Mga Debosyonal noong 2023
Pagtanggap ng Personal na Paghahayag


7:55

Pagtanggap ng Personal na Paghahayag

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Linggo, Nobyembre 19 2023

Salamat, Elder at Sister Gilbert, sa inyong mahusay na payo.

Ang huling tanong ay kapwa doktrinal at napakalalim. Paano ako pinagpapala ng personal na paghahayag at patnubay ng propeta?

Ang napakagandang pambungad na pangitain sa Aklat ni Mormon ay ang panaginip ng propetang si Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay.1 Malinaw na inilalarawan ng pangitaing ito ang mga hamon sa pananampalataya na umiiral sa ating panahon at ang lubhang naghihiwalay sa mga taong nagmamahal, sumasamba, at nadaramang may pananagutan sila sa Diyos at sa mga taong wala nito. Ipinaliwanag ni Lehi ang ilang ugaling sumisira sa pananampalataya. Ang ilan ay palalo, mayabang, at hangal. Interesado lamang sila sa itinuturing nilang “karunungan ng mundo.”2 May kaunting interes ang iba sa Diyos ngunit nawala sa makamundong abu-abo ng kadiliman at kasalanan.3 Ang ilan ay nadama ang pagmamahal ng Diyos at Kanyang mga salita ngunit nahiya dahil sa mga yaong nanlalait sa kanila at nangagsilayo patungo sa ipinagbabawal na landas.4

Alam namin na may mga miyembrong di-gaanong interesado at tapat sa ilang turo ng Tagapagligtas. Hangad namin para sa mga miyembrong ito na lubos na sumampalataya at higit pang maging masigasig at tapat upang makatanggap ng personal na paghahayag. Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak. Nais Niyang bumalik silang lahat sa Kanya. Hangad Niyang makinig ang lahat sa sagradong himig ng pananampalataya. Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay isang kaloob para sa lahat. Ang personal na paghahayag ay para sa lahat.

Ang mensahe, ministeryo, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo na ating Tagapagligtas, ay mahalagang pag-aralan sa ating pamilya para sa pagtanggap ng personal na paghahayag. Walang talata sa banal na kasulatan na naglalarawan sa tamang paghangad ng pananampalataya ang [mas] hihigit pa sa 2 Nephi 25:26: “At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”

Ang Aklat ni Mormon ay napakahalaga.5 Mahalaga ang ginagampanan nito sa pagtanggap ng personal na paghahayag. Mangyari pa, laging magkakaroon ng mga taong hahamakin o pipintasan pa ang kahalagahan ng sagradong aklat na ito. Ang ilan ay ginagawa itong katatawanan. Bago ako nagmisyon, isang propesor sa unibersidad ang nagbanggit sa sinabi ni Mark Twain na kung aalisin mo ang mga katagang “At ito ay nangyari na” sa Aklat ni Mormon, ito ay magiging “polyeto na lamang.”6

Ilang buwan ang nakalipas, habang nagmimisyon sa London, England, isang kilalang propesor sa University of London na nag-aral sa Oxford, isang Egyptian na bihasa sa mga wikang Semitic, ang nagbasa ng Aklat ni Mormon, nakipag-ugnayan kay Pangulong David O. McKay na siyang Pangulo ng Simbahan noon, at nakipagkita sa mga missionary. Sinabi niya sa kanila na naniniwala siya na ang Aklat ni Mormon ay totoong pagsasalin ng karunungan ng mga Judio at wika ng mga taga-Egipto dahil sa panahong inilarawan sa Aklat ni Mormon.7 Ang isang halimbawa ng maraming ginamit niya ay ang nag-uugnay na pariralang “At ito ay nangyari na,” na sinabi niyang ganito rin niya isasalin ang mga katagang ginamit sa sinaunang mga sulat na Semitic.8 Ipinaalam sa propesor na kahit nakatulong sa kanya ang kanyang matalinong pamamaraan batay sa kanyang propesyon, mahalaga pa ring magkaroon ng espirituwal na patotoo. Sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin, nagkaroon siya ng patotoo at nabinyagan. Kaya ang itinuring na katatawanan ng kilalang humoristang iyon ay kinilala ng isang iskolar na napakalaking katibayan ng katotohanan ng Aklat ni Mormon, na pinagtibay sa kanya ng Espiritu.

Ang mahalagang doktrina na kalayaang pumili ay hinihingi na ang patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ay dapat nakabatay sa pananampalataya sa halip na sa katibayang batay sa nakikita o sa siyensya. Sa huli, ang payo ni Moroni na basahin at pagnilayan at pagkatapos ay hilingin sa Diyos nang buong-puso na may tunay na layunin na pagtibayin ng pagsaksi ng Espiritu ang mga katotohanan sa banal na kasulatan ang siyang sagot.9 Malinaw na ang linyang naghahati sa mga nakauunawa sa himig ng pananampalataya at sa mga hindi nakauunawa ay ang aktibong pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ang pagsunod sa payo ng propeta ng Panginoon.

