Mga Pahayag at Talakayan: Elder at Sister Kearon at mga Young Adult
Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult
Linggo, Pebrero 1, 2026
Elder Patrick Kearon: Napakasayang makasama kayong lahat ngayong gabi upang ipagdiwang ang ika-100 taon ng institute at isipin ang lahat ng buhay na binago ng seminary at institute sa mga dekadang iyon. Masaya ako na makita kayo ngayong gabi. At sasabihin ko na medyo komportable ito sa ganitong napakalaking lugar. Sana napansin ninyo na may mga bistro light na lalong nagpapaaliwalas dito sa entablado.
Masaya ako na makasama kayo, at nasasabik kami sa pagkakataong ito at salamat sa pagpunta ninyo. Nauunawaan namin na ang ilan sa inyo ay na-traffic, pero nakarating pa rin kayo.
Sister Jennifer C. Kearon: Oo, nagpapasalamat kami sa kasiglahang nadama namin ngayon, at gustung-gusto naming tinitingnan kayo na kasama namin sa gabing ito. Ngunit sinisikap din naming isipin kayong mga nagtitipon sa mga chapel o mga tahanan o sariling pribadong lugar para manood ngayong gabi—habang sinisikap ninyo na mas mapalapit sa inyong Tagapagligtas. Mahal namin kayo, at nagpapasalamat kami na kasama namin kayo.
Ilang linggo na ang nakalipas, nagkaroon kami ng magandang pagkakataon na makilala ang dalawang magkaibang grupo na katulad ninyo—at katunayan, ang ilan sa kanila ay narito ngayong gabi—at nag-usap lang kami. Mga isang oras o mahigit pa ang pag-uusap namin ng dalawang magkaibang grupong ito. May ilang katanungan sila, at binigyan namin sila ng ilang sagot. Kinatawan nila ang limang magkakaibang bansa: mga young adult mula sa Estados Unidos, Mexico, Norway, Caribbean island ng Curacao, at mula sa Republic of the Congo.
Elder Kearon: Kaya ang gagawin natin ngayon ay rebyuhin ang lima sa mga itinanong na iyon na naka-video. At pagkatapos ay magbibigay kami marahil ng isa o dalawang komento para sa bawat isa. Panoorin natin ang unang video.
Kilalanin at Daigin ang mga Balakid
Young Adult: Ano ang ilan sa mga pinakamalaking balakid na nakita ninyo na inilagay ng mga YSA sa sarili nilang mga landas na humahadlang sa aming madama ang pagmamahal ng Diyos o maabot ang hangad ng Diyos na marating namin?
Elder Kearon: Kapag naiisip ko ang mga hamon ng mga young adult, para bang iniisip ng iba na katulad ang mga iyon ng mga pagsusulit na ginagawa sa mga paaralan—isang test na may mga score. Hindi ko alam. Pero sa tingin ko, ang ganoong pag-iisip ay maaaring maging hadlang para maabot natin ang ating potensiyal sa buhay at sa kawalang-hanggan.
Ibabahagi ko sa inyo ang isang quote na paborito ko mula kay Pangulong Henry B. Eyring: “’Hindi tayo sinusubukan ng Panginoon … para bigyan tayo ng grado; ginagawa Niya iyon dahil babaguhin tayo ng prosesong iyon.”
Hindi tayo binibigyan ng pagsusulit na tulad ng mga estudyante—binibigyan tayo ng mga oportunidad na lumago at matuto. Ginagawa natin ito hindi dahil may nagbibilang ng mga puntos natin sa langit, pero dahil dapat tayong lumago at matuto at maunawaan kung sino tayo. Kaya hindi ito tungkol sa mga hadlang. Tungkol talaga ito sa kung paano tayo binibigyan ng paraan para malampasan ang mga iyon, minsan nang kahanga-hanga at napakahusay, kung minsan nang napakahirap at napakasalimuot.
