Relief Society: Isang Nakikipagtipang Komunidad
Pandaigdigang Debosyonal ng Relief Society at Pulong ng Pagpapatotoo
Linggo, Marso 16, 2025
Pangulong Camille N. Johnson
Mahal kong mga kapatid, mapagpakumbaba at masaya kaming tinatanggap kayo dito sa itaas na palapag ng Red Brick Store sa makasaysayang Nauvoo, Illinois. Ito ay isang sagradong lugar kung saan, noong 1842, inorganisa ni Propetang Joseph Smith ang Relief Society ayon sa huwaran ng priesthood at sa ganap na pagpapanumbalik ng lahat ng bagay bilang bahagi ng patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Dito sa Nauvoo naghanda ang kababaihan ng Relief Society para sa mga pagpapala ng bahay ng Panginoon. Temporal na inihanda nila ang kababaihan, at tumulong sila sa pagtatayo ng templo sa pamamagitan ng pangangasiwa sa bukid at pananahi ng mga polo at anumang magagawa nila para makatulong sa paghahanda para sa mga pagpapala ng bahay ng Panginoon. Ngunit handa rin sila sa espirituwal, at dito at sa mga kakahuyan sa buong paligid ng Nauvoo nagkaroon sila ng pagkakataong marinig nang direkta ang ating Propetang si Joseph Smith. Dito siya nagbigay ng mga tagubilin sa kanila bilang paghahanda para sa mga pagpapalang darating yamang nakikibahagi sila sa mga ordenansa sa bahay ng Panginoon.
Alam namin at ipinapahayag namin ang aming patotoo na ang lakas at kapangyarihang nagmula sa paggawa at pagtupad ng tipan ang nagpala sa buhay ng kababaihan at kalalakihang iyon at sa lahat ng Banal na nagsipunta sa ilang matapos ang naging karanasan nila sa Nauvoo. Masaya kami sa pagkakataong ito na makasama kayo sa sagradong lugar na ito. Saanmang dako ng mundo kayo nakatira, nawa’y alam ninyo na dito sa Nauvoo nagsimula ang inyong angkan. Bilang mga miyembro ng Relief Society, dito tayo nag-ugat. At patuloy na sumusulong ngayon, gaya ng paglaki at pagyabong ng isang puno na ang mga sanga ay lumalago sa lahat ng panig ng mundo, sana’y madama ninyong konektado kayo sa sagradong lugar na ito kung saan isinantabi ng kababaihan ang mga alalahanin ng mundo at nagtuon lamang sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at sa pakikipagtipan sa Kanya.
Ano ang pakiramdam na narito kayo?
Sister J. Anette Dennis
Isang magandang karanasan ang maparito sa lugar kung saan unang naorganisa ang 20 kababaihang iyon at pagkatapos ay isipin kayong lahat na nasa iba’t ibang panig ng mundo. Bilang mga kababaihan ng Relief Society, may pamana kayo dahil sa ginawa nila sa lugar na ito.
Pangulong Johnson
Lumikha sila ng isang nakikipagtipang komunidad dito sa Nauvoo, ’di ba?
Sister Kristin M. Yee
Pinangalagaan nila ang isa’t isa.
Pangulong Johnson
Tama ka riyan. At nakalikha tayo ng nakikipagtipang komunidad sa iba’t ibang panig ng mundo ngayon bilang mga kababaihang nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood at gumagawa at tumutupad ng mga tipan. Nakalikha tayo ng isang pandaigdigang komunidad na magpapala sa buhay ng ating mga kapatid.
