“Hunyo 29–Hulyo 5. ‘Kung ang Panginoon ay Diyos, Sumunod Kayo sa Kanya’: 1 Mga Hari 12–13; 17--22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Hunyo 29–Hulyo 5. ‘Kung ang Panginoon ay Diyos, Sumunod Kayo sa Kanya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
Elijah Contends against the Priests of Baal [Nakipagtalo si Elijah sa mga Pari ni Baal], ni Jerry Harston
Hunyo 29–Hulyo 5: “Kung ang Panginoon ay Diyos, Sumunod Kayo sa Kanya”
1 Mga Hari 12–13; 17–22
Ang sambahayan ni Israel ay nagulo. Nahati ang Kaharian ng Israel, at sampung lipi ang bumubuo sa Hilagang Kaharian ng Israel at dalawang lipi ang bumubuo sa Katimugang Kaharian ng Juda. Ngunit ang mas masahol pa kaysa kanilang paghiwalay sa isa’t isa ay ang paghiwalay ng dalawang kaharian sa kanilang mga tipan. Inakay ng masasamang hari ang mga tao palayo sa Panginoon, at maraming taong nag-alinlangan sa kanilang pananampalataya.
Sa sitwasyong ito, tinawag ng Panginoon si Elijah na maging propeta. Ipinapakita ng kanyang buhay na ang isang tao ay maaaring magkaroon ng malaking pananampalataya sa Panginoon kahit sa masasamang kalagayan. Kung minsan ay tumutugon ang Panginoon sa gayong pananampalataya nang may kahanga-hangang mga himalang lantad sa publiko, tulad ng pagbagsak ng apoy mula sa langit. Ngunit Siya rin ay gumagawa ng tahimik at lihim na mga himala, tulad ng pagpapakain sa isang matapat na balo at sa anak nito. At kadalasa’y napaka-indibiduwal ng Kanyang mga himala kaya isang tao lamang ang nakakaalam—halimbawa, kapag inihayag ng Panginoon ang Kanyang sarili sa iyo sa pamamagitan ng “marahan at banayad na tinig” (1 Mga Hari 19:12).
Para malaman ang iba pa tungkol kay Elijah, tingnan sa “Elijah” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
1 Mga Hari 12:1–20
Pinaglilingkuran ng mga matwid na lider ang mga taong pinamumunuan nila.
Paano mo ilalarawan ang pagkakamaling ginawa ni Haring Rehoboam, ang anak ni Solomon, sa 1 Mga Hari 12:1–14? Anong mga katangiang tulad ni Cristo ang maaaring nakatulong kay Rehoboam na iligtas ang kanyang kaharian? (tingnan sa talata 7; Mateo 20:25–28; Mosias 2:10–21). Paano mo magagamit ang mga katangiang ito bilang lider—sa isang calling man sa Simbahan o bilang lider ng sarili mong buhay?
1 Mga Hari 17:8–16; 19:19–21
Ang paanyayang magsakripisyo ay isang oportunidad para manampalataya ako kay Jesucristo.
Hiniling ni propetang Elijah sa isang balo na bigyan siya ng pagkain at tubig bago pakainin ang kanyang sarili at ang kanyang gutom na anak. Bakit niya gagawin iyon? Ngunit ang hiling ni Elijah ay maaari ding ituring bilang isang pagpapala para sa maliit na pamilyang ito. Kailangan nila ang mga pagpapala ng Panginoon, at ang sakripisyo ay naghahatid ng mga pagpapala—kabilang na ang pagpapala ng mas malakas na pananampalataya.
Habang binabasa mo ang 1 Mga Hari 17:8–16, isipin na ikaw ang balong ito. Ano ang tumatak sa isipan mo tungkol sa kanya? Maaari ka ring gumawa ng listahan ng mga pagpapasiya na nangangailangan ng pananampalataya kay Jesucristo (para sa mga halimbawa, tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili [2022]). Ano ang natututuhan mo mula sa balong ito tungkol sa pagsampalataya?
