“Lesson 52—Doktrina at mga Tipan 38:15–27, 34–42: Maging Isa,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan, (2025)
“Doktrina at mga Tipan 38:15–27, 34–42,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 52: Doktrina at mga Tipan 37–40
Doktrina at mga Tipan 38:15–27, 34–42
Maging Isa
Nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin sa Kanyang mga Banal habang naghahanda silang gumawa ng malalaking sakripisyo upang magtipon sa Ohio. Sa Kanyang paghahayag sa mga Banal, inihayag ng Tagapagligtas ang Kanyang pagkatao at inanyayahan ang Kanyang mga tao na mamuhay nang katulad Niya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maging higit na katulad ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa iba at paghahangad ng pagkakaisa.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga grupong kinabibilangan nila at itanong sa isang tao sa grupong iyon kung ano sa palagay nila ang kailangan para magkaisa. Maaaring kausapin ng mga estudyante ang isang kapamilya, lider ng korum o klase, guro, o coach.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Nais ng Panginoon na maging katulad Niya tayo
Maaari mong simulan ang lesson sa pamamagitan ng pag-anyaya sa bawat estudyante na isulat ang lima sa kanilang mga interes. Pagkatapos ay hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga interes at ilista ang anumang pagkakatulad nila. Pagkatapos, sabihin sa kanila na talakayin kung bakit kung minsan ay mahirap para sa mga taong may iba’t ibang interes na magkaisa at kung bakit mahalaga ang pagkakaisa para sa mga disipulo ni Cristo.
Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano ako mag-iisip tungkol sa mga taong maaaring naiiba sa akin at paano ko sila pakikitunguhan?
-
Paano nagdudulot ng pagkakahati-hati o pagkakaisa ang aking mga iniisip at ikinikilos?
Hikayatin ang mga estudyante na humingi ng inspirasyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang matulungan sila sa pagtukoy ng mga paraan na matutularan nila ang mga halimbawa ni Jesucristo sa paraan ng pagtrato nila sa iba.
Noong Disyembre ng 1830, ginagawa ni Joseph Smith ang inspiradong rebisyon ng Biblia at natanggap niya ang tinatawag na ngayon na Moises 6–7 sa Mahalagang Perlas. Ang mga kabanatang ito ay salaysay tungkol sa isang propetang nagngangalang Enoc at sa kanyang mga tao. Dahil sa kanilang kabutihan at pagkakaisa, tinawag ng Panginoon ang mga tao na ito na Sion.
Sa Doktrina at mga Tipan 38, iniutos ng Tagapagligtas sa mga Banal na magtipon sa Ohio. Itinuro Niya sa kanila ang tungkol sa Kanyang pagkatao at binigyang-diin Niya ang mga alituntunin ng pagtatayo ng Sion. Ang pagsunod sa mga alituntuning ito ay makatutulong sa mga Banal na ihanda ang kanilang sarili na tanggapin ang batas ng Tagapagligtas at mapagkalooban ng Kanyang kapangyarihan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:32).
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 38:24–27, at alamin kung anong mga katangian ang gusto ni Jesucristo na taglayin natin.
Habang binabasa ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 38:24–27, maaari mong ipaliwanag ang inulit na parirala sa talata 24–25. Maaari mo ring anyayahan ang ilang estudyante na isadula ang talinghaga sa talata 26–27.
-
Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ng pahalagahan ang iyong kapatid gaya ng iyong sarili? (Tingnan sa Mateo 22:36–39; Juan 13:34–35; Jacob 2:17–19.)
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa talinghaga sa talata 26–27?
-
Ano ang itinuturo sa atin ng talata 24–27 tungkol sa kung paano tayo maaaring maging katulad ni Jesucristo?
Tulungan ang mga estudyante na tumukoy ng isang alituntuning tulad nito: Maaari tayong maging katulad ni Jesucristo kapag pinahahalagahan natin ang iba at naghahangad tayo ng pagkakaisa bilang Kanyang mga disipulo.
-
Paano naging halimbawa si Jesucristo ng pagpapahalaga sa iba? Ng paghihikayat na magkaisa?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson kung paano natin mapahahalagahan ang iba at maging isa.
Sa huli, natatanto natin na tanging sa pag-unawa lamang sa tunay na pagiging Ama ng Diyos ang makapagdudulot ng lubos na pagpapahalaga sa tunay na pagiging magkakapatid ng tao. Ang pag-unawang iyan ay nagbibigay-inspirasyon sa atin na magtayo ng tulay ng pagkakaisa sa halip na mga pader ng paghihiwalay.
(Russell M. Nelson, “Remarks at Worldwide Priesthood Celebration,” [mensaheng ibinigay sa pagdiriwang ng “Be One” Hunyo 1, 2018], newsroom.Churchofjesuschrist.org)
-
Anong mga pagkakatulad ang nakikita ninyo sa mga turo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 38:24-27 at sa mga turo ni Pangulong Nelson?
