Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan
Si Newel K. Whitney at ang Nagkakaisang Samahan


“Si Newel K. Whitney at ang Nagkakaisang Samahan,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Si Newel K. Whitney at ang Nagkakaisang Samahan,” Konteksto ng mga Paghahayag

Si Newel K. Whitney at ang United Firm

D&T 70, 78, 82, 92, 96, 104

Newel K. Whitney

Noong Abril 1834, si Newel K. Whitney, ang bishop ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, at isang kilalang negosyante, ay nagpatawad sa mahigit $3,600 na pagkakautang sa kanya ng ilang indibiduwal, kabilang sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Oliver Cowdery. Naipon ang mga utang nang mahigit sa dalawang taon nang ang mga lalaking ito ay nagtulungan, sa isang administratibong lupon na tinawag na United Firm o Nagkakaisang Samahan, upang mapamahalaan at mapondohan ang mga temporal na gawain ng Simbahan. Ngayon, matapos ang dalawang taon na puno ng kaganapan, nabuwag ang Nagkakaisang Samahan. “Sinabi ni Joseph na kalooban ng Panginoon” na mabalanse ang mga account “nang buo nang walang anumang karagdagan,” pahayag ni Whitney. Pagkatapos ay sinabi ni Whitney na gagawin niya ang ipinagagawa ni Joseph.

Mula sa simula ng Pagpapanumbalik ng Simbahan, nagbigay ang Panginoon kay Joseph Smith ng mga gawain na nangangailangan ng mga temporal na paraan upang maisakatuparan. Halimbawa, sa pinansyal na tulong ni Martin Harris, nailathala ng batang propeta ang Aklat ni Mormon. Sa pagdami ng bilang ng mga miyembro ng Simbahan, lumawak din ang saklaw ng inihayag na misyon nito. Ang pagtatayo ng mga komunidad ng Sion ay nangailangan ng lupa at mapagkukunan. Ang pangangaral ng inihayag na ebanghelyo sa mundo ay nangailangan ng isang palimbagan. Ang Nagkakaisang Samahan ay itinatag upang mapagtugma at mapondohan ang malalaking gawaing ito.

Tulad noong naroon siya sa pagbuwag ng Nagkakaisang Samahan, naroon din si Newel K. Whitney nang itatag ito. Bilang bishop, dumalo si Whitney sa isang pulong ng mga high priest sa Kirtland noong Marso 1832. Sa pulong na iyon, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng isang paghahayag (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 78) na nagtagubilin kina Joseph, Sidney Rigdon, at Bishop Whitney na maglakbay patungong Missouri upang pangasiwaan ang pagtatatag ng “establisimyentong Pampanitikan at Pangangalakal.” Sa panahong iyon, si Sidney Gilbert, isang kinatawan ni Bishop Edward Partridge sa Independence, Missouri, ay nagbukas ng isang tindahan para sa Simbahan, at ang tindahan ni Whitney sa Kirtland ay itinalaga bilang kamalig o storehouse ng Simbahan.

Bukod pa rito, si William W. Phelps, ang manlilimbag ng Simbahan, ay nagtayo ng isang palimbagan sa Independence, kung saan naglimbag siya ng isang pahayagan at naghahandang maglathala ng isang tinipon na mga paghahayag ni Joseph Smith sa isang aklat na tinatawag na Book of Commandments. Upang mapangasiwaan ang paglalathala ng Book of Commandments, isang paghahayag noong Nobyembre 1831—na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 70—ang nagtalaga kina Joseph Smith, Sidney Rigdon, Oliver Cowdery, John Whitmer, Martin Harris, at William W. Phelps na “mga katiwala sa mga paghahayag,” nagsasabing sila ay babayaran para sa kanilang gawain mula sa napagbentahan ng aklat. Ngayon, noong Marso 1832, sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith at sa iba pa na ang pagpapatakbo ng palimbagan at ng mga kamalig ay kailangang pagtugmain.

Sa unang linggo ng Abril 1832—ilang araw lang matapos salakayin ng mga mandurumog sina Joseph Smith at Sidney Rigdon, na humantong sa pagkamatay ng ampon na anak ni Joseph, si Joseph Murdock—sina Joseph Smith, Newel K. Whitney, Sidney Rigdon, at ang ilan pa ay lumisan patungong Independence upang isakatuparan ang kautusang ito. Noong Abril 26, pagkarating sa Missouri, agad na pinulong ng Propeta ang mga high priest. Sa pulong na ito, binasa ni Sidney Rigdon ang paghahayag noong Marso 1832, na nagsasabing ibinigay nito “ang dahilan kung bakit kami inutusang pumunta sa lupaing ito & magpulong kasama ang mga High priest dito.” Pagkatapos ay isang paghahayag ang ibinigay kay Joseph, na naglalahad ng dapat nilang gawin.

