“Kabanata 1: Ang Plano ng Kaligayahan ng Ama sa Langit,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2023)
“Kabanata 1,” Mga Turo: Russell M. Nelson
Kabanata 1
Ang Plano ng Kaligayahan ng Ama sa Langit
Ang Diyos ay buhay. Siya ang ating Ama. Mahal Niya tayo. Nais Niyang lumigaya tayo. Dahil mahal Niya tayo, nais Niyang maghanda tayong mabuti ngayon para sa ating pagbabalik sa Kanya kalaunan. May naiisip ba kayo na anumang bagay na mas masaya kaysa sa pag-uwing iyon?
Mula sa Buhay ni Russell M. Nelson
Ilang araw bago itinalaga si Pangulong Russell M. Nelson bilang Pangulo ng Simbahan, ininterbyu si Pangulong M. Russell Ballard ng isang mamamahayag. Ipinaliwanag ni Pangulong Ballard kung ano ang maaasahan ng mundo sa pamumuno at mga turo ng kanyang kaibigan:
“Si Pangulong Nelson ay isang ganap na disipulo ni Jesucristo, at ipagtatanggol niya ang plano ng kaligayahan sa mundo ngayon na patuloy na lumalala. Paninindigan Niya ang inihahayag ng Diyos. Nauunawaan niya na may ilang patakaran, ilang kautusan, ilang doktrina na kailangan nating tanggapin at sundin. Ang buhay ay hindi lamang kung ano ang nais ng lahat na kahinatnan nito. Ituturo iyan ni Pangulong Nelson at ipaglalaban.”
Sa kanyang buong ministeryo, pinatotohanan ni Pangulong Nelson ang plano ng kaligayahan ng Diyos. Itinuro niya na ito ay “kamangha-manghang plano” na “tinutugunan nito ang pinakamasisidhing pag-asam ng kaluluwa ng tao” at inihahanda tayo para sa masayang pag-uwi sa piling ng ating mapagmahal na Ama sa Langit.
Mga Turo ni Russell M. Nelson
Ang Paglikha, ang Pagkahulog, at ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay mahahalagang bahagi ng plano ng Diyos
Isang kapulungan sa langit ang ginanap kung saan ay nakibahagi tayo. Doon inilahad ng ating Ama sa Langit ang Kanyang banal na plano [tingnan sa Abraham 3:22–27]. Tinatawag din itong plano ng kaligayahan, ang plano ng kaligtasan, ang plano ng pagtubos, ang plano ng pagpapanumbalik, ang plano ng awa, at ang walang hanggang ebanghelyo. Ang layunin ng plano ay bigyan ng pagkakataon ang mga espiritung anak ng Diyos na umunlad tungo sa walang hanggang kadakilaan.
Ang pinakamahalagang bahagi ng plano ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Dahil ito ay pinakamahalaga sa plano, dapat nating sikaping maunawaan ang kahulugan ng Pagbabayad-sala. Gayunman, bago natin ito maunawaan, dapat nating maintindihan ang pagkahulog ni Adan. At bago natin lubos na mapahalagahan ang Pagkahulog, dapat muna nating maunawaan ang Paglikha. Ang tatlong kaganapang ito—ang Paglikha, ang Pagkahulog, at ang Pagbabayad-sala—ay tatlong pinakamahalagang bahagi ng plano ng Diyos, at ang mga ito ay magkakaugnay sa doktrina.
Ang Paglikha
Ang paglikha ng mundo ay isang bahagi ng paghahanda para sa plano ng ating Ama. Pagkatapos “bumaba ang mga Diyos upang buuin ang tao sa kanilang sariling anyo, … lalaki at babae ay kanila silang huhubugin.
“At sinabi ng mga Diyos: Babasbasan natin sila” [Abraham 4:27–28]. At binasbasan nga nila tayo, ng plano na magbibigay sa atin ng sariling pisikal na katawan.
