“Genesis 1:28–31; 2:1–25: ‘Ang Mag-anak Ang Sentro ng Plano ng Tagapaglikha,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Genesis 1:28–31; 2:1–25: ‘Ang Mag-anak Ang Sentro ng Plano ng Tagapaglikha,‘“ Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5: Lesson 9
Genesis 1:28–31; 2:1–25
“Ang Mag-anak Ang Sentro ng Plano ng Tagapaglikha”
Matapos ang paglikha kina Adan at Eva, pinagsama sila ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng kasal. Iniutos Niya sa kanila na magpakarami at punuin ang lupa at pumisan sa isa’t isa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mahalagang papel na ginagampanan ng kasal at pamilya sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” at alamin ang mga turong naglalarawan kung bakit ang pamilya ang sentro sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Kapag tinatalakay ang kahalagahan ng kasal at pamilya sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, unawain na maraming estudyante ang hindi nakararanas ng mga huwarang sitwasyon ng pamilya sa kasalukuyan. Maging sensitibo sa mga pangangailangan at tanong ng mga estudyante.
Mga bagay na mahalaga
Maaari kang magsulat sa pisara ng isa o mahigit pang hindi kumpletong pangungusap na nagpapakita kung paano maaaring maging mahalaga ang isang bagay, aktibidad, tao, at iba pa sa pagsasakatuparan ng isang bagay. Maaaring maging kapaki-pakinabang ang mga sumusunod na halimbawa. Anyayahan ang mga estudyante na isipin kung paano nila pupunan ang mga patlang, pagkatapos ay hilingin sa iba’t ibang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot. Maaaring makatulong kung ipapaliwanag na ang salitang sentro ay posible ring mangahulugang kailangan o pinakamahalaga.
ay mahalaga sa pagtatagumpay sa paaralan dahil .
ay mahalagang bahagi ng isang masayang buhay dahil .
mahalaga ang ginagampanan sa buhay ko dahil .
Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, ipakita ang sumusunod na pahayag mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,“ at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na maghanap ng isang mahalagang aspeto ng plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit.
Nakasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”:
Kami, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay taimtim na nagpapahayag na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak. (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library)
-
Sa inyong palagay, bakit mahalaga ang mga ginagampanang papel ng kasal at pamilya sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit?
-
Sa anong mga paraan ninyo nakikitang kumikilos si Satanas upang wasakin ang mga kasal at pamilya sa ating panahon?
Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng ilan sa mga tanong na maaaring mayroon sila o ang iba tungkol sa kasal at pamilya. Maaari nilang isulat ang kanilang mga tanong sa kanilang study journal. Hikayatin sila habang nag-aaral sila ngayon na humanap ng mga katotohanan at bigyang-pansin ang mga espirituwal na impresyon na makatutulong na gabayan sila sa paghahanap ng mga sagot sa mga tanong na ito.
Mga turo mula sa mga banal na kasulatan
Ipaliwanag na ang ginawa ng Ama sa Langit pagkatapos ng Paglikha sa mundo ay makatutulong sa atin na maunawaan ang mahalagang papel na ginagampanan ng kasal at pamilya sa Kanyang plano. Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at resources, at bigyan ng oras ang mga estudyante para pag-aralan ang mga ito. Maaari ninyong sama-samang pag-aralan ang mga ito bilang isang klase, o maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupo para sama-samang pag-aralan at talakayin ang resources na ito.
Habang binabasa ng mga estudyante ang mga talata mula sa Genesis 2, maaari mong ipaliwanag na ang mga salitang katuwang sa talata 18 ay tumutukoy sa “isang akmang katuwang, karapat-dapat, o tugma kay” Adan. Maaari mo ring ipaliwanag na ang salaysay tungkol sa paglikha kay Eva mula sa tadyang ni Adan ay simboliko at maaaring kumatawan sa pantay na pananagutan ng mag-asawa (tingnan sa Russell M. Nelson, “Lessons from Eve,” Ensign, Nob. 1987, 87).
Pag-aralan ang sumusunod na pahayag at mga banal na kasulatan, at maghanap ng katibayan ng kahalagahan ng kasal at pamilya sa Diyos.
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985):
“[Pinagsama] ng Panginoon … sina Adan at Eva, ang unang lalaki at babaeng nilikha niya sa mundong ito, at nagsagawa ng banal na seremonya ng kasal upang maging mag-asawa sila. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 229)
Mga banal na kasulatan na pag-aaralan:
Genesis 1:27–28 (Ang utos ng Diyos kina Adan at Eva)
Genesis 2:18, 21–24 (Paglikha kay Eva)
Ang Genesis 2:24 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan para madali nilang mahanap ang mga ito.
