Pagiging Magulang
2. Nais ng Diyos na makipag-ugnayan sa iyo


ang Ama at ang Anak ay nagpakita kay Joseph Smith sa sagradong kakahuyan

2.

Nais ng Diyos na makipag-ugnayan sa iyo

Doktrina at mga Tipan 8:2–3

Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ay nagsimula noong nanalangin ang isang teenager na nagngangalang Joseph Smith, at sinagot siya ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Patuloy na ginagabayan ng Diyos ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga buhay na propeta. Nais din Niya na kausapin ka, na Kanyang anak, sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang matutuhang malaman kung paano nangungusap sa iyo ang Espiritu Santo ay isa sa pinakamahahalagang kasanayang matatamo mo.

Mga Walang-Hanggang Katotohanan

Inaakay ka ng Espiritu sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Iyan ang mahalagang papel na ginagampanan ng Espiritu Santo. Bibigyan ka rin Niya ng inspirasyon na magsisi at sumunod kay Jesucristo upang matanggap mo ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. Kapag nagsisisi ka, pinadadalisay ka ng Espiritu at tinutulungan kang magbago.

Ang Espiritu Santo ay nangungusap sa iyong puso at isipan. Ang mga mensahe mula sa Espiritu ay maaaring pumasok sa iyong isipan sa maraming paraan—sa pamamagitan ng mga inspiradong kaisipan, babala, malinaw na pag-unawa, at espirituwal na mga alaala. Maaaring mangusap ang Espiritu Santo sa iyong puso sa pamamagitan ng nagpapasiglang mga damdamin katulad ng kapanatagan, kumpiyansa, kapayapaan, pagmamahal, kagalakan, pagpapakumbaba, pasasalamat, at pagtitiyaga.

Mga Paanyaya

“Tanggapin ang Espiritu Santo.” Ang mga salitang ito ay sinabi noong nakumpirma kang miyembro ng Simbahan ni Cristo. Paano mo tinatanggap ang Espiritu Santo? Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turo ni Jesucristo. Siya ang iyong lakas. Inaanyayahan mo ang Espiritu Santo sa iyong buhay sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya.

Makipag-ugnayan sa iyong Ama sa Langit sa panalangin. Ibuhos mo sa Kanya ang niloloob ng iyong puso. Pasalamatan Siya sa maraming mabubuting pagpapala na ibinigay Niya sa iyo. Ibahagi sa Kanya ang iyong mga kagalakan, alalahanin, at tanong. Maging tahimik at makinig sa Kanyang mga sagot, na maaaring dumating bilang mga damdamin ng kapayapaan, mga ideya sa iyong isipan, o mga impresyon na gawin ang isang bagay.

Dinggin ang tinig ng Diyos sa mga banal na kasulatan. Ang mga banal na kasulatan ay mga salita ng Diyos sa iyo! Matuto mula sa mga ito araw-araw para tuklasin ang Kanyang tinig at madama ang Kanyang pagmamahal. Habang nagbabasa ka, pagnilayan kung ano ang maaaring itinuturo Niya sa iyo, at isulat ang mga impresyong dumarating. Gawing kaugalian araw-araw na pag-aralan ang mga banal na kasulatan—lalo na ang Aklat ni Mormon—sa buong buhay mo.

Kumilos ayon sa mga espirituwal na pahiwatig na natatanggap mo. Kung may naisip o impresyon kang gumawa ng isang mabuting bagay na magpapala sa isang tao, gawin ito! Lahat ng mabuting bagay ay mula sa Diyos. Ipakita sa iyong Ama sa Langit na mapagkakatiwalaan Ka Niyang sundin ang mga impresyon mula sa Kanya.

Jesucristo

Mga Ipinangakong Pagpapala

Aaluin at gagabayan ka ng Espiritu Santo. Siya ang tinatawag na Mang-aaliw. Tutulungan Ka niya sa mga oras ng pangangailangan. Tutulungan ka Niyang malaman kung ano ang sasabihin o gagawin. Sa Kanyang impluwensiya, masasabi mo ang pagkakaiba ng totoo at ng hindi totoo. Matutulungan ka Niyang makita ang mabuti sa iba at sa iyong sarili. Mababalaan ka rin ng Espiritu tungkol sa panganib. Gagabayan ka Niya palapit kay Jesucristo at palayo sa kasalanan.

Maaari kang tumanggap ng mga espirituwal na kaloob. Maraming kaloob na ibinibigay ang Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Kabilang sa ilang binanggit sa mga banal na kasulatan ang paghahayag, paniniwala kay Jesucristo, pagtuturo, pagkilala, at katalinuhan. Manalangin para itanong sa Ama sa Langit ang tungkol sa mga espirituwal na kaloob na ibinigay Niya sa iyo, kung paano mo mapauunlad ang mga ito, at kung paano Niya nais na gamitin mo ang mga ito para pagpalain ang iba.

Mga Tanong at mga Sagot

Bakit mas maganda ang espirituwal na karanasan ng ibang tao kaysa sa akin? Hindi lahat ng espirituwal na karanasan ay mahimala o mabigat. Kadalasan, nangungusap ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng mga ideya sa ating isipan o magigiliw na damdamin sa ating puso. Ito ang tahimik na mga bulong ng marahan at banayad na tinig. Maaaring nadarama mo ang Espiritu pero hindi mo pa ito nakikilala. Patuloy na manalangin. Patuloy na pag-aralan ang salita ng Diyos. Sa paglipas ng panahon at sa pagsasanay, matututuhan mong makilala ang Espiritu sa iba’t ibang paraan.

Tingnan sa 1 Mga Hari 19:11–12 (nangungusap ang Diyos sa pamamagitan ng tahimik at banayad na tinig); Juan 15:26 (ang Espiritu ay nagpapatotoo tungkol kay Cristo); Moroni 10:3–5 (alamin ang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu); Doktrina at mga Tipan 11:12–13 (ang Espiritu ay nag-aakay na gumawa ng mabuti); 45:57 (tanggapin ang Espiritu bilang iyong patnubay); 46:8–26 (mga espirituwal na kaloob).

Tanong para sa Temple Recommend

  • May pananampalataya at patotoo ka ba sa Diyos Amang Walang Hanggan; sa Kanyang Anak na si Jesucristo; at sa Espiritu Santo?