Noong Hunyo 1831, inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na si William W. Phelps, isang bagong binyag sa Kirtland, ay dapat lumipat sa Jackson County, Missouri:
“Upang tumulong sa aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery na isagawa ang gawain ng paglilimbag, at ng pagpili at pagsusulat ng mga aklat para sa mga paaralan ng simbahang ito, upang ang maliliit na bata ay makatanggap din ng mga tagubilin sa harapan ko na ikinalulugod ko” (
Doktrina at mga Tipan 55:4).
Alinsunod sa utos ng Panginoon, naglakbay si Phelps papuntang Cincinnati, Ohio, kung saan siya bumili ng kasangkapan sa pag-imprenta at pagkatapos ay dinala ito sa Missouri. Noong Hunyo 1832, inilathala niya ang unang isyu ng
The Evening and the Morning Star. Sa isyung ito, ipinahayag ni Phelps ang layunin ng pahayagan bilang “kaibigan ng tao, upang hikayatin silang bumaling sa Diyos at mamuhay, bago lipulin sa dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon ang masasama sa mundong ito.” Ang tanging pahayagang pangrelihiyon sa Jackson County, ang
The Star, ay nagbigay ng pagkakataon sa Simbahan na marinig ng publiko.
Ang mga artikulong inilathala sa
The Star ay nagpabalisa sa mga lokal na residente na natakot sa lumalaking bilang ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Jackson County. Noong Hulyo 20, 1833, ilan sa mga residenteng ito ang lumusob sa gusali, itinapon ang imprenta at type sa kalsada.
At noong panahong iyon, natapos nang ilimbag ni Phelps ang ilang bahagi ng
Book of Commandments, pero hindi pa kumpleto ang aklat. Sinuong ng ilang miyembro ng Simbahan ang panganib ng marahas na paghihiganti ng kanilang mga kapitbahay para iligtas ang mga pahina ng Book of Commandments. Kabilang sa mga ito ang magkapatid na sina Mary Elizabeth at Caroline Rollins. Tinipon nila ang mga nagkalat na pahina ng Book of Commandments at itinago ang mga ito kasama nila sa kalapit na taniman ng mais. Ang mga pahinang ito ay isinama kalaunan sa edisyong 1835 ng Doktrina at mga Tipan.
Habang tumatakas ang mga Banal sa Jackson County, bumalik ang pamilya Phelps sa Ohio, kung saan patuloy na naglathala si William para sa Simbahan.
Magbasa pa tungkol sa tanggapan ng palimbagan sa
Mga Banal, Tomo 1, Kabanata 14, 16.
Ano ang Aasahan
Bagama’t wala na ang tanggapan ng palimbagan, isang tansong plake ang makikita sa lokasyon nito. Dito nagsimulang maglathala ang mga tao ng mga kopya ng mga paghahayag ni Joseph Smith bilang Book of Commandments
.