Pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng isang propeta, na gumaganap bilang Pangulo ng Simbahan, at dalawang Apostol na tinawag na maging mga tagapayo ng propeta. Ang grupong ito ay tinatawag na Unang Panguluhan, at ito ang pinakamataas na pangkat na namamahala sa Simbahan.
Ang mga miyembro ng Unang Panguluhan ay mga Apostol ni Jesucristo. Kasama ang iba pang mga Apostol, sila ay mga natatanging saksi ni Jesucristo, na tinawag upang magturo at magpatotoo tungkol sa Kanya sa buong mundo. Madalas silang maglakbay, nagsasalita at naghihikayat sa malalaking kongregasyon ng mga miyembro ng Simbahan at iba pa, at nakikipag-usap din sa mga lider ng Simbahan. Humihingi sila ng patnubay kay Jesucristo habang pinangangasiwaan nila ang mga bagay na nakaaapekto sa milyun-milyong miyembro ng Simbahan sa buong mundo. Kabilang sa mga bagay na ito ang gawaing misyonero, tulong-pantao, paglilingkod sa templo, pagtuturo ng ebanghelyo, at marami pang iba.
Ang Pangulo ng Simbahan ang laging senior na Apostol—ang taong naglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa loob ng pinakamahabang panahon. Kapag pumanaw ang isang Pangulo ng Simbahan, ang susunod na senior na Apostol ang nagiging Pangulo ng Simbahan at pinipili niya ang mga tagapayo na maglilingkod na kasama niya sa Unang Panguluhan. Bagama’t lahat ng miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay sinasang-ayunan bilang “mga propeta, tagakita, at tagapaghayag,” ang katagang “ang propeta” ay tumutukoy sa Pangulo ng Simbahan.
Sa pamamagitan ng mga inspiradong mensahe ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, nagbibigay ang Panginoon ng tagubilin sa Kanyang Simbahan, kabilang na ang patnubay na tumutulong sa mga miyembro sa mga hamong nararanasan nila sa buhay.
Ang Unang Panguluhan ay unang inorganisa ni Joseph Smith, ang unang propeta ng Simbahan.