Sina Adan at Eva ang unang mga taong nabuhay sa mundo [tingnan sa 1 Nephi 5:11]. Naiiba sila sa halaman at hayop na nauna nang nilikha. Sina Adan at Eva ay mga anak ng Diyos. Ang kanilang katawang may laman at buto ay ginawa kawangis ng Diyos. Sa kalagayang iyon ng kawalang-malay, hindi pa sila mortal. Hindi sana sila nagkaroon ng mga anak, hindi saklaw ng kamatayan, at maaaring nabuhay sa halamanan ng Eden magpakailanman [tingnan sa 2 Nephi 2:22–23; Moises 5:11]. Kaya nga, maaari nating ituring ang Paglikha bilang isang malaparaisong paglikha.
Kung nagpatuloy pa rin ang kalagayang iyon, kayo at ako ay mananatili pa ring kabilang sa mga hukbo ng langit bilang mga hindi pa isinisilang na anak na lalaki at babae ng Diyos [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:1; Abraham 3:22–23]. “Ang dakilang plano ng [kaligayahan] ay mabibigo” (Alma 42:5).
Ang Pagkahulog
Itinutuon tayo nito sa pagkahulog ni Adan. Upang maisagawa ang plano ng kaligayahan, ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ang pinakaunang kautusan sa sangkatauhan. Isang kautusan iyon na magkaroon ng mga anak. Isang batas ang ipinaliwanag sa kanila. Kung kakain sila mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” [Genesis 2:17], magbabago ang kanilang katawan; ang mortalidad at kamatayan kalaunan ay sasapit sa kanila. Ngunit kailangan nilang kainin ang bungang iyon para sila ay maging mga magulang.
Bagama’t hindi ko lubos na nauunawaan ang lahat ng kinapapalooban ng biyokimika, alam ko na nagbago ang kanilang pisikal na katawan; nagsimulang dumaloy ang dugo sa kanilang katawan. Sa gayon, naging mortal sina Adan at Eva. Ito ay pagpapala para sa atin, dahil sila rin ay maaaring magsilang ng mga anak at maisasakatuparan ang mga layunin ng pagkalikha ng daigdig. Masaya para sa kanila, “sinabi ng Panginoon [kina] Adan [at Eva]: Masdan pinatawad [Ko kayo] sa [inyong] paglabag sa Halamanan ng Eden” (Moises 6:53). Tayo at ang buong sangkatauhan ay pinagpapala magpakailanman dahil sa katapangan at karunungan ni Eva. Bilang naunang kumain ng bunga, ginawa niya ang kailangang gawin. Sapat ang karunungan ni Adan para gayon din ang gawin. Alinsunod dito, maituturing natin ang pagkahulog ni Adan bilang isang mortal na paglikha, dahil “si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon” [2 Nephi 2:25].
Dumating ang iba pang mga pagpapala sa atin sa pamamagitan ng Pagkahulog. Dahil sa Pagkahulog, magagamit ang dalawang magkaugnay na karagdagang kaloob mula sa Diyos, halos kasinghalaga ng buhay mismo—ang kalayaang pumili at pananagutan. Magagawa nating “[piliin ang] kalayaan at buhay na walang hanggan … o piliin ang pagkabihag at kamatayan” [2 Nephi 2:27]. Ang kalayaang pumili ay hindi maaaring gamitin nang walang pananagutan sa mga pagpiling ginawa.
Ang Pagbabayad-sala
Ngayon, narito na tayo sa ikatlong mahalagang bahagi ng plano ng Diyos—ang Pagbabayad-sala. … Kailangan ang isang sukdulang pagbabayad-sala upang matubos sina Adan, Eva, at ang lahat ng kanilang mga inapo. Kailangang itulot ng pagbabayad-salang iyon na mabuhay na mag-uli at magbago ang ating pisikal na katawan sa isang katawang walang dugo, na hindi na magkakasakit, manghihina, o mamamatay.
Ayon sa walang-hanggang batas, ang Pagbabayad-salang iyon ay nangangailangan ng personal na sakripisyo ng isang imortal na nilalang na hindi saklaw ng kamatayan. Gayunman, kailangan Siyang mamatay at muling buhayin ang Kanyang sariling katawan. Ang Tagapagligtas lamang ang makagagawa nito. Mula sa Kanyang mortal na ina, namana Niya ang makaranas ng pisikal na kamatayan. Mula sa Kanyang Ama ay natamo Niya ang kapangyarihang daigin ang kamatayan [tingnan sa Juan 10:17–18]. …
Ipinahayag ng Panginoon na, “ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Siya na lumikha ng mundo ay pumarito sa mortalidad upang tuparin ang kalooban ng Kanyang Ama at ang lahat ng propesiya tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala. At ang Kanyang Pagbabayad-sala ang tumutubos sa bawat kaluluwa mula sa mga kaparusahan ng personal na paglabag, sa kondisyon ng pagsisisi.