Paano kahalintulad ng ginawa ni Eliseo sa 1 Mga Hari 19:19–21 ang ginawa ng balo?
Pag-isipan ang mga sakripisyong nagawa mo para masunod ang Tagapagligtas. Ano ang itinuturo sa iyo ng 1 Mga Hari 17:8–16; 19:19–21 tungkol sa mga sakripisyong ito? Paano ka natutulungan ng kaalaman mo tungkol sa Tagapagligtas kapag hinihilingan ka Niyang magsakripisyo? Paano ka Niya napagpala?
Tingnan din sa Mateo 4:18–22; 6:25–33; Lucas 4:24–26; “Si Elias at ang Balo ng Sarepta” (video), Gospel Library; “Kung Mananalig Kailanman,” Mga Himno, blg. 72.
Si Elijah at ang Balo ng Zarefta
1 Mga Hari 18
“Kung ang Panginoon ay Diyos, sumunod kayo sa Kanya.”
Maaaring nadama ng mga Israelita na may magagandang dahilan sila para sambahin si Baal, na kilala noon bilang diyos ng mga bagyo at ulan. Pagkaraan ng tatlong taon ng tagtuyot, kailangang-kailangan talaga nila ng ulan. At ang pagsamba kay Baal ay tanggap ng lipunan at suportado ng hari at reyna. Habang binabasa mo ang 1 Mga Hari 18, pag-isipan kung bakit maaaring hindi makapagpasiya ang isang tao sa ating panahon tungkol sa pagsunod sa Panginoon. Sa kabanatang ito, ano sa palagay mo ang sinisikap ituro ng Panginoon tungkol sa Kanyang sarili? Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na mangakong sundin ang Tagapagligtas?
Tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Pagpili at Tapat na Pangako” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 12, 2020), Gospel Library.
Larawang-guhit kay Elijah, ni Wilson Ong
1 Mga Hari 19:1–18
Ang Panginoon ay madalas mangusap sa tahimik at simpleng mga paraan.
Ang malungkot, ang himala sa Bundok ng Carmel ay hindi nagpadali sa misyon ni Elijah. Sa katunayan, nanganib ang kanyang buhay, at kinailangan niyang magtago sa isang kuweba sa ilang. Doon, habang nakikibaka sa kalungkutan at panghihina ng loob, nagkaroon siya ng karanasan sa Panginoon na ibang-iba sa naranasan niya sa Bundok ng Carmel. Ano ang itinuturo sa iyo ng karanasan ni Elijah sa 1 Mga Hari 19:1–18 kung paano nakikipag-ugnayan sa iyo ang Panginoon sa mga oras ng iyong pangangailangan?
Pagnilayan ang mga pagkakataon na nadama mo na nangusap sa iyo ang Panginoon. Paano mo ilalarawan ang paraan na nakikipag-ugnayan Siya sa iyo? Bakit magagandang paraan ang mga salitang “marahan” at “banayad” para ilarawan ang tinig ng Espiritu? Anong iba pang mga salita ang nakikita mo sa Helaman 5:30; Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 11:12–14? Ano ang kailangan mong gawin para mas madalas mong matanggap ang patnubay ng Panginoon?
Tingnan din sa Mga Awit 46:10.
Gumamit ng maraming pandama para mapagbuti ang pagkatuto. Lahat tayo ay natututo tungkol sa mundo sa pamamagitan ng ating limang pandama. Ang paggamit ng mga pandamang iyon ay maaari ding mapagbuti ang pag-aaral ng ebanghelyo. Halimbawa, mag-isip ng mga larawan o tunog na magagamit mo para ilarawan ang mga salitang “tahimik” at “maliit” habang natututo o nagtuturo ka tungkol sa tinig ng Panginoon sa 1 Mga Hari 19.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
1 Mga Hari 17
Pinagpapala ako ng Panginoon kapag nananampalataya ako sa Kanya.
