Mga Debosyonal ng Relief Society
Pagtatamo ng Kapangyarihan ng Diyos


12:50

Pagtatamo ng Kapangyarihan ng Diyos

Pandaigdigang Debosyonal ng Relief Society at Pulong ng Pagpapatotoo

Linggo, Marso 16, 2025

Mahal kong mga kapatid, nagtitipon tayo ngayon sa mga meetinghouse sa iba’t ibang panig ng mundo para ipagdiwang ang Relief Society. Mapalad tayong mapakinggan ang ating kahanga-hangang Relief Society General Presidency. Palagi nila ako nabibigyan ng inspirasyon. Nagbibigay sila ng impluwensyang katulad ng kay Cristo na naghihikayat sa akin na gumawa nang mas mahusay at maging mas mahusay. Nangusap sila sa atin mula sa Red Brick store sa Nauvoo, Illinois, sa Estados Unidos, ang lugar kung saan inorganisa ang Relief Society. Mga kapatid, idinaragdag ko ang aking patotoo sa kanilang patotoo. Mahal kayo ng Diyos. Kilala kayo ng Diyos. At mahalaga kayo sa Kanya.

Ang kasaysayan ng Relief Society ay nagbibigay-inspirasyon. Tulad ng sinabi noon ni Emma Smith, ang unang Relief Society president, “May gagawin tayong isang bagay na di karaniwan.” Tulad ng itinuro sa atin nina President Johnson, Sister Dennis, at Sister Yee, ang organisasyong ito ay hindi nilayon na maging isang social club o grupo lamang ng mga mapagkawanggawa. Ang layunin nito noon at hanggang ngayon ay banal. Ito ay tulungang makabalik ang mga anak ng Diyos sa Kanyang piling.

Kasunod ng aking mensahe, maibabahagi ninyo sa isa’t isa ang inyong mga patotoo tungkol sa mga pagpapalang nagmumula kay Jesucristo, sa Kanyang Simbahan, at sa banal na organisasyong ito ng kababaihan. Alam ko na alam ni Jesucristo ang inyong mga sitwasyon at nais kayong pagpalain. Kailangan din Niya ang impluwensya ninyo sa Kanyang Simbahan. Mahalaga ang inyong mga pagsisikap na paglingkuran ang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng Relief Society.

Itinuro ni Joseph Smith na ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan sa mga huling araw ay isang gawain na “nakatakdang isakatuparan ang pagkawasak sa kapangyarihan ng kadiliman … at ang kaligtasan ng sangkatauhan.” Ang Relief Society at kayo ay napakahalaga sa gawaing ito. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Hindi kumpleto ang kaharian ng Diyos at hindi makukumpleto kung walang kababaihang gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito, kababaihang nakapangungusap nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos.”

Ang mga kababaihang tumutupad sa tipan ay hindi lamang nakikilala ang pangangailangan para sa kapangyarihan ng Diyos sa kanilang buhay kundi espesyal na natatamo nila ang kapangyarihang iyon sa pamamagitan ng mga tipang ginagawa nila. Napakalaking pagpapala ang “makahugot tayo ng lakas sa Diyos—lakas na sapat sa pagharap sa mga pasanin, balakid, at tukso sa ating panahon.” Mangyari pa, ang mismong mga tipan sa binyag at sa templo ay hindi pinagmumulan ng kapangyarihan. Ang Panginoong Jesucristo at ating Ama ang pinagmumulan ng lahat ng kapangyarihan na may kaugnayan sa tipan.

Pero huwag kayong magkamali sa pag-unawa. Ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi isang abstract na pwersa sa kalawakan na hindi konektado sa Kanya. Ang kapangyarihang iniaalok Niya ay hindi tulad ng isang magic lamp na nagbibigay ng katuparan sa mga kahilingan o isang banal na relikiya na pinagmumulan daw ng kapangyarihan. Kahit ang garment ng banal na priesthood ay walang taglay na kapangyarihan. Wala talaga, ang kapangyarihan ng Diyos ay kinakailangang konektado sa Kanya at sa Kanyang mga layunin.

