Adult Lesson: Training Lesson para sa mga Magulang tungkol sa Teknolohiya
I. Panimula
Bilang mga magulang, gusto natin ang pinakamainam para sa ating mga anak, at kabilang diyan ang pagtuturo sa kanila kung paano ligtas na tuklasin ang mundo ng teknolohiya. Sa lesson na ito, tatalakayin natin kung paano natin matutulungan ang mga bata na kontrolin ang paggamit nila ng teknolohiya, upang hindi sila kontrolin ng mga ito. Matututuhan natin ang mga praktikal na paraan at mga teknik na makakatulong sa paggabay sa mga bata sa sadya at positibong paggamit ng teknolohiya.
II. Ang Mga Pakinabang at Kapalit ng Teknolohiya
Mga Pakinabang
-
Ginagamit ng Simbahan ang teknolohiya para makipag-ugnayan sa iba’t ibang panig ng mundo at ipalaganap ang ebanghelyo.
-
Nagbibigay sa atin ng access ang teknolohiya sa pinagsama-samang kaalaman ng mundo na kasya sa ating bulsa.
Mga Kapalit
-
Ang kapalit ng teknolohiya ay ang ating oras at atensyon, o mas masahol pa, pag-aaksaya ng pagkakataon at mga pagpapala.
-
Kung hindi tayo maingat, maaari tayong mabaling sa isang bagay na hindi natin dapat bigyang-pansin, o malihis tayo sa ating mga tipan at pinapahalagahan.
Filipos 4:8
-
Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na kapuri-puri, kung mayroong anumang kagalingan, at kung may anumang nararapat papurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.
III. Mga Hamon ng Teknolohiya
Ang mga mananaliksik, agham, at disenyo ay pinag-aralan ang mga pamamaraan upang makatulong sa mga tao na mapahaba ang pagbibigay ng atensyon at mas makaramdam ng kasiyahan. Katulad din ito ng industriya ng pagkain. Ang agham ay nakatulong sa mga negosyo na makagawa na pagkain upang maabot ang “bliss point,” o ang yugto kung saan ang lasa ng pagkain ay pinakakasiya-siya. Kasalanan mo ba kung palaging tila gusto mo ng isa pa?
Bale, oo … at hindi. Ang teknolohiya ay may sarili ring “bliss point,” o “punto ng labis na kasiyahan” at ginagabayan nito ang ating mga emosyon at mga kemikal sa katawan upang mapanatili ito. May kakulangan ka ba kung hindi mo kayang kontrolin ang paggamit ng teknolohiya? Mahina ka lang ba sa espirituwal? Hindi. Ang masiyahan sa paggamit ng teknolohiya ay talagang normal ngunit ang pagkontrol sa paggamit ng teknolohiya ay maaaring maging tunay na hamon. Ikaw ay kumokontra sa agham, mga kemikal ng utak, at mapagkumpetensiyang industriyang umaagaw sa ating atensyon—at hindi ito patas na laban.
Mahalagang malaman na ang mga adult ay maaaring mahirapan sa teknolohiya tulad ng mga bata. Maaari din tayong matangay sa “bliss point” ng teknolohiya at mawalan ng pansin sa oras, tulad ng mga kabataan at mga bata.
Ang “Bliss Point” o “Punto ng Labis na Kasiyahan” ng Teknolohiya
-
Ang teknolohiya ay isang kasangkapan na nagbibigay sa atin ng access sa pinagsama-samang kaalaman ng mundo at maaaring magamit para sa kabutihan.
-
Habang mas nagbibigay-pansin tayo sa teknolohiya, mas nababayaran ang mga lumilikha ng teknolohiya.
-
Gumagamit ng mga pamamaraan ang mga mananaliksik at mga taga-disenyo upang mas mapanatili ang ating paggamit at masiyahan tayo sa teknolohiya, tulad ng sa “bliss point” sa industriya ng pagkain.
-
Nauunawaan ng Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas ang ating mga paghihirap sa pagkontrol ng teknolohiya at palalakasin tayo.
2 Corinto 12:9
-
Subalit sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.” Ako’y lalong magmamalaki na may galak sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manatili sa akin.
Pagdaig sa “Bliss Point” o “Punto ng Labis na Kasiyahan”
-
Tanggapin na ang teknolohiya ay may sariling “bliss point,” o “punto ng labis na kasiyahan” na gumagabay sa ating mga emosyon at kemikal sa katawan.
