“Pagbabahagi ng mga Katotohanan ng Ebanghelyo nang Simple at Malinaw,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)
Pagbabahagi ng mga Katotohanan ng Ebanghelyo nang Simple at Malinaw
Ipaliwanag
Ipaliwanag na ang pagtuturo ng katotohanan nang simple at malinaw ay mabisang paraan upang masagot ang mga tanong at matugunan ang mga alalahanin. Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard:
Ang pinakamadalas nating marinig na kahilingan ay napakasimpleng tanong na tulad nito: “Magkuwento ka nga nang bahagya tungkol sa inyong Simbahan.” Ang tatandaan dito ay ang salitang “bahagya.” Hindi nila sinasabing, “Sabihin mo nga sa akin ang lahat ng nalalaman mo pagkatapos ay papuntahin mo pa ang iba para sabihin sa akin ang lahat ng iba pa.” …
… May malaking pangangailangan para sa malinaw at simpleng mga pahayag na naglalahad ng mga pangunahing alituntunin ng Simbahan sa ngayon sa mga nag-uusisa. (M. Russell Ballard, “Pananampalataya, Pamilya, mga Katotohanan, at mga Bunga,” Liahona, Nob. 2007, 25)
Ipakita
Maaari mong ibahagi ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na halimbawa ng mga simple at malinaw na pahayag ng katotohanan ng ebanghelyo o gamitin ang ilan sa sarili mong mga halimbawa para maipakita ang kasanayang ito.
Ano ang priesthood? “Ang priesthood ay ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Umiiral na ito noon pa man at magpapatuloy sa pag-iral nang walang katapusan (tingnan sa Alma 13:7–8; Doktrina at mga Tipan 84:17–18). Sa pamamagitan ng priesthood, isinasakatuparan ng Ama sa Langit ang Kanyang gawain na ‘isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao’ (Moises 1:39). Binibigyan ng Diyos ang Kanyang mga anak na lalaki at babae dito sa mundo ng awtoridad at kapangyarihan upang makatulong sa pagsasakatuparan ng gawaing ito” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3.0, ChurchofJesusChrist.org).
Ano ang patotoo? “Ang … patotoo ay pinakamahalagang pag-aari ninyo, na madalas na nauugnay sa malalalim na espirituwal na damdamin. Ang mga damdaming ito ay tahimik na nadarama at inilalarawan bilang ‘banayad at munting tinig’ [1 Mga Hari 19:12]. Ito ang inyong paniniwala o kaalaman tungkol sa katotohanan na ibinigay bilang patotoo sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo” (Gary E. Stevenson, “Pangalagaan at Ibahagi ang Inyong Patotoo,” Liahona, Nob. 2022, 112).
Paano ko malalaman kung napatawad na ako ng Diyos? “Nangangako ang Diyos na patatawarin Niya ang mga nagsisisi. Kapag nadarama mo ang kapanatagan mula sa Espiritu, malalaman mo na gumagana ang nagbabayad-salang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa iyong buhay” (Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili [2022], 8).
Maaari ninyong panoorin ang video na “What Happens after We Die?” (1:40), at alamin kung bakit simple at malinaw na sinasagot ng video na ito ang tanong na iyon. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila habang pinanonood nila ang video.
Magpraktis
Maaari kang gumawa ng tanong mula sa isang paksa o turo mula sa mga banal na kasulatan na babasahin para sa linggong ito. O maaari kang pumili mula sa mga tanong na nasa ibaba. Sabihin sa mga estudyante na magpraktis kasama ang isang kapartner at magsalitan sa pagsagot sa mga tanong nang simple at malinaw. Hikayatin ang mga estudyante na sagutin ang bawat tanong sa loob ng 30 hanggang 60 segundo.
-
Naniniwala ba ang mga Banal sa mga Huling Araw kay Jesus?
-
Bakit kailangan ko pa ang Aklat ni Mormon kung mayroon na akong Biblia?
-
Nagsasagawa ba ng poligamya ang mga miyembro ng inyong Simbahan?
-
Bakit ko kailangan ng organisadong relihiyon?
-
Ano ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa karanasang ito.
Mag-anyaya at Mag-Follow Up
Sa darating na mga linggo, anyayahan ang mga estudyante na gawin ang pagbabahagi ng katotohanan nang simple at malinaw. Tandaan na mag-follow up at bigyan ng oras ang mga estudyante sa susunod na pagkikita ng klase na magbahagi ng anumang karanasan nila sa pagbabahagi ng mga katotohanan ng ebanghelyo nang simple at malinaw. Maaari mo rin silang anyayahang magbahagi ng anumang hamon na naranasan nila.