“Disyembre 29–Enero 4. Ang Unang Tipan ni Jesucristo: Pambungad sa Lumang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Pambungad sa Lumang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod sa Akin: 2026
Disyembre 29–Enero 4: Ang Unang Tipan ni Jesucristo
Pambungad sa Lumang Tipan
Kapag iniisip mong pag-aralan ang Lumang Tipan ngayong taon, ano ang pakiramdam mo? Nasasabik? Nag-aalangan? Natatakot? Madaling maintindihan ang lahat ng damdaming ito. Ang Lumang Tipan ay isa sa mga pinakalumang koleksyon ng mga isinulat sa mundo, at kapwa nakakatuwa at nakakatakot ito dahil diyan. Ang mga isinulat na ito ay nagmula sa sinaunang kultura na tila banyaga at kung minsan ay kakaiba o nakababahala. Subalit sa mga isinulat na ito nakikita natin ang mga tao na nagkakaroon ng mga karanasan na tila pamilyar. Kinikilala natin ang mga tema ng ebanghelyo na sumasaksi sa kabanalan ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo. Oo, ang mga taong tulad nina Abraham, Sarah, Ana, at Daniel, sa ilang paraan, ay ibang-iba ang pamumuhay kaysa sa atin. Ngunit dumanas din sila ng kagalakan at alitan sa pamilya, mga sandali ng pananampalataya at mga sandali ng kawalang-katiyakan, at mga tagumpay at kabiguan—tulad nating lahat. Ang mas mahalaga, sila ay nanampalataya, nagsisi, nakipagtipan, nagkaroon ng mga espirituwal na karanasan, at hindi kailanman nawalan ng pananalig sa pangako ng isang Tagapagligtas. Habang natututuhan natin kung paano kumilos ang Diyos sa kanilang buhay, nakikita rin natin Siya sa ating buhay, at sinasabi natin na kasama ng mang-aawit: “Ilawan sa aking mga paa ang salita mo, at liwanag sa landas ko. … Kaya’t iniibig ito ng lingkod mo” (Awit 119:105, 140).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Ang Lumang Tipan ay Nagpapatotoo kay Jesucristo.
Ang isang paraan para makahanap ng saganang espirituwal na pangangalaga sa Lumang Tipan ay hanapin ang Tinapay ng Buhay, si Jesucristo (tingnan sa Juan 6:48). Halimbawa, ano ang tingin mo sa Tagapagligtas sa mga sumusunod?
-
Manna (Exodo 16:4, 11–15; Juan 6:35)
-
Ang korderong iaalay (Exodo 12:3–5; Juan 1:29)
-
Ang ahas na tanso (Mga Bilang 21:4–10; Juan 3:14).
-
Jonas (Jonas 1:4–17; Mateo 12:38–41)
Ano ang itinuturo ng mga halimbawang ito tungkol sa Kanya? Anong iba pang mga reperensya kay Jesucristo sa Lumang Tipan ang pamilyar na sa iyo?
Sa kanyang mensaheng “Si Jesucristo ang Kayamanan,” hinikayat tayo ni Elder Dale G. Renlund na “alalahanin si Jesucristo at palaging magtuon sa Kanya” (Liahona, Nob. 2023, 98). Isiping basahin ang kanyang mensahe, hanapin ang mga bagay na magagawa mo para mahanap si Jesucristo hindi lamang sa Lumang Tipan kundi maging sa iyong buhay.
Tingnan din sa “Mga Uri o Simbolo ni Cristo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Jesucristo,” Gospel Library; “Hanapin si Cristo Habang Bata,” Aklat ng mga Awit Pambata, 67.
Maghanap ng mga simbolo na nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Itinuro ng Panginoon kay Adan, “Ang lahat ng bagay ay may kani-kanyang kahalintulad, at ang lahat ng bagay ay nilalang at nilikha upang magpatotoo sa akin” (Moises 6:63). Nag-aaral ka man o nagtuturo, ang pagtutuon kay Jesucristo ay makakatulong sa iyo na makahanap ng kahulugan sa mga banal na kasulatan at maragdagan ang iyong pagmamahal at pananalig sa Kanya. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 7.)