Kaya nga, maaari nating ituring ang Pagbabayad-sala bilang imortal na paglikha. “Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” [1 Corinto 15:22].
Tanong sa Pag-aaral
Ang Paglikha, ang Pagkahulog, at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay may mga natatanging layunin sa plano ng Ama sa Langit. Sa anong mga paraan kayo napagpala ng bawat isa sa mga ito?
Ang pamilya ay mahalaga sa plano ng Diyos para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak
Ang mga layunin ng Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala ay nagtatagpu-tagpong lahat sa sagradong gawaing isinasagawa sa mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mundo ay nilikha at ang Simbahan ay ipinanumbalik upang gawing posible ang pagbubuklod ng mag-asawa, mga anak sa mga magulang, mga pamilya sa mga ninuno, mga daigdig na walang katapusan.
Ang pamilya ang pinakamahalagang yunit ng lipunan at ng Simbahan. Ang pamilya ay inorden ng Diyos. Ito ay mahalaga sa Kanyang plano para sa walang-hanggang tadhana ng Kanyang mga anak. “Itinatag ng Diyos ang mga pamilya upang maghatid ng kaligayahan sa kanyang mga anak, upang matuto sila ng mga tamang alituntunin sa isang mapagmahal na kapaligiran, at ihanda sila para sa buhay na walang hanggan.”
Sa dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos, ang mga pamilya ay maaaring mabuklod sa mga templo at maging handa sa pagbalik sa Kanyang banal na presensya magpakailanman. Iyan ang buhay na walang-hanggan! Tinutugunan nito ang pinakamasisidhing pag-asam ng kaluluwa ng tao—ang likas na pag-asam na makasama nang walang hanggan ang mga pinakamamahal na miyembro ng kanyang pamilya.
Marami ang naglalakbay sa mga lansangan ng buhay nang walang kasama. Sila rin ay kailangan ng kanilang pamilya sa magkabilang panig ng tabing. Ang iba ay maaaring hindi nakadalo kailanman sa templo noong nabubuhay pa sila sa mundo. Sa matatapat, ang kapanatagan ay nagmumula sa kaalaman na walang mga pagpapalang ipagkakait sa sinumang nagmamahal sa Panginoon at masigasig na nagsisikap na sundin ang Kanyang mga kautusan. Hahatulan tayo ayon sa ating mga gawa at mga hangarin ng ating puso—sa maawaing paraan at panahon ng Panginoon [tingnan sa 2 Nephi 9:41; Alma 41:3; Doktrina at mga Tipan 137:9].
Tanong sa Pag-aaral
Paano kayo inihahanda ng mga karanasan ng inyong pamilya—kapwa positibo at negatibo—para sa buhay na walang hanggan?
Ang Diyos ang Ama ng ating mga espiritu, at nabuhay tayo sa piling Niya bago tayo isinilang
Ang Diyos ang Ama ng ating espiritu [tingnan sa Mga Gawa 17:27–29]. Siya ay may niluwalhati at perpektong katawang may laman at buto. Nabuhay tayo sa piling Niya sa langit bago tayo isinilang [tingnan sa Jeremias 1:4–5].
Ang Panginoon, sa Kanyang karunungan, ay inilaan ang bawat isa sa inyo—anuman ang edad—na pumarito sa lupa sa mahalagang panahong ito. Bago kayo isinilang, nagpakita kayo ng kakaibang lakas, pananalig, at pananampalataya kay Jesucristo. Nang kalabanin ni Satanas ang Ama at ang Anak, ipinagtanggol ninyo ang layunin ni Cristo at ang kahalagahan ng kalayaang pumili.
