Pagmamahal at Pagiging Kabilang
Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult
Linggo, Nobyembre 19, 2023
Elder Quentin L. Cook: Ang tanong tungkol sa pagmamahal at pagiging kabilang ay halos nauugnay sa pagharap sa mga hamon sa buhay at pananampalataya. Mary, maaari mo bang sagutin ang mahalagang tanong na ito?
Sister Mary Cook: Tayong lahat ay mga anak ng Diyos, at kabilang tayo sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ng Panginoon. Anuman ang ating iba’t ibang sitwasyon, lahat tayo ay kabilang.
Malinaw sa mga banal na kasulatan na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang espiritung anak, at pantay-pantay ang lahat sa Diyos at lahat ay kabilang.
Mababasa sa 2 Nephi 26:33, “Inaanyayahan niya silang lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; … at pantay-pantay ang lahat sa Diyos.”
Dahil tayong lahat ay mga espiritung anak ng Diyos, mayroon tayong espirituwal na identidad, at inaawit natin ito sa “Ako ay Anak ng Diyos.”1
Ilang taon na ang nakararaan, noong nakatira kami sa California Bay Area, ang mga young adult at mas nakatatandang kabataan ay kumanta at nakibahagi sa Oakland California Temple pageant na may pamagat na “And It Came to Pass.” Ang isang kanta ay tungkol sa ating espirituwal na identidad. Ang pamagat nito ay “Who Am I [Sino Ako]?” Nagtatanong ito ng “Bakit tayo narito?” at “Saan tayo pupunta?”
Ang kanta ay nagtapos sa nakaaantig na sagot na ito:
Ito ako.
Espiritu ko’y kapiling ang Ama bago pa nilikha ang mundo.
Aking pinili ang tatahakin matapos ang unang kalagayan.
Naparito sa lupa upang taglayin ang katawang tulad ng sa Ama
Pinagkaisa espiritu’t katawan upang maging banal.
Ito ako:
Ako ay anak ng aking ama … sa langit.
Ito ako. …
Ako ay anak ng Diyos.
Lahat ng nakibahagi ay nadama ang pagpapatibay ng Espiritu na ang inaawit nila ay katotohanan.
Elder Cook: Noong nakaraang buwan, kami ni Mary ay nasa Ephesus sa Turkey kasama ang mga mission leader sa halos buong Europa. Si Apostol Pablo ay nanirahan at nagturo doon. Isa sa kanyang mga sulat sa mga taga Efeso ay naglalaman ng isang nakaaantig na pahayag: “Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at banyaga, kundi kayo’y mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos.2
Lahat tayo ay kabilang!
Sister Cook: Si A. A. Milne ay sumulat ng isang aklat tungkol sa isang kulay ginto at mapagmahal na oso na tinatawag na Winnie-the-Pooh.
Habang naglalakad kasama ang kanyang kaibigang si Piglet, tinanong ni Piglet si Pooh, “Paano mo babaybayin ang pagmamahal?” Sagot ni Pooh, “Hindi ito binabaybay. Nadarama ito.”
Sa scripture study app sa Gospel Library, mababasa na “Ang pagmamahal ay isang damdaming puno ng matinding pagmamalasakit, pag-aalala, at paggiliw. Ang pinakadakilang halimbawa ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak ay matatagpuan sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa-tao ay isang katangian ng mga disipulo ni Jesucristo.”3
Sa Juan 3:16 mababasa natin, “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Nang pumarito si Jesucristo sa mundo sa kalagitnaan ng panahon, itinuro Niya sa atin:
“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.
“Ito ang dakila at unang utos.
“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”4
Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos Ama at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanilang mga kautusan. Ito ang ating gawain.
Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa lahat ng anak ng Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila at aktibong pamumuhay ng ebanghelyo—paggawa ng gawaing misyonero habang minamahal, binabahaginan at inaanyayahan ang iba na “lumapit kay Cristo.” Naipapakita natin ang ating pagmamahal sa pamilya sa pamamagitan ng pagtupad sa ating mga tipan at paggawa ng gawain sa templo para sa ating mga ninuno.
Maging matapat sa inyong sarili. Itanong: Ang mga ginagawa ko ba ay nagpapakita ng pagmamahal ko sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Tinutulungan ko ba ang mga tao sa paligid ko na maniwala? Kung itinuturing akong isang Kristiyano, kinakikitaan ba ako ng pag-uugaling Kristiyano?
Mababasa sa tulang “Outwitted” ni Edwin Markham:
Ang grupo niya’y ayaw akong tanggapin—
Ako raw ay rebelde, ’di dapat pansinin.
Ngunit nang manaig ang Pag-ibig sa tao:
Pinili kong siya’y aking mahalin!
Maging mga tunay na disipulo at tagapamayapa tayo. Hayaang manahan sa ating puso ang dalisay na pag-ibig ni Cristo habang ipinapakita natin sa ating mga gawa ang ating pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.
Elder Cook: Hiniling ko kina Elder at Sister Gilbert na sagutin ang susunod na dalawang tanong:
Una, Paano natin mapapaigting ang pagpaplano ng buhay at pagbalanse ng buhay? At, pangalawa, Paano tayo maninindigan para sa katotohanan sa masalimuot na panahong ito?