Mapasainyo Magpasawalang Hanggan.”


“Moises 4:1–4: ‘Masusunod ang Inyong Kalooban, at ang Kaluwalhatian ay Mapasainyo Magpasawalang Hanggan,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Moises 4:1–4: ‘Masusunod ang Inyong Kalooban, at ang Kaluwalhatian ay Mapasainyo Magpasawalang Hanggan,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Genesis 3–4; Moises 4–5: Lesson 10

Moises 4:1–4

“Masusunod ang Inyong Kalooban, at ang Kaluwalhatian ay Mapasainyo Magpasawalang Hanggan”

Si Jesucristo na nililikha ang mundo

Sa buhay bago tayo isinilang o sa premortal na buhay, pinili ng Ama sa Langit si Jesucristo na maging Tagapagligtas sa Kanyang plano. Palaging sinusunod ni Jesucristo ang kalooban ng Ama sa Langit, kahit na mahirap ito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na hangaring tularan ang halimbawa ni Jesucristo sa pagsunod sa Ama sa Langit.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga taong kakilala nila na ang halimbawang ipinapakita ay naghihikayat sa kanila na maging mas masunurin sa Ama sa Langit. Hilingin sa kanila na pumasok sa klase na handang magbahagi.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagsasagawa ng kalooban ng Ama sa Langit

Para simulan ang klase, maaari kang magbahagi ng isang pagkakataon kung saan may mahirap na ipinagawa ang Ama sa Langit sa isang tinedyer. Maaaring ito ay isang personal na karanasan o isang bagay na narinig mo. Ang sumusunod na kuwento ay isang halimbawa na maaari mong gamitin. Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang mga pagkakataong nagkaroon sila ng ganoong pakiramdam.

Ibinahagi ni Brother M. Joseph Brough, dating miyembro ng Young Men General Presidency, ang sumusunod na kuwento tungkol sa kanyang anak na babae:

9:51
Brother M. Joseph Brough

Mga kabataan, hinihingi ng Diyos sa inyo ang mahihirap na bagay. Isang 14 na taong gulang na dalagita ang lumahok sa paligsahan sa basketball. Pinangarap niya na makapaglaro sa high school basketball tulad ng kanyang ate. Pagkatapos ay nalaman niya na natawag ang mga magulang niya na pamunuan ang isang mission sa Guatemala.

Pagdating niya doon, nalaman niya na ilan sa mga klase niya ay itinuturo sa wikang Español, isang wika na hindi niya alam. Wala ni isang koponan ng sports ng kababaihan sa paaralan niya. Nakatira siya sa ika-14 na palapag ng isang gusali na may mahigpit na seguridad. At dagdag pa rito, hindi siya makalabas nang mag-isa para sa kanyang kaligtasan.

Narinig siya ng kanyang mga magulang na umiiyak hanggang sa makatulog bawat gabi sa loob ng maraming buwan. (“Itaas Mo ang Iyong Ulo at Magsaya,” Liahona, Nob. 2018, 14)

  • Kung kayo ang nasa sitwasyon ng dalagitang ito, ano kaya ang magiging pinakamahirap para sa inyo?

Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang isang mahirap na bagay na hiningi o maaaring hingin sa inyo ng Diyos?

  • Gaano kayo kahandang gawin ang mahirap na bagay na ito? Bakit?

  • Ano ang gusto ninyong matutuhan o madama sa lesson na ito na makatutulong sa inyo na maging mas handang gawin ang hinihiling o iniuutos ng Diyos?

Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang Moises 4:1–4, malalaman nila ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang kahandaang gawin ang mahihirap na bagay na iniuutos ng Ama sa Langit. Hikayatin ang mga estudyante na hingin ang tulong ng Espiritu Santo para malaman kung paano makatutulong sa kanila ang halimbawa ng Tagapagligtas sa mahihirap na bagay na maaaring ipagawa sa kanila ng Diyos.