Si Jesucristo ay si Jehova sa Lumang Tipan.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ipinakilala ng Ama ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo, bilang ating Tagapagligtas at Manunubos at iniutos sa ating ‘pakinggan Siya.’ Mula sa utos na iyon masasabi natin na ang mga talaan sa mga banal na kasulatan ng salitang binigkas ng ‘Diyos’ o ng ‘Panginoon’ ay halos palaging ang mga salita ni Jehova, na ating nagbangon na Panginoon, si Jesucristo” (“Ang mga Turo ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 102).
Ang mga Turo ni Jesucristo
Nang hamunin ng mga pinuno ng mga Judio si Jesus tungkol sa Kanyang pagkatao, sinabi Niya, “Bago pa man si Abraham, ay Ako Nga.” Ang mga salitang ito ay ikinagulat ng mga taong nakarinig kay Jesus, at handa na silang batuhin Siya (tingnan sa Juan 8:58–59). Isiping basahin ang Exodo 3:13–15; 6:3–5 para malaman kung bakit nainis nang husto ang ilang Judio sa sinabi ni Jesus.
Bakit mahalaga sa iyo na malaman na si Jesucristo si Jehova?
Ipinanumbalik ng Panginoon ang maraming “malinaw at mahalagang bagay” sa pamamagitan ni Joseph Smith.
Sa isang pangitain, ipinakita ng Panginoon kay Nephi ang paglabas ng Biblia, na ipinaliliwanag na “maraming malinaw at mahalagang bagay” ang aalisin doon. Isiping basahin ang 1 Nephi 13:21–29, 38–42, na inaalam kung paano binalak ng Panginoon na “ipaalam ang malilinaw at mahahalagang bagay.” Ayon sa 2 Nephi 3:12, paano nagtutulungan ang Biblia at ang Aklat ni Mormon?
Sa pag-aaral mo ng Lumang Tipan ngayong taon, pag-aaralan mo rin ang ilan sa “iba pang mga aklat” na nakita noon ni Nephi. Kabilang dito ang:
-
Ang aklat ni Moises, na bahagi ng pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. Ipinanunumbalik nito ang mga katotohanan at salaysay na hindi matatagpuan sa kasalukuyang teksto ng Genesis 1–6.
-
Ang aklat ni Abraham, na inihayag kay Joseph Smith nang suriin niya ang mga sinaunang papyrus ng Ehipto (tingnan sa Mga Paksa at mga Tanong, “Aklat ni Abraham,” Gospel Library).
-
Iba’t ibang sipi mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith, na ang ilan ay lumilitaw sa mga footnote, sa apendise ng Biblia, at sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Narito ang ilang halimbawa ng mga salaysay sa Lumang Tipan na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith: ang lungsod ng Sion ni Enoc (Moises 7:18–19), ang pangitain ni Abraham tungkol sa kapulungan sa langit (Abraham 3:22–28), at ang ministeryo ni Melquisedec (Joseph Smith Translation, Genesis 14:25–40). Bakit “malinaw at mahalaga” sa iyo ang mga salaysay na ito?
Adam and Eve Offering Sacrifices [Sina Adan at Eva na Nag-aalay ng Sakripisyo], ni Keith Larson (detalye)
Tinutulungan ako ng Lumang Tipan na maunawaan ang pakikipagtipan ko sa Diyos.
