Ipinanganak sa Vermont noong 1798, si Alvin Smith ang pinakamatandang buhay na anak nina Joseph Sr. at Lucy Mack Smith at kuya ni Joseph Smith Jr. Mahalaga ang papel na ginampanan ni Alvin sa paglipat ng pamilya mula Vermont patungong Palmyra, New York, at siya ay lubos na naniwala sa mga makalangit na pangitain ni Joseph Smith. Hinikayat ni Alvin si Joseph na manatiling tapat upang matanggap niya ang Aklat ni Mormon. Noong Nobyembre 1823, pumanaw si Alvin sa edad na 25. Naaalala siya bilang isang mabait at marangal na tao.
Ang pagpanaw ni Alvin ay may malaking epekto kay Joseph Smith, Jr. na lubos ang pagmamahal sa kanyang kuya. Noong Enero 1836 habang nakikipagpulong sa mga Elder sa ikatlong palapag ng Kirtland Temple, nakita ni Joseph Smith si Alvin sa kahariang selestiyal sa isang pangitain. “At namangha kung paano niya natamo ang pamana sa kahariang yaon, nalalamang kanyang nilisan ang buhay na ito bago pa iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay upang tipunin ang Israel sa ikalawang pagkakataon, at hindi pa nabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan” ang isinulat ni Joseph Smith (
Doktrina at mga Tipan 137:6). Sa pamamagitan ng paghahayag na ito, itinuro ng Panginoon na “lahat ng nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na kanilang tatanggapin ito kung sila lamang ay pinahintulutang manatili, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos” (
Doktrina at mga Tipan 137:7). Bagama’t ang paghahayag na ito ay nagbigay ng kapanatagan kay Joseph na si Alvin ay maliligtas, hindi lubos na malinaw kung paano ito maisasakatuparan. Si Joseph Smith ay patuloy na nagnilay at nanalangin para sa karagdagang impormasyon na humantong sa paghahayag na lahat ng ordenansa ng priesthood ay maaaring matanggap ng mga buhay na tao ay maaari din itong matanggap ng mga yumaong tao sa loob ng mga banal na templo sa pamamagitan ng proxy.
Basahin ang tungkol sa pangitain ni Joseph Smith tungkol kay Alvin sa
Mga Banal, Tomo 1, Kabanata 21.
Ano ang Aasahan
Ang Libingan ni Alvin Smith ay hindi opisyal na makasaysayang lugar ng Simbahan, ngunit malugod na tinatanggap ang mga bisita na magalang na tingnan ang mga libingan sa lokal na sementeryong ito.