Bahagi 138
Isang pangitain na ibinigay kay Pangulong Joseph F. Smith sa Salt Lake City, Utah, noong Oktubre 3, 1918. Sa kanyang pambungad na talumpati sa ika-89 na Pangkalahating Taong Pangkalahatang Pagpupulong ng Simbahan, noong Oktubre 4, 1918, ipinahayag ni Pangulong Smith na nakatanggap siya ng ilang banal na mensahe noong mga nakaraang buwan. Isa sa mga ito, na hinggil sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga espiritu ng mga patay habang nasa libingan ang Kanyang katawan, ang natanggap ni Pangulong Smith noong nakaraang araw. Kaagad itong isinulat kasunod ng pagtatapos ng pagpupulong. Noong Oktubre 31, 1918, ipinasa ito sa mga tagapayo sa Unang Panguluhan, sa Kapulungan ng Labindalawa, at sa Patriyarka, at buong pagkakaisang tinanggap nila ito.
1–10, Pinagninilayan ni Pangulong Joseph F. Smith ang mga isinulat ni Pedro at ang pagdalaw ng ating Panginoon sa daigdig ng mga espiritu; 11–24, Nakita ni Pangulong Smith ang mga matwid na namatay na natipon sa paraiso at ang ministeryo ni Cristo sa kanila; 25–37, Nakita niya kung paano isinaayos ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga espiritu; 38–52, Nakita niya sina Adan, Eva, at marami sa mga banal na propetang nasa daigdig ng mga espiritu na itinuring na pagkagapos ang kanilang pagiging espiritu bago ang kanilang pagkabuhay na mag-uli; 53–60, Ang mga matwid na namatay sa panahong ito ay nagpapatuloy ng kanilang mga gawain sa daigdig ng mga espiritu.
1 Noong ikatlo ng Oktubre, sa taong isanlibo at siyam na raan at labingwalo, ako ay nakaupo sa aking silid, nagninilay tungkol sa mga banal na kasulatan;
2 At sa pagbubulay-bulay tungkol sa dakilang nagbabayad-salang pag-aalay na ginawa ng Anak ng Diyos, para sa pagtubos ng sanlibutan;
3 At sa dakila at kahanga-hangang pag-ibig na ipinakita ng Ama at ng Anak sa pagparito ng Manunubos sa daigdig;
4 Na sa pamamagitan ng kanyang pagbabayad-sala, at sa pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo, ang sangkatauhan ay maliligtas.
5 Habang abala ako sa ganito, nabaling ang aking isipan sa mga sulatin ni apostol Pedro sa mga sinaunang banal na nakakalat sa Pontus, Galacia, Capadocia, at iba pang dako sa Asia, kung saan ang ebanghelyo ay naipangaral pagkatapos ng pagkakapako sa krus ng Panginoon.
6 Aking binuksan ang Biblia at binasa ang ikatlo at ikaapat na kabanata ng unang liham ni Pedro, at habang nagbabasa ako, labis akong namangha, nang higit pa kaysa sa aking naranasan noong una, sa mga sumusunod na talata:
7 “Sapagkat si Cristo man ay minsang nagdusa dahil sa mga kasalanan, ang isang matuwid dahil sa mga hindi matuwid, upang tayo ay madala niya sa Diyos, siya ay pinatay sa laman, ngunit binuhay sa Espiritu;
8 “Sa gayundin, siya ay pumunta at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan;
9 “Na noon ay mga suwail, nang ang Diyos ay matiyagang naghintay noong mga araw ni Noe, habang ginagawa ang daong, na noon ay kakaunti, samakatwid ay walong kaluluwa, ang naligtas sa pamamagitan ng tubig.” (1 Pedro 3:18–20.)
10 “Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ang ebanghelyo ay ipinangaral maging sa mga patay, upang bagaman sila ay nahatulan sa laman na gaya ng mga tao, ay mabubuhay sila sa espiritu tulad ng Diyos.” (1 Pedro 4:6.)