Sister Kearon: Ano naman ang masasabi natin sa mga balakid na pagdududa sa sarili at takot? Sa tinig na iyon sa inyong isipan? Maaari talagang maging balakid iyan. Mga tinig na nagpapahina ng inyong loob. Mga tinig na nagsasabi sa inyo na bigo kayo. Mga tinig na nagsasabi sa inyo na wala talaga kayong nararating. At maraming dahilan para diyan: Siguro, hindi ka natanggap sa trabaho. Siguro, hindi ka nakapasa sa pagsusulit. Siguro, may hangarin kang mag-asawa at hanggang ngayon ay wala ka pa ring asawa. Siguro, diborsiyado ka. Marahil ay nararanasan mo pa rin ang parehong hirap, parehong kasalanan, parehong problema, sa mahabang panahon. Kaya sinasabi sa inyo ng mga tinig na ito, “Hindi lang talaga ako sapat na mabuti, hindi ako kailanman magiging sapat na mabuti, hindi ako kailanman makakaabot, at hindi ko kayang maging kung ano ang gusto ng Diyos para sa akin.” Sa tingin ko, isang balakid iyan. At minsan, naririnig ko rin mismo ang mga tinig na iyon.
Ano ang tunog ng tinig ng Tagapagligtas sa inyong isipan? Ibang-iba ito sa inilalarawan ko, sa mga tinig ng pangungutya, kritisismo, at panghihiya, mga tinig ng kawalan ng pag-asa. Pakinggan ang sinasabi sa atin ng Tagapagligtas sa Juan 10. Gustung-gusto ko ito.
“Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang pumapasok sa hindi pintuan ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang taong iyon ay tulisan at magnanakaw.
“Ngunit ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa.
“… Pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa pangalan, at sila’y inihahatid papalabas.
“… Nangunguna siya sa kanila at sumusunod sa kanya ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang kanyang tinig.
“Ngunit hindi sila susunod kailanman sa iba, kundi lalayo sila sa kanya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”
Minsan ay may tinig ng isang estranghero sa inyong isipan, tinig ng tulisan at magnanakaw, at ganoon sa akin. Ako rin. Ang tinig ng isang taong hindi kayo kilala, na walang malasakit sa inyo, at sa katunayan, ay determinadong wasakin kayo. Hindi natin dapat pakinggan ang mga tinig na iyon, ang mga tinig ng mga estranghero, tulisan at magnanakaw, ngunit sa halip ay makinig sa tinig ng ating Mabuting Pastol, na laging nanghihikayat, laging mapagmahal, laging may pag-asa. Oo, inaanyayahan Niya tayo na maging mas mabuti. Oo, inaanyayahan Niya tayo na magsisi kung kinakailangan. Ngunit ang Kanyang tinig ay tinig ng isang tao—ng isang Tagapagligtas na nagmamahal sa atin, na nagbayad ng sukdulang halaga para sa atin, at katunayan, ay nakabigkis sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng tipan. Kaya magpakabusog sa mga salita ni Cristo, hindi sa mga salita ng isang estranghero.
Sige, panoorin natin ang susunod na video.
Tulungan ang mga Lumalayo
Young Adult: May iba’t ibang yugto sa buhay ko kung saan sinusunod ko ang mga kautusan alinsunod sa nararamdaman ko kung paano inaasahan ng Diyos na susundin ko ang mga ito, pero paano ko tutulungan ang isang kaibigan na unti-unting lumalayo sa Simbahan o hindi nadarama ang Espiritu sa araw-araw? Paano po ninyo sila tutulungan nang hindi sinasabing mali ang landas na tinatahak nila?
Sister Kearon: Mahirap ito dahil ayaw nating magmukhang mapanghusga tayo. Ayaw nating sabihing, “Ang paraan ko ng pagsasabuhay ng ebanghelyo ay mas mainam kaysa sa iba o iyon ang tamang paraan.” Tingin ko, nakadepende ang lahat ng ito sa pagmamahal at pagkakataon. Kailangang madama ng kaibigan mo mahal mo siya at kailangan niyang malaman na handa kang bigyan siya ng oras na kailangan nila.
At baka kailangan din ng mga kaibigan mo na may makausap tungkol sa ilang bagay na iniisip at nadarama nila. At puwede mong iparating sa kanila ang isang mensahe—isang malinaw na mensahe—na ligtas sila sa iyo, na isa kang tao na nagmamahal sa kanila at nirerespeto sila at na tutulungan mo sila anuman ang pinagdaraanan nila. Maaaring hindi ka sumasang-ayon sa kanila o hindi mo pipiliin ang pinipili nila, pero iba talaga ang epekto sa mga kaibigang nahihirapan ng pagkakaroon ng isang ligtas ng lugar at isang taong nakatitiyak sila na nagmamahal sa kanila.
