“Hulyo 6–12. ‘May Isang Propeta sa Israel’: 2 Mga Hari 2–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Hulyo 6–12. ‘May Isang Propeta sa Israel,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
Sa Gilid ng Ilog, ni Annie Henrie Nader
Hulyo 6–12: “May Isang Propeta sa Israel”
2 Mga Hari 2–7
Ang pangunahing misyon ng isang propeta ay ituro at patotohanan ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Gayunman, ang ating tala tungkol sa propetang si Eliseo ay hindi gaanong naglalaman ng kanyang mga turo o pagpapatotoo. Ang talagang kasama sa talaan ay ang mga himalang ginawa ni Eliseo, kabilang na ang pagpapabangon sa isang bata mula sa mga patay (tingnan sa 2 Mga Hari 4:18–37), pagpapakain sa maraming tao sa pamamagitan ng kaunting pagkain (tingnan sa 2 Mga Hari 4:42–44), at pagpapagaling sa isang ketongin (tingnan sa 2 Mga Hari 5:1–14). Kaya bagama’t wala tayong mga salita ni Eliseo tungkol kay Cristo, nasa atin ang kanyang ministeryo at mga himala, na nagpapatotoo kay Cristo. Ang mga ito ay mabisang pagpapakita ng nagbibigay-buhay, nangangalaga, at nagpapagaling na kapangyarihan ng Panginoon. Mas madalas mangyari ang mga himala sa ating buhay kaysa natatanto natin kung minsan. Para makita ang mga ito, kailangan nating hangarin ang pananampalatayang tinaglay ni Eliseo nang manalangin siya para sa kanyang takot na batang alipin: “Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na buksan mo ang kanyang mga mata upang siya’y makakita” (2 Mga Hari 6:17).
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa 2 Mga Hari, tingnan sa “Mga Hari” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
2 Mga Hari 2–6
Ang Diyos ay makagagawa ng mga himala sa buhay ko.
Ang mga himala ay nagpapakaita sa atin ng kapangyarihan ng Diyos. Matutulungan tayo ng mga ito na madaig ang mga paghihirap sa mortalidad—tulad ng tigang na lupa na nangangailangan ng dalisay na tubig (tingnan sa 2 Mga Hari 2:19–22) o isang nawawalang palakol na kailangang mahanap (tingnan sa 2 Mga Hari 6:4–7). Ngunit higit sa lahat, ang mga himala ay maaari tayong ibaling sa Panginoon. Habang binabasa mo ang 2 Mga Hari 2–6, isiping ilista ang mga himalang makita mo, at pagnilayan ang mga espirituwal na aral na natututuhan mo sa bawat isa.
Maaari mo ring ikumpara ang mga himalang ginawa ni Eliseo sa mga himalang ginawa ni Jesucristo (tingnan sa 2 Mga Hari 4:8–37 at Lucas 7:11–16; 2 Mga Hari 4:42–44 at Juan 6:1–13; 2 Mga Hari 5:1–15 at Lucas 17:11–19). Ano ang itinuturo sa iyo ng mga himalang ito tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga propeta?
Tingnan din sa 2 Nephi 26:12–13; 27:23; Moroni 7:35–37; ang bahaging “Hangarin at asahang mangyayari ang mga himala” sa Russell M. Nelson, “Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 99–100.
Si Eliseo na Binubuhay ang Anak ng Sunamita, ni Frederic Leighton
2 Mga Hari 4:8–17; 7:1–16
Tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga sinabi sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
Binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Eliseo na magpropesiya ng mga bagay na darating—karaniwan, mga bagay na tila malamang na hindi mangyari. Habang binabasa mo ang 2 Mga Hari 4:8–17; 7:1–16, isipin kung paano ka tumutugon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta ngayon. Anong mga turo, propesiya, o pangako ang narinig mo mula sa mga buhay na propeta? Ano ang ginagawa mo para kumilos nang may pananampalataya sa kanilang mga salita?
Tingnan din sa 3 Nephi 29:6; Doktrina at mga Tipan 1:37–38; koleksyon ng “Teachings of Presidents”, Gospel Library.
2 Mga Hari 5
Kung ako ay mapagpakumbaba at masunurin, mapapagaling ako ni Jesucristo.
