Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 13–19. “Magpakatatag Kayo, at Masdan Ninyo ang Pagliligtas ng Panginoon”: Exodo 14–18


“Abril 13–19. ‘Magpakatatag Kayo, at Masdan Ninyo ang Pagliligtas ng Panginoon’: Exodo 14–18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Abril 13–19. ‘Magpakatatag Kayo, at Masdan Ninyo ang Pagliligtas ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

Dagat na Pula

Abril 13–19: “Magpakatatag Kayo, at Masdan Ninyo ang Pagliligtas ng Panginoon”

Exodo 14–18

Ang mga Israelita ay nakulong. Ang Dagat na Pula ay nasa isang panig, at papalapit naman ang hukbo ng Faraon sa kabila. Mukhang magiging panandalian ang pagtakas nila mula sa Ehipto. Ngunit may mensahe ang Diyos para sa mga Israelita na nais Niyang alalahanin nila sa maraming henerasyon: “Huwag kayong matakot. … Ipaglalaban kayo ng Panginoon” (Exodo 14:13–14).

Mula noon, kapag kailangan ng bayan ng Diyos ng pananampalataya at tapang, ikinuwento nila ito. Nang naisin ni Nephi na bigyang-inspirasyon ang kanyang mga kapatid, sinabi niya, “Maging malakas tayong katulad ni Moises; sapagkat siya ay tunay na nangusap sa tubig ng Dagat na Pula at yaon ay nahati nang dito at doon, at ang ating mga ama ay nakatawid at nakalaya mula sa pagkabihag, sa tuyong lupa” (1 Nephi 4:2). Nang naisin ni Haring Limhi na ang kanyang mga bihag ay “itaas ang [kanilang] ulo at magsaya,” ipinaalala niya sa kanila ang kuwentong ito (Mosias 7:19). Gayundin si Alma, nang gustuhin niyang patotohanan sa kanyang anak ang kapangyarihan ng Diyos (tingnan sa Alma 36:28). At kapag nadarama natin na nakulong tayo—kapag kailangan natin ng kaunti pang pananampalataya para “[ma]masdan ang pagliligtas ng Panginoon”—maaalala natin kung paano “iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na iyon” (Exodo 14:13, 30).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Exodo 14; Exodo 15:1–21

Ang Panginoon ay maaaring gumawa ng isang “dakilang gawain” sa aking buhay.

Habang binabasa mo ang Exodo 14:1–10, wariin kung ano ang maaaring nadama ng mga Israelita nang makita nila na malapit na ang hukbo ng Faraon. Marahil ay nadarama mo na kailangan mo ng isang himala para makaligtas sa isang mabigat na hamon na kinakaharap mo. Ano ang nakikita mo sa Exodo 14:13–31 na naghihikayat sa iyo na hangarin ang kapangyarihan ng Diyos sa iyong buhay? Pagnilayan kung paano mo namasdan ang Kanyang kapangyarihan noon. Ano ang natutuhan mo tungkol sa Kanya mula sa mga karanasang ito?

Ang Exodo 15:1–19 ay isang awit ng papuri na inawit ng mga Israelita matapos hatiin ng Panginoon ang Dagat na Pula. Aling mga kataga sa awiting ito ang lalong makahulugan sa iyo? May isang himno siguro na gusto mong kantahin kapag may nagawa ang Panginoon na kamangha-mangha para sa iyo, tulad ng “Manunubos ng Israel” (Mga Himno, blg. 5). Isiping kantahin o pakinggan ito bilang bahagi ng iyong pagsamba ngayon.

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3.

Exodo 15:22–27; 16:1–15; 17:1–7

Maaaring gawing matamis ng Panginoon ang mapapait na bagay.

Ang pagbabasa tungkol sa paglalakbay ng Israel ay maaaring magpaisip sa iyo tungkol sa mga bagay sa iyong buhay na tila “mapait” na gaya ng mga tubig ng Mara (tingnan sa Exodo 15:23–27). Paano nagawang matamis ng Panginoon ang mapait na bagay sa iyong buhay? Ano ang naging kahalagahan ng mga karanasang ito sa iyong buhay?