Sa tingin ko, nakakatulong na pag-usapan ang mga panahon kung kailan mas nadama nila ang Espiritu kaysa sa ngayon o mga sandali na mas ipinamuhay nila ang ebanghelyo kaysa sa kasalukuyan. At pag-usapan ninyo ang pagkakaiba ng buhay noon at ngayon at ang mga pagkakaibang napansin nila.
Kaya dapat, magkaroon kayo ng taos-puso at espirituwal na pag-uusap kung saan hindi mo sinasabi na parang, “Dahil ayaw mong sabihin sa akin ang problema mo na tulad sana ng inaasahan ko, hindi kita matutulungan, kaya huwag na muna tayong mag-usap ngayon.” Sa tingin ko, napakahalaga noon.
At magagamit ang alintuntuning ito sa lahat ng relasyon natin. Isa itong alituntuning magagamit sa pagiging magulang. Isa itong alituntuning magagamit sa pakikipag-ugnayan natin sa ating mga mahal sa buhay sa anumang sitwasyon.
Elder Kearon: Tama. At sa palagay ko, depende kung nasaan sila—tinutukoy ni Carl ang mga kaibigang lumalayo sa ebanghelyo—depende kung nasaan sila, dapat nating pagsikapan at tulungan sila na manatiling aktibo—magkuwento tayo tungkol sa mga aktibidad sa Simbahan. Magkuwento tayo tungkol sa pagiging aktibo natin sa Simbahan. Napakainteresante sa isang convert na marinig iyan. Pero sa tingin, ko gusto nating gawin ang lahat para mapanatili silang aktibo, at matulungan sila na makatulong sa iba. Kung may calling sila, magagawa at matutupad nila iyon. Magturo, maglingkod, at magmalasakit sa iba na maaaring nahihirapan. Naisip ko na talagang angkop na nagsimula ang Aklat ni Mormon kay Lehi at sa kanyang pamilya—kay Nephi na humayo at gumawa—at tayo ay mga taong humahayo at gumagawa. At sa palagay ko ay may malaking kapangyarihan doon. Pinapanatili nitong masigla ang ating pananampalataya. At kung ang ating pananampalataya ay medyo nanghihina, muling magpapalakas sa ating pananampalataya ang paghayo at paggawa. Gustung-gusto ko ang sinabi ni Pangulong Monson tungkol sa Tagapagligtas. Sinabi niya na ang Tagapagligtas ay laging aktibo at kumikilos. Sa tingin ko ay makabubuting tularan ang huwarang iyan.
Panoorin natin ang susunod na video.
Damhin ang Kapayapaan sa Kabila ng Pagkabalisa
Young Adult: Dahil may anxiety ako, minsan ay mahirap para sa akin na maging masaya kapag lagi akong nag-aalala. At iniisip ko kung mayroon po ba kayong maipapayo sa akin para mas madama ko ang kapayapaan ng Tagapagligtas upang mas madalas akong maging masaya?
Elder Kearon: Ang ganda ng tanong na iyan dahil lahat tayo ay natatakot o nababalisa kung minsan. Ang ilan sa atin ay mas nahihirapan diyan kaysa sa iba. Ang ilan sa atin ay nangangailangan ng tulong sa pagharap sa takot at pagkabalisa. Para sa ilan sa atin, kailangang uminom ng gamot, at mabuti na lang, mas alam na natin ngayon na dapat tayong humingi ng tulong o uminom ng gamot kung natatakot at nababalisa tayo.
Sa banal na kasulatan, tingin ko, ang indibidwal na nangusap nang higit tungkol sa pagiging balisa at sa “labis na pag-aalaala” ay si Jacob. At interesante ito dahil medyo iba ang pagkabalisa niya kaysa sa akin. Nababalisa siya para sa iba. Nababalisa siya para sa kanyang mga tao at sa kanilang kapakanan. Ang pagkabalisa ko ay para sa sarili at kung kumusta ang ginagawa ko at naiisip ko ang mga naging pagkakamali ko. Minsan, kailangan kong ulit-uliting matutuhanan na kapag kapakanan ng iba ang iniisip ko, nawawala ang pagkabalisa ko. Iisipin ko lang ang kapakanan ng iba, at magsisimula nang mawala ang pagkabalisa ko. Sa katunayan, wala na ito. Madalas, naglalaho lang ito. At kapag may ginawa akong mabuti para sa iba, may nakapalaking kapangyarihan doon. Kaya mas gusto kong tularan si Jacob at maging mas mabalisa para sa kapakanan ng iba. At tingin ko, mahalaga iyon—alam kong makakatulong iyon.
