Si Russell M. Nelson ay sinang-ayunan at itinalaga bilang ika-17 pangulo at propeta ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong araw ng Linggo, Enero 14, 2018, sa silid sa itaas ng Salt Lake Temple.
Isinilang noong Setyembre 9, 1924, si Pangulong Nelson ay anak nina Marion C. at Edna Anderson Nelson. Sila ng kanyang asawa, ang namayapang si Dantzel White, ay may sampung anak. Pumanaw si Sister Nelson noong Pebrero 2005. Noong Abril 2006, pinakasalan ni Elder Nelson si Wendy L. Watson.
Bago ang kanyang serbisyo bilang pinuno ng Simbahan, si Pangulong Nelson ay naglingkod bilang pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol mula Hulyo 15, 2015, hanggang sa tawagin siya bilang pinuno ng Simbahan. Naglingkod siya bilang miyembro ng korum na iyon simula Abril 7, 1984.
Isang bantog na surgeon at medical researcher sa maraming bansa, natanggap ni Dr. Nelson ang kanyang B.A. at M.D. na mga degree mula sa University of Utah noong (1845, 47). Kabilang sa kanyang mga honorary scholastic society ang Phi Beta Kappa at Alpha Omega Alpha. Tinapos niya ang kanyang residency sa surgery sa Massachusetts General Hospital sa Boston at sa University of Minnesota, kung saan siya ginawaran ng kanyang Ph.D. Degree noong 1954. Tumanggap din siya ng mga honorary degree na Doctor of Science mula sa Brigham Young University noong 1970, Doctor of Medical Science mula sa Utah State University noong 1989, at Doctor of Humane Letters mula sa Snow College noong 1994.
Kabilang sa kanyang propesyonal na trabaho ang pagiging research professor ng surgery at direktor ng Thoracic Surgery Residency sa University of Utah at chairman ng Division of Thoracic Surgery sa LDS Hospital sa Salt Lake City.
May-akda ng maraming lathalain at mga kabanata sa mga medical textbook, naglektyur at bumisita bilang doktor si Pangulong Nelson sa buong Estados Unidos at sa marami pang mga bansa bago siya tinawag bilang General Authority. Marami na siyang natanggap na mga gawad at parangal, kabilang na ang Distinguished Alumni Award, University of Utah; ang Heart of Gold Award mula sa American Heart Association; isang citation para sa International Service mula sa American Heart Association; at ang Golden Plate Award, na iginawad ng American Academy of Achievement. Ginawaran siya ng mga honorary professorship mula sa tatlong unibersidad sa People’s Republic of China.
Si Dr. Nelson ay naglingkod bilang pangulo ng Society for Vascular Surgery, direktor ng American Board of Thoracic Surgery, chairman ng Council on Cardiovascular Surgery para sa American Heart Association, at pangulo ng Utah State Medical Association.
Kasama siya sa listahan ng Who’s Who in the World, Who’s Who in America, at Who’s Who in Religion.
Humawak si Pangulong Nelson ng maraming mahahalagang posisyon sa Simbahan. Naglingkod siya bilang stake president ng Bonneville Stake mula 1964 hanggang Hunyo, 1971, nang tawagin siya bilang pangkalahatang pangulo ng Sunday School. Bago siya tinawag sa Korum ng Labindalawa, naglingkod siya bilang Regional Representative na nakatalaga sa Kearns Utah Region. Naglingkod siya bilang Regional Representative para sa Brigham Young University.