“Hunyo 8–14. ‘Ang Panginoon ay Tumitingin sa Puso’: 1 Samuel 8–10; 13; 15–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Hunyo 8–14. ‘Ang Panginoon ay Tumitingin sa Puso,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
Beside Still Waters [Sa Tabi ng Payapang Tubig], ni Simon Dewey
Hunyo 8–14: “Ang Panginoon ay Tumitingin sa Puso”
1 Samuel 8–10; 13; 15–16
Si Saul ay isang tagapagbantay ng mga asno. Bagama’t matangkad at makisig, siya ay “maliit sa [kanyang] sariling paningin” at nahihiya tungkol sa pamana ng kanyang pamilya (tingnan sa 1 Samuel 9:2–3, 21; 15:17). Sa araw na ihaharap siya sa Israel bilang kanilang hari, hindi siya sumipot; kinabahan siya kaya “nagtago siya” (1 Samuel 10:21–22). Kung titingnan mo si Saul, hindi mo aakalain na pamumunuan niya ang mga Israelita sa tagumpay laban sa kanilang mga kaaway—o na kalaunan ay magiging mapagmataas siya at maghihimagsik laban sa Panginoon.
Si David ay tagapagbantay ng mga tupa. Hindi siya kasingkisig ng pito niyang nakatatandang kapatid na lalaki. Sa araw na pipili na si Samuel ng bagong hari para sa Israel, tila hindi nararapat isama si David sa mga posibleng kandidato, kaya naiwan ito sa bukid kasama ang mga tupa. Kung titingnan mo si David, hindi mo aakalain na mayroon siyang pananampalataya at tapang na talunin ang isang higante at maging pinakamatagumpay na hari ng Israel.
Ngunit hindi tumitingin ang Panginoon sa mga bansag sa atin, sa ating pisikal na anyo, sa ating mga kawalan ng kapanatagan. Sa halip, Siya ay “tumitingin sa puso” (1 Samuel 16:7). At kahit medyo hindi tama ang ating puso, kung handa tayo, bibigyan Niya tayo ng “ibang puso” (1 Samuel 10:9).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
1 Samuel 8
Si Jesucristo ang aking Hari.
Binanggit sa 1 Samuel 8 ang isang pangyayaring magpapabago kailanman sa tadhana ng mga Israelita. Bilang proteksyon laban sa kanilang mga kaaway, ginusto ng mga Israelita ang mayroon ang kanilang mga kapitbahay—isang hari na mamumuno sa kanila. Habang binabasa mo ang kanilang kahilingan at ang tugon ng Panginoon, pag-isipan kung kanino ka umaasa para sa kaligtasan at patnubay. Isipin kung ano ang ibig sabihin ng hayaan ang Panginoon na “maghari sa [iyo]” (1 Samuel 8:7).
Sa darating na mga linggo, magbabasa ka tungkol sa ilang hari na tinawag na mamuno sa Israel. Habang nag-aaral ka tungkol sa kanila, isipin ang sumusunod na mga tanong:
-
Paano natupad ang mga babala ng Panginoon sa 1 Samuel 8:10–18?
-
Paano naapektuhan ang mga anak ni Israel ng kanilang pasiya na magkaroon ng hari sa lupa?
-
Paano naiiba si Jesucristo sa mga hari sa lupa? Isipin kung anong mga makamundong impluwensya ang maaaring kailangan mong alisin sa buhay mo para hayaan si Cristo na maging Hari mo.
Tingnan din sa “Panginoo’y Hari!,” Mga Himno, blg. 33.
1 Samuel 9–10; 16:1–13
Tinatawag ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng propesiya para maglingkod sa Kanyang kaharian.
Basahin kung paano pinili ng Diyos ang mga hari ng Israel sa 1 Samuel 9–10 at 16 (tingnan lalo na sa 9:15–17; 10:1–12; 16:1–13). Maghanap ng mga sipi na magpapaunawa sa iyo sa kahulugan ng “tawagin ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya” sa Simbahan ng Panginoon ngayon (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5). Maaari mong ilagay ang iyong sarili sa lugar ng lider na nagpapaabot ng tawag sa tungkulin (Samuel), ng taong tinawag (Saul at David), at ng mga taong tinawag na paglingkuran nila (mga Israelita). Ano ang natututuhan mo mula sa kanilang mga salita at gawa sa mga kabanatang ito?
Larawang-guhit kay Samuel na pinapahiran ng langis si Saul, ni P. Mann, © Lifeway Collection/lisensiyado ng goodsalt.com
1 Samuel 13:5–14; 15
“Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa alay.”
Kung iisipin na napakamahiyain ni Saul sa 1 Samuel 10, nakakagulat na mabasa ang kanyang “paghihimagsik” at “katigasan ng ulo” matapos siyang maging hari (1 Samuel 15:23). Sa palagay mo, bakit nangyari ito? Sa 1 Samuel 13:5–14, anong mga saloobin at pag-uugali ang nakikita mo na humantong sa kanyang pagbagsak?
Sa 1 Samuel 15, mababasa mo ang isang utos mula sa Panginoon na hindi sinunod ni Saul dahil inakala niya na may maganda siyang dahilan. Para matuto mula sa mga maling pasiya ni Saul, tingnan ang talata 22 at palitan ang mga salitang “alay” at “taba ng mga tupang lalaki” ng mga bagay na tila mabuti ngunit hindi kasinghalaga ng pakikinig at pagsunod sa Panginoon. Paano ka napagpala nang unahin mo ang kalooban ng Panginoon sa iyong buhay?