Tulad ng dati, ang Tagapagligtas ang nagpapakita ng perpektong halimbawa sa atin. Lahat ng kapangyarihan “sa langit at lupa” ay ipinagkaloob ng Diyos kay Jesucristo dahil ang Kanyang kalooban ay “[nagpasakop] sa kalooban ng Ama.” Sa premortal na buhay, sinabi ng Tagapagligtas, “Ama, masusunod ang inyong kalooban.” Muli Niyang sinabi ito sa Getsemani at sa krus. Matapos ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli, inulit Niya ito sa mga tao sa Aklat ni Mormon at muli, sa simula ng dispensasyong ito. Tumanggap Siya ng kapangyarihan mula sa Diyos dahil inorden Siya noon pa man na tanggapin ito, at mapagkakatiwalaan Siya na gagamitin ang kapangyarihang iyon tulad ng gagawin mismo ng Ama sa Langit.

Isipin din si propetang Nephi sa Aklat ni Mormon, na anak ni Helaman. Nang igawad ang kapangyarihang magbuklod kay Nephi, sinabi sa kanya ni Jesucristo, “Pagpapalain kita magpakailanman; … ang lahat ng bagay ay magagawa … alinsunod sa iyong salita.” Ang dahilan kung bakit ipinagkatiwala ni Cristo kay Nephi ang lahat ng kapangyarihang ito ay dahil si Nephi ay tinawag bilang propeta, at dahil walang pagod at walang takot na ginawa niya ang kalooban ng Diyos. Hinangad niya na sundin ang kalooban ng Diyos, hindi ang sarili niyang kalooban. Siya ay hindi humiling at hindi “hihiling nang salungat sa kalooban [ng Diyos].” Natanggap niya ang kapangyarihan ng Tagapagligtas dahil mapagkakatiwalaan siya na gagamitin niya ang kapangyarihang iyon tulad ng gagawin mismo ni Jesucristo.

Kahit nagsusumikap tayong dagdagan ang kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay, nananatili itong Kanyang kapangyarihan. Ang kapangyarihang natatanggap natin dulot ng tipan ay hindi nananahan sa atin. Sa paraang tulad ng pagtamo ng “anumang pagpapala mula sa Diyos ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito nakasalalay,” gayon din, ang pagtanggap sa kapangyarihan ng Diyos ay nakasalalay “sa mga alituntunin ng kabutihan.” Ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi maaaring gamitin sa makasariling mga layunin o kontrolin ang sinuman. Ang paggamit sa Kanyang kapangyarihan “sa alinmang antas ng kasamaan” ay nagiging sanhi para “[lumayo]” ang Kanyang kapangyarihan at binalaan tayo na “ito ay mauuwi sa [ating] kaparusahan.” Ang mga hindi nagtitiwala sa Diyos, na hindi matatag sa kanilang pagiging disipulo, o nagpapatigas ng kanilang puso, o niyuyurakan sa ilalim ng kanilang mga paa ang Banal ng Israel, ay hindi maaaring tumanggap ng Kanyang kapangyarihan. Kaya nga, upang linangin ang kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay, obligado tayong magsikap na maging matuwid, gawin ang tama, at kumilos ayon sa Kanyang kalooban.

Ang paggawa at pagtupad ng maraming tipan sa Diyos ay naglalapit sa inyo sa Kanya, nagpapabago sa inyo, at higit nating matatamo ang Kanyang kapangyarihan. Ang mga kababaihang tumutupad sa tipan ay “nakakalat sa lahat ng dako ng mundo” at “nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.” Saanman kayo naroon, ang kapangyarihang ito ay para sa inyo. Tinutulungan kayo nitong magtamo ng higit na kaligayahan, kapayapaan, at kapahingahan. Tinutulungan kayo nitong magkaroon ng higit na kaalaman, maging mas malakas na tagasunod ng kabutihan, at maging isang karapat-dapat na tagapagmana sa kaharian ng Diyos. Tumatanggap kayo ng kapangyarihan upang madaig ang tukso at magsisi kapag kayo ay nagkasala. Tumatanggap din kayo ng kapangyarihan na nagpapalakas sa inyo upang mas makayanan ang mga pagsubok at pasakit.