Matagal na kayong kilala ng inyong Ama sa Langit. Kayo, bilang Kanyang anak na lalaki o babae, ay pinili Niyang isilang sa mundo sa panahong ito mismo, upang maging mga pinuno sa Kanyang dakilang gawain sa mundo [tingnan sa Alma 13:2–3]. Pinili kayo hindi dahil sa mga katangian ng inyong katawan kundi dahil sa inyong espirituwal na mga katangian, tulad ng katapangan, kagitingan, integridad, pagnanais sa katotohanan, pagnanais ng karunungan, at hangaring maglingkod sa kapwa.
Tinaglay ninyo ang ilan sa mga katangiang ito bago pa kayo isilang. Ang iba ay maaari ninyong taglayin dito sa mundo habang masigasig ninyong hinahangad ito [tingnan sa 1 Corinto 12; 14:1–12; Alma 5:14; Doktrina at mga Tipan 4:6].
Tanong sa Pag-aaral
Paano naaapektuhan ng kaalaman ninyo tungkol sa premortal na buhay sa piling ng Ama sa Langit ang inyong nadarama tungkol sa inyong buhay sa lupa?
Dumarating ang kagalakan sa buhay na ito kapag pinipili nating mamuhay ayon sa walang hanggang plano ng Diyos
Bago tayo isinilang, namuhay tayo bilang mga espiritung anak kasama ng ating Ama sa Langit. Doon ay sabik nating inasahan ang posibilidad na pumarito sa mundo at magkaroon ng pisikal na katawan.
Sa mundong ito na puno ng kalungkutan, talagang ipinagpapasalamat natin ang “dakilang plano ng kaligayahan” ng Diyos [Alma 42:8]. Nakasaad sa Kanyang plano na ang mga lalaki at babae “ay gayon upang sila ay magkaroon ng kagalakan” [2 Nephi 2:25]. Dumarating ang kagalakang iyan kapag pinipili nating mamuhay nang naaayon sa walang hanggang plano ng Diyos.
Nalaman ko na ang plano ng Ama sa Langit para sa atin ay kamangha-mangha, na ang ginagawa natin sa buhay na ito ay sadyang mahalaga, at na ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang naging dahilan para maging posible ang plano ng ating Ama [tingnan sa Juan 6:38]. …
Dahil sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang plano ng ating Ama sa Langit ay isang perpektong plano! Ang pag-unawa sa kamangha-manghang plano ng Diyos ay nag-aalis ng kahiwagaan sa buhay at ng kawalang-katiyakan sa ating hinaharap. Tinutulutan nito ang bawat isa sa atin na piliin kung paano tayo mamumuhay rito sa lupa at saan tayo mananahanan magpakailanman. Ang walang basehang paniniwala na dapat tayong “magsikain, magsiinom, at magsipagsaya, sapagkat mamamatay tayo bukas; at ito ay makabubuti sa atin” [2 Nephi 28:7] ay isa sa mga walang kabuluhang kasinungalingan sa sansinukob.
Narito ang napakagandang balita ng plano ng Diyos: ang mismong mga bagay na magpapabuti sa inyong mortalidad sa pinakamainam na matatamo nito ay siya ring magpapabago sa inyong buhay sa buong kawalang-hanggan sa pinakamainam na matatamo nito!
Maaaring mas madaling magsisi at umunlad sa espirituwal dito sa mundo, habang ang ating espiritu at katawan ay magkasama pa, kaysa sa kabilang-buhay sa pagitan ng panahong namatay tayo at mabubuhay na mag-uli. Tulad ng itinuro ni Amulek sa mga Zoramita na nag-apostasiya, “Ang buhay na ito ang panahon … [para] maghanda sa pagharap sa Diyos” (tingnan sa Alma 34:32–35).
Mga Tanong sa Pag-aaral
Anong mga aspekto ng plano ng Ama sa Langit ang nag-aalis “ng kahiwagaan sa buhay at ng kawalang-katiyakan sa ating hinaharap”? Ano ang sasabihin ninyo sa isang tao na nahihirapang makahanap ng kagalakan sa kanilang mortal na buhay?
