2005
Marahan at Banayad na Tinig at Pumipintig na Puso
Mayo 2005


Marahan at Banayad na Tinig at Pumipintig na Puso

Marahan at banayad na tinig at pumipintig na puso ang nagpapatotoo sa himala ng Panunumbalik.

Noong 1995, naanyayahan akong magbigay ng pagbati at pambungad na pananalita sa seminar na pang-agham sa Salt Lake City tungkol sa nutrisyon ng bata. Siyamnapu’t anim na siyentipiko mula sa 24 na bansa ang dumalo. Sa pagmamasid ko sa mga dumalo habang nagsasalita ako, napansin kong galing sila sa iba’t ibang bansa, na makikita sa kanilang mga kasuotan, kulay ng balat, salita, at iba pang mga naiibang katangian.

Tatlo o apat na buwan mula noon dumalo ako sa isang stake conference sa Silangang Baybayin ng Estados Unidos. Habang nakaupo ako sa harapan bilang paghahanda sa sesyon para sa pamumuno sa priesthood, isang Aprikano ang pumasok sa kapilya at naupo malapit sa pagitan ng daanan. Medyo namumukhaan ko siya, pero hindi ko matandaan kung saan ko siya nakita. Dumukwang ako at tinanong sa stake president kung sino ang taong iyon. Sagot ng stake president, “Ah, hindi siya miyembro ng Simbahan. Isa siyang propesor na bumibisita mula sa Africa. Nagtuturo siya sa kilalang unibersidad doon. Ilang buwan na ang nakararaan may dinaluhan siyang tila seminar na pang-agham sa Salt Lake City. Dinampot niya ang isang polyeto tungkol sa Simbahan, na naghikayat sa kanya para basahin ang lahat ng mababasa niya tungkol dito. Dinadaluhan na niya ang lahat ng miting hangga’t maaari.” Pagkatapos medyo nagbibirong sinabi ng stake president, “Hindi na ako mabibigla kung dumadalo rin siya sa mga miting ng Relief Society.”

Matapos ang mga miting ng priesthood sa pamumuno, ipinakilala kong muli ang aking sarili sa bumibisitang propesor. Ipinakita niya ang kanyang pagkasabik sa bagong natuklasang pinagmumulan ng katotohanan. Ipinaliwanag niya na ang kanyang pamilya, na nasa Africa pa, ay tinuturuan ng mga misyonero at makakasama na niya sa Amerika mga apat na buwan na lang, at sama-sama silang bibinyagan.

Nang matapos ang adult session ng Sabado ng gabi, humahangos na pumunta sa podyum ang taong ito, at habang tinatapik ang dibdib, tuwang-tuwang sinabi, “Ang lakas ng pintig ng puso ko, parang sasabog. Hindi ko alam kung mahihintay ko pa ang apat na linggo para mabinyagan ang pamilya ko.” Iminungkahi kong kumalma lang siya at hintayin ang kanyang asawa’t mga anak, para sama-sama silang lahat na mabinyagan.

Nang patakbong tumatakas si Elias para makaligtas sa masamang prinsesang si Jezabel na taga Phoenice, pinapunta siya ng Panginoon sa mataas na bundok kung saan may kakaiba siyang naranasan. Habang nakatayo si Elias sa ibabaw ng bundok sa harapan ng Panginoon, naramdaman niya ang “isang malaki at malakas na hangin … ngunit ang Panginoon ay wala sa hangin: at pagkatapos ng hangin ay isang lindol; ngunit ang Panginoon ay wala sa lindol: at pagkatapos ng lindol ay apoy, ngunit ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang marahang bulong ng tinig” (I Mga Hari 19:11–12).

Paminsan-minsan tinatanong ako ng mga taga ibang relihiyon kung bakit napakabilis ng pag-unlad ng Simbahan, sa dami ng bilang ng miyembro at aktibiti, samantalang nauulat na bumababa ang ibang simbahan sa dalawang aspetong ito. Ang sagot sa tanong na iyan ay ang simpleng marahan at banayad na tinig at pumipintig na puso. Sa abala, magulo, at maingay na daigdig, hindi ito tulad ng hangin, hindi ito tulad ng apoy, hindi tulad ng lindol, kundi isang banayad, pero malinaw na malinaw na tinig na nagpapapintig ng puso. Ito ay tahimik na pag-aalab ng kalooban na ito ay ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, kasama ang lahat ng doktrina, priesthood, at mga tipan nito na nawala sa napakatagal na panahon at kalituhan. Oo, marahan at banayad na tinig at pumipintig na puso ang nagpapatotoo sa himala ng Panunumbalik.

