“1. Ang Plano ng Diyos at ang Papel na Ginagampanan Mo sa Kanyang Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2026).
“1. Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan ng Diyos,” Pangkalahatang Hanbuk.
1.
Ang Plano ng Diyos at ang Papel na Ginagampanan Mo sa Kanyang Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan
1.0
Pambungad
Ikaw ay tinawag na maglingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Maraming salamat sa iyong paglilingkod. Maraming buhay ang mapagpapala mo at magkakaroon ka ng kagalakan habang tapat kang naglilingkod.
Tutulungan ka ng hanbuk na ito na matutuhan ang mga alituntunin ng paglilingkod na tulad ng kay Cristo at maunawaan ang iyong mga responsibilidad. Ikaw ay magiging pinakamabisa kapag iniayon mo ang iyong paglilingkod sa Simbahan sa gawain ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang kabanatang ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang:
-
Plano ng kaligayahan ng Diyos.
-
Ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos.
-
Layunin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
1.1
Plano ng Kaligayahan ng Diyos
Ibinigay ng Ama sa Langit ang plano ng kaligayahan upang matamasa natin ang lahat ng Kanyang mga pagpapala. Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang imortalidad o kawalang-kamatayan ay ang mabuhay magpakailanman na mayroong nabuhay na mag-uling katawan. Ang buhay na walang hanggan, o kadakilaan, ay ang maging katulad ng Diyos at mamuhay sa piling Niya nang walang hanggan bilang mga pamilya.
Si Jesucristo ay sentro sa plano ng Diyos. Dahil sa walang-hanggang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa atin, isinugo Niya ang Kanyang Anak upang tubusin tayo mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo (tingnan sa Juan 3:16). Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, tiniyak ni Jesucristo na bawat isa sa atin na isinilang sa mundo ay mabubuhay na mag-uli at magtatamo ng imortalidad.
Upang matanggap ang buhay na walang hanggan, kailangan tayong “lumapit kay Cristo” (Moroni 10:32). Ginawang posible ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na maging malinis tayo mula sa kasalanan at mabago ang ating puso upang matanggap natin ang buhay na walang hanggan at ang ganap na kagalakan.
1.2
Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan ng Diyos
Nais ng Ama sa Langit na maging katulad Niya ang lahat ng Kanyang mga anak at makabalik upang mamuhay na kasama Niya. Ito ay posible lamang sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo (tingnan sa Juan 14:6). Sa paglapit natin kay Cristo at pagtulong sa iba na lumapit sa Kanya, nakikibahagi tayo sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos. Ang gawaing ito ay ginagabayan ng dalawang dakilang utos na mahalin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa (tingnan sa Mateo 22:37–39).
Lumalapit tayo kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya, pagsisisi, at paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan (tingnan sa 3.5). Sa paggawa nito, nakikipagtipan tayo sa Diyos na nagtutulot sa atin na mapalapit sa Kanya at matanggap ang Kanyang awa, kapatawaran, at lakas nang may higit na kasaganaan (tingnan sa Exodo 19:5; 3 Nephi 20:25–26). Ang pagtupad sa ating mga tipan sa Diyos ay tumutulong sa atin na maging katulad Niya at naghahanda sa atin na mamuhay kasama Niya sa kawalang-hanggan.
Ang mga tipan ay sentro sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos.
1.3
Ang mga Ordenansa at mga Tipan ay Kinakailangan para sa Kaligtasan at Kadakilaan
Sa plano ng Ama sa Langit, nakikipagtipan tayo kapag tumatanggap tayo ng mga ordenansa ng priesthood na kinakailangan para sa kaligtasan at kadakilaan. Ang mga ordenansang ito ay:
-
Binyag.
-
Kumpirmasyon at kaloob na Espiritu Santo.
-
Paggawad ng Melchizedek Priesthood at ordinasyon sa isang katungkulan (para sa kalalakihan).
-
Endowment sa templo.
-
Pagbubuklod sa templo.
Kapag tinutupad natin ang mga tipan na kaugnay ng mga ordenansang ito, magiging mas katulad tayo ng Diyos at matatanggap natin ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19–22; tingnan din sa 3.5.3 ng hanbuk na ito).
1.4
Mga Responsibilidad na Ibinigay ng Diyos sa Kanyang Gawain
Ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos ay kinabibilangan ng apat na responsibilidad na ibinigay ng Diyos. Ang pakikibahagi sa mga responsibilidad na ito ay nakatutulong sa atin na tuparin ang ating mga tipan sa Diyos. Tinutulungan din natin ang iba kapag tayo ay gumagawa at tumutupad ng mga sagradong tipan. Ang mga responsibilidad na ito ay nakasaad sa ibaba.
1.4.1
Pagsasabuhay ng Ebanghelyo ni Jesucristo
Ang pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo ay kinabibilangan ng:
-
Pagsampalataya kay Cristo, pagsisisi araw-araw, paggawa ng mga tipan sa Diyos kapag tinatanggap natin ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan, at pagiging tapat hanggang wakas sa pamamagitan ng pagtupad sa mga tipan na iyon (tingnan sa 1.2; 3.5.3).
-
Pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa tahanan at sa simbahan.
-
Pagiging self-reliant o pag-asa sa sariling kakayahan sa paglalaan para sa ating sarili at sa ating pamilya, kapwa sa espirituwal at temporal na aspekto ng buhay.
1.4.2
Pangangalaga sa mga Nangangailangan
Ang pangangalaga sa mga nangangailangan ay kinabibilangan ng:
-
Paglilingkod at pagminister sa mga indibiduwal, pamilya, at komunidad.
-
Pagbabahagi ng resources, kabilang na ang tulong mula sa Simbahan, sa mga nangangailangan.