Sister Yee
Kung saan nagmamalasakit sila sa isa’t isa, at pinangangalagaan ang bawat isa. Habang binabasa ko ang tungkol sa mga kuwento dito sa Nauvoo, ang talagang nakatawag ng pansin ko ay iyong laging may nagbibigay sa nangangailangan o pinangangalagaan ang isang tao. At likas na bahagi lamang ito ng ginawa nila. At likas natin itong ginagawa bilang kababaihan ng Relief Society. Naglaan ang Panginoon ng isang organisasyon kung saan maipapakita ng mga kababaihan ang likas na pagkamahabagin nila at isang lugar kung saan nila ito magagawa para madama nila ang Kanyang kaginhawaan at handang ibigay din iyon sa iba.
At kaninang umaga habang iniisip at pinagninilayan ko ang tungkol kay Sister Emma at ang kanyang misyon at kaugnayan sa Propeta, naisip ko, “Nagdasal sila ng parehong mga panalangin na ating ipinagdasal.” Ipinagdasal nila ang kanilang mga anak. Ipinagdasal nila ang kanilang asawa. Ipinagdasal nila ang isa’t isa. Ang pangangailangan natin ay kapareho ng sa kanila. Malaki ang pagkakatulad natin kaysa pagkakaiba. Nagtiwala sila sa Panginoon. At sobrang gulo sa panahong iyon, ’di ba? Naroon ang kamatayan at kahirapan. At gayunpaman, sila ay nagtiwala sa Kanya. At may kani-kanyang tayong paghihirap na kung saan kailangan natin ang Diyos, ang ating mga tipan, at magtiwala sa Kanya. At maraming ulit na kailangan nating isuko ang lahat at magtiwala sa Kanya—na gagabayan Niya tayo na makayanan ang mga hamon na iyon—na maaari nating ipagkatiwala sa Kanya ang ating pamilya, magtiwala sa Kanya na ang mga tipan at mga pangakong ito ay mas totoo pa kaysa anumang nakikita at nadarama natin.
Pangulong Johnson
Sa Doktrina at mga Tipan bahagi 25, sinabi sa paghahayag para kay Emma Smith na, “Tuparin ang mga tipan na iyong ginawa.” At sa palagay ko, iyan ang eksaktong inilalarawan mo. Isa pang paraan ito ng pagsasabing, “Magtiwala ka sa akin. Magtiwala sa mga ipinangako ko sa iyo dahil ang aking mga pangako ay tiyak.” At sa mga pangakong iyon na ginagawa natin sa bahay ng Panginoon, at sa binyag, ipinapangako din sa atin na lagi natin Siyang makakasama—na gagabayan tayo ng Kanyang Espiritu, na may mga anghel na papaligid sa atin para paglingkuran tayo at tugunan ang ating mga pangangailangan. Alam kong totoo ang mga iyon. At ang mga pangakong iyon ay ipinangako Niya noon sa mga minamahal na Banal dito sa Nauvoo, ipinapangako Niya rin ang mga iyon kapag nakikibahagi tayo sa mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo na matatanggap natin sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood.
Sister Dennis
Iniisip ko si Emma—kung ilang anak ang nawala sa kanya, kung paanong kinailangan niyang magpalipat-lipat ng tirahan, at ang karukhaan nila. Ngunit gumawa sila ng mga tipan, simula sa binyag. Mayroon silang tipan sa Diyos na siyang umalalay sa kanila. Umalalay ito kay Emma sa lahat ng kanyang pinagdaanan. Sa aking palagay, hindi niya magagawa ang ginawa niya kung wala ang mga tipang iyon sa Diyos na alam niyang mayroon siya at ang mga pangakong kaakibat ng mga ito.
Sister Yee
Totoo iyan—ang katatagang iyon ay mula kay Jesucristo ang siyang inilalarawan mo, ’di ba? Lahat ng iba pang bagay ay matitinag at magbabago. Ang mga tao ay darating at aalis. Ngunit naroon at nakasalalay sa ating kaugnayan sa Kanya ang ating tunay na katatagan, ’di ba?