Marahan at banayad na tinig at pumipintig na puso ang naghihikayat sa milyun-milyong miyembro para tularan ang buhay ni Jesus sa salita, gawa, at paglilingkod. Marahan at banayad na tinig ang naghihikayat sa libu-libong retiradong mag-asawa para magmisyon sa loob ng 18 buwan o higit pa. Isinasantabi nila ang ginhawa sa buhay para paglingkuran ang iba sa sarili nilang gastos na itinuturing ng iba na napakalaking sakripisyo. Kadalasa’y naglilingkod sa malalayong lugar sa daigdig kung saan nagiging mga alaala na lang ang mainit na tubig na panligo at malalambot na higaan.

Ang marahan at banayad na tinig at pumipintig na puso ang naging dahilan para iwanan ng libu-libong kabataang lalaki at babae ang mga trabahong maganda ang hinaharap, ipagpaliban ang kanilang pag-aaral (kung minsan isinasakripisyo nila ang kanilang pagiging atleta at iba pang libreng pagpapaaral), o isinasantabi ang pakikipagkasintahan para paglingkuran ang Panginoon—sa sarili nilang gastos upang ipahayag ang Panunumbalik ng ebanghelyo. Marahan at banayad na tinig at pumipintig na puso ang nagbibigay sa ating mga kabataan ng hangarin at tapang na panindigan ang malinis na puri, katapatan, at prinsipyo, kahit na ang kapalit nito’y pangungutya at di pagtanggap ng iba. Marahan at banayad na tinig at [pumipintig na puso ang naghihikayat sa isang tao para sundin ang mga kautusan ng Diyos at bumahagi sa mga pasanin ng mga kapus-palad. Oo, may kapangyarihan sa marahan at banayad na tinig at pumipintig na puso.

May paraan si Alma para tanungin ang espirituwal na kondisyon ng ating puso. Itinanong niya, “Kayo ba ay espirituwal na isinilang sa Diyos?” At pagkatapos, “Inyo bang tinanggap ang kanyang larawan sa inyong mga mukha? Inyo bang naranasan ang malaking pagbabagong ito sa inyong mga puso?” (Alma 5:14; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ibig sabihin, ang inyo bang puso ay pumipintig sa patotoo kay Jesucristo?

Mayroon lang akong tatlong bagay na sasabihin sa inyo na nagpapapintig ng puso ko. Una, pumipintig ang puso ko sa kaalamang si Jesucristo ang aking personal na Tagapagligtas at na ang Kanyang pagmamahal sa akin ay sapat para Siya ay magdusa nang di mawaring sakit at maging ng kamatayan. Pumipintig ang puso ko kapag sa aking malalim na pag-iisip, natatanto ko na ako’y maaaring malinis, madalisay, at matubos sa pamamagitan ng dugo ni Jesucristo. Pumipintig ang puso ko kapag pinagninilay ko ang halagang ibinayad—ang pagdurusa upang mailigtas ako sa pagdurusa ding iyon para sa aking sariling mga kasalanan at paglabag.

Ikalawa, pumipintig ang puso ko sa kaalaman na ang isang batang lalaki na 14 anyos lamang, ay nagpunta sa kakahuyan, at dahil sa simple at mapakumbabang dalangin ay nabuksan ang kalangitan, nagpakita ang Diyos at si Cristo, at bumaba ang mga anghel. Kaya nga ang kaganapan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik taglay ang lahat ng priesthood, tipan, at kadalisayan ng doktrina. Pumipintig ang puso ko kapag iniisip ko na ang batang propetang ito ay nagtiis upang maihatid ang kaganapan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Habang nagbababaan ang mga anghel sa langit, kumikilos din ang mga anghel ni Satanas. Nagsimula ang mga pag-uusig at tulad ng mga propeta noon, namatay si Joseph bilang martir. Sa lahat ng kanyang mga pagsubok at pag-uusig, nanatiling matatag at determinado ang batang propeta.

Dahi kay Propetang Joseph Smith, lalo kong naunawaan ang lawak ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Dahil kay Propetang Joseph, lalo kong naunawaan ang kahalagahan ng Halamanan ng Getsemani—isang lugar ng matinding pagdurusa dahil inako ni Cristo ang ating pansariling pagdurusa hindi lamang para sa ating mga kasalanan, gayon din para sa sakit, kahinaan, pagsubok, at matinding kalungkutan. Lalo kong naunawaan ang pagmamahal ng ating Tagapagligtas na ipinakita sa Kanyang huling pagtubos. Dahil kay Joseph Smith, lalong lumaki ang pagmamahal at pasasalamat ko sa Tagapagligtas at naging lalong makahulugan ang aking pagsamba. Kabilang sa maraming himno sa ating himnaryo na isinulat ni W. W. Phelps ay ang pamilyar na awiting may mga titik na, “Purihin s’yang kaniig ni Jehova,” Mga Himno, blg. 21). Pumipintig ang puso ko kapag kinakanta ko ang awiting iyon.

