Opisyal na Pahayag 1
Itinuturo ng Biblia at ng Aklat ni Mormon na ang pagkakaroon ng isang asawa ang pamantayan ng Diyos para sa pagpapakasal maliban kung ipinapahayag Niya ang kabaligtaran nito (tingnan sa 2 Samuel 12:7–8 at Jacob 2:27, 30). Kasunod ng isang paghahayag kay Joseph Smith, ang pagkakaroon ng higit sa isang asawa ay pinasimulan sa mga kasapi ng Simbahan noong mga unang bahagi ng 1840s (tingnan sa bahagi 132). Mula 1860s hanggang 1880s, nagpasa ang pamahalaan ng Estados Unidos ng mga batas na nagpapangyaring ilegal ang gawing panrelihiyong ito. Kalaunan, ipinagtibay ng Kataas-taasang Hukuman ng Estados Unidos ang mga batas na ito. Matapos tumanggap ng paghahayag, inilathala ni Pangulong Wilford Woodruff ang sumusunod na Manifesto, na tinanggap ng Simbahan na opisyal at may bisa noong Oktubre 6, 1890. Humantong ito sa pagtatapos ng pag-aasawa nang marami sa Simbahan.
Sa Sinumang Kinauukulan:
Sapagkat may mga balitang ipinadala para sa mga politikal na kadahilanan, mula sa Salt Lake City, na malawak nang nakalathala, na nagsasabi na ang Komisyon ng Utah, sa kanilang ulat kamakailan lamang sa Kalihim ng Panloob, ay iginiit na ang pag-aasawa nang marami ay patuloy pa ring idinaraos at na apatnapu o higit pang ganitong pagpapakasal ang ginawa sa Utah mula pa noong Hunyo o noong nakaraang taon, gayundin na sa mga talumpating pampubliko, ang mga pinuno ng Simbahan ay nagturo, naghikayat at hinimok ang pagpapatuloy ng pagkakaroon ng higit sa isang asawa—
Samakatwid, ako, bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sa pamamagitan nito, sa pinakataimtim na paraan, ay ipinapahayag na mali ang mga paratang na ito. Hindi kami nagtuturo ng pagkakaroon ng higit sa isang asawa o pag-aasawa nang marami, ni pinahihintulutan ang sinumang tao na gawin ito, at aking itinatanggi na may apatnapu o anumang bilang ng pag-aasawa nang marami ang idinaos sa aming mga Templo o sa alinmang lugar sa Teritoryo.
Isang kaso ang iniulat, kung saan iginigiit ng mga pangkat na isinagawa ang kasal sa Endowment House, sa Salt Lake City, noong Tagsibol ng 1889, subalit hindi ko nabatid kung sino ang nagsagawa ng seremonya; kung anuman ang nagawa patungkol sa bagay na ito ay lingid sa aking kaalaman. Bunga ng iginigiit na pangyayaring ito, ang Endowment House, sa aking mga tagubilin, ay binuwag nang walang antala.
Yamang nagpasa ang Kongreso ng mga batas na nagbabawal sa pag-aasawa nang marami, na mga batas na ipinahayag na naaayon sa saligang-batas ng hukuman ng huling dulugan, ipinapahayag ko ngayon ang aking hangaring sumunod sa mga batas na yaon, at gamitin ang aking impluwensiya sa mga kasapi ng Simbahan na aking pinamumunuan na gawin nila ang gayundin.
Wala sa mga itinuturo ko sa Simbahan, o ng yaong aking mga kasamahan, sa panahong nabanggit, ang makatwirang mapakahuhulugan na naggigiit o nanghihikayat sa pagkakaroon ng higit sa isang asawa; at kung may sinumang Elder ng Simbahan na gumamit ng wika na tila nagpapahiwatig ng anumang ganoong aral, siya ay maagap na winawasto. At ngayon, ipinapahayag ko sa lahat na ang aking payo sa mga Banal sa mga Huling Araw ay tumigil sa pagsasagawa sa anumang kasal na ipinagbabawal ng batas ng lupain.