Doktrina at mga Tipan 49:15–17 (Ang mga turo ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith)
-
Anong mga katotohanan ang nakita ninyo na nagpapakita ng kahalagahan ng kasal at pamilya sa Diyos?
Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod:
Iniutos ng Diyos sa mga mag-asawa na magkaroon ng mga anak (Genesis 1:28).
Ang mag-asawa ay dapat maging isa at kumilos bilang magkatuwang na may pantay na pananagutan (Genesis 2:18, 24).
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos (Doktina at Mga Tipan 49:15).
Ang mundo ay nilikha upang maglaan ng lugar kung saan ang mga anak ng Diyos ay maisisilang sa mga pamilya at sama-samang umunlad (Doktrina at mga Tipan 49:16–17).
Bilang bahagi ng inyong talakayan sa mga katotohanang ito, maaaring makatulong na talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson.
Binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson ang mahalagang papel na gagampanan ng mga pamilya matapos likhain ng Diyos ang mundo:
Bagama’t kahanga-hanga at maringal, ang planetang Daigdig ay bahagi ng isang bagay na mahigit pang kahanga-hanga at maringal—ang dakilang plano ng Diyos. Sa simpleng pagbubuod, ang mundo ay nilikha para panahanan ng mga pamilya. Ipinapaliwanag sa banal na kasulatan na ang isang mag-asawa “ay magiging isang laman, at lahat ng ito ay upang matupad ng mundo ang layunin ng kanyang pagkakalikha” [Doktrina at mga Tipan 49:16]. (“The Creation,” Ensign, Mayo 2000, 85)
-
Paano nakakaapekto sa mga pagpiling ginagawa ninyo sa inyong buhay ang pag-alaala sa mahalagang papel na ginagampanan ng kasal at pamilya sa plano ng Diyos?
-
Paano tayo matutulungan ng mga katotohanan at turong ito na tumugon kapag nakikita natin na binabatikos o pinahihina ang doktrina ng kasal o pamilya?
-
Sa inyong palagay, paano makatutulong sa inyo ang pagsunod sa mga pamantayan ng Ama sa Langit na may kaugnayan sa kasal at pamilya para maging higit na katulad Niya?
Gumawa ng tugon
Upang matulungan ang mga estudyante na maipaliwanag ang natutuhan nila tungkol sa kahalagahan ng kasal at pamilya sa plano ng Diyos, maaari kang magbahagi ng isang sitwasyon na tulad ng sumusunod. Maaari mong iangkop ang sitwasyong ito upang mas maging nauugnay sa inyong kultura at sa buhay ng iyong mga estudyante. Matapos ibahagi ang sitwasyon, ipakita ang mga tagubilin upang makagawa ng tugon ang mga estudyante.
Sa isa sa mga klase ni Elizabeth sa paaralan, isang talakayan ang naganap tungkol sa kasal at pamilya. Ibinahagi ni Elizabeth ang ilan sa kanyang mga pananaw tungkol sa kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae at ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga anak ng mga mag-asawa. Marami sa mga kaklase ni Elizabeth ang nagbahagi ng mga opinyon na sobrang naiiba sa opinyon niya. Pagkatapos ng klase, isang binatilyong nagngangalang Isaac, na nasa seminary class din ni Elizabeth, ang nagtanong kay Elizabeth kung bakit siya nagkaroon ng gayong mga makalumang opinyon tungkol sa kasal at pamilya.
Gamit ang natutuhan ninyo ngayon, gumawa ng tugon na maibabahagi ni Elizabeth kay Isaac. Isama ang sumusunod sa inyong tugon:
-
Isang paliwanag kung bakit mahalaga ang kasal at pamilya sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano ng kaligtasan
-
Isa o mahigit pang turo mula sa mga banal na kasulatan o mga lider ng Simbahan
-
Isang paanyayang maibabahagi ni Elizabeth kay Isaac na maaaring makatulong sa kanya
Pagkatapos makapaghanda ng mga estudyante, bigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang kanilang mga tugon. Maaari nilang ibahagi ang mga ito sa isang kapartner o sa maliit na grupo. Maaari ding maanyayahan ang ilang handang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga tugon o isadula ang sitwasyon.
Bigyan ng oras ang mga estudyante para pagnilayan ang natutuhan at nadama nila ngayon. Maaari nilang pag-isipan ang mga katotohanang natutuhan nila na nakasagot sa ilan sa kanilang mga tanong. Anyayahan silang isulat ang anumang espirituwal na impresyon nila sa kanilang study journal. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay mo ngayon.
Isaulo
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at balikan ang mga ito sa mga susunod na lesson. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Genesis 2:24 ay “Ang lalaki … [ay] pumipisan sa kanyang asawa; at sila’y nagiging isang laman.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”