Ang katangian ni Cristo

Maaari mong ipaliwanag ang impormasyon sa sumusunod na talata upang tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng passage na pag-aaralan nila ngayon.

Nabuhay tayo sa premortal na buhay kasama ang ating Ama sa Langit. Habang naroon, itinuro sa atin ang Kanyang plano upang tulungan tayong maging katulad Niya. Ang Moises 4:1–4 ay naglalaman ng salaysay tungkol sa Kapulungan sa Langit nang piliin si Jesucristo na maging Tagapagligtas natin. Sa mga talatang ito, nakikita natin ang katangian nina Jesucristo at Satanas sa pagtugon ng bawat isa sa kanila sa kalooban ng Ama sa Langit sa magkaibang paraan.

Maaari kang gumawa ng simpleng chart sa pisara tulad ng sumusunod para matulungan ang mga estudyante na makita nang malinaw ang pagkakaiba ni Jesucristo at ni Satanas.

Jesucristo

Satanas

Basahin ang Moises 4:1–4, at alamin kung ano ang matututuhan ninyo tungkol sa mga motibo at pag-uugali nina Jesucristo at Satanas.

Anyayahan ang mga estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga nalaman at talakayin ang natutuhan nila. (Maaaring mabanggit ng mga estudyante kung ilang beses ginamit ni Satanas ang salitang “Ako” at ang kanyang hangaring tumanggap ng karangalan. Sa kabilang banda, maaaring mapansin nila ang paggamit ng Tagapagligtas ng salitang “inyo” at ang Kanyang hangaring manatili sa Ama ang kaluwalhatian. Maaaring mapansin ng mga estudyante kung paano “naghimagsik laban” sa Ama si Satanas at “naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao.” Sa kabilang banda, maaari nilang banggitin ang hangarin ng Tagapagligtas na sumunod sa kalooban ng Ama at tanggapin ang plano ng Ama.)

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng mga talatang ito tungkol sa ugnayan ni Jesucristo at ng Kanyang Ama?

Ang isang katotohanan na maaaring matukoy ng mga estudyante sa talakayan ay mapagpakumbabang sumusunod si Jesucristo sa ating Ama sa Langit.

Ang mga sumusunod na salaysay tungkol sa Tagapagligtas ay makatutulong sa mga estudyante na matuto mula sa Kanyang halimbawa. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kapag natutuhan pa nila ang tungkol sa pagsunod ng Tagapagligtas sa Ama, kahit na mahirap, ay makapagpapatindi sa ating hangaring tularan ang Kanyang halimbawa.

Basahin ang mga sumusunod na salaysay, at alamin ang palaging hangarin ni Jesucristo na sumunod sa Ama sa Langit, kahit na mahirap ito.

  1. Lucas 2:49 (nang Siya ay 12 taong gulang)

  2. Juan 8:28–29 (nang Siya ay adult na)

  3. Mateo 26:36–39 (sa Halamanan ng Getsemani)

  4. 3 Nephi 11:10–11 (nang Siya ay nabuhay na mag-uli)

    Talakayin sa mga estudyante ang natututuhan nila tungkol kay Jesucristo mula sa mga halimbawang ito. Pagkatapos ay anyayahan silang magbahagi ng iba pang halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas nang mapagpakumbaba Siyang sumunod sa kalooban ng Ama.

    Anyayahan ang mga estudyante na alalahanin ang mahirap na bagay sa kanilang buhay na naisip nila sa simula ng klase. Upang tulungan silang maiugnay ang natututuhan nila tungkol kay Jesucristo sa kanilang buhay, itanong ang tulad ng sumusunod:

  • Ano ang sinabi o ginawa ni Jesucristo na makakapagbigay-inspirasyon sa isang tao na piliing sumunod sa Ama sa Langit, kahit na mahirap ito?