Oo, dahil inaawit natin nang may sigla at galak ang, “Purihin s’yang kaniig ni Jehova,” kumakanta tayo ng tungkol sa Tagapagligtas nang may higit na pitagan, damdamin, at pasasalamat sa mga salitang: “O kahanga- hangang minahal N’ya ako’t buhay N’ya’y ‘binigay! O Kahang-hanga para sa akin!” (“Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg.193). Pumipintig ang puso ko dahil sa kaliwanagang ibinigay ni Propetang Joseph sa buhay ko tungkol sa epekto sa akin ng Pagbabayad-sala ng aking Tagapagligtas.

Ikatlo, pumipintig ang puso ko habang pinag-aaralan at pinagninilay ko ang mga banal na kasulatan sa Aklat ni Mormon, na tumutugma sa Biblia at lalo pang nagpapatotoo sa kabanalan ni Jesucristo bilang Anak ng Diyos, ang Manunubos at Tagapagligtas ng daigdig. Dahil sa sagradong kompanyong ito ng Biblia, napalawak ang aking pang-unawa sa doktrina ni Cristo, kaya’t marami sa mga tanong na di nasagot sa Biblia ay ganap na naipaunawa sa akin. Naglalaan ang Aklat ni Mormon ng malinaw na katibayan na si Joseph ay propeta ng Diyos, totoong nagpakita sa kanya si Cristo, at naipanumbalik ang ebanghelyo sa kadalisayan at kaganapan nito.

Pumipintig ang puso ko kapag iniisip ko palang ang himala ng paglabas ng Aklat ni Mormon—ang matrabahong pag-ukit sa metal na lamina, ang maingat na pangangalaga ng mga hinirang ng Diyos sa loob ng ilang siglo, at ang mahimalang pagsasalin. Tunay na akmang-akma ito sa paglalarawan sa banal na batas. Dahil sa dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin, inilaan Niya ang katibayang ito na ating mahahawakan, mababasa, mapag-aaralan, at ating mapatutunayan pa. Ngunit higit sa lahat, mahal ako ng Diyos na sapat para ibigay Niya sa akin at sa iba pang tapat na naghahangad ng pansariling paghahayag ng katotohanan ng Aklat ni Mormon—ang malinaw na katibayan ng Panunumbalik at na si Joseph Smith ay tunay na propeta.

Tinutukoy ang sagradong kaalamang ito, nagpatotoo si Propetang Alma ng Aklat ni Mormon:

“Hindi ba ninyo inaakala na alam ko ang mga bagay na ito sa aking sarili? Masdan, ako ay nagpapatotoo sa inyo na alam ko na ang mga bagay na aking sinabi ay totoo. At paano ninyo inaakala na alam ko ang kanilang katiyakan?

“Masdan, sinasabi ko sa inyo na ang mga yaon ay ipinaalam sa akin ng Banal na Espiritu ng Diyos. Masdan, ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ito ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbigay-alam nito sa akin sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu; at ito ang diwa ng paghahayag” (Alma 5:45–46).

Tulad ni Alma noon, bawat isa sa atin, mga miyembro at tapat na investigator man, ay malalaman nang may katiyakan na ang mga bagay na ito ay totoo. Malaking pribilehiyo sa atin na malaman ito. Higit pa ito sa isang pribilehiyo; responsibilidad nating malaman ito. Napakalaking kawalan sa atin ang hindi makaalam kapag ibinigay sa atin ang gayong pribilehiyo. Sinabi ng Panginoon, “Magsituktok kayo, at kayo ay bubuksan” (Mateo 7:7). Sinabi ni propetang Jacob sa Aklat ni Mormon, “Lumapit nang may buong layunin ng puso” (Jacob 6:5). Hindi natin kailangang umasa sa ating isip o damdamin. Nag-aaral tayo, nananalangin, at tulad ni Alma noon, maaari tayong mag-ayuno, at pagkatapos ay darating ang marahan at banayad na tinig at pumipintig na puso. Isipin ninyo ang isang paghahayag na mula sa Diyos na nagsasabing ang mga bagay na ito ay totoo. Iniisip ko palang ito ay pumipintig na ang puso ko. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.