Wilford Woodruff
Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo
ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Iminungkahi ni Pangulong Lorenzo Snow ang sumusunod:
“Iminumungkahi ko na, sa pagkilala kay Wilford Woodruff bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at ang tanging tao sa mundo sa kasalukuyang panahon na may hawak ng mga susi ng mga ordenansa ng pagbubuklod, kinikilala natin siyang may ganap na kapangyarihan sa bisa ng kanyang tungkulin na ilabas ang Manifesto na binasa upang marinig natin, at may petsang ika-24 ng Setyembre, 1890, at bilang isang Simbahan na nagtipon sa Pangkalahatang Kumperensiya, ating tinatanggap ang kanyang pagpapahayag hinggil sa pag-aasawa nang marami bilang opisyal at may bisa.”
Salt Lake City, Utah, October 6, 1890.
Mga Sipi mula sa Tatlong Talumpati ni
Pangulong Wilford Woodruff
Hinggil sa Manifesto
Ako o ang sinumang tao na kumikilos bilang Pangulo ng Simbahan na ito ay hindi pahihintulutan ng Panginoon na iligaw kayo. Wala ito sa plano. Wala ito sa isipan ng Diyos. Kung tatangkain ko ang gayon, ako ay aalisin ng Panginoon sa aking kinalalagyan, at gayundin ang gagawin Niya sa kahit sinong tao na nagtatangkang iligaw ang mga anak ng tao mula sa mga orakulo ng Diyos at mula sa kanilang tungkulin. (Ikaanimnapu’t isang Pangkalahating Taong Pangkalahatang Kumperensiya ng Simbahan, Lunes, Oktubre 6, 1890, Salt Lake City, Utah. Iniulat sa Deseret Evening News, Oktubre 11, 1890, p. 2.)
Hindi mahalaga kung sinuman ang mabuhay o kung sinuman ang mamatay, o kung sinuman ang tinawag na mamuno sa Simbahang ito, kailangan nilang pamunuan ito sa pamamagitan ng inspirasyon mula sa Pinakamakapangyarihang Diyos. Kung hindi nila ito gagawin sa ganoong paraan, hindi nila ito magagawa sa anumang paraan. …
Ako ay nakatanggap ng ilang paghahayag nito lamang, at napakahalaga ng mga ito sa akin, at sasabihin ko sa inyo ang sinabi sa akin ng Panginoon. Ipahintulot ninyong ibaling ko ang inyong isip sa tinatawag na manifesto. …
Sinabi sa akin ng Panginoon na tanungin sa mga Banal sa mga Huling Araw ang isang katanungan, at sinabi rin Niya sa akin na kung makikinig sila sa mga sinabi ko sa kanila at tutugon sa itinatanong sa kanila, sa pamamagitan ng Espiritu at kapangyarihan ng Diyos, tutugon silang lahat nang magkakatulad, at maniniwala silang lahat nang magkakatulad ukol sa bagay na ito.
Ito ang katanungan: Alin ang pinakamatalinong landas para sa mga Banal sa mga Huling Araw na sundin—na tangkaing ipagpatuloy ang pag-aasawa nang marami, na ang mga batas ng bansa ay laban dito at ang pagsalungat ng animnapung milyong tao, at kapalit nito ang pagsamsam at pagkawala ng lahat ng Templo, at ang pagtitigil sa lahat ng ordenansa rito, kapwa sa mga buhay at sa mga patay, at ang pagbibilanggo sa Unang Panguluhan at Labindalawa at sa mga pinuno ng mga mag-anak sa Simbahan, at ang pagsamsam sa mga personal na ari-arian ng mga tao (ang lahat ng ito ang magpapahinto sa gawain), o, pagkatapos nating pagdaanan o maghirap dahil sa ating pagsunod sa alituntuning ito na itigil ang gawain at magpasailalim sa batas, at sa pamamagitan ng paggawa nito ay hayaang manatili sa tahanan ang mga Propeta, Apostol at ama, nang sa gayon ay kanilang matagubilinan ang mga tao at magampanan ang mga tungkulin sa Simbahan, at hayaan din ang mga Templo sa mga kamay ng mga Banal, upang maasikaso nila ang mga ordenansa ng Ebanghelyo, kapwa para sa mga buhay at patay?
