2022
Ang Malaking Pagkagulat Ko sa FSY
Pebrero 2022


“Ang Malaking Pagkagulat Ko sa FSY,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2022.

Ang Malaking Pagkagulat Ko sa FSY

Paano mapapalakas ng limang araw na mga sayawan, laro, at iba pang mga aktibidad ang iyong patotoo?

mga kabataan sa FSY conference

Dumadalo tayo sa maraming miting sa Simbahan, at ang isang dinaluhan ko ilang taon na ang nakalipas ay nagkaroon ng malaking epekto sa akin. Iyon ay isang testimony meeting sa isang ward sa Barcelona, Spain.

Nagulat ako nang ibahagi ng mga 10 kabataan ang kanilang patotoo kasunod ng isang FSY conference na sinalihan nila. Ang pinakahinangaan ko ay nagbigay silang lahat ng dalisay at makapangyarihang patotoo tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo, sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, at sa Kanyang pagmamahal para sa ating lahat. Namangha ako na pagkaraan ng limang araw ng masasayang aktibidad kasama ang iba pang mga kabataan, pagkain, laro, at sayawan, ang kagalakan nila sa Tagapagligtas ang talagang nakintal sa isip nila. Naiwan akong nagtataka kung bakit.

binatilyong may mga banal na kasulatan sa FSY conference

Kalaunan ay lumipat ako sa Brazil. Nalaman ko na naghahanda ang mga lider doon para sa isang FSY conference. Bilang Area Seventy, inanyayahan akong tumulong sa pag-oorganisa ng kumperensya at makibahagi sa buong limang araw kasama ang mga kabataan.

Bago ako umalis, hiniling ng Area Presidency na maghanda akong magbigay ng report tungkol sa karanasan ko sa FSY pagbalik ko. Dumalo kami ng asawa ko sa kumperensya, at sa unang tatlong araw ay nasiyahan kami sa mga nakaplanong aktibidad, pati na sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa umaga, debosyonal, klase, aktibidad sa labas, masasarap na pagkain, family home evening, at sayawan. Lahat ng bagay ay nagawa ayon sa plano, at nadama ko na sapat na ang nakita ko para makumpleto ang report ko.

dalagita sa FSY conference

Nang sumunod na gabi, ginanap namin ang isang maganda at nakakaantig na programa ng musika. Napakaespesyal ng Espiritu o Diwa roon kaya nasabi sa akin ng may-ari ng kumperensya, na hindi miyembro ng Simbahan, na gugustuhin niyang magpunta ang grupo namin sa FSY sa kanyang lugar bawat taon.

Pagkatapos ng programang musikal, nagtipon ang mga kabataan sa kanilang mga grupo para sa isang testimony meeting. Nagpunta kaming mag-asawa sa bawat grupo at narinig namin ang nakakaantig na mga patotoo. Masasabi namin na ang mga kasali sa kumperensya ay nagkaroon ng matitibay na espirituwal na karanasan. Gustung-gusto naming marinig ang mga kabataan na malayang nagpapahayag ng kanilang kaligayahan. Pakiramdam namin ay bahagi kami ng isang malaking espirituwal na pamilya. Nadama namin ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa amin.

Tumingin ako sa asawa ko at nagtanong, “Ano ang nangyayari dito?” Wala siya masabi. Pero alam namin na marami ang nakaranas ng espirituwal na sandali at nakatanggap ng di-malilimutang patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo.

binatilyo sa FSY conference

Pumasok ako sa kuwarto ko nang gabing iyon at sumulat ng talagang kakaibang report! Nang sumunod na taon, muli kaming nagpunta ng asawa ko sa FSY at nasiyahan kami sa parehong karanasan. Ngayon ay nauunawaan ko na kung bakit nagbahagi ang mga kabataan sa testimony meeting na iyon sa Spain ng makabuluhang damdamin para sa Tagapagligtas sa halip na ikuwento ang masasayang aktibidad nila.

Nais ko na magkaroon kayo ng maraming karanasan sa buhay ninyo, sa FSY man ito, sa tabi ng inyong higaan habang nagdarasal kayo, kapag nagbabasa kayo ng mga banal na kasulatan, o kapag nagpapatotoo kayo sa inyong mga kaibigan.

Alam ko na tayo ay mga espiritung anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Naparito tayo sa lupa mula sa Kanyang piling, at lahat tayo ay miyembro ng Kanyang napakalaking espirituwal na pamilya. Ang ating panganay na Kapatid ay ang Panginoong Jesucristo. Siya ang ating Guro, at maaari tayong matuto sa Kanya at umunlad “sa karunungan, sa pangangatawan, at [m]aging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (Lucas 2:52), tulad ng ginawa Niya.

image

Detalye mula sa Christ and the Rich Young Ruler [Si Cristo at ang Mayamang Batang Pinuno], ni Heinrich Hofmann

Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Walang katapusan ang Kanyang kapangyarihan, at handa Siyang sagipin tayo mula sa anumang sitwasyong nararanasan natin. Siya ang ating kaibigan—isang kaibigan na nagmamahal sa atin, kilala tayo, at inialay ang Kanyang buhay upang iligtas tayo. Ginawang posible ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa atin na malaman kung paano tayo tutulungan, palalakasin, at gagawing perpekto. Tanggapin nating lahat ang Kanyang paanyaya: “Pumarito ka, sumunod ka sa akin” (Lucas 18:22).