“Abril 6–12. ‘Alalahanin Ninyo ang Araw na Ito na Lumabas Kayo sa Ehipto’: Exodo 7–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Abril 6–12. ‘Alalahanin Ninyo ang Araw na Ito na Lumabas Kayo sa Ehipto,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
Larawang-guhit nina Moises at Aaron sa hukuman ng Faraon, ni Robert T. Barrett
Abril 6–12: “Alalahanin Ninyo ang Araw na Ito na Lumabas Kayo sa Ehipto”
Exodo 7–13
Sunud-sunod na mga salot ang nagpahirap sa Ehipto, pero ayaw pa ring palayain ng Faraon ang mga Israelita. Subalit patuloy na ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan at binigyan ng mga pagkakataon si Faraon na tanggapin “na ako ang Panginoon” at “walang gaya ko sa buong [mundo]” (Exodo 7:5; 9:14). Samantala, malamang na namasdan nang may pagkamangha ni Moises at ng mga Israelita ang mga pagpapamalas na ito ng kapangyarihan ng Diyos para sa kanila. Tiyak na pinagtibay ng patuloy na mga palatandaang ito ang kanilang pananampalataya sa Diyos at pinatatag ang kahandaan nilang sundin ang propeta ng Diyos. Sa gayon, pagkaraang mabigo ang siyam na kakila-kilabot na mga salot na mapalaya ang mga Israelita, ang ikasampung salot—ang kamatayan ng mga panganay, kabilang na ang panganay ni Faraon—ang tumapos sa pagkabihag. Tila angkop ito dahil sa lahat ng kaso ng espirituwal na pagkabihag, talagang isa lamang ang paraan upang makatakas. Ang sakripisyo lamang ni Jesucristo, ang Panganay—ang dugo ng Korderong walang bahid-dungis—ang magliligtas sa atin.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Exodo 7–11
Maaari kong piliing palambutin ang puso ko.
Sana, hindi salungat kailanman ang iyong kalooban sa kalooban ng Diyos na tulad ng Faraon noon. Gayunman, lahat tayo ay may mga pagkakataon na ang ating puso ay hindi kasing-lambot ng nararapat. Ano ang tumatak sa isipan mo tungkol sa mga tugon ng Faraon sa mga salot sa Exodo 7:14–25; 8:5–32; 9:1–26; 10:12–29; 12:29–33? Pansinin ang paglilinaw sa Joseph Smith Translation ng Exodo 7:3, 13; 9:12.
Bakit magandang paglalarawan sa puso ng Faraon ang “nagmatigas”? Isipin kung ano ang matututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa pagkakaroon ng malambot na puso: 1 Nephi 2:16; Mosias 3:19; Alma 24:7–8; 62:41; Eter 12:27. Habang binabasa mo ang mga bunga ng katigasan ng puso ng Faraon, pagnilayan ang kundisyon ng puso mo. Anong mga pagbabago sa palagay mo ang nahihikayat kang gawin?
Exodo 12:1–42
Maaari akong iligtas ni Jesucristo dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala.