-
Normal lang ang mahirapan sa teknolohiya. Tayo ay kumokontra sa agham, mga kemikal ng utak, at mapagkumpitensyang industriyang umaagaw sa ating atensyon.
-
Maaari nating kontrolin ang paggamit natin ng teknolohiya sa pamamagitan ng pagtatanong sa ating sarili ng mga bagay na may layunin, pagpaplano, at pagtigil sandali kapag kailangan.
-
Ang pagiging maingat sa content na ating kinokonsumo at paglikha ng mga lugar sa ating tahanan na hindi maaaring gumamit ng device ay makakatulong din sa atin na madaig ang “bliss point,” o “punto ng labis na kasiyahan” ng teknolohiya.
Mateo 26:41
-
Kayo’y maging handa at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay tunay na nagnanais subalit ang laman ay mahina.
Bilang mga magulang, maaari tayong magpakita ng halimbawa sa ating mga anak sa pamamagitan ng pagiging maingat sa ating sariling paggamit ng teknolohiya. Ang pagkilala kung saan kailangang limitahan ang paggamit ng teknolohiya at gumawa ng mga hakbang upang madaig ang tukso na paggamit ng labis o pag-abuso nito, ay makalilikha ng isang magandang relasyon sa teknolohiya para sa ating sarili at sa ating mga pamilya. Tandaan, tayo ang nagkokontrol sa paggamit natin ng teknolohiya, hindi tayo kinokontrol nito.
IV. Pagkontrol sa Paggamit ng Teknolohiya
A. May Layunin: Sadyang paggamit ng teknolohiya para matuto at lumikha.
Colosas 3:23
-
Anuman ang inyong ginagawa, ay inyong gawin [na]ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao.
-
Tanungin ang iyong sarili ng mga bagay na tulad ng “Bakit ko ginagamit ang aking device ngayon?” at “Maganda ba ang pakiramdam ko sa ginagawa ko?”
Ang mga praktikal na mungkahi para sa sadyang paggamit ng teknolohiya ay kinabibilangan ng pagpapadala ng isang positibong mensahe, pakikinig sa mapayapang musika, at paglikha ng iyong sariling content. Anong iba pang mga gamit ang matutukoy mo?
B. Magplano: Pagpaplano nang maaga para sa mas mabubuting pagpipilian.
Mga Kawikaan 16:3
-
Italaga mo sa Panginoon ang iyong mga gawa, at magiging matatag ang iyong mga panukala.
-
Itanong sa sarili ang mga bagay na tulad ng “Ano ang plano ko sa paggamit ng aking device?” at “Anong tanda ang ipinapakita ko sa Diyos kung paano ko ginagamit ang aking oras?”
Ang mga praktikal na mungkahi para sa pagpaplano nang maaga para sa mas mabubuting pagpipilian ay kinabibilangan ng pagbibigay sa iyong sarili ng isang pang-araw-araw na limitasyon sa oras na ginugugol sa paggamit ng device o gadget, pag-follow at pagkontak lamang sa malalapit na kapamilya at kaibigan, pagkakaroon ng mga lugar sa tahanan na hindi maaaring gumamit ng device, pag-set up ng charging station para sa pamilya, at paggamit ng filter. Anong iba pang mga estratehiya ang makakatulong sa inyo at sa inyong mga anak na gumawa ng mas mabubuting pagpili tungkol sa paggamit ng teknolohiya?
C. Huminto Sandali: Pagpapahinga sandali kapag kailangan.
Mga Awit 46:10
-
Magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.
-
Itanong sa sarili ang mga tanong na tulad ng “Iniiwasan ko ba ang content na alam kong hindi tama o walang layunin?” at “Nadama ko bang lumisan ang Espiritu?”
Kabilang sa mga praktikal na mungkahi sa pagbibigay ng maikling pahinga mula sa teknolohiya ang paglalapag ng iyong device at paglayo, pagdarasal na magkaroon ng lakas, at pagkausap sa isang tao. Paano makapagpapahinga sandali ang inyong pamilya mula sa teknolohiya kapag kailangan?
