Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 15–21. “Ang Labanang Ito ay sa Panginoon”: 1 Samuel 17–18; 24–26; 2 Samuel 5–7


“Hunyo 15–21. ‘Ang Labanang Ito ay sa Panginoon’: 1 Samuel 17–18; 24–26; 2 Samuel 5–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Hunyo 15–21. ‘Ang Labanang Ito ay sa Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

Si David na may hawak na tirador

David at Goliat, ni Steve Nethercott

Hunyo 15–21: “Ang Labanang Ito ay sa Panginoon”

1 Samuel 17–18; 24–26; 2 Samuel 5–7

Mula nang manirahan ang mga lipi ni Israel sa lupang pangako, naging banta na ang mga Filisteo sa kanilang kaligtasan. Naiiligtas sila ng Panginoon nang maraming beses noong araw, ngunit ngayo’y gusto ng matatanda ng Israel na, “Magkakaroon kami ng hari … [upang] lumabas sa unahan namin, at lumaban sa aming mga digmaan” (1 Samuel 8:19–20). Kaya si Saul ay hinirang na hari. Subalit nang hinamon ng nakakatakot na higanteng si Goliat ang mga hukbo ni Israel, si Saul—tulad ng kanyang hukbo—ay “lubhang natakot” (1 Samuel 17:11). Sa araw na iyon, hindi si Haring Saul ang nagligtas sa Israel kundi isang abang pastol na nagngangalang David, na walang suot na baluti ngunit nadaramitan ng hindi matatagusang pananampalataya sa Panginoon. Pinatunayan ng labanang ito sa Israel, at sa sinumang may espirituwal na mga pakikibaka, na “hindi nagliligtas ang Panginoon sa pamamagitan ng tabak o ng sibat” at na “ang labanang ito ay sa Panginoon” (1 Samuel 17:47).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

1 Samuel 17

icon ng seminary
Sa tulong ng Panginoon, maaari kong madaig ang anumang hamon.

Ang kuwento tungkol kina David at Goliat ay isa sa pinaka-kilalang kuwento sa mga banal na kasulatan. Siyempre, kadalasan ay nakatuon tayo kay David. Ngunit sa pagkakataong ito, habang pinag-aaralan mo ang 1 Samuel 17, pagnilayan din ang mga salita ng ibang mga tao sa kabanatang ito (tingnan ang listahan sa ibaba). Ano ang natututuhan mo tungkol sa kanila at sa mga motibo nila? Ano ang natututuhan mo tungkol kay David? Paano siya naiiba?

  • Goliat: mga talata 8–10, 43–44

  • Eliab: talata 28

  • Saul: talata 33

  • David: mga talata 26, 32, 34–37, 39, 45–47

Ang iyong kuwento, bagama’t hindi kasintanyag ng kay David, ay tiyak na may kasamang mga hamon na mahirap daigin na katulad ni Goliat at mga oportunidad na manampalataya sa Panginoon. Ano ang itinuturo sa iyo ng halimbawa ni David tungkol sa pagharap sa paghihirap sa iyong kuwento? Maaari mo ring basahin ang mensahe ni Pangulong Camille N. Johnson na “Anyayahan si Cristo na Maging May-akda ng Inyong Kuwento” (Liahona, Nob. 2021, 80–82) na nasasaisip ang isa sa iyong mga hamon. Hanapin ang mga sagot sa mga tanong na tulad nito: Paano gusto ng Panginoon na tingnan ko ang aking mga hamon? Paano Niya ako tinulungan noong araw? Paano ko maipapakita na nagtitiwala ako sa Kanya na isulat ang aking kuwento?

Maaaring alam mo nang may ilang kabanatang nakakalungkot kalaunan sa kuwento ni David (tingnan, halimbawa, sa 2 Samuel 11). Kung nagkaroon ka ng oportunidad na bigyan ng kaunting payo si David matapos siyang makipaglaban kay Goliat, ano ang sasabihin mo? Paano maaaring umangkop ang payong ito sa iyong buhay?

Tingnan din sa “The Lord Will Deliver Me” (video), Gospel Library.

3:30

Ililigtas Ako ng Panginoon

1 Samuel 17:26–50

Ang isang taong may pananampalataya kay Cristo ay makakagawa ng kaibhan.

