Opisyal na Pahayag 2
Itinuturo ng Aklat ni Mormon na “pantay-pantay ang lahat sa Diyos,” kabilang ang “maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae” (2 Nephi 26:33). Sa buong kasaysayan ng Simbahan, ang mga taong kabilang sa bawat lahi at etnisidad sa maraming bansa ay nabinyagan at namuhay bilang matatapat na kasapi ng Simbahan. Noong nabubuhay pa si Joseph Smith, inorden sa pagkasaserdote ang ilang itim na lalaking kasapi ng Simbahan. Sa simula ng kasaysayan nito, tumigil ang mga pinuno ng Simbahan sa paggawad ng pagkasaserdote sa mga itim na lalaking may lahing Aprikano. Walang ibinibigay na malinaw na paliwanag ang mga talaan ng Simbahan sa pinagmulan ng gawing ito. Naniwala ang mga pinuno ng Simbahan na kinakailangan ng paghahayag mula sa Diyos upang baguhin ang gawing ito at mapanalangin silang naghangad ng patnubay. Ang paghahayag ay natanggap ng Pangulo ng Simbahan na si Spencer W. Kimball at pinagtibay sa iba pang pinuno ng Simbahan sa Salt Lake Temple noong Hunyo 1, 1978. Inalis ng paghahayag ang lahat ng restriksyon hinggil sa lahi na nauukol dati sa pagkasaserdote.
Sa Sinumang Kinauukulan:
Noong Setyembre 30, 1978, sa ika-148 na Pangkalahating Taong Pangkalahatang Kumperensiya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mga sumusunod ay inilahad ni Pangulong N. Eldon Tanner, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan ng Simbahan:
Noong unang bahagi ng Hunyo ng taong ito, ipinahayag ng Unang Panguluhan na isang paghahayag ang natanggap ni Pangulong Spencer W. Kimball na naggagawad ng pagkasaserdote at mga pagpapala sa templo sa lahat ng karapat-dapat na lalaking kasapi ng Simbahan. Hiniling ni Pangulong Kimball na aking sabihin sa kumperensiya na pagkatapos niyang matanggap ang paghahayag na ito, na dumating sa kanya matapos ang mahabang pagbubulay-bulay at panalangin sa mga sagradong silid ng banal na templo, inilahad niya ito sa kanyang mga tagapayo, na tinanggap ito at pinagtibay ito. Pagkatapos ay inilahad ito sa Korum ng Labindalawang Apostol, na buong pagkakaisang pinagtibay ito, at pagkaraan ay iniharap sa lahat ng iba pang Pangkalahatang Pinuno, na buong pagkakaisa ring pinagtibay ito.
Hiniling ni Pangulong Kimball na basahin ko ngayon ang liham na ito:
ika-8 ng Hunyo 1978
Sa lahat ng pangkalahatan at lokal na may katungkulang pagkasaserdote ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako ng daigdig:
Mga Kapatid:
Habang nasasaksihan namin ang paglawak ng gawain ng Panginoon sa mundo, nagpapasalamat kami na ang mga tao ng maraming bansa ay tumugon sa mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo, at sumapi sa Simbahan sa lalong lumalaking bilang. Dahil dito, binigyan kami ng inspirasyon nito na hangaring igawad sa bawat karapat-dapat na kasapi ng Simbahan ang lahat ng pribilehiyo at pagpapalang naibibigay ng ebanghelyo.
Batid ang mga pangakong ginawa ng mga propeta at pangulo ng Simbahan na nangauna sa amin na balang-araw, sa walang hanggang plano ng Diyos, lahat ng ating mga kapatid na lalaki na karapat-dapat ay maaaring tumanggap ng pagkasaserdote, at namamalas ang katapatan ng mga yaong pinagkaitan ng pagkasaserdote, kami ay nagsumamo nang matagal at taimtim alang-alang sa kanila, na ating matatapat na kapatid, gumugugol ng maraming oras sa Itaas na Silid ng Templo, nagsusumamo sa Panginoon para sa banal na patnubay.
Kanyang dininig ang aming mga panalangin, at sa pamamagitan ng paghahayag ay pinagtibay na sumapit na ang matagal nang ipinangakong araw kung kailan ang bawat matapat at karapat-dapat na lalaki sa Simbahan ay maaaring tanggapin ang banal na pagkasaserdote, na may kapangyarihang gamitin ang banal na karapatang ito, at tamasahin kasama ang kanyang mga minamahal ang lahat ng pagpapalang umaagos mula roon, kabilang na ang mga pagpapala ng templo. Alinsunod dito, lahat ng karapat-dapat na lalaking kasapi ng Simbahan ay maaaring iorden sa pagkasaserdote nang walang pagsasaalang-alang ng lahi o kulay ng balat. Ang mga pinuno ng pagkasaserdote ay tinatagubilinang sumunod sa patakaran ng maingat na pakikipanayam sa lahat ng kandidato sa ordinasyon sa Pagkasaserdoteng Aaron o Melquisedec upang matiyak na kanilang natugunan ang mga naitatag nang pamantayan sa pagiging karapat-dapat.
Aming mataimtim na ipinapahayag na ipinaalam ng Panginoon ngayon ang kanyang kalooban para sa pagpapala ng lahat ng kanyang mga anak sa lahat ng dako ng mundo na makikinig sa tinig ng kanyang mga tagapaglingkod na binigyan ng kapangyarihan, at ihanda ang kanilang sarili na tumanggap ng lahat ng pagpapala ng ebanghelyo.
Matapat na sumasainyo,
Spencer W. Kimball
N. Eldon Tanner
Marion G. Romney
Ang Unang Panguluhan
Kinikilala si Spencer W. Kimball bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag, at pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, iminumungkahi na tanggapin natin bilang isang manghahalal na kapulungan ang paghahayag na ito bilang salita at kalooban ng Panginoon. Lahat ng sumasang-ayon, mangyaring ipakita sa pamamagitan ng pagtataas ng inyong kanang kamay. Sinuman ang hindi sumasang-ayon, sa pamamagitan ng gayunding tanda.
Ang boto na tanggapin ang naunang mungkahi ay sinasang-ayunan nang may buong pagkakaisa.
Salt Lake City, Utah, September 30, 1978.