Sister Kearon: Sa modernong panahong ito, kapag nahihirapan o nasasaktan tayo, gusto nating mawala iyon kaagad. Sanay na sanay tayo sa agarang kasiyahan. Halimbawa, kapag naliligo tayo at medyo malamig ang tubig, pipihitin lang natin ang knob nang kaunti pakaliwa, iinit na agad. O iba pa. At nasanay na kasi tayo sa pagiging komportable. Gusto nating maging komportable. Ang mga tao, gustong maging komportable—ayaw nating mahirapan.
Natural na mag-aalala tayo para sa hinarahap dahil wala itong katiyakan at hindi natin alam ang mangyayari. At sa tingin ko, dapat nating tanggapin ang bahaging iyon ng pagiging tao at pagtira sa mundong ito, kasama ang pagtanggap sa mga sandali ng paghihirap at maging mga panahon ng problema at maging ayos lang tayo kahit walang katiyakan. Maaaring asahan ninyo na may mga araw o linggo o buwan na hindi tayo mapapakali o medyo malulungkot tayo. Kailangan nating maging masaya at malungkot. Kailangan natin ng kagalakan at paghihirap. At ang mga karanasan at emosyong iyon ang nagpapasaya at nagpapanda ng buhay.
Elder Kearon: Gusto kong magdagdag ng isang partikular na halimbawa mula kay Jacob. Binanggit ko ang tungkol kay Jacob, at sa Jacob 4 sa talata 2 hanggang 4, mababasa natin:
“Subalit makasusulat kami ng ilang salita sa mga lamina, na makapagbibigay sa aming mga anak, at gayon din sa aming mga minamahal na kapatid, ng kaunting kaalaman hinggil sa amin, o hinggil sa kanilang mga ama—
“Ngayon, kami ay nagsasaya sa bagay na ito; at masigasig kaming gumagawa upang maiukit ang mga salitang ito sa mga lamina, umaasang tatanggapin ang mga yaon ng aming mga minamahal na kapatid at aming mga anak nang may pasasalamat sa kanilang mga puso, at sasaliksikin ang mga yaon upang malaman nila nang may kagalakan at hindi sa kalungkutan. …
“Sapagkat, sa layuning ito kaya isinulat namin ang mga bagay na ito, upang kanilang malaman na alam namin ang tungkol kay Cristo, at nagkaroon kami ng pag-asa sa kanyang kaluwalhatian maraming daang taon bago pa ang kanyang pagparito.”
Ang gusto ko rito ay, muli, laging iniisip ni Jacob ang ibang tao. Ngayon, lagi niyang iniisip ang mga taong nakapaligid sa kanya, at dito naman iniisip niya ang mga susunod na henerasyon. Ang pag-aalala niya ay umabot sa mga henerasyong darating. Ano ang naging epekto nito sa kanya? Nakatulong ito sa kanya na hindi magtuon sa kanyang sarili, nagbigay ito sa kanya ng malaking kagalakan, at nagdala ito sa mga henerasyon—hanggang ngayon—ng malaking kagalakan na mabasa ang tungkol sa kanya.
Sister Kearon: Naisip ko na ang isang pangunahing pinagmumulan ng pagkabalisa ng marami sa atin ay kapag tumitingin tayo sa mundo at nakakakita tayo ng kaguluhan, ng mga nangyayari sa mga balita sa buong mundo, at isang sanhi ito ng pagkabalisa. At ang nakalulungkot, ang ilan sa atin ay namumuhay at nararanasan ang mga panahong iyon ng kaguluhan, kaapihan, at kawalan ng katarungan. At bakit ito nagdudulot sa atin ng pagkabalisa? Dahil ang ating mga espiritu ay hindi para sa pagtatalo. Malinaw na itinuturo ni Jesus na ang “diwa ng pagtatalo ay hindi sa [Kanya].” Ang ating espiritu ay nilikha para sa kahinahunan at kaamuan at pagmamahal at pagpapatawad at kapayapaan. Kaya naman kapag nakikita natin ang ating kapwa na nakararanas ng kaguluhan at kawalang-katarungan sa buhay na nasa ating paligid, napakahirap para sa ating espiritu. Ayaw nating makita iyon.
