Doctrine and Covenants 2025
Hunyo 2–8: “Sabik sa Paggawa ng Mabuting Bagay”: Doktrina at mga Tipan 58–59


“Hunyo 2–8: ‘Sabik sa Paggawa ng Mabuting Bagay’: Doktrina at mga Tipan 58–59,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 58–59,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

Independence, Missouri, noong 1830s

Independence, Missouri, 1831, ni Al Rounds

Hunyo 2–8: “Sabik sa Paggawa ng Mabuting Bagay”

Doktrina at mga Tipan 58–59

Nang unang makita ng mga elder ng Simbahan ang lokasyon ng lungsod ng Sion—Independence, Missouri—hindi iyon ang inasahan nila. Inakala ng ilan na daratnan nila ang isang maunlad at masiglang komunidad na may matatag na grupo ng mga Banal. Sa halip, ang nadatnan nila ay isang di-gaanong mataong lugar, malayo sa kabihasnang nakasanayan nila at tinitirhan ng mga taong hindi sibilisado sa halip na mga Banal. Lumabas na hindi sila basta inutusan ng Panginoon na pumunta sa Sion—gusto Niyang itayo nila ang Sion.

Kapag hindi tumutugma sa realidad ang ating mga inaasahan, maaari nating alalahanin ang sinabi ng Panginoon sa mga Banal noong 1831: “Hindi ninyo mamamasdan ng inyong likas na mga mata, sa kasalukuyan, ang balangkas ng inyong Diyos … at ang kaluwalhatiang susunod matapos ang maraming kapighatian” (Doktrina at mga Tipan 58:3). Oo, ang buhay ay puno ng paghihirap, maging ng kasamaan, pero maaari pa rin nating “isakatuparan ang maraming kabutihan; sapagkat ang kapangyarihan ay nasa [atin]” (mga talata 27–28).

Tingnan din sa Mga Banal, 1:145–53.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 58:1–5; 59:23

“Pagkatapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala.”

Umasa ang mga Banal na sa panahon ng kanilang buhay, magiging Sion ang Jackson County, isang lugar kung saan maaaring magtipon ang lahat ng mga Banal. Gayunman, ang panahon nila sa Jackson County ay puno ng kapighatian. Sa loob ng ilang taon, napilitan silang umalis at “maghintay [na]ng maikling panahon para sa ikatutubos ng Sion” (Doktrina at mga Tipan 105:9).

Ano ang natutuhan mo tungkol sa kapighatian o mga hamon mula sa mga salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 58:1–5? Sa palagay mo, bakit may ilang pagpapalang dumarating lamang pagkatapos ng kapighatian? Anong mga pagpapala ang natanggap mo pagkatapos ng kapighatian?

Ano ang natutuhan mo mula sa Doktrina at mga Tipan 59:23 na nagdudulot sa iyo ng pag-asa?

Doktrina at mga Tipan 58:26–29

Maaari kong “isakatuparan ang maraming kabutihan” ayon sa aking “sariling kalooban.”

Bilang bahagi ng iyong pag-aaral ng mga talatang ito, maaari mong ilista ang ilan sa mga bagay na “sabik kang [gawin].” “Ma[bu]buting bagay” ba ang lahat ng iyon? Pagnilayan kung ano ang magagawa mo para “isakatuparan ang maraming kabutihan”—at isiping magtakda ng mga mithiin na gawin ito.

Bakit nais ng Panginoon na gawin natin ang “maraming bagay sa [ating] sariling kalooban”? Ano ang magiging resulta kung ikaw ay “[pinilit] sa lahat ng bagay”? Ano ang idinaragdag ng 2 Nephi 2:27 sa pagkaunawa mo sa alituntuning ito?

Tingnan din sa Dale G. Renlund, “Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 104–6.

Doktrina at mga Tipan 58:42–43

icon ng seminary
Pinatatawad ako ng Panginoon kapag nagsisisi ako.

