Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 13–19. “Siya’y Nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel”: 2 Mga Hari 16–25


“Hulyo 13–19. ‘Siya’y Nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel’: 2 Hari 16–25,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Hulyo 13–19. ‘Siya’y Nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

malaking grupo ng mga Judio na naglalakbay tungo sa pagkabihag sa Babilonia

Ang Pagtakas ng mga Bihag, ni James Jacques Joseph Tissot at ng iba pa

Hulyo 13–19: “Siya’y Nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel”

2 Mga Hari 16–25

Sa kabila ng makapangyarihang ministeryo ng propetang si Eliseo, hindi nagsisi ang mga tao sa Hilagang Kaharian ng Israel. Kalaunan, nilupig at ikinalat ng Imperyo ng Asiria ang sampung lipi ng Israel. Samantala, hindi rin maayos ang kalagayan ng Katimugang Kaharian ng Juda; laganap din doon ang pagsamba sa diyus-diyusan.

Sa gitna ng lahat ng espirituwal na pagkabulok na ito, binabanggit sa mga banal na kasulatan ang dalawang hari ng Juda na sumandaling muling ibinaling ang kanilang mga tao sa Panginoon. Ang isa ay si Hezekias. Noong panahon ng kanyang paghahari, nilupig ng mga taga-Asiria ang malaking bahagi ng Juda. Ngunit si Hezekias at ang kanyang mga tao ay nagpakita ng pananampalataya sa Panginoon, na iniligtas ang Jerusalem sa mahimalang paraan. Kalaunan, pagkaraan ng isa pang panahon ng apostasiya, nagsimulang maghari si Josias. Nabigyang-inspirasyon kahit paano ng muling pagtuklas sa aklat ng batas ni Moises, naghatid ng mga reporma si Josias na muling pumukaw sa relihiyosong pamumuhay ng kanyang mga tao.

Tulad ng Israel at Juda, lahat tayo ay gumagawa ng mabubuti at masasamang pagpili. Kapag nadarama natin na kailangan ng ating buhay ng ilang pagbabago, maaari tayong mahikayat ng dalawang maningning na panahong ito sa madilim na mga taon ng kasaysayan ng Juda. Marahil ay maaaring tayong mahikayat ng mga halimbawa nina Hezekias at Josias na “[magtiwala] sa Panginoon [nating] Diyos” (2 Mga Hari 18:22).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

2 Mga Hari 18–19

icon ng seminary
Maaari akong manatiling tapat sa Panginoon kapag hinahamon ang aking pananampalataya.

Karamihan sa atin ay nagkaroon na ng mga karanasang humahamon sa ating pananampalataya. Para kay Hezekias at sa kanyang mga tao, dumating ang isa sa mga hamong iyon nang lumapit ang hukbo ng Asiria sa Jerusalem. Habang binabasa mo ang 2 Mga Hari 18–19, isipin na kunwari’y nabuhay ka sa Jerusalem sa panahong ito. Ano kaya ang nadama mo, halimbawa, nang marinig mo ang mga panunuya ng mga taga-Asiria sa 2 Mga Hari 18:28–37; 19:10–13? Ano ang maaaring nagawa mo? Ikumpara ang mga dahilan ng mga taga-Asiria para hindi magtiwala ang mga Israelita sa Panginoon sa mga dahilang ibinibigay ni Satanas para pagdudahan natin ang ating pananampalataya ngayon. Maaari mo ring ihambing ang mga dahilan ng mga taga-Asiria sa iyong mga dahilan kung bakit talagang nagtitiwala ka sa Panginoon.

Ano ang natututuhan mo mula sa mga ginawa ni Hezekias sa sitwasyong ito? (tingnan sa 2 Mga Hari 19:1–7, 14–19). Paano tumugon ang Panginoon? (tingnan sa 2 Mga Hari 19:35–37). Sa palagay mo, bakit nanatiling tapat si Hezekias? (tingnan sa 2 Mga Hari 18:5–7). Pagnilayan kung paano ka nasuportahan ng Panginoon sa mahihirap na panahon. Ano ang nahihikayat kang gawin para maragdagan ang tiwala mosa Kanya?