Ngayon, ano ang sasabihin ng Tagapagligtas bilang tugon? Alam natin na sinabi Niya, “Sa sanlibutan,” oo, “ay nahaharap kayo sa pag-uusig.” Magkakaroon ng kaguluhan at kawalan ng katarungan. Magkakaroon ng digmaan, at magkakaroon ng kapahamakan. Ngunit sa kabila niyan, sinabi ni Jesus, “Lakasan ninyo ang inyong loob.” Bakit? Dahil “dinaig ko na ang sanlibutan.” Kailangan nating siguraduhing nakadiskonekta tayo mula sa ating social media news feed upang makakonekta tayo nang sapat sa ating Tagapagligtas at makahugot sa Kanyang kapayapaan na dumarating dahil nadaig niya ang sanlibutan at nabayaran na ang halaga para sa lahat ng kaapihan at kawalang-katarungan na nakikita natin sa ating paligid. Alisin ang bigat at ang pag-aalala sa inyong puso at ipaubaya ito sa Kanya. Sapat ang lakas Niya para mapasan ang mga ito.
Panoorin natin ang susunod na video.
Makahanap ng Kagalakan sa Kawalang-katiyakan
Young Adult: Paano po makahahanap ng kaligayahan ang isang young adult kung hindi niya alam ang mangyayari sa hinaharap?
Sister Kearon: Ang sagot diyan nakabatay—tulad ng marami pang iba—sa pananampalataya at tiwala kay Jesucristo at sa pagmamahal Niya. Hangad Niya na maging napakaganda ng hinaharap natin—ang bawat isa sa atin. Habang mas nagtitiwala tayo riyan, mas hinahayaan natin ang ating sarili na umasa sa Kanya at mamuhay alinsunod sa Kanyang kalooban at mas magtiwala na darating ang mabubuting bagay. Sa palagay ko, nakakatulong talaga iyan sa paghahangad natin ng kagalakan. Binibigyan tayo niyan ng pagpapakumbaba, kapayapaan—at kumpiyansa sa Panginoon. Hindi natin mapipigilang maging masaya kapag umiigting ang ating tiwala kay Cristo at sa plano Niya para sa atin. Iyan ang karanasan ko. At kapag may mga pagsubok, na laging dumarating, hindi tayo nagugulat at hindi tayo mailalayo noon sa landas. Puwede nating ibaling ang puso natin sa Kanya at itanong, “Ano ang gusto Ninyong ituro sa akin mula sa sitwasyong ito? Ano ang dapat kong gawin?” nang may ganap na tiwala na gagabayan Niya tayo.
Elder Kearon: Gustung-gusto ko rin iyan. Minsan, kapag nag-aalala tayo tungkol sa hinaharap, nakakatulong na magbalik-tanaw. At ang buhay ninyo ay maraming masasayang oras at marami ring mahihirap na sandali. Narinig kong sinasabi ng mga tao, “Nalalaman lang natin kung gaano na tayo kataas sa bundok kapag nakita na natin kung saan tayo nagmula.” Ang gandang imahe noon para sa akin. At siyempre, tila napakatarik ng bundok na dapat nating akyatin, pero matatanaw natin ang simula at masasabi nating, “Ang layo ko na pala,” na magbibigay sa atin ng kumpiyansa para sa hinaharap.
Sister Kearon: Nakakatulong talaga na “hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig at ng pagpipigil sa sarili.” Nasa panahon kayo ng buhay ninyo kung saan napakaraming desisyon ang nasa harapan ninyo—napakaraming posibleng daang matatahak—at ito ay walang katiyakan. Hindi ito tiyak, ngunit nakakatulong na tandaan na kayo, bawat isa sa inyo, ay inorden na noon pa man. Bago kayo naparito sa mundong ito, noong namumuhay kayo kasama ang inyong pamilya sa langit, kayo ay inorden noon pa man para sa partikular na mga layunin at misyon, at kayo ay inorden para magtagumpay, inorden para sa kadakilaan, upang tulungan ang Panginoon sa Kanyang dakilang gawain. Noong kausap ni Jehova si Moises, sinabi Niya kay Moises, “Ako ay may gawain para sa iyo, … aking anak.” At totoo rin ito para sa bawat isa sa atin. May gawain Siya para sa inyo at para sa akin, at tayo ay inorden noon pa man para sa kadakilaan.