Ipinakita sa akin ng Panginoon sa pamamagitan ng pangitain at paghahayag kung ano ang tiyak na mangyayari kung hindi natin ititigil ang gawaing ito. Kung hindi natin ito itinigil, hindi na ninyo kakailanganin ang … sinuman sa kalalakihan sa templong ito sa Logan; sapagkat ang lahat ng ordenansa ay ititigil sa buong lupain ng Sion. Maghahari ang kaguluhan sa buong Israel, at maraming kalalakihan ang mabibilanggo. Sasapit sa buong Simbahan ang suliraning ito, at tayo ay mapipilitang itigil ang gawain. Ngayon, ang katanungan ay kung dapat ba itong matigil sa ganitong pamamaraan, o sa paraang ipinakita sa atin ng Panginoon, at panatilihin na malalayang tao ang ating mga Propeta at Apostol at ama, at nasa kamay ng mga tao ang mga templo, upang ang mga patay ay matubos. Isang malaking bilang na ang napalaya ng mga taong ito mula sa bahay-piitan sa daigdig ng mga espiritu, at ang gawain ba ay ipagpapatuloy o ititigil? Ito ang katanungan na aking inilatag sa harapan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kailangang magpasiya kayo sa inyong sarili. Ibig kong sagutin ninyo ito sa inyong sarili. Hindi ko ito sasagutin; subalit sinasabi ko sa inyo na ito ang tiyak na kalagayang kasasadlakan natin bilang isang tao kung hindi natin tinahak ang landas na mayroon tayo.
… Nakita ko kung ano ang tiyak na mangyayari kung walang anumang bagay na ginawa. Matagal nang nasa akin ang diwang ito. Subalit nais kong sabihin ito: Hahayaan ko sanang mawala sa ating mga kamay ang mga templo; hahayaan kong makulong din ako, at hahayaan ang bawat lalaki na pumasok doon, kung hindi ako inutusan ng Diyos ng langit na gawin ang ginawa ko; at nang sumapit ang oras na inutusan akong gawin iyon, ang lahat ay malinaw na sa akin. Ako ay dumulog sa harapan ng Panginoon, at isinulat ko ang sinabi sa akin ng Panginoon na isulat. …
Iniiwan ko ito sa inyo, nang inyo itong pag-isipan at isaalang-alang. Ang Panginoon ay kaagapay natin sa gawaing ito. (Kumperensiya sa Istaka ng Cache, Logan, Utah, Linggo, Nobyembre 1, 1891. Iniulat sa Deseret Weekly, Nobyembre 14, 1891.)
Ngayon, sasabihin ko sa inyo kung ano ang ipinakita sa akin at kung ano ang ginawa ng Anak ng Diyos sa bagay na ito. … Ang lahat ng bagay na ito ay mangyayari, yamang buhay ang Pinakamakapangyarihang Diyos, kung hindi ibinigay ang yaong Manifesto. Samakatwid, nadama ng Anak ng Diyos na kailangang iharap ang bagay na iyon sa Simbahan at sa sanlibutan para sa mga layuning nasa isip niya. Iniatas ng Panginoon ang pagtatatag ng Sion. Kanyang iniatas ang pagtapos ng templong ito. Kanyang iniatas na ang kaligtasan ng mga buhay at ng mga patay ay nararapat ipagkaloob sa mga lambak na ito ng kabundukan. At iniatas ng Pinakamakapangyarihang Diyos na hindi ito mahahadlangan ng Diyablo. Kung iyan ay mauunawaan ninyo, iyan ang susi nito. (Mula sa isang talumpati sa ikaanim na pulong ng paglalaan ng Templo ng Salt Lake, Abril 1893. Makinilyado ng Pulong ng Paglalaan, Mga Arkibo, Church Historical Department, Salt Lake City, Utah.)