Ang pagbalik sa ating tahanan sa langit ay nangangailangan ng pagdaan sa mga pintuan ng kamatayan
Bago magsimula sa anumang paglalakbay, gusto nating makatiyak na makaaalis at makababalik tayo. Ang pagbalik mula sa lupa patungo sa buhay sa ating tahanan sa langit ay nangangailangan ng pagdaan—at hindi sa pagligid—sa mga pintuan ng kamatayan.
Ang kamatayan ay mahalagang bahagi ng ating walang hanggang pag-iral. Walang nakaaalam kung kailan ito darating, pero mahalaga ito sa dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos [tingnan sa Alma 42:8–9]. …
Mga kapatid, nabubuhay tayo para mamatay at namamatay tayo para mabuhay—sa ibang daigdig. Kung tayo ay lubos na handa, hindi tayo matatakot mamatay. Sa walang-hanggang pananaw, ang kamatayan ay maaga lamang para sa mga [taong] hindi handang humarap sa Diyos.
Mga Tanong sa Pag-aaral
Ano ang layunin ng kamatayan sa plano ng Ama sa Langit? Paano ninyo ipaliliwanag ang layunin ng kamatayan sa isang kaibigan o mahal sa buhay?
Makatarungan ang plano ng Diyos, na nagtutulot sa pagsisisi at mga ordenansa para sa mga buhay at patay
Ang plano ng Diyos ay makatarungan. Maging yaong “nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na kanilang tatanggapin ito kung sila lamang ay pinahintulutang manatili, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos” [Doktrina at mga Tipan 137:7]. Ang Kanyang plano ay puspos din ng awa. Kanyang “hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso” [Doktrina at mga Tipan 137:9].
Bawat taong nabubuhay ay maaaring magsisi. Pero paano naman ang mga namatay na? May mga pagkakataon din silang magsisi. Ipinahahayag ng banal na kasulatan na “ang matatapat na elder ng dispensasyong ito, kapag sila ay lumisan mula sa buhay na ito, ay ipinagpapatuloy ang kanilang mga gawain sa pangangaral ng ebanghelyo ng pagsisisi … sa mga yaong nasa … ilalim ng pagkaalipin sa kasalanan sa malawak na daigdig ng mga espiritu ng mga patay.
“Ang mga patay na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos,
“At pagkatapos nilang mabayaran ang kaparusahan sa kanilang mga kasalanan, at mahugasang malinis, [sila] ay tatanggap ng gantimpala alinsunod sa kanilang mga gawa” [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:57–59].
Gumagawa tayo ng mga ordenansa sa templo bilang mga proxy para sa mga taong nananahan sa kabilang panig ng tabing. Sa kabuuan: Ginagawa natin ang kanilang gawain alang-alang sa kanila. Sila ang nagpapasiya kung tatanggapin o tatanggihan ito. Hindi ba’t kamangha-mangha ito? Ang mga namatay nang walang pagkakataong marinig ang ebanghelyo ay hindi pinagkakaitan ng mga pagpapalang maaaring natanggap nila kung narinig nila ang ebanghelyo.
Tanong sa Pag-aaral
Ano ang itinuturo sa inyo ng doktrina ng kaligtasan ng mga patay tungkol sa likas na pagkatao at mga katangian ng Ama sa Langit?
Pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli at Paghuhukom, kayo ay itatalaga sa inyong walang hanggang tahanan
Sa huli kayo (at ako) ay mamamatay, mabubuhay na mag-uli, hahatulan, at bibigyan ng lugar sa walang-hanggang kaharian. Sa bawat pagdaan ng paglubog ng araw, mas nalalapit kayo sa hindi maiiwasang araw ng paghuhukom na iyon. Pagkatapos ay pananagutin kayo para sa inyong pananampalataya, mga hangarin at mga gawa. …
Dahil ang lahat ay mabubuhay na mag-uli, ang inyong pisikal na katawan ay ibabalik sa wasto at [sakdal] na anyo nito [tingnan sa Alma 11:43; 40:23]. Ang araw ng inyong pagkabuhay na mag-uli ay magiging araw ng paghuhukom na magpapasiya sa uri ng buhay na magkakaroon kayo pagkatapos nito.