Elder Kearon: Napakaganda ng ibinahaging iyon. At isa sa mga paanyaya namin ngayong gabi ay mas malalim nating pag-isipan ang gayong bagay. Marahil para sa ilan na pinalaking may ganitong kaalaman, madali nilang tinanggap ang tungkol sa pagiging inorden noon pa man. Ngunit nawalan na ba ito ng halaga dahil bahagi na ito ng alam natin tulad ng tunog ng banayad na musika na hindi napapansin? Pero totoo talaga ito.
Sa madaling salita, noong magpapakasal na kami, isang matalinong tao na kilala namin—tungkol sa paghahanap ng kagalakan sa isang hindi tiyak na hinaharap—ang nagsabi sa amin, “Ang kagalakan ay nararanasan sa maiikling panahon.” Katunayan, sinabi niya, “sa pinakamaiikling panahon.” At magandang paglalarawan iyan na tumimo sa amin. Ibig niyang sabihin, ang kagalakan ay isang magandang umaga. Ang kagalakan ay isang maliit na bahagi lamang ng isang bagay. Ang kagalakan ay isang sandali kasama ang isang kaibigan. O kahit ano pa man iyon. Ngunit ang kagalakan ay nararanasan sa maiikling panahon. Isa na iyan.
At ang isa pang gusto kong talakayin ay nangangailangan ng paggawa ang paghahanap ng kagalakan. Lahat ng ito ay nangangailangan ng paggawa, ng kaunting pagsisikap at pagsusumigasig. At inaanyayahan ko kayo—inaanyayahan namin kayong totoong maglaan ng isang oras kada linggo para sa paghahanap ng kagalakan: ang oras ng sakramento tuwing Linggo. Gawin nating pinakamasayang sandaling iyon sa buong linggo na maaari nating maranasan. At pagkatapos ay makakaasa tayo na patuloy na madarama sa buong linggo ang kagalakang iyon. Pero isipin ninyo kung hindi natin ginawang pinakamasaya ang oras na iyon sa buong linggo. Napakalaking kawalan noon! Kaya ang paanyaya sa inyo ay gawing napakaganda at napakasaya ang oras ng sakramento. At oo, mapapaluha kayo habang iniisip ninyo ang dakilang kaloob ng pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ngunit tiyak na may kagalakan habang iniisip ninyo ang maluwalhating paglabas Niya sa libingang iyon at lahat ng kinakatawan nito at lahat ng pasanin na inalis Niya sa inyo.
Sige, may isa pang video.
Unawain at Gamitin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Young Adult: Paano po namin mas mauunawaan ang Pagbabayad-sala? Paano namin magagamit ang Pagbabayad-sala sa aming buhay?
Elder Kearon: Naging miyembro ako noong 26 taong gulang ako Naaalala ko na nahirapan akong maunawaan ang Pagbabayad-sala noon. Ako ay namangha at hindi makapaniwala. Pero ngayon, habang iniisip ko iyon, naiisip ko ang plano: na mahal na mahal tayo ng Ama sa Langit, at tayo ay Kanyang mga anak. At ang dahilan kung bakit nandito tayo ay para matuto, lumago, magtulungan, magmahalan, manampalataya. At ang Pagbabayad-sala.
Alam Niyang magkakamali tayo, kaya ipinadala Niya ang Kanyang pinakamamahal na Anak—na talagang nakakabagbag-damdamin—para taglayin Niya ang ating mga kasalanan. Paano? Ipaliliwanag Niya iyon balang-araw, pero ang mahalaga, ginawa Niya iyon. Kaya kapag naiisip ko ang Pagbabayad-sala, naiisip ko ang layunin ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit para sa inyo at para sa akin. At gamit ang kontekstong iyon, nagsisimula na akong makaunawa. Pero sa palagay ko, wala ni isa sa atin ang may perpektong pag-unawa sa Pagbabayad-sala.
Pero kapag nauunawaan natin ang plano, at na tutulungan tayo ng Pagbabayad-sala sa anumang pagsubok, anumang hamon, na maunawaan ang kapayapaan, pagmamahal at kagalakan, pati na rin ang mga pagkakamali at kasalanan ng iba, kung gayon ay nasa tamang landas ako. At pagkatapos ng mga luha, darating ang matinding kagalakan. Ang lubos na nag-uumapaw na pasasalamat na inalis Niya ang lahat. At iyan ang pinakamagandang realisasyon pagkatapos ng anumang pagluha, kalungkutan, pasakit—ang pagsasaya. Muli, hindi ito maaarok ng aking pang-unawa. Ngunit nangyayari ito, at totoo ito, at napakaganda nito. At nararamdaman ko ito ngayon.