Maaari mong ipanood ang video na “One in Christ” (4:48), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na magkaisa.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 38:34–36, 39–42, at alamin kung ano ang paanyaya ng Tagapagligtas sa mga Banal na naghahandang magtipon sa Ohio upang magkaisa.
-
Ano ang nakita mo na makatutulong sa mga lumipat sa Ohio na pahalagahan ang isa’t isa at magkaisa?
Pagwaksi sa mga ugali at gawain ng prehuwisyo
Gamitin ang mga salita ng mga propeta upang bigyang-diin ang doktrina at mga alituntunin: Para magawa ito, tingnan ang training na may pamagat na, “Magturo mula sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta sa mga huling araw.” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Ituro ang Doktrina. Isiping gawin ang kasanayan na, “maghanda ng mga paanyaya na tutulong sa mga estudyante na maiugnay ang mga katotohanang matatagpuan sa mga banal na kasulatan sa sinasabi ng mga buhay na propeta” tulad ng nakalarawan sa sumusunod na pahayag ni Pangulong Nelson.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang kahalagahan ng paraan ng pagtrato natin sa iba. Basahin ang pahayag o panoorin ang video na “Hayaang Manaig ang Diyos” (18:51; panoorin mula sa time code na 10:40 hanggang 13:01) sa ChurchofJesusChrist.org.
Bawat isa sa atin ay may banal na potensiyal dahil bawat isa ay anak ng Diyos. Lahat ay pantay-pantay sa Kanyang paningin. Malawak ang implikasyon ng katotohanang ito. Mga kapatid, sana’y makinig kayong mabuti sa sasabihin ko. Pantay-pantay ang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng lahi. Malinaw ang Kanyang doktrina ukol sa bagay na ito. Inaanyayahan Niya ang lahat na lumapit sa Kanya, “maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae [2 Nephi 26:33].”
Tinitiyak ko sa inyo na ang katayuan sa harap ng Diyos ay hindi batay sa kulay ng inyong balat. Ang pagsang-ayon o hindi pagsang-ayon ng Diyos ay batay sa inyong katapatan sa Kanya at sa Kanyang mga utos at hindi sa kulay ng inyong balat.
Nalulungkot ako na nararanasan ng mga kapatid nating Itim sa buong mundo ang pait na dulot ng rasismo at diskriminasyon. Nananawagan ako ngayon sa ating mga miyembro sa lahat ng dako na manguna sa pagwaksi sa ugali at gawain ng [prehuwisyo]. Nakikiusap ako sa inyo na itaguyod ang respeto para sa lahat ng anak ng Diyos.
Ang tanong para sa bawat isa sa atin, anuman ang lahi, ay iyon pa rin. Handa ka bang maging pinakamahalagang [impluwensiya] sa buhay mo ang Diyos? Hahayaan mo ba ang Kanyang mga salita, Kanyang mga utos, at Kanyang mga tipan na [impluwensiyahan] ang ginagawa mo sa bawat araw? Mas uunahin mo ba ang Kanyang tinig kaysa sa iba? Handa ka bang unahin ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon mo? Handa ka bang ipasakop ang iyong kalooban sa Kanyang kalooban? (Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2021, 84)
-
Ano ang tumimo sa inyo mula sa mga turo ni Pangulong Nelson?
-
Ano ang ilang paraan na mahahadlangan o maiwawaksi natin ang mga ugali at gawain ng prehuwisyo?
Habang tinatalakay ng mga estudyante ang natutuhan nila mula sa pahayag, maging sensitibo sa sinuman sa iyong mga estudyante na maaaring nakakaranas ng prehuwisyo o rasismo sa anumang uri nito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano sila napagpala sa pagsisikap na pahalagahan ang iba at magkaisa bilang mga disipulo ni Cristo.
Sabihin sa mga estudyante na mapanalanging suriin kung gaano nila nagagawa nang mabuti ang pagpapahalaga sa iba at pagsisikap na magkaisa.
Maaaring sagutin ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.
Mapanalanging pag-isipan ang mga sumusunod na tanong at sagutin ang isa o mahigit pa sa iyong study journal:
-
Ano ang magagawa mo para mapahalagahan ang lahat ng anak ng Diyos at magpakita ng pagmamahal sa kanila?
-
Paano mo mahahadlangan o maiwawaksi ang mga ugali at gawain ng prehuwisyo?
-
Paano makatutulong sa iyo ang paggawa nito na maging higit na katulad ng Tagapagligtas?
Maaari mong ibahagi ang nadarama mo tungkol sa kahalagahan ng paraan ng pakikitungo natin sa iba at sa mga pagpapala ng pagiging isa kay Cristo.