-
Para matulungan ang iyong mga anak na matutuhan ang mga kuwento ng pananampalataya sa 1 Mga Hari 17, maaari kang magpakita sa kanila ng mga larawan o bagay para ilarawan ang mga kuwento, tulad ng mga ibon, tinapay, o isang batang lalaki. Habang ikinukuwento mo ang mga ito sa iyong mga anak, anyayahan silang hanapin ang larawan o bagay na kaugnay ng bawat kuwento. Maaaring makatulong ang “Ang Propetang si Elias [Elijah]” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 121–24) para maikuwento mo ang mga ito. Ano ang itinuturo sa atin ng bawat kuwento tungkol sa pagsampalataya kay Jesucristo?
1:58Elijah the Prophet
-
Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga paraan na maipapakita nila ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Kantahing kasama nila ang isang awitin tungkol sa pananampalataya, tulad ng “I Have Faith in the Lord, Jesus Christ ” (Gospel Library), at ibahagi sa isa’t isa ang matutuhan ninyo sa awitin tungkol sa pananampalataya.
Larawang-guhit kay Elijah at ng pagpapagaling sa anak ng balo, ni Charles Edmund Brock
1 Mga Hari 17:8–16
Kapag hinilingan ako ng Panginoon na magsakripisyo, maaari akong sumunod nang may pananampalataya.
-
Marahil ay maaaring idrowing ng iyong mga anak ang hiniling ng Panginoon sa balo na ibigay kay Elijah (tingnan sa 1 Mga Hari 17:12–13) at kung ano ang natanggap ng balo bilang kapalit (tingnan sa 1 Mga Hari 17:15–16). (Tingnan din ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito.) Maaari din silang maghanap ng mga larawan ng ibang mga taong isinuko ang isang bagay na gusto nila para sa isang bagay na mas mainam. Anyayahan ang iyong mga anak na maghanap ng mga larawan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Ano ang hinihiling ng Panginoon na isakripisyo natin? Paano Niya tayo pinagpapala?
1 Mga Hari 18:17–39
Maaari kong piliing sundin si Jesucristo.
-
Habang sama-sama ninyong binabasa ang 1 Mga Hari 18:17–39, maaaring pumili ang iyong mga anak ng isang talata at idrowing ang inilalarawan nito. Maaari nilang gamitin ang kanilang mga larawan para isalaysay ang kuwento sa sarili nilang mga salita. (Tingnan din sa “Si Elias at ang mga Propeta ni Baal,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 125–28.)
2:17Elijah and the Priests of Baal
-
Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga sitwasyon kung kailan maaaring kailangan nilang magpasiya kung susundin o hindi si Jesucristo. Siguro maaari nilang idrowing ang kanilang sarili na gumagawa ng tamang pagpili. Ibahagi sa isa’t isa kung bakit pinili ninyong sundin si Jesus.
1 Mga Hari 19:9–12
Nangungusap ang Panginoon sa akin sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo.
-
Habang ibinubuod mo ang 1 Mga Hari 19:9–12, anyayahan ang iyong mga anak na gumawa ng mga aksyon para katawanin ang malakas na hangin, lindol, at apoy. Pagkatapos ay anyayahan silang maupo nang tahimik habang sabay-sabay ninyong sinasambit, sa mahinang tinig, ang “pagkatapos ng apoy ay isang banayad at munting tinig” (talata 12). (Tingnan din sa “Nangungusap ang Panginoon kay Elias,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 129–31.) Ibahagi sa iyong mga anak ang mga pagkakataon na naranasan mo ang banayad at munting tinig ng Espiritu Santo.
1:48The Lord Speaks to Elijah
-
Tahimik na kantahin ang isang awitin tungkol sa Espiritu, tulad ng “The Still Small Voice” (Children’s Songbook, 106–7). Ano ang maaaring makagambala sa atin mula sa pagkilala sa Espiritu? Ano ang maaaring makatulong sa atin na marinig Siya?
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.