Sister Kearon: Kapag binigyan ako ng lakas para maging mas matiyaga o mahinahon nang kaunti kaysa sa karaniwan o para makapili ng mas maayos—kapag binibigyan ako ng lakas o gabay o kaunting paalala na maging mas mabuti—para sa akin ay kapangyarihan at lakas iyon ni Jesucristo na dumadaloy mula sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Na Siya ay may karapatang magbigay ng awa. Natanggap Niya ang awa at kapangyarihan mula sa Ama para ipahiram sa atin ang Kanyang lakas at Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa para sa inyo at para sa akin sa halamanan at sa krus. At dahil Siya ay handang gawin iyon at dahil gagabayan Niya tayo hanggang wakas, Siya ay may karapatan at kapangyarihang igawad sa Inyo ang Kanyang pagmamahal at para ibigay sa inyo ang pag-asa Niya.
Sister Kearon: Sa Moises, mababasa natin na ang mga nilikha ng Diyos ay hindi mabilang. Imposibleng mabilang natin ang mga ito. Gayunpaman, sinasabi Niya sa Moises 1, “Ang mga ito ay hindi maaaring mabilang ng tao; subalit ang mga ito ay bilang sa akin, sapagkat ang mga ito ay akin.” Ngayong gabi, isa kayo sa isang milyon, ngunit sa totoo lang, sa mundo, isa kayo sa walong bilyon, ngunit bilang kayo sa Diyos. Kilala Niya kayo. Kilala at mahal Niya kayo, at alam Niya ang bawat detalye ng inyong buhay. Kilala Niya kayo sa pangalan, at Kanyang “iiwan ang siyamnapu’t siyam” upang hanapin ang isa. Kung kayo ang isang iyon, kung ang isang iyon ay ang mahal ninyo sa buhay, ang 99 na porsiyento ay hindi sapat para sa Tagapagligtas. Nais Niyang makabalik ang bawat isa, at ang Kanyang gawain ay hindi matatapos hangga’t hindi ligtas na natitipon ang lahat.
Elder Kearon: At kung mauunawaan natin ang isa pang mahalagang bagay na nauugnay sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, maaaring ito ay mula sa 2 Nephi 9: “Anupa’t talagang kailangang ito ay maging walang hanggang pagbabayad-sala—maliban kung ito ay maging walang hanggang pagbabayad-sala ang may kabulukang ito ay hindi makapagbibihis ng walang kabulukan.” Lubos akong nagpapasalamat para sa walang hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at na tayong lahat ay nagtitipon ngayong gabi nang may pananampalataya, kapangyarihan, at pang-unawang nagmumula rito.
Ngayon ay may mensahe sa atin—may mensahe sa inyo si Pangulong Dallin H. Oaks. At napakaikli nito. Mga isa’t kalahating minuto. Ngunit habang pinakikinggan ninyo ito, pakinggan sana ang pangakong ibibigay niya sa inyo.
Pangulong Dallin H. Oaks: Minamahal kong mga kaibigan, isa sa mga pinakamagandang pagkakataon para matuto, magtipon, at tumulong sa iba ay matatagpuan sa institute!
Nabubuhay tayo sa isang panahong karaniwan ang ingay at pagkalito. Sa kabilang banda, sa institute ay matututuhan ninyong makilala ang katotohanan sa kamalian, mapapatibay ang inyong ugnayan sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, makakahanap kayo ng direksiyon at matutuklasan ang mga sagot sa pinakamahahalagang tanong sa buhay, makakakilala ng iba na tutulong sa inyo sa landas ng tipan, makakakilala ng mga taong maaari ninyong piliing maka-date at pakasalan, at maghahanda sa inyo na magmahal at mamuno tulad ng Tagapagligtas.
Mahal kong mga young adult, inaanyayahan ko kayo na palaging dumalo ng institute. Hinihikayat ko rin kayo na anyayahan ang inyong mga kaibigan na makibahagi rito. Ipinapangako ko na ang oras ninyo sa institute ay maghahatid ng kapayapaan, kagalakan, at banal na pagmamahal ng Tagapagligtas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.