Ang paghahayag na ito, sa orihinal na pagkakasulat nito, ay nagsasaad na “kinakailangan” para kina Joseph Smith, Sidney Rigdon, Newel K. Whitney, Edward Partridge, Sidney Gilbert, John Whitmer, Oliver Cowdery, William W. Phelps, at Martin Harris na “mataling magkakasama ng isang bigkis & Tipan na hindi malalagot sa inyong ilang Pinangangasiwaan upang mapamahalaan ang mga bagay-bagay na nauukol sa pampanitikan & Pangangalakal & sa Obispado [Bishopric] kapwa sa Lupain ng Sion & sa Lupain ng Kirtland.” Ang paghahayag—ngayon ay Doktrina at mga Tipan 82—ay nagsabi rin na ang siyam na indibiduwal na ito ay “kailangang magkaroon ng mga pantay-pantay na karapatan sa mga ari-arian, para sa kapakinabangan ng pamamahala ng mga pananagutan sa inyong mga pinangangasiwaan.” Ipinahayag nito na itinakda ng Panginoon ang “samahan” na ito na maging “isang walang hanggang [samahan] sa inyo, & at sa inyong mga Kahalili.”

Dagdag pa rito, sinabi ng paghahayag sa mga kalalakihan na “itali” ang inyong sarili sa pamamagitan ng tipan, “alinsunod sa mga Batas ng Lupain.” Sa katunayan, nakasaad sa paghahayag na ito na ang mga miyembro ng samahan ay makatatanggap ng panustos para sa kanilang sarili at sa kanilang mga pamilya mula sa mga establisyimento ng pangangalakal at palimbagan na iniutos sa kanila na pangasiwaan at na sila ay papasok sa isang legal na kasunduan na magpapaisa sa kanila patungkol sa kanilang mga obligasyon para sa mga pagkakautang ng samahan.

Nagpulong muli ang kapulungan nang sumunod na araw at nagtagubilin na ang dalawang pangunahing sangay ng samahan ay maging Gilbert, Whitney & Co. (pakikipagsosoyo sa kalakal nina Newel K. Whitney at Sidney Gilbert sa Independence) at N. K. Whitney & Co. (samahan sa Kirtland ni Whitney). Inatasan din nila sina Phelps at Gilbert na magsulat ng legal na kasunduan na kailangang sundin ng mga miyembro ng samahan ayon sa tagubilin sa paghahayag. Makalipas lamang ang ilang araw, noong ika-1 ng Mayo 1832, idinaos ng Nagkakaisang Samahan ang unang regular na pulong nito, na dinaluhan ng lahat ng miyembro nito maliban kay Martin Harris. Sa pulong na ito, sina Whitney at Gilbert ay “itinalagang mga kinatawan na kikilos sa pangalan ng Samahang ito” at ang samahan ay inatasang makakuha ng loan na $15,000 sa pamamagitan ng N. K. Whitney & Co.

Sa sumunod na dalawang taon, mahalaga ang ginampanan ng Nagkakaisang Samahan sa pangangasiwa sa Simbahan. Bukod pa sa pangangasiwa sa mga kamalig at palimbagan, ang mga miyembro nito ay nagsilbing de facto na mga direktor ng lupon para kay Joseph Smith. Halimbawa, kapag humingi si Joseph, na nanatili sa Ohio, ng impormasyon tungkol sa nangyayari sa Missouri, kung saan itinatatag ang lunsod ng Sion, ipapadala niya ang mga liham sa mga miyembro ng samahan. Gayundin, ang mga ari-arian ng samahan ay naging mahalaga sa pagtustos sa mga proyekto ng Simbahan at sa paglalaan sa mga miyembro ng samahan at sa kanilang mga pamilya ng mga pangangailangan sa buhay.

Noong 1833, dalawang karagdagang miyembro ang idinagdag sa samahan, kapwa sa pamamagitan ng paghahayag. Iniutos sa paghahayag noong Marso 1833—ngayon ay Doktrina at mga Tipan 92—na tanggapin si Frederick G. Williams “sa samahan” at na siya ay maging “isang masiglang kasapi.” Pagkatapos, noong Hunyo 1833, iniutos sa isa pang paghahayag—ngayon ay Doktrina at mga Tipan 96—na si John Johnson ay “maging kasapi ng samahan, upang siya ay makatulong sa pagdadala ng aking salita sa mga anak ng tao.” Si Williams, isang miyembro ng namamahalang panguluhan ng Simbahan, ay may malalaking lupain sa Ohio, tulad ni Johnson. Ginamit ng Nagkakaisang Samahan ang mga lupaing ito ng kalalakihan para mapamahalaan ang mga pangangasiwaan nito.

Samantala, ipinagpatuloy ni Newel K. Whitney ang kanyang pagiging kabilang sa samahan. Bukod pa sa pagpapatakbo ng kanyang tindahan sa Kirtland bilang kamalig ng Simbahan, si Whitney ang naging responsable para sa mga utang sa malaking bahagi ng lupain na binili sa Kirtland kung saan pinlano ng mga lider ng Simbahan na pagtayuan ng bahay ng Panginoon. Sa pamamagitan ng kita ng kanyang tindahan, nakapagbigay rin si Whitney ng pondo at mga kinakailangan ni Joseph Smith at ng iba pa, na humantong sa pagkakautang na patatawarin ni Whitney pagsapit ng Abril 1834.