-
Pagtulong sa iba na maging self-reliant.
1.4.3
Pag-anyaya sa Lahat na Tanggapin ang Ebanghelyo
Ang pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo ay kinabibilangan ng:
-
Pakikibahagi sa gawaing misyonero at paglilingkod bilang missionary.
-
Pagtulong sa mga bago at nagbabalik na miyembro na umunlad sa landas ng tipan.
1.4.4
Pagbubuklod ng mga Pamilya sa Walang-Hanggan
Ang pagbubuklod ng mga pamilya sa walang-hanggan ay kinabibilangan ng:
-
Paggawa ng mga tipan sa pagtanggap natin ng sarili nating mga ordenansa sa templo.
-
Pagtuklas sa ating mga yumaong ninuno at pagsasagawa ng mga ordenansa para sa kanila sa templo upang makagawa sila ng mga tipan sa Diyos.
-
Regular na pagpunta sa templo, kung saan posible, upang sumamba sa Diyos at magsagawa ng mga ordenansa para sa Kanyang mga anak.
1.5
Ang Layunin ng Simbahan
Itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan upang makatanggap ang lahat ng mga pagpapala ng buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansa at tipan. Sa pamamagitan ng Kanyang Simbahan, tinutulungan Niya ang mga indibidwal at pamilya na matanggap ang mga pagpapalang ito at tumutulong sa Diyos sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa Efeso 4:11–13; tingnan din sa 2.2 ng hanbuk na ito). Upang makatulong sa pagsasakatuparan ng banal na layuning ito, si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang Simbahan at mga lider nito, ay naglalaan ng:
-
Awtoridad at mga susi ng priesthood.
-
Mga turo ng propeta.
-
Mga banal na kasulatan.
-
Suporta sa pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo.
-
Mga pagkakataong maglingkod at mamuno.
-
Isang komunidad ng mga Banal.
1.5.1
Awtoridad at mga Susi ng Priesthood
Sa pamamagitan ng priesthood, isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan. Ang awtoridad at mga susi ng priesthood na kinakailangan upang mag-alok ng mga ordenansa at mga tipan at upang pamahalaan ang gawain ng Diyos sa mundo ay ipinanumbalik kay Propetang Joseph Smith (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11–16; 112:30; tingnan din sa 3.1 ng hanbuk na ito). Ang awtoridad na ito at mga susing ito ay taglay ngayon ng mga lider ng Simbahan. Ang mga lider na ito ang tumatawag at nagbibigay ng awtorisasyon sa iba na tumulong sa gawain ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:8, 65–67).
1.5.2
Mga Turo ng Propeta
Ang Diyos ay naghahayag ng katotohanan at nagbibigay ng mga inspiradong patnubay at babala sa pamamagitan ng Kanyang mga hinirang na propeta (tingnan sa Amos 3:7; Doktrina at mga Tipan 1:4). Ang patnubay na ito ay tumutulong sa atin na pumasok at manatili sa landas tungo sa buhay na walang hanggan.
1.5.3
Mga Banal na Kasulatan
Sa ilalim ng pamamahala ng mga propeta at mga apostol ng Panginoon, ibinibigay at pinangangalagaan ng Simbahan ang salita ng Diyos na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo kay Cristo, nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo, at tinutulungan tayong sumampalataya sa Kanya (tingnan sa Jacob 7:10–11; Helaman 15:7).
1.5.4
Suporta sa Pag-aaral at Pagtuturo ng Ebanghelyo
Sinusuportahan ng Simbahan ang mga indibiduwal at pamilya sa kanilang responsibilidad na matutuhan ang mga katotohanan ng ebanghelyo at ituro ang mga katotohanang ito sa mga kapamilya at sa ibang tao (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:77–78, 118; tingnan din sa 2.2.3 ng hanbuk na ito).
1.5.5
Mga Pagkakataong Maglingkod at Mamuno
Ang Diyos ay nagbibigay sa mga miyembro ng mga pagkakataong maglingkod at mamuno sa pamamagitan ng mga calling at takdang-gawain sa Simbahan. Ang Simbahan ay naglalaan ng isang sistema para mapangalagaan ang mga miyembrong nangangailangan at para makapagbigay sa iba ng humanitarian relief (tingnan sa Mosias 18:27–29).
1.5.6
Isang Komunidad ng mga Banal
Bilang isang komunidad ng mga Banal, regular na nagtitipon ang mga miyembro ng Simbahan upang sambahin ang Diyos at alalahanin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikibahagi sa sakramento (tingnan sa Moroni 6:4–6; Doktrina at mga Tipan 20:77). Ang mga miyembro ay kinakalinga at pinaglilingkuran din ang isa’t isa (tingnan sa Efeso 2:19).
1.6
Ang Papel na Ginagampanan Mo sa Gawain ng Diyos
Bilang lider sa Simbahan, ikaw ay tinawag upang turuan at suportahan ang mga pinaglilingkuran mo habang tinutulungan nila ang Diyos sa Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa 1.2). Ang pagkakaroon ng malinaw na pang-unawa sa gawain ng Diyos, sa gawaing inanyayahan ka Niyang gawin, at sa layunin ng Kanyang Simbahan ay tutulong sa iyo na maituon ang iyong mga pagsisikap sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo.
Mapanalanging hangarin na malaman kung paano ka makatutulong na maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos sa buhay ng mga pinaglilingkuran mo. Gagabayan ka ng Diyos sa pamamagitan ng mga pahiwatig ng Espiritu Santo (tingnan sa 2 Nephi 32:5). Ang paggawa kasama ng Panginoon sa Kanyang ubasan ay magdadala sa iyo ng malaking kagalakan (tingnan sa Jacob 5:70–72).