Ipinagdiwang ni Pangulong Russell M. Nelson ang kanyang ika-100 kaarawan noong Setyembre 2024 sa pamamagitan ng taos-pusong kahilingan na lahat tayo ay tumulong at maglingkod sa isa, tulad ng inilarawan ni Cristo sa talinghaga tungkol sa nawawalang tupa. Sa talinghagang ito, ang mapagmahal na pastol ay nagtungo sa ilang upang hanapin ang isang nangangailangan—isang paalala kung gaano tayo kahalaga para sa Tagapagligtas.

Sabik na tinanggap ng mga miyembro sa buong mundo ang paanyaya na ito na paglingkuran ang isa sa kanilang komunidad—kapamilya, kaibigan, o kapitbahay. Nagbigay ng patnubay si Pangulong Nelson para sa pagsisikap na ito, na sinasabing, “Sa mga darating na buwan ay inaanyayahan ko kayong mapanalanging pag-isipan: sino ang kilala ninyo na maaaring pinanghihinaan ng loob? Kanino kayo kailangang makipagkasundo o humingi ng tawad? May isang pangalan ba na nasa isip ninyo, na hindi ninyo alam kung bakit? Kapag iniharap ninyo ang mga tanong na ito sa Panginoon, bibigyan Niya kayo ng inspirasyon na malaman kung paano ninyo matutulungan at maiaangat ang isang taong nangangailangan ng tulong.”

Isipin ang sumusunod na mga ideya na gagabay sa inyo sa paglilingkod sa isang nangangailangan sa inyong komunidad.

  1. Makipagkita sa isang kaibigan: Kontakin ang isang taong maaaring nangangailangan ng karamay. Maghanap ng oras upang makipagkita sa taong ito para siya ay makausap, samahan sa tanghalian, o samahang maglakad-lakad.
  2. Magluto ng pagkain: Anyayahan ang isang tao na samahan kang maghapunan o magdala ng pagkain sa isang taong nangangailangan.
  3. Maging mentor sa isang bata o tinedyer: Sabihin sa isang bata na basahan ka ng isang aklat, tulungan ang isang estudyante sa kanyang takdang-aralin, o tulungan ang isang tao na mag-aral para sa isang pagsusulit.
  4. Magbigay ng mga damit, pagkain, o iba pang mga bagay: Magbigay ng mga kinakailangang bagay sa isang local drive, shelter, o charity.
  5. Tulungan ang iyong pamilya: Hugasan ang mga pinggan, tulungan ang iyong mga kapatid na linisin ang kanilang mga kuwarto, o yakapin ang isang kapamilya.
  6. Makinig: Maglaan ng oras upang tabihan sa pag-upo ang isang miyembro ng pamilya, kaibigan, o kapitbahay at makinig lamang. Ipinakikita ng pakikinig na nagmamalasakit ka at makapagbibigay ito ng mga ideya kung paano mo mapaglilingkuran ang mga mahal mo sa buhay.
  7. Magpadala ng text o sulat: Magpadala sa isang tao ng isang simpleng text, o sumulat ng maikling liham upang ipaalam sa kanila na may nagmamalasakit sa kanila.
  8. Magpasalamat: Mag-iwan ng maikling liham ng pasasalamat para sa mga kaibigan, pamilya, o kahit na mga tao na tumutulong sa iyo araw-araw, tulad ng iyong kartero.
  9. Kausapin ang inyong lokal na pamunuan ng Simbahan: Itanong sa inyong Relief Society o elders quorum president kung may nangangailangan ng pagmamahal at paglilingkod sa inyong komunidad.
  10. Manalangin para sa patnubay: Hilingin sa Diyos na gabayan at bigyan ka ng inspirasyon sa iyong pagsisikap na alagaan ang mga taong nangangailangan.
  11. Maghanap ng mga oportunidad na makapaglingkod sa JustServe.org: Bisitahin ang justserve.org o i-download ang app para maghanap ng mga service project na malapit sa iyo.

Gusto Mo bang Magboluntaryo?

Makakatulong ang JustServe! Sa JustServe.org, madali kang makakahanap ng mga proyektong pangserbisyo na malapit sa iyo.

Huling Na-Update Noong 25 Mar 2025