  • Sino ang kilala ninyo na maituturing na magandang halimbawa ng pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit? Ano ang natutuhan ninyo mula sa kanyang halimbawa?

  • Ano ang humihikayat sa inyo na sundin ang kalooban ng Ama sa Langit, kahit na mahirap ito?

Pagtulad sa halimbawa ni Cristo

Ang dalagita mula sa kuwento sa simula ng lesson ay ang anak na babae ni Brother Brough. Kung ibinahagi mo ang kuwento ng kanyang anak, sabihin sa mga estudyante na matapang niyang hinarap ang tatlong taon na naglingkod ang kanyang mga magulang bilang mga lider sa misyon sa Guatemala.

Ibahagi ang sumusunod na karugtong ng kanyang kuwento, at anyayahan ang mga estudyante na alamin ang mga katangiang tulad ng kay Cristo sa kanyang halimbawa. Kung ibang kuwento ang ibinahagi mo sa simula ng klase, maaari kang magbahagi ng follow-up, tulad ng konklusyon ng kuwento o isa pang karanasan sa buhay ng tao ring iyon. Anyayahan ang mga estudyante na alamin ang mga katangiang tulad ng kay Cristo sa taong iyon.

Pagpapatuloy ni Brother Brough:

9:51
Brother M. Joseph Brough

Sa pagtatapos ng aming mission, tinanong ko ang aking anak kung maglilingkod siya bilang isang full-time missionary. Ang sagot niya ay, “Hindi po, Itay, naglingkod na po ako.”

Ayos na po sa akin iyon! Ngunit mga anim na buwan mula noon, ginising ako ng Espiritu isang gabi at ipinaisip sa akin ito: “Tinawag ko ang anak mo na maglingkod bilang isang missionary.”

Ang reaksiyon ko ay “Ama sa Langit, napakarami na ng ibinigay niya.” Agad akong iwinasto ng Espiritu at naintindihan na hinihingi ng Diyos na maglingkod siya bilang missionary.

Kumain kaming mag-ama ng tanghalian sa labas. Mula sa kabilang dulo ng lamesa, sinabi ko, “Ganzie, alam mo ba kung bakit tayo nandito?”

Sinabi niyang, “Opo, Itay. Alam ninyo na kailangan ko pong magmisyon. Ayoko pong pumunta, pero pupunta ako.”

Dahil ang nais ng Ama sa Langit ang sinunod at hindi ang sariling kagustuhan, naglingkod siya sa Kanya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Tinuruan niya ang kanyang ama kung paano gumawa ng mahihirap na bagay. (“Itaas Mo ang Iyong Ulo at Magsaya,” Liahona, Nob. 2018, 14)

  • Isipin ang mga talatang nabasa mo ngayon tungkol kay Jesucristo. Paano tinularan ng dalagitang ito ang Kanyang halimbawa?

icon ng seminary trainingAng mga tanong na naghihikayat ng malalim na pag-iisip ay makatutulong sa iyong mga estudyante na matuklasan at maipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa kanilang mga personal na sitwasyon. Maaari mong gamitin ang mga tanong na tulad ng sumusunod upang maipahayag ng mga estudyante ang natutuhan nila at kung paano nila ito maipamumuhay. (Para sa karagdagang training dito, tingnan ang “Pag-aralan ang doktrina ni Jesucristo para sa iyong sarili” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.)

Sa inyong study journal, magsulat ng sagot sa sumusunod na dalawang tanong, na binibigyang-pansin ang mga ideya o impresyon mula sa Espiritu:

  • Ano ang natutuhan mo ngayon tungkol kay Jesucristo na makatutulong sa iyo na sumunod sa Ama sa Langit, kahit mahirap ang ipinagagawa Niya sa iyo?

  • Ano ang nais mong gawin dahil sa natutuhan o nadama mo ngayon?

Patotohanan ang halimbawa ni Jesucristo at ang Kanyang kakayahang tulungan tayong gawin ang iniuutos ng Diyos.