Pangulong Johnson
Sa tingin ko ito ang nagtulak sa kanila na sumulong—na itayo ang templong iyon, at maghanda para sa mga karagdagang tipang iyon. At iyon ang nagbigay sa kanila ng lakas na sumulong sa panahon na marahil ay nakadama sila nang labis na pangamba. Ang kanilang tiwala sa tipan ay talagang masasabi kong, pambihira, na dapat tularan nating lahat, dahil kaygandang halimbawa nito sa ating lahat, na magtiwala sa tipan sa Panginoon at sa itinalagang kinatawan ng Panginoon, na isang propeta sa mundo ngayon.
Sister Dennis
Gustung-gusto ko ang kuwento tungkol kay Brigham Young noong nasa templo siya; kung saa siya ay nangangasiwa ng mga ordenansa. Napakaraming tao ang pumunta, at naroon siya hanggang gabi para matanggap ng mga tao ang kanilang endowment. At sinabi niya, “OK, tapos na tayo.” Napakadelikado noon dahil sa mga mandurumog sa paligid nila. Oras na, sabi niya, para maghanda sa pag-alis, sakay ng bapor patawid ng Mississippi. Ngunit kinaumagahan nang bumangon siya, ang bakuran ng templo at ang templo mismo ay puno ng mga tao na ayaw magsialis hangga’t hindi nila natatanggap ang kanilang endowment. Alam nilang kakailanganin nila iyon at baka napakaraming taon pa bago sila magkaroon ng isa pang templo. Ang ating mga tipan ang tumutulong sa atin na mas mapalalim ang ating kaugnayan sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo at nagbibigay sa atin ng lakas na makasulong, tulad ng ginawa ng mga naunang Banal na iyon, saanman tayo naroroon sa mundo.
Pangulong Johnson
Ang ilan sa aking mga ninuno ay kabilang sa mga naroon sa mga huling araw na iyon sa Nauvoo na napagpala at nagkaroon ng pagkakataong ma-endow. At napalakas ako ng kanilang pananampalataya tulad din ng napalakas tayo ng mga kababaihang ito na sumulong nang may tiwala sa tipan.
Sister Dennis
Kuwentuhan mo naman kami tungkol sa iyong mga ninuno.
Pangulong Johnson
Si Fanny Dack Parish at ang anak niyang si Jane, at ang pang-apat kong lolo-sa-tuhod na si Samuel Parish, ay na-endow lahat dito noong Pebrero 1846—kasama ng grupong iyon ng limang libong tao na iyong tinalakay. At gustung-gusto ko ang salitang ginamit ni Jane para ilarawan ang mga sandaling iyon. Sinabi niya, “Nasa amin ang ebanghelyo ni Jesucristo, nasa amin ang Simbahan, at may templo kami.” At sinabi niya, “O, labis na kagalakan ang pumuspos sa aming mga kaluluwa dahil nasa amin ang templo.”
Pinagnilayan ko ito at sa palagay ko ay panahon ito na puno ng pangamba para sa kanila. Naghahanda sila noon para lisanin ang magandang komunidad na ito na itinatag nila at pupunta sila sa ilang. At magkagayunman, panahon ito ng malaking kagalakan. Ano pa ba ang maaaring paliwanag sa kagalakan at kapayapaang nadama niya?
Sister Yee
Sa gitna ng lahat ng hamon na naranasan nila, sila ay payapa at nagagalak.
Pangulong Johnson
Tama. At dahil ito sa kanilang pakikipagtipan. At nandito rin ang mga ninuno ni Kristin nang mga panahong iyon. At natitiyak namin na dahil magkalapit ang kanilang mga edad na naging magkakaibigan sila, tulad natin na magkakaibigan ngayon.
Sister Yee
At kung hindi man, magkakaibigan na sila ngayon.
Pangulong Johnson
Magkakaibigan na sila ngayon. Oo, tiyak iyon.
Sister Yee
Si Nancy Sabin sa partido ng nanay ko, ay 17 anyos nang sumapi siya sa Simbahan. At nang mga panahong iyon ay na-endow din siya sa bahay ng Panginoon. At ang ninuno mong si Jane ay mga 20 anyos pa lang.