Ang personal na paghahayag ay ang malaking biyayang natatanggap kasunod ng binyag kapag tayo ay “[pinababanal] sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo.”10 Ang Espiritu Santo ang tagapaghayag at nagpapatotoo sa lahat ng katotohanan, lalo na sa Tagapagligtas. Para sa ating panahon, ang gumagabay na paghahayag na iyon ay mahalaga. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag [at patuloy] na impluwensya ng Espiritu Santo.”11

Mangyaring unawain na ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at pagsunod sa Kanyang mga kautusan ang palaging magiging pinakamatinding pagsubok sa mortalidad. Higit sa lahat, dapat matanto ng bawat isa sa atin na kapag hindi nauunawaan ng isang tao ang himig ng pananampalataya, wala sa kanya ang Espiritu. Tulad ng itinuro ng propetang si Nephi, “Narinig ninyo ang kanyang tinig; at siya ay nangusap sa inyo sa isang marahan at banayad na tinig, datapwat kayo ay manhid, kung kaya’t hindi ninyo madama ang kanyang mga salita.”12 Malinaw na sinabi sa mga banal na kasulatan na maaaring makipag-ugnayan ang Espiritu Santo sa maraming paraan. Kung minsan nangungusap Siya ng kapayapaan sa inyong isipan.13 Kung minsan ay naghihimok Siya ng mga kaisipan o ideya na pumapasok sa inyong isipan.14 Kung minsan ay nagbibigay-liwanag Siya sa inyong isipan.15 Kung minsan ay pinapangyari Niyang mapuspos ng kagalakan ang inyong mga puso.16

Pinasasalamatan ko ang mga sagot sa social media na natanggap ko sa aking post kung paano kayo nakatatanggap ng paghahayag. Sinabi ng isang tao na kailangan tayong maging mapagpakumbaba at tanggapin ang mga espirituwal na impresyong natatanggap natin. Pagkatapos ay kailangan nating makinig sa mga impresyon sa halip na sa mundo.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Hindi na ninyo kailangang itanong kung ano ang totoo. Hindi na ninyo kailangang isipin kung sino ang ligtas na mapagkakatiwalaan ninyo. Sa pamamagitan ng personal na paghahayag, magkakaroon kayo ng sariling patotoo na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, na si Joseph Smith ay propeta, at ito ang Simbahan ng Panginoon.”17

Malinaw ang ating doktrina; kailangan tayong maging positibo at magalak. Gustung-gusto ko na binigyang-diin nina Pangulong Dallin H. Oaks at Sister Kristen M. Oaks sa kanilang katangi-tanging debosyonal noong nakaraang Mayo na magalak tayo. Lagi nating pinagtutuunan ang ating pananampalataya, hindi ang ating takot. Nagagalak tayo sa katiyakang bigay ng Panginoon na titindig siya sa ating tabi at gagabayan tayo at papatnubayan.18 Pinatototohanan ng Espiritu Santo sa ating puso na tayo ay may mapagmahal na Ama sa Langit at na ang maawaing plano Niya para sa ating katubusan ay lubos na maisasakatuparan sa lahat ng aspekto dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.

Mga Tala

  1. Tingnan sa 1 Nephi 8.

  2. Tingnan sa 1 Nephi 8:27; 11:35.

  3. Tingnan sa 1 Nephi 8:23; 1:17.

  4. Tingnan sa 1 Nephi 8:28.

  5. Tingnan sa Ezra Taft Benson, “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 4.

  6. Tingnan sa Mark Twain, Roughing It (1913). Bawat bagong henerasyon ay pinapakitaan ng mga komento ni Twain na para bang mahalagang bagong tuklas ito. Kaunti lamang ang pagpapakita ng katotohanan na si Mark Twain ay wala ring pagpapahalaga sa Kristiyanismo at relihiyon sa pangkalahatan. Kapag ang ganitong uri ng komento ay ginawang katatawanan, makabubuti marahil na sumali sa katuwaan.

  7. Tingnan sa 1 Nephi 1:2.

  8. Dr. Ebeid Sarofim. Nakilala ko siya sa London habang tinuturuan siya ng mga elder. Tingnan din sa N. Eldon Tanner, sa Conference Report, Abr. 1962, 53. Maraming iskolar ng sinaunang mga sulat na Semitic at Egyptian ang nakapansin sa paulit-ulit na paggamit ng nag-uugnay na pariralang “At ito ay nangyari na” sa simula ng mga pangungusap. Tingnan sa “It Came to Pass …”, sa Hugh Nibley, Since Cumorah, 2nd ed., 150.

  9. Tingnan sa Moroni 10:4. Napakakaunting kritiko ang tapat na sumubok dito nang may tunay na layunin.

  10. 3 Nephi 27:20.

  11. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96.

  12. 1 Nephi 17:45; tingnan din sa Ezra Taft Benson, “Seek the Spirit of the Lord,” Ensign, Abr. 1988, 2. Sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Madalas nating marinig ang mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng damdamin. Kung tayo ay mapagpakumbaba at matalas ang ating pakiramdam, magpapahiwatig ang Panginoon sa atin sa pamamagitan ng ating damdamin.”

  13. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:23.

  14. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:1.

  15. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:13.

  16. Tingnan sa Mosias 4:20.

  17. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” 95.

  18. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:6.