V. Talakayan ng Grupo
Ngayong napag-usapan na natin ang ilang praktikal na pamamaraan para sa pagkontrol sa paggamit ng teknolohiya, simulan natin ang talakayan sa grupo. Gusto kong makarinig sa inyong lahat tungkol sa inyong mga karanasan sa teknolohiya at kung paano ninyo nakontrol ang paggamit nito sa inyong buhay.
-
Ano ang mga pinakamalalaking hamon na kinakaharap ninyo sa pagkontrol sa paggamit ng teknolohiya sa inyong tahanan?
-
Anong mga pagpapahalaga ang nais ninyong maitanim sa isipan ng inyong mga anak pagdating sa paggamit ng teknolohiya?
-
Paano nakakaapekto ang teknolohiya sa mga relasyon at komunikasyon ninyo sa inyong pamilya?
-
Sa anong mga paraan ninyo ginagamit ang teknolohiya bilang pamilya? Paano ito nakakaganda o nakakasira sa kalidad ng oras na magkakasama kayo?
-
Paano ninyo mababalanse ang mga pakinabang at negatibong epekto ng paggamit ng teknolohiya sa pang-araw-araw na buhay ng inyong pamilya?
-
Ano ang nakikita ninyong papel ng teknolohiya sa pag-aaral ng inyong anak? Paano ninyo matitiyak na epektibo nilang ginagamit nito?
-
Ano ang epekto ng teknolohiya sa kalusugan ng isipan ng inyong anak? Anong mga hakbang ang ginagawa ninyo para maibsan ang anumang mga negatibong epekto?
-
Anong mga hangganan ang itinakda ninyo sa paggamit ng teknolohiya sa inyong tahanan? Paano ninyo ipinatutupad ang mga ito?
-
Paano ninyo maipapakita ang responsableng paggamit ng teknolohiya para sa inyong mga anak?
-
Anong mga resource o suporta ang kailangan ninyo para epektibong makontrol ang paggamit ng teknolohiya sa inyong tahanan?
-
Paano nakaapekto ang paggamit ng teknolohiya sa relasyon ko sa aking mga anak?
-
Ano ang ilang potensyal na panganib na kaugnay ng paggamit ng teknolohiya sa tahanan? Paano ninyo mababawasan ang mga panganib na iyon?
-
Anong mga pagpapahalaga ang nais ninyong maitanim sa isipan ng inyong mga anak sa paggamit ng teknolohiya? Paano ninyo maipapakita mismo ang mga pagpapahalagang iyon?
-
Paano kayo makakagawa ng plano tungkol sa paggamit ng teknolohiya para sa inyong pamilya na sapat ang kakayahang umangkop sa mga pagbabago at hamon, ngunit nagbibigay pa rin ng istruktura at mga hangganan?
-
Paano ninyo magagamit ang teknolohiya bilang kasangkapan upang mapahusay ang pagkatuto at pag-unlad ng inyong mga anak sa halip na maging libangan o gambala lamang ito?
VI. Mga Mungkahi sa Pagtuturo tungkol sa Paggamit ng Teknolohiya sa Tahanan
Magsimula sa pamamagitan ng pagtalakay sa papel na ginagampanan ng teknolohiya sa ating buhay at kung paano ito makakaapekto sa pag-uugali at emosyon.
A. Ipaliwanag ang kahalagahan ng pagkontrol sa paggamit ng teknolohiya
Ibahagi kung paano maaaring maging isang kasangkapan ang teknolohiya para sa kabutihan, ngunit maaari din itong maging isang problema kapag kinokontrol tayo nito. Ipaliwanag na mahalagang kontrolin ang paggamit ng teknolohiya para hindi tayo makontrol nito.
B. Ituro ang mga praktikal na mungkahi sa pagkontrol sa paggamit ng teknolohiya
Rebyuhin ang bawat mungkahi sa pagkontrol sa paggamit ng teknolohiya na nakalista sa mga tala sa artikulo (may layunin, magplano, at tumigil sandali). Ipaliwanag kung paano makakatulong sa kanila ang bawat mungkahi sa pagkontrol sa paggamit ng teknolohiya.
C. Mag-isip ng mga paraan para maipamuhay ang mga alituntunin sa tahanan
Talakayin ang iba’t ibang mga sitwasyon kung saan maaaring maging problema ang teknolohiya, tulad ng paggugol ng napakaraming oras sa social media o tuluy-tuloy na paglalaro ng mga video game.