Mapapansin mo ang iba pang mga halimbawa ng mapapait na karanasan para sa mga Israelita sa Exodo 16 at 17. Nakatutuksong punahin ang pagbulung-bulong o pagrereklamo nila, ngunit habang nagbabasa ka, isipin kung nagawa mo na ba iyon. Ano ang natututuhan mo mula sa mga karanasan ng mga Israelita na makakatulong sa iyo na di-gaanong bumulung-bulong at mas magtiwala sa Diyos? Ano ang itinuturo ng mga talatang ito sa iyo tungkol sa Diyos?

Tingnan din sa 1 Nephi 2:11–12.

mga Israelita na nagtitipon ng manna

Ang mga Israelita na nagtitipon ng manna. Neo-gothic fresco, Trnava (detalye)

Exodo 16

icon ng seminary
Ang Panginoon ay nag-aalok sa akin ng pang-araw-araw na espirituwal na pangangalaga.

Dahil kailangan nating lahat na kumain, madalas ikumpara ng Panginoon ang mga espirituwal na bagay sa pagkain. Hanapin ang Kanyang mga espirituwal na aral sa mga karanasan ng mga Israelita sa manna sa Exodo 16. Halimbawa, ano ang nakikita mo sa mga tagubilin ng Panginoon sa Exodo 16:16, 19, 22–26 na angkop sa iyong espirituwal na pangangalaga?

Para matuklasan ang iba pang mga aral na maaaring nais ng Panginoon na matutuhan mo mula sa himalang ito, pagnilayan ang mga tanong na katulad nito:

  • Ano ang ibinibigay sa akin ng Panginoon na parang pang-araw-araw na manna na ibinigay Niya sa mga Israelita?

  • Ano ang magagawa ko na parang pagtitipon ng manna?

Maaari kang makahanap ng karagdagang mga kabatiran sa isa o mahigit pa sa mga video na ito: “Daily Bread: Pattern,” “Daily Bread: Experience,” at “Daily Bread: Change” (Gospel Library).

2:36

Daily Bread: Pattern

2:59

Daily Bread: Experience

2:46

Daily Bread: Change

Mag-isip ng iba pang mga bagay, bukod pa sa pagkain, na ginagawa mo araw-araw. Bakit kailangang gawin ang ilang bagay araw-araw para maging epektibo? Ano ang nahihikayat kang gawin para maghangad ng pang-araw-araw na mga espirituwal na karanasan?

Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Araw-araw na Pagbabalik-look,” Liahona, Nob. 2021, 77–79; “Daily Restoration” (video), Gospel Library.

5:27

Daily Restoration

Exodo 17:1–7

Si Jesucristo ang aking espirituwal na bato at tubig na buhay.

Isipin ang Tagapagligtas habang binabasa mo ang Exodo 17:1–7. Paano naging parang isang bato si Jesucristo sa iyo? (tingnan sa Awit 62:6–7; Helaman 5:12). Paano Siya parang tubig? (tingnan sa Juan 4:10–14; 1 Corinto 10:1–4; 1 Nephi 11:25).

Maghanap ng mga pisikal na bagay na nagpapatotoo kay Cristo. Tuwing ang mga banal na kasulatan ay naglalarawan ng mga bagay na maaaring maging simbolo ni Jesucristo, tulad ng Exodo 17:1–7, maaaring isang oportunidad ito para sa isang object lesson. Ang pagtingin o paghipo sa isang bato o tubig ay maaaring gawing mas madaling maunawaan kung paano naging katulad ni Jesucristo ang mga bagay na ito. Kung maaari kang gumamit ng maraming pandama sa pag-aaral, magiging mas hindi malilimutan at nakakaimpluwensya ito.

Exodo 17:8–16; 18:13–26

Tinutulungan ng mga disipulo ang isa’t isa na “magpasan [ng pasanin]” ng paggawa ng gawain ng Panginoon.

Maaaring may mga pagkakataon sa buhay mo na makakaugnay ka kay Moises—kapag nakaasa sa iyo ang iba, ngunit ang “mga kamay [mo] ay nangalay” (Exodo 17:12). Sa ibang mga pagkakataon, baka mas katulad ka nina Aaron, Hur, at Jethro, na sumuporta kay Moises. Ilagay ang iyong sarili sa katayuan ng bawat isa sa mga taong ito habang binabasa mo ang Exodo 17:8–16; 18:13–26, at tingnan kung ano ang itinuturo ng Panginoon sa iyo tungkol sa Kanyang gawain.