1 Samuel 16:6–12
“Ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”
Nakagawa ka na ba ng isang desisyon batay sa “panlabas na anyo” ng isang bagay o isang tao, para lamang malaman na nagkamali ka? Mayroon ka sigurong kinain na hindi kasinsarap ng tingin mo roon. O baka hinatulan mo nang hindi patas ang isang tao.
Nang maghanap si Samuel ng bagong hari ng Israel, tinuruan siya ng Panginoon ng mas mabuting paraan. Magbasa tungkol dito sa 1 Samuel 16:6–7, at isiping ilista ang mga paraan ng paghatol ng mga tao sa iba “sa panlabas na anyo.” Makikita mo ang ilang halimbawa sa mensahe ni Elder Christophe G. Giraud-Carrier na “Tayo ay Kanyang mga Anak” (Liahona, Nob. 2023, 114–16). Ano ang ibig sabihin ng tumingin “sa puso,” tulad ng ginagawa ng Panginoon? (1 Samuel 16:7). Makakakita ka rin ng mga halimbawa nito sa mensahe ni Elder Giraud-Carrier. May maiisip ka sigurong iba pang mga pagkakataon na hindi tumingin ang Tagapagligtas sa panlabas na anyo ng isang tao. (Tingnan, halimbawa, sa Marcos 12:41–44; Lucas 5:1–11; 19:1–9; Juan 4:5–30; Moises 6:31–36.) Ano ang natututuhan mo mula sa mga halimbawang ito?
Paano mo matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paraan ng pagtingin mo sa iba—at sa iyong sarili? Paano kaya nito maaapektuhan ang iyong mga pakikipag-ugnayan sa iba? Isiping sabihin sa isang tao ang kabutihang nakikita mo sa kanyang puso.
Tingnan din sa Ulisses Soares, “Magkakapatid kay Cristo,” Liahona, Nob. 2023, 70–73.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
1 Samuel 8
Si Jesucristo ang aking Hari.
-
Habang binabasa ninyo ng iyong mga anak ang 1 Samuel 8, tulungan silang makahanap ng mga dahilan na sinabi ni Samuel sa mga Israelita na masamang ideya ang magkaroon ng hari. Bakit mas mainam na maging hari natin si Jesucristo? Maaari siguro kayong sama-samang gumawa ng koronang papel at maghalinhinan sa pagsusuot nito at pagbabahagi ng isang bagay na magagawa natin para ipakita na gusto natin si Jesus na maging Hari natin. (Tingnan din sa Jeremias 23:5; Doktrina at mga Tipan 45:59.)
1 Samuel 8:6; 9:15–17; 10:1–24; 16:1–13
Ang mga taong naglilingkod sa Simbahan ay tinawag ng Diyos.
-
Ang mga salaysay tungkol sa pagpili ng Diyos kina Saul at David na maging hari ay magpapaunawa sa iyong mga anak kung paano tinatawag ang mga tao na maglingkod sa Simbahan ngayon sa pamamagitan ng paghahayag. Para maituro sa kanila ang mga kuwentong ito, maaari mong isulat ang mga kaganapan mula sa mga kuwento sa mga piraso ng papel, at maaari itong ilagay ng iyong mga anak sa tamang pagkakasunud-sunod habang sama-sama ninyong binabasa ang mga sipi sa banal na kasulatan (tingnan din sa “Ang Batang [si] David” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 110–11). Pagkatapos ay maaari mong talakayin ang mga pagkakataon na pinagpala ka ng Diyos ng espirituwal na kapangyarihan na gampanan ang isang tungkulin o calling (tingnan sa 1 Samuel 10:9–10).
1:16Young David
-
Maaaring magandang panahon din ito para ituro sa iyong mga anak ang ikalimang saligan ng pananampalataya. Sabihin sa kanila kung paano mo natanggap ang iyong calling sa Simbahan. Paano mo nalalaman na ikaw ay tinawag ng Diyos?
Pinahiran ng Propetang si Samuel si David para Maging Hari ng Israel sa Bethlehem, ni Balage Balogh
1 Samuel 16:1–13
Ang Panginoon ay tumitingin sa puso.
-
Maaaring maipaunawa ng isang object lesson sa iyong mga anak ang alituntunin sa 1 Samuel 16:7. Halimbawa, maaari mong ipakita sa kanila ang ilang pagkain o isang aklat na may balot o pabalat na hindi tugma sa tunay na nilalaman nito. Ano ang iminumungkahi ng 1 Samuel 16:7 at ng object lesson na ito kung paano natin dapat tingnan ang ating sarili at ang ibang tao? Kumanta ng isang awitin na nagbibigay-diin sa alituntuning ito, tulad ng “Mahalin ang Bawat Isa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 74).
Gumamit ng mga object lesson. Kapag may nakikita at nahahawakan ang iyong mga anak na may kaugnayan sa isang alituntunin ng ebanghelyo, mas malamang na matandaan nila ito. Halimbawa, habang binabasa mo ang 1 Samuel 16:7 na kasama sila, maaari mo silang hayaang tulungan ka na makahanap ng mga halimbawa ng mga optical illusion para ilarawan ang punto na dapat nating sikaping tumingin na tulad ng pagtingin ng Panginoon—sa pamamagitan ng pagtingin “sa puso”—sa halip na mga paghatol batay sa “panlabas na anyo.”
-
Maaari kayong magbahagi ng iyong mga anak ng mga karanasan kung saan nalaman mo kung bakit dapat kang “tumingin sa puso,” hindi lamang sa “panlabas na anyo” (talata 7). Maaari din kayong maghalinhinan sa pagsasabi sa isa’t isa ng magagandang katangiang nakikita ninyo sa puso ng isa’t isa.
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.