Ang pangako ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 58:42 na lubos na patawarin ang mga nagsisisi ay nagbibigay-inspirasyon, bagama’t nag-aanyaya rin ito ng ilang tanong: Ano ang ibig sabihin ng magsisi? Paano ko malalaman kung nakapagsisi na ako? Sa kabutihang-palad, nagpatuloy ang Panginoon, “Sa pamamagitan nito inyong malalaman…” (talata 43).

Narito ang ilang karagdagang tanong ng mga tao kung minsan tungkol sa pagsisisi. Ano ang itinuturo sa iyo ng Espiritu habang pinag-aaralan mo ang iminungkahing resources na ibinigay sa ibaba?

Paano nakakatulong ang pagtatapat ng aking mga kasalanan sa pagsisisi ko? Tingnan sa Mga Awit 32:1–5; Mga Kawikaan 28:13; Mosias 27:34–37; Alma 39:12–13.

Sinisikap kong talikuran ang aking mga kasalanan, pero patuloy akong nagkakamali. May bisa pa rin ba ang aking pagsisisi? Tingnan sa Bradley R. Wilcox, “Ang Pagiging Karapat-dapat ay Hindi Pagiging Walang Kamalian,” Liahona, Nob. 2021, 61–67; “Daily Restoration” (video), Gospel Library.

5:27

Daily Restoration

Paano ko matitiyak na napatawad na ako ng Tagapagligtas? Tingnan sa Tad R. Callister, “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2019, 85–87, lalo na sa bahaging pinamagatang “2. Kasalanan.”

Makakakita ka ng iba pang mga kabatiran sa “Mga Tanong at mga Sagot” tungkol sa pagsisisi sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (mga pahina 8–9).

Tingnan din sa Mga Paksa at Tanong, “Pagsisisi,” Gospel Library.

Doktrina at mga Tipan 59

Sino si Polly Knight?

Si Polly Knight at ang asawa niyang si Joseph Knight Sr. ay ilan sa mga unang naniwala sa calling ni Joseph Smith bilang propeta. Mahalaga ang naitulong nina Polly at Joseph sa Propeta sa gawain ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Nilisan ng pamilya Knight ang Colesville, New York, para makasama sa mga Banal na nasa Ohio at kalaunan ay inutusan silang lumipat sa Jackson County, Missouri. Nang maglakbay sila, nagsimulang humina ang katawan ni Polly, pero determinado siyang makita ang Sion bago siya pumanaw. Ilang araw pa lamang siya sa Missouri nang pumanaw siya (tingnan sa Mga Banal, 1:145–47, 151–53). Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 59 sa araw ng kanyang pagpanaw, at maaaring partikular na patungkol ang mga talata 1 at 2 sa kanya.

Doktrina at mga Tipan 59:4–19

Ang mga kautusan ay isang pagpapala.

Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “puputungan … ng mga kautusan”? (talata 4). Isipin kung paano ka pinagpapala ng Panginoon habang sinisikap mong sundin ang bawat isa sa mga kautusan sa mga talata 5–19.

Ibahagi ang natututuhan mo. Sa maraming sitwasyon, ang mga espirituwal na kabatirang natatanggap mo habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan ay maaaring magpalakas sa pananampalataya ng iyong pamilya, mga kaibigan, at mga miyembro ng ward. Ibahagi sa kanila ang iyong mga karanasan, damdamin, at patotoo tungkol kay Jesucristo.

Doktrina at mga Tipan 59:9–19

Ang Sabbath ay araw ng Panginoon.

Matapos mangakong bibiyayaan ang mga Banal sa Sion “ng mga kautusang hindi kakaunti,” binigyang-diin ng Panginoon ang isang partikular na utos: ang utos na igalang ang Kanyang “banal na araw” (Doktrina at mga Tipan 59:4, 9). Habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 59:9–19, pagnilayan kung bakit napakahalaga ng paggalang sa Sabbath sa mga Banal na ito nang sikapin nilang itayo ang Sion. Bakit ito mahalaga sa iyo?