Tingnan din sa Mosias 4:27; 18:8–9.

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Iklik para makita ang iba pa.

icon 03 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Exodo 14:5–22

Maaaring gumawa ang Panginoon ng isang “dakilang gawain” sa aking buhay.

  • Nang hatiin ng Panginoon ang Dagat na Pula, nakita ni Moises at ng mga Israelita kung gaano kalaki ang Kanyang kapangyarihan. Hayaang tulungan ka ng iyong mga anak na makaisip ng masayang paraan para muling isadula ang kuwento mula sa Exodo 14:5–22 (tingnan din sa “Ang Paskua” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 70–74). Maaari mo sigurong ayusin ang mga upuan o kumot at “hatiin” ang mga iyon na gaya ng Dagat na Pula. Pagkatapos ay maaari ninyong ibahagi sa isa’t isa kung paano ninyo nakita ang kapangyarihan ng Diyos sa inyong buhay.

    2:54

    The Passover

  • Ano ang idinaragdag ng Doktrina at mga Tipan 8:2–3 sa pagkaunawa natin sa kuwento sa Exodo 14? Isiping ikuwento sa iyong mga anak ang isang karanasan nang may sinabi ang Espiritu Santo sa iyong puso’t isipan, at anyayahan silang ikuwento ang kanilang mga karanasan. Maaari ka ring kumanta ng isang awitin tungkol sa Espiritu Santo, tulad ng “Banal na Espiritu” (Mga Himno, blg. 85).

Exodo 15:22--25

Maaaring gawing matamis ng Panginoon ang mapapait na bagay.

  • Maaari sigurong uminom kayo ng iyong mga anak ng matamis na bagay at mapait na bagay habang pinag-aaralan ninyo ang Exodo 15:22–25 nang sama-sama. Paano nagawang “matamis” ng Tagapagligtas ang “mapapait” na karanasan sa ating buhay?

Exodo 15:23–25; 16:14–15; 17:1–6

Si Jesus ang aking Tubig na Buhay, aking Tinapay ng Buhay, at aking Bato.

  • Habang binabasa ninyo ng iyong mga anak ang Exodo 15:23–25; 16:14–15; 17:1–6, hayaang tulungan ka nilang maghanap ng mga bagay na makakatulong sa pagsasalaysay ng bawat kuwento—tulad ng isang sanga (para pagalingin ang tubig sa Mara), isang garapon o palayok (para punuin ng manna), at isang bato (para sa tubig sa Horeb). Paano ipinaaalala sa atin ng mga kuwentong ito ang ginagawa ni Jesucristo para sa atin? Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari ninyong basahin ang Mateo 7:24–27; Juan 4:10–14; 6:29–35, 48–51; Helaman 5:12; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79.

ipinintang larawan na nagpapakita kina Moises, Aaron, at Hur

Isa sa Harap ng Diyos, ni Joseph Brickey (detalye)

Exodo 17:8–16; 18:13–26

Maaari akong tumulong na “magpasan [ng pasanin]” ng paggawa ng gawain ng Panginoon.

  • Habang binabasa mo ang Exodo 17:8–16, maaari mong anyayahan ang isang bata na itaas ang kanyang kamay sa ere. Kapag napagod ang bata, maaaring tumulong ang ibang mga bata, sa paraan ng pagtulong nina Aaron at Hur kay Moises. Ano ang itinuturo ng kuwentong ito kung paano tayo makakatulong na maging matagumpay ang kaharian ng Diyos? Maaari mo ring basahin ang Exodo 18:13–26 at pag-usapan ang mabibigat na responsibilidad ng mga taong naglilingkod sa inyong ward. Ano ang magagawa natin ngayon para matulungan ang mga lider natin sa Simbahan, tulad ng pagtulong nina Aaron at Hur sa propetang si Moises?

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Moises na hinahati ang Dagat na Pula

Pagtawid sa Dagat na Pula, ni Otto Semler

Pahina ng aktibidad sa Primary: Ang Panginoon ay maaaring gumawa ng isang “dakilang gawain” sa aking buhay