Pangulong Johnson at Sister Yee
At sa palagay natin, ang tirahan nila ay magkalapit lang.
Sister Yee
Tiyak na minsan silang nakapag-usap. Pero, ang sarap ding isipin na narito’t nakaupo ngayon ang kanilang angkan, at may pagkakaibigang nabubuo sa lugar na ito. At matutupad din natin ang ating mga tipan tulad ng ginawa nila—iisa ang ating pananampalataya, na nagtitiwala tayo sa Panginoon nang ating buong puso. At hindi natin ito maikakaila. Dala-dala natin ito sa bawat sali’t salinlahi.
May ninuno man tayo rito o wala, may mga ninuno man tayo sa iba’t ibang panig ng mundo o wala, nagsisimula tayo rito sa ating mga tipan at magpapatuloy ito magpakailanman. Lahat ng pagpiling ginagawa natin ngayon ay mahalaga. Hindi lamang mahalaga ang mga ito para sa inyo, kundi para din sa mga susunod at mga nauna sa atin—dito sa mundo at sa kabilang panig ng tabing—habang tinutupad natin ang ating mga tipan. At sa aking palagay, maraming kababaihan sa Relief Society natin ngayon ang nakakaramdam marahil na napakabata pa o napakatanda na nila. O marahil hindi sila nakapag-aral, o anuman iyan, kayo na ang magsabi ng dahilan. Maaaring isipin ninyo na hindi pa kayo handang gawin ang gawaing ito. Ngunit gusto lamang naming sabihin sa inyo na handa na kayo at kailangan namin kayo ngayon. Kailangan kayo ng Panginoon ngayon na maging bahagi nito. May mga kaloob at talento kayo na kailangan ngayon sa mundo.
Pangulong Johnson
Tumanggap tayo ng tagubilin mula sa propeta na bilang kababaihan, mababago at dapat nating baguhin ang mundo. Kailagan nating ihanda ang mundo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas na si Jesucristo. At paano natin gagawin iyan? Gagawin natin iyan sa pamamagitan ng paglikha ng isang nakikipagtipang komunidad. At kung minsan ako lamang ang miyembro ng aking nakikipagtipang komunidad—ngunit sa totoo ay dalawa kami, dahil gumawa ako ng mga tipan sa Kanya.
Sister Yee
Totoo iyan.
Pangulong Johnson
Pero maaaring lumawak at lumago ang iyong nakikipagtipang komunidad. Naaalala ko ang naging karanasan ko kamakailan lang na talagang maganda. Isang grupo ito ng kababaihan ng Relief Society. Nakabilog kami at nakaupong lahat na halos magkakadikit ang mga tuhod. Nasa isang district ako, at nakipagmiting ako sa district Relief Society president, district Primary president, at district Young Women president na isang buwan pa lang nabinyagang miyembro ng Simbahan. At medyo nangangamba siya at ipinarating ang kanyang mga alalahanin sa aming lahat sa kung paano niya maisasagawa ang kanyang bagong tungkulin. Ang paborito kong bahagi ng miting na iyon ay nang bumaling sa kanya ang Relief Society president at buong katapatang sinabi niya, “Huwag kang mag-alala, tutulungan ka namin.” Iyon ang nais nating mangyari. Saanman tayo naroroon, lumilikha tayo ng nakikipagtipang komunidad na nakatuon kay Jesucristo. At gamit ang mga talentong ipinagkaloob sa atin, pangangalagaan natin ang isa’t isa. Iyon ang tiyak na mangyayari doon. Hindi niya kailangang mag-alala. Maaari siyang magtiwala sa Panginoon. Kasama niya ang kanyang mga kapatid sa Relief Society.
Sister Dennis
Dahil tayong lahat ay miyembro ng Relief Society, kahit saan pa tayo naglilingkod.