Ang mensahe ni Pangulong Jeffrey R. Holland na “Huwag Matakot: Maniwala Lamang!” (Liahona, Mayo 2022, 34–36) ay may nakakatulong na payo para sa mga oras ng takot o pagdududa. Ang isang himnong tulad ng “Magpatuloy Tayo” (Mga Himno, blg. 148) ay maaaring mayroon ding nakasisiglang mensahe. Ano ang nakikita mo sa resources na ito na nakakatulong sa iyo?

Tingnan din sa 2 Cronica 31–32; 3 Nephi 3–4; Jörg Klebingat, “Magiting na Pagkadisipulo sa mga Huling Araw,” Liahona, Mayo 2022, 107–10.

Gamitin ang mga tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang Simbahan ay nagbibigay ng maraming resources para tulungan kang maunawaan ang mga banal na kasulatan. Halimbawa, sa Gospel Library makikita mo ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Mga Paksa at mga Tanong, at mga magasin ng Simbahan. Bukod pa rito, habang binabasa mo ang Lumang Tipan, makakakita ka ng nakakatulong na konteksto at mga kabatiran sa mga artikulo sa “Mga Kaisipan na Dapat Tandaan” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Ang artikulong pinamagatang “Si Cristo’y Sasambit [sa Buong Israel], ‘Halina’t Magbalik’” ay maaaring makatulong sa pag-aaral mo ng 2 Mga Hari 16–25.

pamilyang sama-samang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

2 Mga Hari 19:20–37

Lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Panginoon.

May magandang dahilan si Senakerib, hari ng Asiria, para maniwala na lulupigin ng kanyang hukbo ang Jerusalem (tingnan sa 2 Mga Hari 17; 18:33–34; 19:11–13). Ngunit may mensahe ang Panginoon tungkol kay Senakerib, na ibinigay sa pamamagitan ng propetang si Isaias. Nakatala ito sa 2 Mga Hari 19:20–34. Anong mga katotohanan ang nakikita mo sa mensahe ng Panginoon na tumutulong sa iyo na magkaroon ng pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang plano?

2 Mga Hari 21–23

Maibabaling ng mga banal na kasulatan ang aking puso sa Panginoon.

Nadama mo na ba na may kulang sa iyo sa espirituwal? Nadama mo siguro na maaaring mas lumakas ang iyong kaugnayan sa Diyos. Ano ang nakatulong sa iyo na muling bumaling sa Kanya? Pagnilayan ang mga tanong na ito habang binabasa mo ang 2 Mga Hari 21–23, na naglalarawan kung paano napalayo sa Panginoon ang Kaharian ni Juda sa ilalim ng pamumuno ni Haring Manases (tingnan sa 2 Mga Hari 21) at kung paano tinulungan ni Haring Josias ang mga tao na muling bumaling sa Kanya (tingnan sa 2 Mga Hari 22–23). Paano at bakit nagbago si Josias at ang kanyang mga tao? (tingnan sa 2 Mga Hari 22:8–11; 23:1–6, 21, 24).

Tinawag ni Pangulong Spencer W. Kimball ang kuwento ni Haring Josias na “isa sa mga pinakamagandang kuwento sa buong banal na kasulatan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 78). Basahin ang mga salita ni Pangulong Kimball tungkol kay Haring Josias (mga pahina 62–64). Marahil ay may maiisip kang karanasan kung kailan nagkaroon ka ng “malakas na pakiramdam” sa isang sipi sa banal na kasulatan. Ano kaya ang gagawin mo para makatanggap ng mas maraming karanasang tulad niyon?

Tingnan din sa Alma 31:5; “Josiah and the Book of the Law” (video), Gospel Library.

12:36

Si Josias at ang Aklat ng Kautusan

2 Mga Hari 23:1–25

Ang tipan ay isang matibay na pangako ng katapatan sa pagitan ko at ng Panginoon.

Ano ang tumatatak sa isipan mo tungkol sa tipang ginawa ni Josias sa 2 Mga Hari 23:3? Habang patuloy mong binabasa ang kabanata 23, pansinin ang ginawa ni Josias para ipakita ang kanyang katapatan sa Panginoon (tingnan din ang larawan sa dulo ng outline na ito). Paano mo maipapakita ang katapatan mo sa Kanya?

