Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 137


Bahagi 137

Isang pangitaing ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, sa templo ng Kirtland, Ohio, Enero 21, 1836. Ang pangyayari ay noong panahon ng pangangasiwa ng mga ordenansa bilang paghahanda sa paglalaan ng templo.

1–6, Nakita ng Propeta ang kanyang kapatid na si Alvin sa kahariang selestiyal; 7–9, Inihayag ang doktrina ng kaligtasan para sa mga patay; 10, Ang lahat ng bata ay ligtas sa kahariang selestiyal.

1 Ang kalangitan ay nabuksan sa amin, at aking namalas ang kahariang selestiyal ng Diyos, at ang kaluwalhatian nito, kung nasa katawan man o kung nasa labas ng katawan ay hindi ko masabi.

2 Nakita ko ang pambihirang kagandahan ng pasukan kung saan papasok ang mga tagapagmana ng kahariang iyon, na tulad ng bumibilog na ningas ng apoy;

3 Gayundin ang kumikinang na luklukan ng Diyos, kung saan nakaupo ang Ama at ang Anak.

4 Nakita ko ang magagandang lansangan ng kahariang yaon, na tila nalalatagan ng ginto.

5 Nakita ko sina Amang Adan at Abraham; at ang aking ama at ang aking ina; ang aking kapatid na si Alvin, na matagal nang natutulog.

6 At namangha kung paano niya natamo ang pamana sa kahariang yaon, nalalamang kanyang nilisan ang buhay na ito bago pa itinaas ng Panginoon ang kanyang kamay upang tipunin ang Israel sa ikalawang pagkakataon, at hindi pa nabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan.

7 Sa ganito dumating ang tinig ng Panginoon sa akin, sinasabing: Lahat ng nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na tatanggapin ito kung sila ay pinahintulutang manatili, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos;

8 Gayundin ang lahat ng mamamatay mula ngayon na walang kaalaman dito, na tatanggapin ito nang buo nilang puso, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang yaon;

9 Sapagkat ako, ang Panginoon, ay hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso.

10 At namalas ko rin na ang lahat ng batang namatay bago sila sumapit sa gulang ng pananagutan ay ligtas sa kahariang selestiyal ng langit.