Maaari mo ring pagnilayan kung ginagamit mo ba ang araw ng Sabbath sa paraang nilayon ng Panginoon. Paano nakakatulong sa iyo ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath na manatiling “walang bahid-dungis mula sa sanlibutan”? (talata 9). Ano ang magagawa mo para maiukol ang iyong “mga pananalangin sa Kataas-taasan”? (talata 10).

ang sakramento

Maaari mong mapansin na ginamit ng Panginoon ang mga salitang tulad ng “[may] kagalakan,” “maligaya,” at “masaya” para magturo tungkol sa araw ng Sabbath. Ano ang nagpapasaya sa iyo sa araw ng Sabbath? Paano mo ipaliliwanag sa isang tao kung bakit mo piniling igalang ang araw ng Panginoon?

Ano ang natutuhan mo mula sa himnong “Sagradong Himig ay Awitin” (Mga Himno, blg. 87) tungkol sa mga layunin at pagpapala ng Sabbath?

Tingnan din sa Genesis 2:2–3; Isaias 58:13–14; Russell M. Nelson, “Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 129–32.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 02 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 58:26–28

Binigyan ako ng Ama sa Langit ng kapangyarihang pumili.

  • Ang sama-samang pagbasa sa Doktrina at mga Tipan 58:26–28 ay maaaring magbigay sa iyo at sa iyong mga anak ng oportunidad na pag-usapan ang kapangyarihang ibinigay sa atin ng Ama sa Langit na piliing gumawa ng mabuti. Maaari ninyong sabihin sa isa’t isa ang iba’t ibang pagpiling nagawa ninyo at kung ano ang nangyari dahil doon. Baka gustong idrowing ng iyong mga anak ang kanilang karanasan.

  • Maaari mong isulat ang pagpili sa isang panig ng papel at bunga sa kabilang panig nito at gamitin ang papel na ito para ilarawan na hindi mapaghihiwalay ang ating mga pagpili at ang mga bunga nito. Marahil ay maaaring maglista ng ilang pagpili ang iyong mga anak at pag-usapan nila ang mga bungang dulot ng mga ito. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 58:27–28 at pag-usapan ang mga pagpili na “[isina]sakatuparan ang maraming kabutihan” o mabubuting bunga. Paano tayo “ginagantimpalaan” o pinagpapala ng Ama sa Langit kapag nagsisikap tayong gumawa ng mabuti? (talata 28).

Doktrina at mga Tipan 59:7, 18–21

“Pasalamatan ninyo ang Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bagay.”

  • Isiping basahin ang mga talatang ito habang naglalakad-lakad o tumitingin-tingin kayo ng iyong mga anak sa mga larawan ng kalikasan, na napapansin ang mga bagay na “[nakalulugod] sa mata at … [nagpapasigla sa] puso” (talata 18). Maaari mo ring mapansin ang mga bagay na katulad nito sa isang awiting tulad ng “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17). O maaari mong anyayahan ang iyong mga anak na magdrowing ng mga bagay na pinasasalamatan nila at ipakuwento sa kanila ang tungkol sa mga drowing nila. Paano natin maipapakita ang ating pasasalamat para sa mga bagay na ito?

hummingbird at mga bulaklak

Lumikha ang Panginoon ng maraming magagandang bagay para maghatid sa atin ng kagalakan.

Doktrina at mga Tipan 59:9–12

Ang Sabbath ay araw ng Panginoon.

  • Ano ang magagawa natin sa araw ng Linggo para sambahin ang Panginoon at makasumpong ng kagalakan? Tulungan ang iyong mga anak na makahanap ng mga ideya sa Doktrina at mga Tipan 59:9–12 at sa pahina ng aktibidad sa linggong ito. Maaari din siguro silang makahanap ng mga larawan o bagay na kumakatawan sa mga bagay na ginagawa natin sa araw ng Sabbath (tulad ng mga larawan ng sakramento sa outline na ito). Paano nakakatulong sa atin ang mga bagay na ito na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

paghahandang tumanggap ng sakramento

Larawang-guhit ni Marti Major

pahina ng aktibidad para sa mga bata