Pangulong Johnson
Tama. Kaya sa loob ng ilang panahon, maglilingkod siya sa Young Women kasama ang mga kabataang babae. Pero mananatili siyang bahagi ng Relief Society. At ang kababaihang iyon ng Relief Society ay niyayakap siya, at pangangalagaan nila siya.
Sister Yee
Gusto ko ’yan. Magkakaugnay ang lahat nang ito, ’di ba?
Pangulong Johnson
Oo, tama.
Sister Yee
Dahil kapag napagpala natin ang isang bata, napagpapala natin ang isang pamilya. Napagpala natin ang isang ina, napagpapala natin ang isang pamilya. O isang ama. Lahat ito ay magkakaugnay sa ganoong paraan, na napakaganda. Ang katuwang natin ay si Jesucristo. Siya ang pinakadakilang katuwang na makatutulong sa atin sa lahat ng bagay. At kung minsan naiisip ko, lalo ang mga kababaihan, gusto nating kumikilos nang nag-iisa. At hindi ito masama. Iyan ay isang talento na ipinagkaloob Niya sa atin na magkusa at gawin ang mga bagay-bagay. Pero iniisip ko minsan, para sa akin, alam ko na kung minsan inilalagay Niya ako sa isang sitwasyon na nahihirapan ako para umasa ako sa Kanya. At sa gayon makabubuo tayo ng ugnayan sa Kanya, kaya alam natin kung bakit natin ginagawa ang ating ginagawa. At sa tingin ba ninyo ay alam ng mga kababaihang ito sa Nauvoo kung bakit nila ginawa ang kanilang ginawa? Dahil mahal nila ang Panginoon, at gusto nilang tuparin ang kanilang tipan sa Kanya, at gayundin tayo.
Sister Dennis
At sa pagtulong nila sa iba na madama ang Kanyang pagmamahal, nadama nila ito mismo. At sa palagay ko kailangan nating tandaan na may ilan sa atin ang nahihirapang madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas, sa anumang kadahilanan. Ngunit kapag nakikisalamuha tayo at tunay na niyayakap ang iba at ipinadarama sa kanila ang ating pagmamahal, madalas na unti-unti rin nilang nadarama ang pagmamahal ng Tagapagligtas.
Sister Yee
Alam Niya na kailangan nating madama ang Kanyang pagmamahal nang madalas, kaya inilalagay Niya sa atin ang mahabaging damdaming iyon para mapaglingkuran ang iba at nang sa gayon ay sama-sama tayong makadama ng pagmamahal.
Pangulong Johnson
Sa palagay ko, lahat ng ating kababaihan ay may pagkakataong maging bahagi ng pandaigdigang inisyatibo para sa kapakanan ng kababaihan at mga bata habang sila ay nakikibahagi, gumagawa ng mga simpleng bagay sa sariling tahanan, kapitbahayan at komunidad. At ginagawa natin iyan sa isang ina, sa isang babae, sa isang anak nang isa-isa, tulad ng gagawin ng Tagapagligtas.
Sister Yee
Napakagandang paanyaya nito, ’di ba? Na kapwa sa temporal at espirituwal, maaari tayong lumapit sa Kanya. Kailangan natin ang temporal gaya nang sa espirituwal, ’di ba? Interesante na tila hindi gaanong mahalaga ang mga sitwasyon kaysa sa kaugnayan natin sa ating Ama sa Langit at sa Tagapagligtas—naisip ko lang.
At kung minsan naiisip ko na maaaring nakaupo tayo sa Relief Society at nakadaramang nag-iisa tayo—o umupo kahit nasaan kayo—ngunit natatanto na lahat ng katabi ninyo ay may mga hamon din sa buhay at naghahangad ding mahalin at sila ay minamahal din at pinahahalagahan at kabilang. At sa palagay ko kapag nagbabahagi tayo sa ating mga Relief Society, at may oportunidad tayong magbahagi, may pagkakataong mapagtatanto natin na mas marami tayong pagkakapareho kaysa pagkakaiba.