Ang tanging paraan para maligtas ang mga Israelita mula sa ikasampung salot, na inilarawan sa Exodo 11:4–5, ay ang sundin nang eksakto ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon kay Moises sa Exodo 12, isang ritwal na kilala bilang ang Paskua. Itinuturo sa atin ng Paskua sa pamamagitan ng mga simbolo na tulad noong iligtas ng Panginoon ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto, maaari din Niya tayong iligtas mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Para masiyasat ang simbolismong ito sa Exodo 12:1–42, maaari kang gumamit ng isang chart na tulad nito:
|
Simbolo |
Mga posibleng kahulugan |
Ang mensahe ng Diyos sa akin |
|---|---|---|
Simbolo Ang pasimula ng mga buwan (talata 2; inutusan ng Panginoon ang mga Israelita na gamitin ang pangyayaring ito para markahan ang simula ng kanilang kalendaryo). | Mga posibleng kahulugan Ito ang magiging bagong pasimula para sa Israel. Sila ay “ipapanganak na muli.” | |
Simbolo Ang kordero (mga talata 3–5) | Mga posibleng kahulugan Tingnan sa Juan 1:29; 6:54; 1 Pedro 1:19. | |
Simbolo Dugo ng kordero sa mga poste ng pintuan (talata 7, 13, 23). | Mga posibleng kahulugan Tingnan sa Mosias 4:2; Apocalipsis 12:11. | |
Simbolo Tinapay na walang pampaalsa (mga talata 8, 15, 19–20). | Mga posibleng kahulugan Ang pampaalsa, o lebadura, ay maaaring simbolo ng katiwalian dahil madali itong mabulok. Tingnan sa Mateo 16:6–12; Juan 6:35. | |
Simbolo Mapapait na halamang gamot (talata 8). | Mga posibleng kahulugan Isang paalala ng kapaitan ng kasalanan at pagkabihag. Tingnan sa Exodo 1:14; Moises 6:55. | |
Simbolo Pagkain nang dali-dali, bihis na para umalis (talata 11). | Mga posibleng kahulugan Isang simbolo ng kagyat na pagtalikod sa pagkabihag ng kasalanan. Tingnan sa Genesis 39:12; 2 Timoteo 2:22. | |
Simbolo Ang mamumuksa (mga talata 13, 23). | Mga posibleng kahulugan Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89:18–21. | |
Simbolo Ang mga Israelita ay pinalaya (mga talata 29–32). | Mga posibleng kahulugan Tingnan sa 2 Nephi 2:26; Doktrina at mga Tipan 138:15–19, 31. | |
Ano pa ang nakikita mo sa mga tagubilin at simbolo ng Paskua na nagpapaalala sa iyo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala? Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng mga simbolo at tagubiling ito kung paano matanggap ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala?
Lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga simbolong nagpapatotoo sa Kanya. “Lahat ng bagay,” pahayag ng Panginoon, “ay nilalang at nilikha upang magpatotoo sa akin” (Moises 6:63; tingnan din sa 2 Nephi 11:4). Sa Exodo 12, ang mga simbolong tulad ng isang kordero, dugo, tinapay na walang pampaalsa, mga himala, at pagliligtas ay nakaturong lahat kay Cristo. “Kapag naunawaan natin kung paano nauugnay ang mga bagay na ito sa Tagapagligtas, maituturo ng mga ito sa atin ang tungkol sa Kanyang kapangyarihan at mga katangian” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 7).
Sa Pag-alaala sa Akin, ni Walter Rane
Exodo 12:14–17, 24–27; 13:1–16
Ipinaaalala sa akin ng sakramento ang aking pagkaligtas sa pamamagitan ni Jesucristo.
Inutusan ng Tagapagligtas ang mga Israelita na ipagdiwang ang Paskua taun-taon para maipaalala sa kanila na iniligtas Niya sila, kahit malayo na sa alaala ang pagkabihag nila. Habang binabasa mo ang Kanyang mga tagubilin sa Exodo 12:14–17, 24–27; 13:1–16, pag-isipan kung ano ang ginagawa mo para maalala ang mga pagpapala ng Diyos sa iyo. Paano mo maiingatan ang alaalang iyon “sa buong panahon ng inyong lahi”? (tingnan sa Exodo 12:14, 26–27).
Anong mga pagkakatulad ang nakikita mo sa pagitan ng pista ng Paskua at ng sakramento? Ano ang magagawa mo para “laging … alalahanin” si Jesucristo? (Moroni 4:3; 5:2).
Maaari mo ring pagnilayan ang iba pang mga bagay na nais ng Panginoon na alalahanin mo; tingnan, halimbawa, sa Helaman 5:6–12; Moroni 10:3; Doktrina at mga Tipan 3:3–5, 10; 18:10; 52:40.
Tingnan din sa Kevin W. Pearson, “Payag Ka pa Ba?,” Liahona, Nob. 2022, 67–69; “Always Remember Him” (video), Gospel Library; “Bilang Paggunita Kay Cristo,” Mga Himno, blg. 112.
