Mayo
Naipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo
Awit: “Purihin ang Propeta,” linya 1 at 3
(Mga Himno, blg. 21)
“Nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).
Dagdagan ng sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Magplano ng mga paraan upang maipaalam ang doktrina sa mga bata at tulungan silang maunawaan at ipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Naipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo.
Ipaalam ang doktrina: Bago mag-Primary, isulat sa pisara ang ikaanim na saligan ng pananampalataya. Papikitin ang mga bata. Sabihin sa kanila na pagkamatay ni Jesucristo, naging masama ang mga tao at ang Kanyang ebanghelyo at priesthood ay inalis mula sa lupa. Ipaliwanag na tinatawag itong Apostasiya, at ang mga tao noon ay nasa espirituwal na kadiliman—kagaya ng pagpikit ng kanilang mga mata sa espirituwal—hanggang sa ipanumbalik ni Jesus ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Joseph Smith. Magpakita ng isang larawan ng Unang Pangitain, at pagmulatin ang mga bata. Tulungan ang mga bata na maisaulo ang ikaanim na saligan ng pananampalataya sa sabay-sabay na pagbasa nila rito nang malakas. Burahin ang ilang salita, at ulitin hanggang burado na ang lahat ng salita at naisaulo na ng mga bata ang saligan ng pananampalataya.
Maghikayat ng pag-unawa: Gumawa ng mga wordstrip para sa bawat tungkuling makikita sa tsart sa ibaba. Isulat sa pisara ang mga titulo ng katungkulan tulad ng nakasaad, at mag-iwan ng blangkong hanay sa gitna para sa mga tungkulin. Hatiin sa limang grupo ang mga bata, at bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga wordstrip ng “Mga Tungkulin.” Ipalagay sa bawat grupo ang kanilang wordstrip sa tamang lugar sa pisara. Ituro na ang ipinanumbalik na Simbahan ay may kaparehong mga lider na katulad ng Simbahan noong narito si Jesucristo sa lupa.
|
TITULO SA SINAUNANG SIMBAHAN |
MGA TUNGKULIN |
TITULO SA IPINANUMBALIK NA SIMBAHAN |
|---|---|---|
|
Apostol |
Maging natatanging saksi ni Jesucristo |
Apostol |
|
Propeta |
Sinasabi ang kalooban ng Ama sa Langit |
Propeta |
|
Pastor |
Namumuno sa isang maliit na grupo ng mga Banal |
Bishop |
|
Guro |
Nagtuturo ng ebanghelyo |
Teacher |
|
Evangelista |
Nagbibigay ng mga espesyal na basbas |
Patriarch |
Makukuha ang mga wordstrip sa sharingtime.lds.org
Linggo 2: Si Joseph Smith ang propeta ng Panunumbalik.
Maghikayat ng pag-unawa: Magtipon ng mga larawan ng mga kaganapan mula sa Panunumbalik ng Simbahan. Hatiin ang pangungusap na “Si Joseph Smith ang propeta ng Panunumbalik” sa maraming bahagi na kasindami ng mga larawan ninyo, at maghanda ng isang wordstrip para sa bawat salita o parirala (tingnan sa halimbawa). Igrupu-grupo ang mga bata, at bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga wordstrip, larawan, at reperensya na mga banal na kasulatan na naglalarawan kung ano ang nangyayari sa larawan. Ipabasa sa mga bata ang mga banal na kasulatan at talakayin kung ano ang nangyayari sa larawan. Pagkatapos ay ipabahagi sa bawat grupo ang kanilang kuwento sa Primary. Talakayin ang ginagampanan ni Joseph Smith sa bawat kaganapan, at ipaisip sa mga bata kung paano nakaapekto o nakakaapekto ang kaganapan sa kanilang buhay. Ilagay sa pisara ang bawat larawan at wordstrip nang sunud-sunod. Kapag nasa pisara na ang lahat ng wordstrip, basahin nang sabay-sabay ang pangungusap.
