Library
Pagkakaroon ng Lakas at Ginhawa kay Jesucristo: Hannah Miller


3:25

Pagkakaroon ng Lakas at Ginhawa kay Jesucristo: Hannah Miller

Debosyonal ng Relief Society sa 2026: Isang Pandaigdigang Pagtitipon ng Kababaihan

Linggo, Marso 8, 2026

Nakatanggap ako ng tawag galing sa kapatid ko na kailangan ko nang umuwi para makita ko ang aking tatay bago siya mamatay. Nag-ayuno ang aming pamilya nang araw na iyon para humingi ng himala, at pagkatapos ng aming pag-aayuno, nagpaalam na kami sa aking tatay, at pumanaw na siya. At kahit sa sandaling iyon, alam ko na ang himala ay ang nagkaroon siya ng ginhawa mula sa kanyang mortal na karamdaman at sa kanyang mga hamon. At naiisip ko ang sakit na idinulot nito sa aming pamilya. Pero napakabilis ng Panginoon na magbigay sa amin ng ginhawa. Kadalasan, sa anyo ng mga minamahal na kaibigan at pamilya na nagbigay ng labis na ginhawa at nakasama namin sa mahirap na panahong iyon.

At habang iniisip ko ang karanasang ito, nag-aral ako—pinag-aaralan ko ang isang talata sa Aklat ni Mormon. Ito ay nasa Mga Salita ni Mormon, sa talata 17 at 18, kung saan binanggit si Haring Benjamin, na may mabigat na gawaing magtatag ng kapayapaan sa isang lipunan. At gustung-gusto ko ang sinasabi nito. Sabi rito, “Si Haring Benjamin ay isang banal na tao, at siya ay namuno sa kanyang mga tao sa kabutihan; at maraming banal na tao sa lupain.” At kalaunan, sinabi nito, “Sa tulong ng mga ito, si Haring Benjamin, sa pamamagitan ng paggawa nang buong lakas ng kanyang katawan [at] ng kakayahan ng kanyang buong kaluluwa, at gayundin ng mga propeta, ay muling nakapagtatag ng kapayapaan sa lupain.”

At iniisip ko ang pariralang “sa tulong ng mga ito” at kung gaano kadalas ko naranasan ang mga ito sa buhay ko kung saan hindi ko sana ito magagawa kung wala ang tulong ng banal na kalalakihan at kababaihan na nariyan para umupo sa tabi ko, magdalamhating kasama ko, at aluin ako habang tumatayo tayong mga saksi ng Diyos. Kung minsan, parang hindi dinig ang ating mga dasal. Parang hindi sinasagot ang mga ito, o hindi pinakikinggan ng Panginoon. Pero gusto kong magpatotoo na ang mga panalanging iyon ay dinirinig at sinasagot sa perpektong paraan. Dahil may malasakit ang Panginoon sa inyo, may malasakit Siya sa inyong mga panalangin, may malasakit Siya sa mga bagay na bumabagabag sa inyong isipan at puso, may malasakit Siya sa mga bagay na nagpapabalisa sa inyo. At darating ang mga kasagutan. Mangyayari iyan.