Always Remember Him
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Exodo 7–11
Ang Panginoon ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay.
-
Ang mga salot na inilarawan sa Exodo 7–11 ay nagpakita sa mga Ehipcio at sa mga Israelita na ang Panginoon ay may dakilang kapangyarihan. Tutulungan ng Panginoon ang iyong mga anak sa buong buhay nila kapag nananampalataya sila sa Kanyang kapangyarihan. Para matulungan silang matuto mula sa kuwentong ito, maaari mong bigyan ang bawat bata ng isang papel na nahahati sa 10 bahagi, at anyayahan silang idrowing ang mga salot na nakalarawan sa mga talatang ito: Exodo 7:17–18; 8:1–4; 8:16–17; 8:20–22; 9:1–6; 9:8–9; 9:22–23; 10:4–5; 10:21–22; 11:4–7 (tingnan din sa “Ang mga Salot ng Egipto” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 67–69). Sama-samang basahin ang Exodo 7:5 at 9:14 para ipaliwanag kung bakit nagpadala ng mga salot ang Panginoon.
2:3The Plagues of Egypt
-
Ibahagi sa iyong mga anak kung paano ipinakita ng Panginoon sa iyo “na walang tulad [Niya] sa buong daigdig” (Exodo 9:14). Hayaang ibahagi nila kung paano nila nalaman na ang Panginoon ay makapangyarihan.
Exodo 8:28–32; 9:7
Matutulungan ako ng Panginoon na magkaroon ng malambot na puso.
-
Para matulungan ang iyong mga anak na maisalarawan ang ibig sabihin ng magkaroon ng malambot na puso, maaaring masayang ipakita sa kanila ang isang bagay na matigas, tulad ng bato, at isa pa na malambot at sumisipsip ng likido, tulad ng espongha. Maaari mo ring buhusan ng tubig ang mga bagay na ito para ipakita kung gaano kadaling tanggapin ng malambot na puso ang salita ng Panginoon. Pagkatapos ay maaari ninyong sabay-sabay na basahin ang ilang talata na naglalarawan kung paano tumugon ang Faraon sa mga salot na ipinadala ng Panginoon (tingnan sa Exodo 8:28–32; 9:7). Alin sa mga bagay na ito ang pinakamainam na kumakatawan sa puso o saloobin ng Faraon? Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng malambot na puso? (tingnan sa Mosias 3:19).
-
Maaari ninyong ilista ng iyong mga anak ang ilang aksyon na maaaring magpakita kung kailan matigas ang ating puso (halimbawa, paggamit ng masasakit na salita o pagtangging magbahagi). Paano natin maipapakita sa Panginoon na nais nating magkaroon ng malambot na puso?
Exodo 12:1–13
Ang sakramento ay makakatulong sa akin na maalala si Jesus.
-
Itinuro ng Paskua sa mga Israelita na asamin ang pagdating ng Tagapagligtas at ang Kanyang sakripisyo para sa atin. Habang sinisiyasat ninyo ang Exodo 12:1–13 nang sama-sama, tulungan ang iyong mga anak na makita ang mga kaugnayan sa pagitan ng mga detalye ng Paskua at ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan din sa “Ang Paskua” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 70–74). Halimbawa, paano naging katulad ni Jesus ang korderong nakalarawan sa talata 5?
2:54The Passover
-
Ngayon, tumatanggap tayo ng sakramento para alalahanin ang sakripisyo ni Jesus. Maaari mong ipakita sa iyong mga anak ang isang larawan ng sakramento at pag-usapan ninyo kung paano tayo tinutulungan ng ordenansang ito na alalahanin si Jesucristo. Maaari mong tulungan ang iyong mga anak na hanapin ang salitang “alalahanin” sa mga panalangin sa sakramento (tingnan sa Moroni 4–5). O sama-samang kantahin ang isang paboritong himno tungkol sa sakramento, at tulungan ang iyong mga anak na mapansin ang payapang damdamin nila kapag iniisip nila ang Tagapagligtas. Paano natin hahanapin ang damdaming iyan kapag tumatanggap tayo ng sakramento?
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.