Makukuha ang mga wordstrip at larawan sa sharingtime.lds.org
Si Joseph Smith ang propeta ng Panunumbalik.
Linggo 3: Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo.
Maghikayat ng pag-unawa: Basahin nang sabay-sabay ang pamagat ng Aklat ni Mormon mula sa pahina ng pamagat. Basahin nang malakas ang sumusunod na mga banal na kasulatan, at ipataas sa mga bata ang kanilang mga kamay kapag narinig nila ang ibang mga titulo ng Tagapagligtas: 2 Nephi 19:6; Alma 5:38; 3 Nephi 5:26. Kapag natukoy ng mga bata ang mga titulo, isulat sa pisara ang mga ito. Pumili ng ilang titulo, at ipaliwanag kung paano ginagampanan ng Tagapagligtas ang mga tungkuling iyon.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Bigyan ang bawat bata ng isang bookmark na may nakasulat na “Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo.” Padekorasyunan sa kanila ang bookmark at ipagamit ito sa kanilang mga banal na kasulatan. Pag-isipang ipaulat sa ilang bata ang kanilang mithiin na makagawiang pag-aralan nang regular ang mga banal na kasulatan (tingnan sa Enero, linggo 2). Puwede ninyong ipabahagi sa kanila ang kanilang damdamin tungkol sa nabasa nilang mga talata sa banal na kasulatan.
Makukuha ang bookmark sa sharingtime.lds.org
Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo.
Linggo 4: Ang priesthood ay naipanumbalik.
Ipaalam ang doktrina: Magpakita ng isang bagay sa mga bata na pinaaandar ng kuryente. Pagkatapos ay ipakita na hindi ito gagana nang walang kuryente. Pahawakan sa isang bata ang isang larawan ni Cristo na inoorden ang Kanyang mga Apostol. Ipaliwanag na hindi gagana ang Simbahan ni Cristo nang walang kapangyarihan ng priesthood. Ipatago sa bata ang larawan sa kanyang likuran. Ipaliwanag na pagkamatay ng mga Apostol ni Cristo, nawala ang awtoridad ng priesthood. Pahawakan sa isa pang bata ang larawan ng panunumbalik ng priesthood. Magpatotoo na ipinanumbalik ng Diyos ang priesthood sa pamamagitan ni Joseph Smith.
Maghikayat ng pag-unawa: Ipabasa sa isang bata ang D at T 107:1, at iparinig sa mga bata ang mga pangalan ng dalawang priesthood. Maglagay sa pisara ng isang larawan ng panunumbalik ng Aaronic Priesthood at isang larawan ng panunumbalik ng Melchizedek Priesthood. Isulat ang Aaronic o Melchizedek sa ibabaw ng angkop na larawan. Talakayin kung sino ang nagpanumbalik, o nagbalik, ng bawat isa sa mga priesthood na ito kay Joseph Smith (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:72). Magpakita ng ilang larawan ng mga ordenansa ng priesthood sa mga bata, tulad ng binyag, kumpirmasyon, pagpapasa ng sacrament, pagbabasbas ng sacrament, at pagpapagaling sa maysakit. Ipasa-pasa sa mga bata ang mga larawan habang kinakanta nila ang “Ang Pagkasaserdote ay Naipanumbalik” (AAP, 60). Itigil-tigil ang tugtog, at patayuin ang mga batang may hawak ng mga larawan sa tabi ng mga salitang Aaronic o Melchizedek upang ipakita ang kapangyarihang kailangan para maisagawa ang ordenansang iyon. Ulitin kung may oras pa.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Ipaisip sa mga bata kung paano sila nabiyayaan ng priesthood. Pagawin sila ng thank-you card o larawang ibibigay sa isang maytaglay ng priesthood na kilala nila (tulad ng isang bishop, guro, ama, o misyonero).
Sa aktibidad sa linggo 4, may oportunidad kayong suriin kung may naunawaan ang mga bata. Mapapatibay ng pag-uulit ang konsepto sa kanilang isipan.