Ang Lumang Tipan ay ang kuwento ng paghahangad ng Diyos na gawin tayong Kanyang “sariling pag-aari na higit sa lahat ng bayan” sa pamamagitan ng tipan (Exodo 19:5). Dahil diyan, ang isang magandang paraan ng paghahandang basahin ang Lumang Tipan ay ang matuto tungkol sa mga tipan—lalo na ang walang-hanggang tipan na inialok ng Diyos sa mga sinaunang propetang tulad nina Abraham, Isaac, Jacob, at kanilang mga inapo. At ang magandang paraan para matuto tungkol sa mga tipan ay ang pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang Walang Hanggang Tipan” (Liahona, Oktubre 2022, 4–11).
Habang nagbabasa ka, tanungin ang iyong sarili: Bakit mahalaga sa akin ang mga tipan? Anong “espesyal na uri ng pag-ibig at awa” ang natatanggap ko mula sa Diyos kapag tinutupad ko ang aking mga tipan sa Kanya? Kapag binasa mo ang Lumang Tipan ngayong taon, bantayan ang mga bagay na nais ituro sa iyo ng Diyos tungkol sa iyong pakikipagtipan sa Kanya.
Tingnan din sa Jeremias 31:31–34.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Maaari akong matuto tungkol kay Jesucristo sa Lumang Tipan.
-
Ang mga salita at kultura ng Lumang Tipan ay maaaring mahirap maunawaan ng mga bata, ngunit matutulungan mo silang makita si Jesucristo sa mga simbolo at kuwento. Marahil ay maaari ninyong tingnan ng iyong mga anak ang image sa ibaba, Ipinopropesiya ni Propetang Isaias ang Pagsilang ni Cristo. Hayaang ituro ng iyong mga anak ang mga detalyeng nakikita nila. Ituon ang kanilang pansin, lalo na, sa sanggol na si Jesus. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin kung ano ang isinulat ni Isaias tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas sa Isaias 7:14; 9:6. Ibahagi sa iyong mga anak ang nadarama mo tungkol sa paghahanap sa Tagapagligtas sa Lumang Tipan ngayong taon.
Isaiah Writes of Christ’s Birth (Sumusulat si Isaias tungkol sa Pagsilang ni Cristo), ni Harry Anderson
-
Maaari din ninyong basahin ng iyong mga anak ang Mga Awit 23 o Isaias 53:3–9 at hanapin ang mga salitang nagpapaalala sa inyo kay Jesucristo. Ano ang itinuturo sa atin ng mga salitang ito tungkol sa Kanyang buhay at Pagbabayad-sala?
Nais ng Ama sa Langit na makipagtipan sa akin.
-
Ang mga tipan ay isang mahalagang tema sa Lumang Tipan. Para maipakilala ang temang ito sa iyong mga anak, maaari mo silang kausapin tungkol sa mga pangakong ginagawa at tinutupad nila sa pamilya o mga kaibigan at kung bakit mahalagang tuparin ang mga pangakong ito. Pagkatapos ay maaari ninyong tingnan ang larawan ng isang binyag at pag-usapan ang pangako, o tipan, na ginagawa natin sa Diyos kapag nabinyagan tayo (tingnan sa Mosias 18:10, 13). Maaari ka ring magpakita ng larawan ng templo at ibahagi ang iyong nadarama tungkol sa mga tipan na ginagawa natin doon.
-
Ang activity page para sa linggong ito ay makakatulong sa iyong mga anak na masabik na gumawa at tumupad ng mga tipan sa Ama sa Langit. Maaari din kayong kumanta ng isang awitin tungkol sa paggawa ng mga tipan, tulad ng “Sa Aking Pagkabinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 53).
Si Jesucristo ay si Jehova sa Lumang Tipan.
-
Mayroon bang kakilala ang iyong mga anak na iba-iba ang pangalan sa iba-ibang sitwasyon? Marahil ay maaaring iba ang tawag sa isang magulang o guro sa trabaho, sa bahay, at sa simbahan. Pag-usapan ang mga pangalang iyon; pagkatapos ay sama-samang basahin ang Exodo 6:3 at anyayahan ang iyong mga anak na hanapin ang mga tawag kay Jesucristo bago Siya isinilang (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith sa footnote c).
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.