11 Habang aking pinagninilayan ang mga bagay na ito na nasusulat, ang mga mata ng aking pang-unawa ay nabuksan, at napasaakin ang Espiritu ng Panginoon, at aking nakita ang mga hukbo ng mga patay, kapwa mga hamak at dakila.
12 At doon ay natipong sama-sama sa isang lugar ang hindi mabilang na kalipunan ng mga espiritu ng mga matwid, na naging matatapat sa patotoo kay Jesus habang sila ay nabubuhay sa lupa;
13 At mga naghandog ng pag-aalay na kahalintulad ng dakilang pag-aalay ng Anak ng Diyos, at nagdusa ng mga paghihirap sa pangalan ng kanilang Manunubos.
14 Lahat sila ay nilisan ang buhay, matatag na umaasa sa isang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama at ng kanyang Bugtong na Anak, si Jesucristo.
15 Aking namasdan na sila ay napuspos ng tuwa at galak, at magkakasamang nagsasaya sapagkat nalalapit na ang araw ng kanilang kalayaan.
16 Sama-sama nilang hinihintay ang pagdating ng Anak ng Diyos sa daigdig ng mga espiritu, upang ipahayag ang kanilang pagkakatubos mula sa mga gapos ng kamatayan.
17 Ang kanilang natutulog na alabok ay ipanunumbalik sa sakdal na pangangatawan nito, buto sa kanyang buto, at ang mga litid at ang laman sa mga ito, ang espiritu at ang katawan ay pagsasamahin at hindi na kailanman muling maghihiwalay, upang makatanggap sila ng ganap na kagalakan.
18 Habang naghihintay at nag-uusap ang napakaraming tao na ito, nagsasaya sa oras ng kanilang pagkakaligtas mula sa mga tanikala ng kamatayan, ang Anak ng Diyos ay nagpakita, nagpapahayag ng kalayaan sa mga bihag na naging matatapat;
19 At doon niya ipinangaral sa kanila ang walang katapusang ebanghelyo, ang doktrina ng pagkabuhay na mag-uli at ang pagtubos sa sangkatauhan mula sa pagkahulog, at mula sa mga sariling kasalanan alinsunod sa mga hinihingi ng pagsisisi.
20 Ngunit sa mga yaong masasama ay hindi siya nagtungo, at sa mga makasalanan at hindi nagsisisi na dinungisan ang kanilang sarili habang nasa laman, hindi ipinaabot ang kanyang tinig;
21 Ni hindi namasdan ng mga mapanghimagsik na tinanggihan ang mga patotoo at mga babala ng mga sinaunang propeta ang kanyang kaluwalhatian, o nakita ang kanyang mukha.
22 Sa kinaroroonan nila, ang kadiliman ay naghari, subalit sa mga matwid, may kapayapaan;
23 At ang mga banal ay nagsaya sa kanilang pagkakatubos, at lumuhod at kinilala ang Anak ng Diyos bilang kanilang Manunubos at Tagapagpalaya mula sa kamatayan at sa mga tanikala ng impiyerno.
24 Ang kanilang mga mukha ay nagniningning, at nanahan sa kanila ang liwanag ng luwalhati ng Panginoon, at sila ay umawit ng mga papuri sa kanyang banal na pangalan.
25 Namangha ako, sapagkat aking naunawaan na ang Tagapagligtas ay gumugol ng mga tatlong taon sa kanyang ministeryo sa mga Judio at sa mga yaong mula sa sambahayan ni Israel, nagsumikap na ituro sa kanila ang walang katapusang ebanghelyo at tawagin sila sa pagsisisi;
26 At gayunman, sa kabila ng kanyang mga dakilang gawain, at himala, at pagpapahayag ng katotohanan, sa dakilang kapangyarihan at karapatan, kaunti lamang ang nakinig sa kanyang tinig, at nagsaya sa kanyang harapan, at tumanggap ng kaligtasan mula sa kanyang mga kamay.