Habang binabasa mo ang 2 Mga Hari 5, isiping ikumpara ang ketong ni Naaman sa espirituwal na hamon na kinakaharap mo.
Mayroon bang katulad ng “dalagita” sa buhay mo, na humihikayat sa iyo na humingi ng patnubay mula sa mga propeta ng Panginoon tungkol sa iyong hamon? (tingnan sa mga talata 2–3, 13).
Ano ang inaanyayahan ka ng Panginoon na gawin na tila napakasimple—tulad ng “maligo ka at maging malinis ka”? (talata 13). Ano ang maaaring pumipigil sa iyo na tanggapin ang Kanyang mga simpleng paanyaya?
Paano ka maaaring magpakita ng pagpapakumbaba na tulad ng ginawa ni Naaman?
Pansinin kung paano naapektuhan ng karanasan ni Naaman ang kanyang pananampalataya sa Diyos ng Israel (tingnan sa talata 15). Ano ang matututuhan mo mula rito?
Tingnan din sa Lucas 4:27; 1 Pedro 5:5–7; Alma 37:3–7; Eter 12:27; L. Whitney Clayton, “Gawin Ninyo ang Anomang sa Inyo’y Kaniyang Sabihin,” Liahona, Mayo 2017, 97–99; “Naaman and Elisha” (video), Gospel Library.
Naaman at Eliseo
Ikumpara sa buhay mo ang mga talata. Kung minsa’y mas madaling makahanap ng personal na kahulugan sa mga banal na kasulatan kapag ikinumpara mo ang mga pisikal na bagay sa isang kuwento na may mga espirituwal na bagay sa iyong buhay. Halimbawa, habang pinag-aaralan mo ang 2 Mga Hari 2–7, maaari mong ikumpara ang mga sitwasyon sa buhay mo sa mga bagay na tulad ng ketong, hiram na palakol, Ilog Jordan, o malaking hukbong sumasalakay. Ano ang kaya ang mga aral na maaaring ipinaparating sa iyo ng Panginoon sa mga salaysay na ito?
2 Mga Hari 6:8–23
“Ang mga kasama natin ay higit kaysa mga kasama nila.”
Sa pagsisikap mong sundin si Cristo, nadama mo na ba na katulad ka ng dalagitang alipin ni Eliseo—na nahigitan sa bilang at takot? Kunwari ay nasa lugar ka niya habang binabasa mo ang 2 Mga Hari 6:8–23. Paano binago ng kuwentong ito ang naiisip at nadarama mo tungkol sa iyong mga pagsubok, responsibilidad, o pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo?
Habang nagninilay ka, isipin ang mga salita ni Pangulong Henry B. Eyring: “Tulad ng lingkod na iyon ni Eliseo, mas marami ang sumasainyo kaysa nakikita ninyong sumasalungat sa inyo. Ang ilan na sumasainyo ay hindi makikita ng inyong mga matang mortal. Aalalayan kayo ng Panginoon at [kung] minsan ay tatawagin Niya ang iba para suportahan kayo” (“O Ikaw na Humaharap,” Liahona, Nov. 2008, 58).
Isiping ilista ang “ang mga kasama [mo]” (talata 16)—mga taong inilagay ng Diyos sa iyong buhay upang suportahan ka. Maaari mong hilingin sa Kanya na tulungan kang matukoy sila sa pamamagitan ng pagbubukas ng iyong espirituwal na mga mata. Malamang na inilagay ka rin Niya sa buhay ng iba para tulungan sila. Paano kayo makakahugot ng lakas at suporta mula sa isa’t isa?
Kailan mo nadama ang suportang inilalarawan ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 84:88?
Maaari mo ring pag-aralan ang mensahe ni Sister Michelle D. Craig na “Mga Matang Makakakita” (Liahona, Nob. 2020, 15–17). Itanong sa sarili mo, “Ano ang gusto ng Ama sa Langit na makita ko?”