Mag-isip ng mga paraan para maipamuhay ang mga alituntunin ng pagkontrol sa paggamit ng teknolohiya sa mga sitwasyong ito, tulad ng pagtatakda ng mga limitasyon sa araw-araw, paglikha ng mga lugar na hindi maaaring gumamit ng device, o pagpapahinga sandali kapag kailangan.
D. Maghikayat ng bukas na komunikasyon at pananagutan
Ipaliwanag na mahalaga na hayagang mag-usap tungkol sa paggamit ng teknolohiya sa pamilya at panagutin ang isa’t isa sa responsableng paggamit ng teknolohiya.
Magtakda ng mga inaasahan at tuntunin sa paggamit ng teknolohiya sa tahanan at hikayatin ang lahat na magtulungan upang sundin ang mga ito.
E. Follow up at check-in
Mag-follow up sa inyong mga anak paminsan-minsan para kumustahin ang pagkontrol nila sa paggamit ng teknolohiya. Hikayatin silang humingi ng tulong kung kailangan nila ito at maging handang mag-alok ng suporta at patnubay kung kailangan.
F. Magpakita ng mabuting paggamit ng teknolohiya
Ipaliwanag ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga magulang sa pagpapakita ng mabuting paggamit ng teknolohiya. Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng kamalayan sa sarili nilang paggamit ng teknolohiya at pagpapakita ng magandang halimbawa. Maaaring ipakita ng mga magulang sa mga anak na maaari nilang masayang gamitin ang teknolohiya nang hindi nito kinokontrol ang kanilang buhay at ang paggamit ng teknolohiya ay maaaring ibalanse sa iba pang mahahalagang aktibidad at relasyon.
G. Gumamit ng positibong reaksyon sa mabuting pag-uugali
Talakayin kung paano magagamit ang positibong reaksyon sa mabuting pag-uugali upang maitatag at mapalakas ang mga mabubuting gawi at pag-uugali. Kapag nagsisikap ang mga bata na kontrolin ang paggamit nila ng teknolohiya at maayos nilang ginagamit ito, mahalaga na purihin at hikayatin sila.
H. Gawin itong pagsisikap ng pamilya
Hikayatin ang lahat sa pamilya na magtulungan upang lumikha ng magandang relasyon sa paggamit ng teknolohiya. Ang pagkontrol sa paggamit ng teknolohiya ay hindi lamang indibiduwal na pagsisikap, kundi pagsisikap ng pamilya. Maaaring kabilang dito ang pagtatakda ng mga patakaran at hangganan ng pamilya sa paggamit ng teknolohiya, paghahanap ng mga alternatibong aktibidad na gagawin bilang isang pamilya, at pagkakaroon ng bukas at tapat na komunikasyon tungkol sa mga hamon at tagumpay sa responsableng paggamit ng teknolohiya.
I. Maging matiyaga at maunawain
Magplano kasama ang mga magulang kung paano nila mababago ang mga gawi at pag-uugali sa paggamit ng teknolohiya. Ipaunawa sa kanila na nangangailangan ito ng oras at pagsisikap. Mahalagang maging matiyaga at maunawain habang nagsisikap ang mga bata na kontrolin ang paggamit nila ng teknolohiya. Maaari silang mag-alok ng suporta at patnubay habang ginagawa ito, at ipagdiwang ang mga maliliit na tagumpay habang sumusulong ang mga bata patungo sa mas magandang relasyon sa teknolohiya.
VII. Konklusyon
Ang teknolohiya ay isang mahimalang kasangkapan, ngunit maaari din itong maging isang pasanin kung hindi natin ito sadyang ginagamit. Sa pagkontrol sa ating paggamit ng teknolohiya at paggabay sa mga bata na gawin din iyon, makatitiyak tayo na hindi tayo kinokontrol nito. Tandaan na sadyang gamitin ang teknolohiya upang matuto at lumikha, magplano nang maaga para sa mas mabubuting pagpili, at magpahinga sandali kapag kailangan. Tandaan din natin ang mga talata sa banal na kasulatan na naghihikayat sa atin na magtuon sa mga bagay na totoo, tapat, makatarungan, dalisay, kaaya-aya, at may magandang ulat. Sa paggawa nito, matutulungan natin ang mga bata na ligtas at positibong gamitin ang teknolohiya.