Gayunpaman, ang Nagkakaisang Samahan ay nagkaroon ng problema sa pananalapi noong 1834. Nang palayasin ang mga Banal mula sa Jackson County, Missouri, noong taglagas ng 1833, nawala sa Simbahan ang dalawang mahahalagang bahagi ng samahan: ang palimbagan ni Phelps at ang kamalig ni Gilbert. Bukod pa rito, may mga pagkakautang ang Nagkakaisang Samahan dahil sa pagbili ng mga kalakal para sa mga kamalig, isang bagong palimbagan sa Kirtland, at lupa para sa pagpapaunlad ng Kirtland.

Noong ika-11 ng Enero 1834, anim na miyembro ng samahan, kabilang si Whitney, ang nanalangin na ang Panginoon ay “magkakaloob, ayon sa kanyang Awa, sa bishop ng Simbahang ito ng sapat na paraan upang mabayaran ang lahat ng pagkakautang ng Samahan, sa tamang panahon.” Ngunit noong Abril 1834, napansin ni Whitney na siya ay may utang na $8,000 dahil sa kanyang tungkulin sa samahan. Kinailangan niya ng kahit $4,000 man lang sa buwang iyon para makatulong sa pagbabayad ng mga utang, at ang balanse niyon ay kailangang mabayaran sa Setyembre 1834. Upang masolusyunan ang kagipitang ito sa pananalapi, nagdaos si Propetang Joseph ng isang pulong ng Nagkakaisang Samahan noong ika-10 ng Abril 1834, kung saan napagpasiyahan na “dapat buwagin ang samahan at ibibigay ang pangangasiwa sa bawat isa sa kanila.”

Wala pang dalawang linggo kalaunan, noong ika-23 ng Abril 1834, nagbigay ang Panginoon ng isang paghahayag kay Joseph Smith—ngayon ay Doktrina at mga Tipan 104—na nagtalaga ng mga pangangasiwaang ito sa iba’t ibang miyembro ng samahan. Ang mga pangangasiwaan ay mga partikular na piraso ng lupa na pananagutan ng bawat miyembro ng samahan. Halimbawa, ibinigay kay Newel K. Whitney ang kanyang mga bahay at tindahan, ang mga lote kung saan nakatayo ang mga ito, at ang lote kung saan matatagpuan ang kanyang ashery. Ang iba ay binigyan ng lupain at mga gusali na natayo sa mga lupain na pag-aari nina Frederick G. Williams at John Johnson. Bagama’t nakasaad mismo sa paghahayag na magpapatuloy ang Nagkakaisang Samahan pagkatapos ng pagbibigay na ito ng pangangasiwaan at pagsasaayos muli ng samahan, ang samahan ay hindi na talaga nagpatuloy pa pagkatapos niyon. Sa halip, ang mataas na kapulungan ng Kirtland, na binuo noong Pebrero 1834, ang nangasiwa sa gawaing pangkalakalan at paglilimbag ng Simbahan.

Sa mga huling edisyon ng Doktrina at mga Tipan, ang Nagkakaisang Samahan ay tinawag na “Nagkakaisang Orden,” at mga code name ang inihalili sa mga pangalan ng mga kasali rito. Bukod pa rito, ang mga salitang ginamit tungkol sa layunin ng samahan ay binago upang mas maitago ang layunin nito na matugunan ang mga pangangailangan ng mga maralita. Ginawa ito upang maprotektahan ang identidad ng mga kasali sa samahan at manatiling kumpidensyal ang mga layunin nito. Ang mga pangalan ng indibiduwal ay ipinanumbalik sa mga paghahayag noong dekada ng 1980, ngunit ang samahan ay tinawag pa ring Nagkakaisang Orden sa 2013 edisyon ng Doktrina at mga Tipan.

Ang pakikibahagi ni Newel K. Whitney sa Nagkakaisang Samahan ay nag-iwan sa kanya ng dagdag na pagkakautang, ngunit hindi siya kailanman nagpakita ng anumang hinanakit kay Joseph Smith o sa Panginoon dahil dito. Hindi isinulat ni Whitney ang nadama niya tungkol sa pagpapatawad ng malaking halagang $3,600, ngunit ang pagpapatawad niya sa mga utang ay nagpakita ng kanyang kahandaang sundin ang Propeta maging sa mga bagay na temporal. Ang kanyang tungkulin sa samahan ay nagbigay sa kanya ng pagkakataong makipagtulungan nang mabuti kay Joseph Smith at sa iba pang mga lider ng Simbahan sa pagbibigay sa Simbahan ng mga panustos upang maisakatuparan ang misyon nito. Mahalaga ang ginampanan ng Nagkakaisang Samahan sa pangangasiwa ng Simbahan mula 1832 hanggang 1834—tulad ng mahalagang tungkuling ginampanan ni Whitney sa samahang ito.