Ang paghatol na iyon ay hindi lamang isasaalang-alang ang inyong mga ginawa, kundi pati na rin ang inyong pinakataimtim na layunin at taos-pusong pagnanais. Maaalala ninyo ang lahat ng ginawa ninyo sa araw-araw. Binabanggit sa mga banal na kasulatan ang “malinaw na alaala” (Alma 11:43) at “ganap na alaala” (Alma 5:18) na ibibigay ng inyong isipan sa mga panahon ng banal na paghahatol ng Diyos.
Pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli at paghuhukom, kayo ay itatalaga sa inyong walang hanggang tahanan sa langit. Inihalintulad ng mga paghahayag ang kaluwalhatian ng mga lugar na iyon na pananahanan sa magkakaibang liwanag ng araw, buwan, at bituin.
Tinukoy ni Pablo ang tatlong antas ng kaluwalhatian sa kabilang buhay nang ituro niya na “iba ang kaluwalhatian ng araw, … iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin” [1 Corinto 15:41]. Ang sulyap na iyon sa kaluwalhatian sa kabilang buhay ay nilinaw ng isa pang saksi sa banal na kasulatan. Inihayag ng Panginoon na “iba ang kaluwalhatian ng selestiyal, maging gaya ng kaluwalhatian ng araw ay iba.
“At ang kaluwalhatian ng terestriyal ay iba, maging gaya ng kaluwalhatian ng buwan ay iba.
“At ang kaluwalhatian ng telestiyal ay iba, maging gaya ng kaluwalhatian ng mga bituin ay iba” [Doktrina at mga Tipan 76:96–98].
Ang pinakamataas sa mga kahariang ito, ang selestiyal, ay nakalaan para sa mga sumusunod sa batas ng kahariang iyon:
“At sila na hindi pinabanal sa pamamagitan ng batas … ni Cristo, ay kailangang magmana ng ibang kaharian, maging yaong kahariang terestriyal, o yaong kahariang telestiyal.
“Sapagkat siya na hindi makasusunod sa batas ng isang kahariang selestiyal ay hindi makatitigil sa isang kaluwalhatiang selestiyal” [Doktrina at mga Tipan 88:21–22].
Bawat isa sa inyo ay hahatulan alinsunod sa inyong mga indibidwal na gawa at mga hangarin ng inyong puso [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 137:9]. Hindi ninyo kailangang bayaran ang utang ng sinuman. Ang pagkakalagay sa inyo sa huli sa kahariang selestiyal, terestriyal, o telestiyal ay hindi dahil nagkataon lamang. Ang Panginoon ay nagbigay ng mga di-nagbabagong kinakailangan para sa bawat isa. Malalaman ninyo kung ano ang itinuturo ng mga banal na kasulatan, at maiaayon ninyo ang inyong buhay sa mga ito [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:50–119].
Mga Tanong sa Pag-aaral
Anong uri ng tao ang kailangan ninyong maging kayo upang matanggap ang kaluwalhatiang selestiyal kasama ang Ama sa Langit? Paano Niya kayo tinutulungang maging gayong uri ng tao?
Gawing walang hanggang mithiin ninyo ang selestiyal na kaharian
Sa unang mensahe ko bilang Pangulo ng Simbahan, hinikayat ko kayong magsimula na isinasaisip ang nasa dulo. Ibig sabihin, ang kahariang selestiyal ang magiging walang hanggang mithiin ninyo at pagkatapos ay pag-isipan nang mabuti kung saan kayo dadalhin sa kabilang-buhay ng bawat desisyon ninyo sa mundong ito [tingnan sa Mosias 4:30]. …
Kapag gumagawa kayo ng pagpapasiya, hinihikayat ko kayong tanawin ang hinaharap—isang walang-hanggang pananaw. Unahin si Jesucristo dahil ang inyong buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa inyong pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala [tingnan sa 2 Nephi 2:6–8, 27; Moroni 7:41]. Nakasalalay rin ito sa inyong pagsunod sa Kanyang mga batas. Ang pagsunod ay naglalaan ng daan para sa masayang buhay para sa inyo ngayon at sa isang maringal at walang-hanggang gantimpala bukas.