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

icon ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

2 Mga Hari 18:3–6; 19:14–19

Maaari akong magtiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Sa 2 Mga Hari 18:3, 5–6, tulungan ang iyong mga anak na matuklasan kung paano naging mabuting hari si Hezekias. Pagkatapos, habang sama-sama ninyong binabasa ang 2 Mga Hari 19:14–19, maaari nilang matuklasan kung paano niya ipinakita na nagtiwala siya sa Panginoon. Maaari ninyong tingnan ang isang larawan ni Jesus at pag-usapan kung bakit maaari tayong magtiwala sa Kanya. Paano natin maipapakita na nagtitiwala tayo sa Panginoon?

2 Mga Hari 22:1–7

Maaaring magtiwala sa akin ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

  • Sa 2 Mga Hari 22:1, tulungan ang iyong mga anak na tuklasin kung gaano katanda si Josias nang siya ay maging hari. Ano ang natututuhan natin tungkol kay Josias sa talata 2? Isipin ang isang aktibidad na maaaring maglarawan sa pagsunod sa Panginoon at hindi “[pagliko] sa kanan o sa kaliwa.”

  • Ang mga manggagawang inilarawan sa 2 Mga Hari 22:3–7 ay pinagkatiwalaan ng pera para itayong muli ang templo “sapagkat sila’y tapat makitungo” (talata 7). Matapos basahin ang mga talatang ito, maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang mga bagay na naipagkatiwala sa inyo. Paano tayo mapagkakatiwalaang gaya ng mga manggagawa sa mga talatang ito?

eskriba kasama si Haring Josias

Isang eskriba na nagdala ng isang scroll ng banal na kasulatan kay Haring Josias, larawang-guhit ni Robert T. Barrett

2 Mga Hari 22:8–11; 23:2–3

Tinuturuan ako ng mga banal na kasulatan na sundin si Jesucristo.

  • Para mapasimulan ang kuwento ni Haring Josias sa 2 Mga Hari 22–23, maaari kang magtago ng isang kopya ng mga banal na kasulatan kahit saan sa silid. Anyayahan ang iyong mga anak na hanapin iyon. Pagkatapos ay maaari mong ibahagi ang nangyari nang makita ng isa sa mga saserdote ni Josias ang mga banal na kasulatan sa loob ng templo (tingnan sa 2 Mga Hari 22:8–11; tingnan din sa “Haring Josias” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 148–49). Ano ang maaaring mangyari sa atin kung wala tayong mga banal na kasulatan? Ibahagi sa isa’t isa kung bakit natutuwa kayo na mayroon tayong mga banal na kasulatan ngayon.

    1:36

    King Josiah

  • Matapos basahin ang 2 Mga Hari 23:2–3, maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang mga talatang nagbigay-inspirasyon sa inyo na “lumakad [na]ng ayon sa Panginoon” (talata 3). Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga banal na kasulatan, tulad ng “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66).

2 Mga Hari 23:1–3

Tutuparin ko ang aking mga tipan sa Diyos.

  • Nang malaman ni Josias at ng kanyang mga tao ang mga utos ng Diyos, nakipagtipan silang ipamumuhay ang mga ito. Basahin ninyo ng iyong mga anak ang tungkol dito sa 2 Mga Hari 23:1–3, at tulungan silang makahanap ng mga salita o parirala na nagpapakita kung ano ang nadama ng mga tao tungkol sa mga utos ng Panginoon. Maaari sigurong tumayo ang iyong mga anak at talakayin kung ano ang maaaring ibig sabihin ng “[manindigan] sa tipan.” Pagkatapos ay maaari silang lumakad sa kanilang kinatatayuan at pag-usapan kung ano ang maaaring ibig sabihin ng “lumakad [na]ng ayon sa Panginoon.” Sumunod, maaari nilang itapat ang kanilang kamay sa kanilang puso at magmungkahi ng mga paraan na maaari nating matupad ang ating mga tipan “[nang ating] buong puso.”

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

mga taong humihila ng isang rebulto gamit ang mga lubid

Inaalis ng mga tao ni Josias ang mga diyus-diyusan mula sa lungsod; larawang-guhit ni William Hole

Pahina ng aktibidad sa Primary: Tinuturuan ako ng mga banal na kasulatan na sundin si Jesucristo