Noong tagsibol ng 1820,
ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph Smith sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan. 14 na taong gulang noon si Joseph nang magpasiya siya na idulog sa Diyos ang kanyang mga katanungan sa pamamagitan ng panalangin pagkatapos niyang mabasa ang Santiago 1:5 “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat.” Si Joseph ay lumaki sa isang lugar kung saan masigla ang usaping panrelihiyon. Nabahala si Joseph sa kanyang sariling kaligtasan at nais niyang malaman kung aling simbahan ang makapaglalapit sa kanya sa Diyos. Noong unang bahagi ng tagsibol, nagpunta si Joseph sa pinili niyang lugar sa kakahuyan malapit sa kanilang tahanan at lumuhod para manalangin. Laking gulat niya nang dalawin siya ng Diyos Ama at ni Jesucristo. Ang tagubiling ibinigay nila sa kanya bilang sagot sa kanyang panalangin ay nagpasimula ng pagpapanumbalik ng simbahan ni Cristo sa mundo.
Ang 8.1 ektaryang matandang gubat sa kanlurang bahagi ng Sacred Grove Historic Site ay binansagang Sagradong Kakahuyan mula pa noong 1905. Nang lumipat ang pamilya Smith sa 40.5 ektaryang lupaing ito noong 1818, ang lupain ay isa pang gubat. Noong tagsibol ng 1820, nalinis na ng pamilya ang mga 12 ektarya ng lupain para sa pagsasaka pero hindi nila ginalaw ang malaking bahagi ng masaganang gubat sa silangan at kanlurang bahagi ng sakahan. Ngayon, ang gubat na ito na maingat na pinangangalagaan ay mayroong mga daanan na nagbibigay sa mga bisita ng lugar para sa tahimik na pagninilay.
Basahin ang iba pa tungkol sa karanasan ni Joseph sa Sagradong Kakahuyan sa
Mga Banal, Tomo 1, Kabanata 2.
Ano ang Aasahan
Ang pagbisita mo sa Sagradong Kakahuyan ay self-guided (walang tour guide), at aanyayahan ka ng mga missionary na libutin ito pagkatapos ng tour sa mga tahanan sa Smith Family Farm. Maaari kang manatili sa Sagradong Kakahuyan kahit gaano katagal mo gusto, at may mga mauupuan doon kung gusto mong maupo para tahimik na magnilay. Ang pagbubukas ng mga trail sa Kakahuyan ay nakadepende sa lagay ng panahon, pero may mga off-road wheelchair na mahihiram sa Welcome Center.
360° Walkthrough