27 Subalit ang kanyang ministeryo sa mga yaong patay ay sa maikling panahon lamang na pumapagitan sa pagkakapako sa krus at sa kanyang pagkabuhay na mag-uli;
28 At nanggilalas ako sa mga salita ni Pedro—kung saan sinabi niya na ang Anak ng Diyos ay nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan, na naging mga suwail noon, noong matagal na nagtiyaga ang Diyos sa paghihintay noong mga araw ni Noe—at kung paano nangyaring siya ay nakapangaral sa mga yaong espiritu at naisagawa ang kinakailangang gawain sa kanila sa napakaikling panahon.
29 At habang nanggigilalas ako, ang aking mga mata ay nabuksan, at ang aking pang-unawa ay umigting, at naunawaan ko na ang Panginoon ay hindi nagtungo sa masasama at mga suwail na tumanggi sa katotohanan, upang turuan sila;
30 Datapwat dinggin, mula sa mga matwid, binuo niya ang kanyang hukbo at nagtalaga ng mga sugo, na nadaramitan ng kapangyarihan at karapatan, at inatasan silang humayo at dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa kanila na nasa kadiliman, maging sa lahat ng espiritu ng mga tao; at sa gayon naipangaral ang ebanghelyo sa mga patay.
31 At ang mga napiling sugo ay humayo upang ipahayag ang katanggap-tanggap na araw ng Panginoon at ipabatid ang kalayaan sa mga bihag na nakagapos, maging sa lahat ng magsisisi ng kanilang mga kasalanan at tatanggap ng ebanghelyo.
32 Sa ganito ipinangaral ang ebanghelyo sa mga yaong nangamatay sa kanilang mga kasalanan, na walang nalalaman sa katotohanan, o sa paglabag, na tumanggi sa mga propeta.
33 Sa kanila ay itinuro ang pananampalataya sa Diyos, pagsisisi sa kasalanan, pagbibinyag alang-alang sa iba para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay,
34 At lahat ng iba pang alituntunin ng ebanghelyo na kinakailangan nilang malaman upang maging karapat-dapat ang kanilang sarili at nang mahatulan sila na katulad ng mga tao sa laman, gayunman ay nangabuhay sa espiritu nang naaayon sa Diyos.
35 At sa gayon ipinaalam sa mga patay, kapwa sa mga hamak at dakila, sa mga hindi matwid maging sa matatapat, na ang pagtubos ay naisagawa sa pamamagitan ng pag-aalay ng Anak ng Diyos sa krus.
36 Sa ganito ipinaalam na ang ating Manunubos ay ginugol ang kanyang oras sa pagtigil niya nang pansamantala sa daigdig ng mga espiritu, tinuturuan at inihahanda ang matatapat na espiritu ng mga propeta na nagpatotoo tungkol sa kanya sa laman;
37 Upang kanilang madala ang mensahe ng pagtubos sa lahat ng patay, na hindi niya maaaring puntahan, dahil sa kanilang paghihimagsik at paglabag, na sila sa tulong ng mga tagapaglingkod niya ay marinig din ang kanyang mga salita.
38 Kabilang sa mga dakila at makapangyarihan na nangagtipon sa malawak na kongregasyon na ito ng mga matwid ay si Amang Adan, ang Matanda sa mga Araw at ama ng lahat,
39 At ang ating dakilang Inang Eva, kasama ang marami sa kanyang matatapat na anak na babae na nabuhay sa bawat paglipas ng mga panahon at sinamba ang tunay at buhay na Diyos.
40 Si Abel, ang unang martir, ay naroon, at ang kanyang kapatid na si Set, na isa sa mga makapangyarihan, na kawangis ng kanyang amang si Adan.
41 Si Noe, na siyang nagbabala tungkol sa baha; si Sem, ang dakilang mataas na saserdote; si Abraham, ang ama ng matatapat; sina Isaac, Jacob, at Moises, ang dakilang tagapagbigay ng batas ng Israel;
42 At si Isaias, na nagpahayag sa pamamagitan ng propesiya na ang Manunubos ay hinirang na paghilumin ang mga bagbag na puso, na ipabatid ang kalayaan sa mga bihag, at ang pagbubukas ng bilangguan sa kanila na mga nakapiit, ay naroon din.