Sa pagtukoy sa kuwento sa 2 Mga Hari 6:8–23, sinabi ni Elder Ronald A. Rasband: “Maaaring mayroon o wala tayong karo ng mga apoy na ipinadala sa atin upang tanggapin ang ating takot at magapi ang mga kahinaan natin, ngunit malinaw ang aral. Ang Panginoon ay nasasaatin, nag-aalala Siya sa atin at binibiyayaan tayo sa mga paraang tanging Siya lamang ang nakagagawa. Ang panalangin ay maaaring magbigay ng lakas at paghahayag na kailangan natin upang maisentro ang ating mga pag-iisip kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Alam ng Panginoon na kung minsan ay makararamdam tayo ng takot. Naramdaman ko na iyon at gayundin kayo. … Sa Simbahan na ito maaaring kaunti ang bilang natin batay sa kung paano sukatin ng mundo ang impluwensiya, ngunit kapag binuksan natin ang ating espirituwal na mga mata, ‘ang [mga kasama natin] ay higit kaysa [mga kasama nila]’ [2 Mga Hari 6:16]” (“Huwag Kayong Mabagabag,” Liahona, Nob. 2018, 18, 19). Paano ninyo gagamitin ang mga salitang ito para tulungan ang isang taong nababalisa o natatakot?
Tingnan din sa “Mga Bata, Diyos ay Malapit,” Mga Himno, blg. 44.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
2 Mga Hari 4
Ang Diyos ay makagagawa ng mga himala sa buhay ko.
-
Matapos tulungan ang iyong mga anak na maunawaan kung ano ang himala, anyayahan silang maglista ng maraming halimbawa ng mga himala hangga’t kaya nila. Ang mga larawan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay maaaring makatulong. Pagkatapos ay maaari silang maghanap ng mga himala sa 2 Mga Hari 4:1–7, 14–17, 32–35, 38–44. Ano ang itinuturo sa atin ng mga himalang ito tungkol sa Ama sa Langit?
-
Maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak kung paano naipakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng mga himala. Maaari din kayong kumanta ng isang awitin tulad ng “God’s Gracious Love” (Gospel Library).
Tumayo Bilang Saksi, ni Kwani Povi Winder
2 Mga Hari 5:1–15
Maaari kong piliing gawin ang inuutos ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang propeta.
-
Tulungan ang iyong mga anak na malaman ang kuwento sa 2 Mga Hari 5:1–3, 9–14. Isiping gamitin ang “Pinagaling ni Eliseo si Naaman” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 134–37) o ang larawan ni Naaman sa outline para sa linggong ito. Bakit ayaw maligo ni Naaman sa Ilog Jordan, kahit sinabi ni Eliseo na ito ang magpapagaling sa kanyang sakit? Paano pinagpala si Naaman nang sundin niya ang mga tagubilin ni Eliseo? Maaari ninyong ibahagi sa isa’t isa ang mga karanasan ninyo nang sundin ninyo ang Panginoon, kahit hindi kayo sigurado na gusto ninyong gawin iyon.
1:52Elisha Heals Naaman
-
Maaari mo ring bigyang-diin ang 2 Mga Hari 5:13, kung saan tinulungan si Naaman ng kanyang mga alipin na magpasiyang sundin ang propetang si Eliseo. Pagkatapos ay maaaring pag-usapan ng iyong mga anak ang mga paraan na maaari nilang tulungan ang kanilang mga kaibigan o kapamilya na pakinggan at sundin ang propeta.
2 Mga Hari 6:8–17
Hindi ako nag-iisa.
-
Maaari ninyong isipin ng iyong mga anak na kunwari’y napapaligiran kayo ng isang hukbong may mga tabak, kabayo, at karo. Ano ang mararamdaman mo? Ano ang gagawin mo? At maaaring pumikit ang iyong mga anak habang binabasa mo ang 2 Mga Hari 6:16–17 sa kanila. (Tingnan din sa “Si Eliseo at ang Hukbo ng Panginoon,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 138–39, o ang larawan sa dulo ng outline na ito.) Kapag umabot ka sa mga salitang “buksan mo ang kanyang mga mata” (talata 17), sabihin sa mga bata na imulat nila ang kanilang mga mata. Pag-usapan kung ano ang nakita ng alipin. Ibahagi sa iyong mga anak ang mga paraan na nadama mo na kasama mo ang Panginoon sa panahon ng iyong mga hamon, kahit tila nag-iisa ka.
1:9Elisha and the Lord’s Army
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.