Bukod pa sa mga personal na hamon, nahaharap din tayo sa malaki at kumplikadong mga problemang nakakaapekto sa buong mundo. Kapag ang mga puwersa ng kasamaan ay “tinipon … upang makipagdigma” laban sa mga puwersa ng kabutihan (1 Samuel 17:1), maaaring isipin natin kung paano posibleng makagawa ng kaibhan ang ating indibiduwal na mga pagsisikap. Ano ang nakikita mo sa kuwento ni David na nagbibigay sa iyo ng pag-asa?

Tingnan din sa “Magpatuloy Tayo,” Mga Himno, blg. 148.

Jonathan at David

Tunay na Pagkakaibigan at Paggalang sa Sarili, ni Wilson Ong (detalye)

1 Samuel 18

“Minahal [si David] ni Jonathan na gaya ng kanyang sariling kaluluwa.”

Habang binabasa mo ang 1 Samuel 18, isiping paghambingin si Saul at ang kanyang anak na si Jonathan (na kung hindi dahil kay David ay maaaring ipinalagay na siya ang magiging susunod na hari). Ano ang reaksyon nina Saul at Jonathan sa tagumpay ni David? Ano ang matututuhan mo mula sa karanasang ito?

Ano ang nakikita mo sa mga saloobin at kilos ni Jonathan na nagpapaalala sa iyo kay Jesucristo?

“Ihalintulad ang mga banal na kasulatan” (1 Nephi 19:23). Ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay ng magagandang oportunidad na matuto mula sa mga motibasyon at kilos ng mga taong tulad nina David, Jonathan, at Saul. Makikita mo na walang sinuman sa mga banal na kasulatan ang walang kapintasan. Kaya habang nagbabasa ka, halimbawa, tungkol sa matatapat na pagpili ni David, maging bukas na matuto rin mula sa kanyang mga pagkakamali. Ang paggawa nito ay makakatulong sa atin na matukoy ang mga potensyal na kahinaan natin at “matutuhan na maging higit na matatalino kaysa sa [iba] noon” (Mormon 9:31).

1 Samuel 24–26

Pagpapatawad ang tiyak na landas tungo sa kapayapaan at paggaling.

Sa 1 Samuel 24–26, humanap ng mga aral tungkol sa kapalaluan, pagpapatawad, at pagpipigil sa sarili. Maaari mo ring isiping basahin ang mensahe ni Elder Mark A. Bragg na “Dignidad at Kahinahunan na Tulad ng kay Cristo” bilang bahagi ng iyong pag-aaral (Liahona, Mayo 2023, 60–63). Paano ipinakita—o nabigong ipakita—ni David, ni Abigail, at ng iba pa ang pagiging katulad ni Cristo sa mga kabanatang ito? Ano ang mga oportunidad mong ipakita ang pagiging katulad ni Cristo?

Ang mensahe ni Sister Kristin Yee na “Putong na Bulaklak sa Halip na mga Abo: Ang Nagpapagaling na Landas ng Pagpapatawad” (Liahona, Nob. 2022, 36–39) ay makakatulong sa iyo na pag-aralan ang 1 Samuel 25. Paano natutulad si Abigail kay Jesucristo?

2 Samuel 5:17–25

Maaari akong bigyan ng Panginoon ng patnubay.

Kahit natalo ni David si Goliat, hindi pa rin tapos ang mga problema niya sa mga Filisteo. Habang binabasa mo ang 2 Samuel 5:17–25, isipin kung paano makakatulong sa iyo ang halimbawa ni David sa mga hamong kinakaharap mo (tingnan din sa 1 Samuel 23:2, 10–11; 30:8; 2 Samuel 2:1). Paano ka pinagpapala sa pagkilos ayon sa paghahayag na natatanggap mo?

2 Samuel 7

Ano ang “bahay” na ipinangako ng Panginoon kay David?

Nang mag-alok si David na magtayo ng isang bahay, ibig sabihin ay isang templo, para sa Panginoon (tingnan sa 2 Samuel 7:1–3), tumugon ang Panginoon na itatayo iyon ng anak ni David (tingnan sa mga talata 12–15; tingnan din sa 1 Cronica 17:1–15). Sinabi rin ng Panginoon na magtatayo rin naman Siya ng isang “bahay” para kay David, ibig sabihin ay inapo, at ang kanyang trono ay magtatagal magpakailanman (tingnan sa 2 Samuel 7:11, 16, 25–29; Awit 89:3–4, 35–37). Ang pangakong ito ay natupad kay Jesucristo, ang ating Walang-Hanggang Hari, na isang inapo ni David (tingnan sa Mateo 1:1; Lucas 1:32–33; Juan 18:33–37).