43 Dagdag pa, si Ezekiel, na pinakitaan ng pangitain ng malaking lambak ng mga tuyong buto, na daramitan ng laman, upang bumangong muli sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, na mga buhay na kaluluwa;
44 Si Daniel, na nakita at ibinadya ang pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa mga huling araw, na hindi na muling mawawasak ni ibibigay sa ibang tao;
45 Si Elias, na kasama ni Moises sa Bundok ng Pagbabagong-anyo;
46 At si Malakias, ang propetang nagpatotoo tungkol sa pagparito ni Elijah—na siya ring binanggit ni Moroni kay Propetang Joseph Smith, nagpapahayag na siya ay darating bago ang pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon—ay naroon din.
47 Itatanim ng Propetang si Elijah sa puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa kanilang mga ama,
48 Ibinabadya ang dakilang gawaing gagawin sa mga templo ng Panginoon sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon, para sa pagtubos sa mga patay, at sa pagbubuklod ng mga anak sa kanilang mga magulang, upang ang buong mundo ay hindi hagupitin ng isang sumpa at lubusang mawasak sa kanyang pagparito.
49 Lahat sila at marami pa, maging ang mga propetang nanahan sa mga Nephita at nagpatotoo tungkol sa pagparito ng Anak ng Diyos, ang kasama sa malaking pagtitipon at naghihintay ng kanilang kaligtasan,
50 Sapagkat ang mga patay ay itinuturing ang matagal na pagkakahiwalay ng kanilang mga espiritu sa kanilang mga katawan na isang pagkagapos.
51 Sila ang mga tinuruan ng Panginoon, at binigyan sila ng kapangyarihang bumangon, kasunod ng kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay, upang makapasok sa kaharian ng kanyang Ama, na roon ay maputungan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan,
52 At magpatuloy simula roon sa kanilang gawain tulad ng ipinangako ng Panginoon, at maging mga kabahagi sa lahat ng pagpapalang inilaan para sa kanila na nagmamahal sa kanya.
53 Ang Propetang si Joseph Smith, at ang aking amang si Hyrum Smith, sina Brigham Young, John Taylor, Wilford Woodruff, at iba pang mga piling espiritu na inilaang pumarito sa kaganapan ng panahon upang makibahagi sa paglalatag ng mga saligan ng dakilang gawain sa huling araw,
54 Kabilang ang pagtatayo ng mga templo at ang pagsasagawa ng mga ordenansa rito para sa pagtubos sa mga patay, ay naroon din sa daigdig ng mga espiritu.
55 Aking nahiwatigan na kasama rin sila sa mararangal at mga dakila na pinili sa simula na maging mga pinuno sa Simbahan ng Diyos.
56 Maging bago pa man sila isilang, sila, kasama ng marami pang iba, ay tumanggap ng mga unang aral nila sa daigdig ng mga espiritu at inihanda upang pumarito sa takdang panahon ng Panginoon upang gumawa sa kanyang ubasan para sa kaligtasan ng kaluluwa ng mga tao.
57 Aking namalas na ang matatapat na elder ng dispensasyong ito, kapag nilisan nila ang buhay na ito, ay ipinagpapatuloy ang kanilang mga gawain sa pangangaral ng ebanghelyo ng pagsisisi at pagtubos, sa pamamagitan ng pag-aalay ng Bugtong na Anak ng Diyos, sa mga yaong nasa kadiliman at nasa ilalim ng pagkaalipin sa kasalanan sa malawak na daigdig ng mga espiritu ng mga patay.
58 Ang mga patay na nagsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos,
59 At pagkatapos nilang mabayaran ang kaparusahan sa kanilang mga paglabag, at mahugasang malinis, tatanggap sila ng gantimpala alinsunod sa kanilang mga gawa, sapagkat sila ay mga tagapagmana ng kaligtasan.
60 Ganito ipinahayag sa akin ang pangitain ng pagtubos sa mga patay, at ako ay nagpapatotoo, at alam ko na totoo ang talang ito, sa pamamagitan ng pagpapala ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, maging gayon nga. Amen.