Ngunit alam ko at mapatotohanan ko na kailanma’y hindi tayo nag-iisa—na kilala kayo ng ating Ama sa Langit at ng Tagapagligtas. Na alam Nila ang inyong mga pangangailangan, na nag-aalala Sila sa inyong ipinag-aalala at nais na pagpalain kayo, at na ang kababaihang iyon sa inyong tabi ay naghahangad ding mahalin, at magkaroon ng oportunidad na mag-ambag, at madama na mahalaga sila. Alam ko na alam Niya—na kaagapay natin Siya sa ating mga desisyon at mga hamon at sa ating kagalakan. Na nasa tabi natin Siya. Makahihingi tayo ng payo sa Kanya. Isang maganda at mapagpalang oportunidad na malaman na dahil tinahak Niyang mag-isa ang landas [ng Pagbabayad-sala], na hindi na natin kailangan pang daanan iyon, kailanman.
Sister Dennis
Alam mo, nakikinita ko ang mga grupo ng kababaihan sa buong mundo na nanonood ngayon. Sandali na lamang at mapapakinggan na natin ang isang Apostol, si Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol. Napakapalad natin na mapakinggan siya. At pagkatapos niyon, magkakaroon kayo ng oportunidad na magpatotoo sa isa’t isa tungkol sa mga bagay na nadama ninyo sa inyong puso na pinatotohanan sa inyo ng Espiritu—tungkol sa mga pagpapala ng Relief Society, at sa inyong tipan sa Tagapagligtas at ang kahulugan Niya sa inyong buhay. Napakaespesyal na pakiramdam ang isipin ang lahat ng grupo ng kababaihan sa buong mundo at madama na tayo ay isang pandaigdigang kapatiran ng tipan, saanman tayo naroroon. Mahal namin kayo, mga Kapatid!
Pangulong Johnson
Napakagandang pagpapala ang maging mga babae ng tipan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Mga kapatid, napakasayang panahon ito, at sama-sama kaming nagpapatotoo na tayo ay abala sa gawain ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Alam namin na Siya ay buhay. Alam naming mahal Niya tayo. Alam namin na nais Niyang makipagtipan tayo sa Kanya. At alam namin na nais Niyang ipaabot natin ang Kanyang kaginhawaan sa ating mga kapatid sa lahat ng dako ng mundo. At kapag ginagawa natin ito—dahil tayo ang kasangkapan Niya sa pagbibigay ng kaginhawaan sa iba—matatagpuan natin ang Kanyang kaginhawahan para sa ating sarili.
Pinatototohanan namin na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay pinamumunuan ng isang buhay na propeta. Mahal namin siya. Iginagalang at sinusuportahan namin siya.
Pinatototohanan namin na si Joseph Smith ay talagang propeta ng Pagpapanumbalik, na ipinanumbalik niya ang lahat ng bagay, pati na ang sinaunang kaayusan ng kababaihan, na sama-samang naghahatid ng kaginhawaan ni Jesucristo sa iba. Ang ating layunin mula pa sa simula, mula pa noong 1842, ay dalhin pauwi ang lahat ng anak ng ating Ama sa Langit. Alam namin na posible iyan sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala maaari tayong maging malinis at buo at pinabanal at makauwi—sa ating tahanan sa langit, at dadakilain at mabubuhay sa piling ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Dito nagsimula ang lahat sa atin na mga miyembro ng Relief Society.
At napakasayang okasyon na narito tayo sa mismong sagradong lugar na ito.
Dama namin ang mga angel na nakapalibot sa atin ngayon.
Ito ay aming patotoo, mga kapatid, na minamahal kayo, na kilala at mahalaga kayo sa mga mata ng Diyos. Iniiwan namin sa inyo ang patotoong iyan sa sagradong pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.