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

icon ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

1 Samuel 17:20–54

Ang pagsampalataya kay Jesucristo ay makakatulong sa akin na magkaroon ng lakas ng loob.

  • Maaari mong gamitin ang “David at Goliat” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 112–16, para tulungan ang iyong mga anak na maging pamilyar sa nangyari sa 1 Samuel 17:20–54. Pagkatapos ay maaari mo silang hayaang muling isalaysay ang kuwento gamit ang mga larawan o drowing na linya sa outline na ito. Tangungin sila kung ano sa palagay nila ang nais ng Panginoon na matutuhan nila mula sa kuwentong ito.

    2:36

    David and Goliath

  • Maaari ding maglista kayo ng iyong mga anak ng ilang mahirap na hamon na maaari nilang makaharap habang nabubuhay sila. Pagkatapos ay tulungan silang makahanap ng mga bagay na sinabi ni David na makakatulong sa mga hamong ito (tingnan sa 1 Samuel 17:26, 32, 34–37, 45–47). Ibahagi sa mga bata kung paano ka natulungan ni Jesucristo sa iyong mga hamon.

  • Maaaring magmartsa ang iyong mga anak na parang sila si David na lalaban kay Goliat habang kumakanta ng isang awitin tungkol sa pagiging matapang, tulad ng “Ako’y Magiging Magiting” (Aklat ng mga Awit Pambata, 85).

1 Samuel 18:1–4

Ang mabubuting kaibigan ay maaaring maging pagpapala mula sa Diyos.

  • Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na matuto mula sa pagkakaibigan nina Jonathan at David? Ang isang paraan ay ang bigyan ang bawat bata ng dalawang pusong papel, ang isa para kumatawan kay David at ang isa naman para kumatawan kay Jonathan. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang ilang parirala mula sa 1 Samuel 18:1–4 na nagbibigay-diin sa pagmamahal na nadama ng dalawang magkaibigang ito para sa isa’t isa. Pagkatapos ay maaaring isulat o idrowing ng iyong mga anak sa kanilang pusong papel kung paano sila maaaring magpakita ng pagmamahal sa isang kaibigan.

2 Samuel 5:19, 23

Kung kailangan ko ng patnubay, maaari akong humiling sa Ama sa Langit.

  • Sa mga kabanatang ito, si David ang naging hari ng Israel. Maaaring masaya para sa iyong mga anak na magkunwaring isang hari o reyna. Anong mga batas ang gagawin nila? Saan sila hihingi ng tulong? Tulungan ang iyong mga anak na matuklasan na nang mangailangan ng tulong si David, siya ay “sumangguni,” o nagdasal, para sa mga sagot. Halimbawa, habang binabasa mo ang 2 Samuel 5:19, 23, anyayahan ang mga bata na pakinggan ang salitang “sumangguni” at humalukipkip kapag narinig nila ito. Bakit kakailanganin ni David ang tulong ng Panginoon sa kanyang bagong papel?

  • Ikuwento sa isa’t isa ang mga pagkakataon na humingi kayo ng tulong ng Ama sa Langit sa panalangin. Ano ang naging kaibhan ng magpatulong ka sa Kanya?

batang babaeng nagdarasal

2 Samuel 7:16–17

Si Jesucristo ang aking Walang-Hanggang Hari.

  • Lahat ng haring nabasa natin sa Lumang Tipan ay may mga kapintasan, at lahat ng kaharian nila ay nagwakas. Ngunit si Jesucristo ay isang perpektong Hari at maghahari magpakailanman. Maaari mong tulungan ang iyong mga anak na tuklasin ito sa pamamagitan ng sama-samang pagbasa sa sinabi ng propetang si Natan kay Haring David sa 2 Samuel 7:16–17. Paano maaaring hindi magwakas ang kaharian ni David? Tulungan ang iyong mga anak na hanapin at basahin ang mga sipi sa banal na kasulatan na nagtuturo na si Jesucristo, isang inapo ni David, ay ating Hari, tulad ng Lucas 1:32–33; Juan 18:33–37; at Apocalipsis 19:16. Paano naiiba si Jesus sa mga hari sa lupa? Paano natin iginagalang si Jesucristo bilang ating Walang-Hanggang Hari?

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

David at Goliat

Larawang-guhit kay David, ni Dilleen Marsh

pahina ng aktibidad sa Primary: Ang pagsampalataya kay Jesucristo ay makakatulong sa akin na magkaroon ng lakas ng loob