Ang Diyos ay buhay. Siya ang ating Ama. Mahal Niya tayo. Nais Niyang lumigaya tayo. Dahil mahal Niya tayo, nais Niyang maghanda tayong mabuti ngayon para sa ating pagbabalik sa Kanya kalaunan. May naiisip ba kayo na anumang bagay na mas masaya kaysa sa pag-uwing iyon? Talagang magiging maluwalhati ito para sa mga taong naging karapat-dapat sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan.
Tanong sa Pag-aaral
Ano ang mga naranasan ninyo kung saan nakagawa ng kaibhan ang “walang hanggang pananaw” sa pagpiling ginawa ninyo?
Mga Paanyaya at Pangako
Nagkaroon kayo ng mga espirituwal na katangian bago kayo isinilang, at mapapaunlad ninyo ang iba pa ngayon
Matagal na kayong kilala ng inyong Ama sa Langit. Kayo, bilang Kanyang anak na lalaki o babae, ay pinili Niyang isilang sa mundo sa panahong ito mismo, upang maging mga pinuno sa Kanyang dakilang gawain sa mundo [tingnan sa Alma 13:2–3]. Pinili kayo hindi dahil sa mga katangian ng inyong katawan kundi dahil sa inyong espirituwal na mga katangian, tulad ng katapangan, kagitingan, integridad, pagnanais sa katotohanan, pagnanais ng karunungan, at hangaring maglingkod sa kapwa.
Tinaglay ninyo ang ilan sa mga katangiang ito bago pa kayo isilang. Ang iba ay maaari ninyong taglayin dito sa mundo habang masigasig ninyong hinahangad ito [tingnan sa 1 Corinto 12; 14:1–12; Alma 5:14; Doktrina at mga Tipan 4:6].
Dumarating ang kagalakan kapag pinipili ninyong mamuhay nang naaayon sa walang hanggang plano ng Diyos
Sa mundong ito na puno ng kalungkutan, talagang ipinagpapasalamat natin ang “dakilang plano ng kaligayahan” ng Diyos [Alma 42:8]. Nakasaad sa Kanyang plano na ang mga lalaki at babae “ay gayon upang sila ay magkaroon ng kagalakan” [2 Nephi 2:25]. Dumarating ang kagalakang iyan kapag pinipili nating mamuhay nang naaayon sa walang hanggang plano ng Diyos.
Narito ang napakagandang balita ng plano ng Diyos: ang mismong mga bagay na magpapabuti sa inyong mortalidad sa pinakamainam na matatamo nito ay siya ring magpapabago sa inyong buhay sa buong kawalang-hanggan sa pinakamainam na matatamo nito!
Kapag gumagawa kayo ng mga pagpapasiya, tanawin ninyo ang hinaharap—isang walang-hanggang pananaw
Kapag gumagawa kayo ng pagpapasiya, hinihikayat ko kayong tanawin ang hinaharap—isang walang-hanggang pananaw. Unahin si Jesucristo dahil ang inyong buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa inyong pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala [tingnan sa 2 Nephi 2:6–8, 27; Moroni 7:41]. Nakasalalay rin ito sa inyong pagsunod sa Kanyang mga batas. Ang pagsunod ay naglalaan ng daan para sa masayang buhay para sa inyo ngayon at sa isang maringal at walang-hanggang gantimpala bukas.
Gawing walang hanggang mithiin ninyo ang selestiyal na kaharian
Sa unang mensahe ko bilang Pangulo ng Simbahan, hinikayat ko kayong magsimula na isinasaisip ang nasa dulo. Ibig sabihin ang kahariang selestiyal ang magiging walang hanggang mithiin ninyo at pagkatapos ay pag-isipan nang mabuti kung saan kayo dadalhin sa kabilang-buhay ng bawat desisyon ninyo sa mundong ito [tingnan sa Mosiah 4:30].
Mga Kaugnay na Mensahe
“Isipin ang Kahariang Selestiya!” (Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2023)
“Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2013)
“Salamat sa Diyos” (pangkalahatang kumperensya ng Abril 2012)
“Panahon Na para Maghanda” (pangkalahatang kumperensya ng Abril 2005)
“The Creation” (pangkalahatang kumperensya ng Abril 2000)
“The Atonement” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1996)
“Constancy amid Change” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1993)