Nais kong ibahagi ang isang personal na halimbawa kung paano humantong ang mga tipan sa templo sa mas malaking kapayapaan at katiyakan para sa amin ng asawa kong si Ruth. Ilang taon pagkakasal namin, malubha ang naging sakit ni Ruth na ovarian cancer. Nangailangan siya ng dalawang operasyon at chemotherapy. Ang aming nag-iisang anak, ang 16 na buwang gulang na si Ashley, ay hindi pa nawalay kailanman sa kanyang ina at naging masyadong iritable at masungit. Ayaw niyang kainin ang pagkaing inihahanda ko, kaya “nagkasundo” kami, at sa huli, pinakain ko siya ng ice cream at pinainom ng softdrinks.

Ako ay 28 taong gulang pa lamang noon, at hindi ko alam kung paano kami mabubuhay nang wala si Ruth. Natapos ang mga pangarap namin na magkaroon ng malaking pamilya, ngunit iyon ang pinakamaliit na alalahanin namin. Sa unang pagkakaospital ni Ruth, pinanghinaan ako ng loob at naging mahirap para sa akin ang manalangin. Tila hindi nakakaabot sa langit ang aking mga panalangin.

Nang gabing umuwi si Ruth mula sa kanyang unang operasyon, naghanda kaming manalangin, tulad ng karaniwan naming ginagawa, bago matulog. Naduwag ako at si Ruth ang sinabihan kong manalangin. Hinding-hindi ko malilimutan ang mga unang salitang binigkas niya sa kanyang panalangin. Sinabi niya, “Ama sa Langit, salamat po sa Inyo sa kapangyarihan ng priesthood na anuman ang mangyari, maaari kaming magkasama-sama magpakailanman.”

Sa kanyang mga salita, ang harang na nadama ko sa pagitan namin ng Diyos ay bumukas nang maluwang. Nang maiparating sa langit ang panalangin ni Ruth, ang doktrina ng mga walang-hanggang pamilya ay tumimo mula sa aking isip patungo sa aking puso. Ang aming mga alalahanin para sa aming kinabukasan ay nabawasan dahil sa mga tipang ginawa namin sa templo at nabukIod kami sa bahay ng Panginoon. Ang kapangyarihan ng Diyos ay naghatid ng kapayapaan sa aming puso. Pagkaraan ng tatlumpu’t anim na taon, bumigkas si Pangulong Nelson ng mga salitang umantig sa akin. Itinuro niya, “Kung huhugot kayo ng lakas sa Panginoon sa inyong buhay na kasingtindi ng isang taong nalulunod na nagpupumilit at nangangapos ang hininga, sasainyo ang lakas mula kay Jesucristo.” Ganyan nanalangin si Ruth. At dumating ang kapangyarihang iyon.

Sa parehong paraan, tutulungan kayo ng Diyos na maunawaan ang kapangyarihan at kapayapaang dulot ng endowment sa templo.

Ang pagkakaloob ng kapangyarihan ay tutulong sa inyo na gumaling kung kayo ay nasugatan, nasaktan, o nalugmok sa anumang paraan. Maaari kayong humiling ng mga kapangyarihan sa langit para makatanggap ng personal na paghahayag at maunawaan ang doktrina ni Cristo. Ang kapangyarihan ng Diyos ay tutulong sa inyo na protektahan, ipagtanggol, at palakasin ang iba. Kasama si Pangulong Nelson, pinatototohanan ko na maibibigay ni Jesucristo ang lakas na kailangan ninyo para sa inyong buhay at kapag nakahugot kayo ng lakas sa Kanyang kapangyarihan sa inyong buhay, kapwa kayo magagalak ng Tagapagligtas.

Oo, mga kapatid, may ginagawa kayong pambihirang bagay, at may mararanasan kayong pambihirang bagay. Salamat sa inyong pananampalataya, sa inyong lakas, kakayahang mamuno, karunungan, kahandaan at kakayahang gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos. Naghahatid kayo ng mga pagpapala sa inyong sarili, sa inyong pamilya, sa Simbahan, mga komunidad, at sa mundo. Nasa buhay ninyo ang kapangyarihan ng Diyos para tulungan kayong maging mabuti at gumawa ng mabuti. Umaasa Siya sa inyo. Umaasa ang Kanyang Simbahan sa inyo. Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos sa inyong patuloy na paglilingkod bilang mga disipulo.

Ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Cristo, ang inyo at aking Tagapagligtas. Siya ay mabait at matalinong kaibigan ninyo sa langit. Ipinanumbalik Niya ang Kanyang Simbahan sa mundo. Alam ko ang mga bagay na ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.